“Sa tingin mo ba ay hindi ka namin mahuhuli?” tanong ni Detective Dallas sa isang lalaki na nahuli nila. May kabataan pa ang lalaki na ‘yon. Walang emosyon siya na nakatingin kay Detective Dallas ngayon.
“Ano naman ang ibig mong sabihin?” tanong sa kaniya ng lalaki. Kasama ni Detective Dallas ngayon ang ibang mga tauhan niya. Samantalang si Detective Damien naman ay nasa isang eskwelahan at kasama rin ang ibang mga kasamahan nila.
“Kanina ko pa nararamdaman na may nakasunod sa akin. Ikaw lang ang napansin ko. Huwag ka nang magmaang-maangan dahil alam ko naman na ikaw talaga ang sumusunod sa akin,” sambit pa ni Detective Dallas. Sa harapan niya ay may isang salamin. Mula roon ay nakikita niya ang isang lalaki na nakatingin sa kanila ngayon at nakangisi. Hindi niya ipinahalata na natingin siya sa salamin.
“Hindi ko alam ang sinasabi mo. Sino ka ba?” tanong naman ng lalaki. “Handa ka na ba na mamatay ngayon? Sino ang nag-utos sa ‘yo na sundan ako?” tanong ni Detective Dallas. Nakita niya ang lalaki sa salamin na may tinawagan.
[“Hindi ko inaasahan na hindi pala ganoon kahusay ang isa sa detective rito sa Rechilor City.”] Sambit ‘yon ng lalaki na may kausap sa kaniyang cell phone habang nakatingin kina Detective Dallas at sa lalaking hawak nito sa kwelyo. Rinig niya mula sa kaniyang pwesto ang sinasabi ng detective sa lalaki na hawak niya.
“Hindi ko talaga alam ang sinasabi mo—“
“Hindi mo alam dahil hindi naman talaga ikaw ang sumusunod sa akin,” sambit muli ni Detective Dallas.
Napakunot ang noo ng lalaki na nanonood sa kanila ngayon. Mabilis na hinugot ni Detective Dallas ang kaniyang baril at itinutok sa lalaki na nanonood sa kanila. Nanlaki ang mga mata nito dahil alam na alam mismo ni Detective Dallas ang kaniyang pwesto. Saka lang niya napansin ang salamin na nasa likuran ng detective.
Akmang tatakbo na ito palayo ng paputukan siya ng baril ni Detective Dallas sa kanang paa niya. Rinig niya ang hiyaw ng lalaki. “Huwag mo nang balakin pa na tumakas. Dahil hindi ka makakatakas dito,” sambit pa ni Detective Dallas sa kaniya.
Galit na lumingon ang lalaki sa kaniya. Sinubukan niya na tumayo at tumakas ngunit hindi niya kinaya. Mabilis na hinawakan ng mga tauhan ni Detective Dallas ang lalaki. Lumapit si Detective Dallas sa kaniya, “Bitiwan ninyo ako!” sigaw nito. Pinipilit niya na pumiglas ngunit nawawalan siya ng lakas. “Sino ang nag-utos sa ‘yo na sundan ako? Akala mo siguro ay hindi ko mapapansin kung sino ang tunay na sumusunod sa akin.”
“Kahit patayin mo na ako ngayon ay wala kang mahihita sa akin na kahit na anong impormasyon,” matapang na sagot ng lalaki sa kaniya. Bahagyang ngumisi si Detective Dallas sa kaniya. “Be careful on what you wish for... I might command your wish,” sambit muli sa kaniya ng detective.
Ngumisi rin ang lalaki sa kaniya. “Then, kill me. Tulad ng sabi ko sa ‘yo kanina ay wala kayong makukuha sa akin na kahit ano. Kaya mas mabuti pa na patayin ninyo na lang ako ngayon.” Muling kinalabit ni Detective Dallas ang gatilyo ng kaniyang baril. Itinutok niya ‘yon sa ulo mismo ng lalaki. Napalunok ng dahil sa kaba ang lalaki. Naiisip na niya ngayon kung papatayin ba talaga siya ng detective na nasa harap niya o hindi.
“Sigurado ka na ba sa gusto mo na mangyari ngayon? Siguraduhin mo lang na hindi ka magsisisi sa gusto mo,” banta sa kaniya ng detective. “Wala akong dapat na sabihin sa inyo.”
“Bibigyan kita ng isa pang pagkakataon. Sino ang nag-utos sa ‘yo na bantayan ako? Sabihin mo na sa akin ngayon bago ko pa pasabugin ang ulo mo. Ito na ang huling tanong ko sa ‘yo.” Deretso na nakatingin si Detective Dallas sa mga mata ng lalaki. Nagdadalawang-isip na siya ngayon kung talaga bang papatayin siya ng detective o hindi. Tumawa ito upang maibsan ang kaniyang kaba na nararamdaman.
“Hindi ako naniniwala na kaya mo akong patayin ngayon.”
“Ibig mo bang sabihin ay mukha akong nagloloko ngayon sa harapan mo? Kung gano’n ay talagang matigas ka at hindi mo talaga gusto na sagutin ang tanong ko upang maisalba mo ang iyong buhay.”
“Hindi ko tatraydorin ang aking amo—“ Hindi na niya nagawang tapusin pa ang kaniyang sinasabi dahil agad na itong pinaputukan ng baril sa kaniyang ulo. "'Yan ang napapala sa mga taong masyadong tapat sa kanilang mga amo na hindi naman kayo magawang iligtas sa mga ganitong sitwasyon," walang emosyon na sabi ni Detective Dallas.
Tinignan niya ang isa sa mga tauhan niya na nakahawak sa walang buhay na lalaki "Tignan ninyo kung sino ang tinawagan niya kanina. Check his phones and belongings. Alamin ninyo rin kung sino ang lalaki na 'yan. Baka magkaroon tayo ng lead kapag nalaman ang mga identity ng lalaki na 'yan," utos pa niya.
Mabilis na nilang sinunod ang utos ni Detective Dallas. Samantalang sa kabilang eskwelahan naman kung nasaan si Detective Damien ay nagkaroon din ng gulo. Mayroon din siyang napansin na may sumusunod sa kaniya habang naghahanap siya ng mga maaaring witness bago naganap ang krimen doon. May napansin siya na isang estudyante na kanina pa sumusunod sa kaniya.
Habang naglalakad siya sa dulo ng hallway ng eskwelahan ay agad siyang tumigil at hinarap ang lalaki na sumusunod sa kaniya. "Why are you following me?" tanong nito sa kaniya. Hindi naman inaasahan ng lalaki na mapapansin siya ng detective na sinusundan niya.
"Gusto ko sana malaman kung ikaw ba ang isa sa bagong detectives na dumating dito sa Rechilor City?" tanong ng estudyante sa kaniya. "Ako nga, bakit? May gusto ka bang sabihin sa akin?"
"Mayroon nga akong gustong sabihin sa 'yo. Mukhang nag-iimbestiga ka kaya sa 'yo ko na sasabihin ang mga nalalaman ko tungkol sa naganap na krimen dito noong nakaraan."
Sinuri ni Detective Damien ang estudyante. Mula ulo hanggang paa ay sinuri niya ito. Ngunit napansin niya na walang suot na ID ang lalaki na 'yon. Wala ring logo ng eskwelahan ang suot niyang puti na polo. Mukha nga siyang estudyante ngunit napapaisip si Detective Damien na baka hindi talaga isang estudyante ang lalaki na 'yon. May kaliitan ang lalaki ngunit ang itsura niya ay mukhang matured na.
"Ano naman ang nalalaman mo?"
Lumingon-lingon ang estudyanteng lalaki sa paligid nila saka ito muling tumingin kay Detective Damien. "Hindi ako komportable na sabihin dito ang mga nalalaman at nakita ko noong araw na 'yon. Pakiramdam ko ay may nakabantay sa lugar na ito at natatakot ako."
"Mag-usap tayo sa bandang doon." Itinuro ni Detective Damien ang lugar kung saan sila mag-uusap ngunit umiling ang lalaking estudyante sa kaniya. "Dahil isa akong estudyante rito ay alam ko na ang mga pasikot-sikot sa lugar na ito. May alam akong mas ligtas na lugar para mag-usap tayo."
Tumango na lang ang detective sa kaniya saka sinundan ang estudyante sa paglalakad papunta sa lugar na tinutukoy niya. Lumiko sila sa isang eskinita ng eskwelahan at napansin ni Detective Damien na may kadiliman na ang lugar na 'yon. Bago pa sila makarating sa dulo ay agad nang may naramdaman si Detective Damien na kakaiba sa lugar na 'yon. May mga naramdaman siyang presensya sa lugar na 'yon at sigurado siya na hindi lang silang dalawa ang nasa lugar na 'yon. Inihanda na niya ang kaniyang baril sa likuran niya.
Pagharap ng lalaki sa kaniya ay nakatutok na roon ang baril na hawak ni Detective Damien. "Sa tingin mo ba ay maiisahan mo ako? I am the famous Detective Damien at hindi mo agad ako maiisahan," sambit niya.
"Boys!" Mabilis na lumabas mula sa madilim na parte ang mga tauhan ng lalaki na nagpapanggap bilang isang estudyante kanina. Apat na mga kalalakihan 'yon. Ngumisi naman si Detective Damien saka rin lumabas sa kaniyang likuran ang mga tauhan niya na kanina pa nakasunod sa kanila. Hindi 'yon inaasahan ng lalaki.
"Paanong..."
"Ano pa ba ang inaasahan mo sa amin? Hindi niyo kami maiisahan."
Mabilis na tumumba ang mga kalaban nina Detective Damien at natira na lang ang lalaki na nagpanggap kanina na isang estudyante. "Sino ang nag-utos sa 'yo na sundan ako at dalhin ako rito? Sinabihan ka ba ng amo mo na patayin na ang dalawang detectives na narito sa Rechilor City?" tanong niya. Lumalapit siya sa lalaki na ngayon ay hindi na malaman ang kaniyang gagawin.
"Walang nag-utos sa akin!"
"Tell me or else--"
Naputol ang sinasabi ni Detective Damien nang gilitan ng lalaki ang kaniyang sariling leeg. Agad na sumirit ang dugo nito mula roon. Hindi 'yon inaasahan ni Detective Damien kaya naman ay bahagya siyang nagulat.
'Yon ang iniutos sa kanila. Kung sakali man na mahuli sila ng dalawang detectives ay kailangan na nilang patayin ang sarili nila. Dahil kung magsasalita sila tungkol sa kung sino ang nag-utos sa kanila ay mapapahamak ang mga pamilya ng lalaki na 'yon. Wala silang kawala dahil hindi nila nais na madamay ang kani-kanilang mga pamilya sa buhay. Sila ang mga inutusan nina Felony at Crony na sundan ang mga detectives. Tulad ng ginawa ni Detective Dallas ay ipinaalam din ni Detective Damien ang mga katauhan ng mga lalaki na 'yon. Napapa-iling na lang si Detective Damien habang nag-iisip.
"Miski buhay ng mga taong 'to ay kontrolado ng mga kriminal. Kaya naman ay nagagawa na nilang tapusin agad ang kanilang sariling buhay."