Mabilis na tinawagan ni Detective Damien si Detective Dallas upang ibalita ang naganap sa eskwelahan na kinaroroonan niya. Mabilis naman ito na sinagot ni Detective Dallas. "May nakasunod sa akin dito kanina at nagpanggap na isang estudyante ng eskwelahan na ito. But unfortunately, he killed himself after I caught him. Nakahanda ang mga tauhan natin kanina kaya naman ay agad din nilang napatumba ang mga kasamahan ng lalaki na kumausap sa akin. Sa ngayon ay pinapatignan ko na ang kaniyang personal information," balita agad ni Detective Damien.
["We had the same situation. Ang pinagkaiba lang ay pinatay mo ang sumusunod sa 'yo at sa akin naman ay ako mismo ang pumatay. Ilang beses kong sinubukan na tanungin siya kung sino ang nag-utos sa kaniya na sundan ako ngunit ayaw niyang ilaglag ang amo nila. Sinabihan pa niya ako na patayin ko na lang siya. Kaya naman ay ibinigay ko na lang ang gusto niya."]
Bahagyang napailing si Detective Damien sa narinig mula sa kaniyang kasamahan. "Napaka-brutal mo talaga. Hindi rin gusto ng lalaki kanina na nakaharap ko na ilaglag ang amo nila. Kaya naman ay napagdesisyunan na lang niya na kitilin ang sarili niyang buhay."
["Pakiramdam ko ay may sinabi sa kanila ang amo nila kaya noong nahuli natin sila ay mas ginugusto na lang nila na mamatay."]
"Hindi na rin 'yan imposible. Lalo na at paniguradong may mga pamilya ang mga ito. Malalaman naman natin ang kanilang mga impormasyon kapag nalaman na ng mga tauhan natin. May nahanap ka na bang mga ebidensiya sa eskwelahan na kinaroroonan mo ngayon?"
["Sa ngayon ay wala pa dahil napansin ko na agad na may sumusunod sa akin. Ikaw ba ay may nahanap na?"]
"Pareho lang pala tayo. Balitaan mo na lang ulit ako kapag may nahagilap ka na riyan. Magsisimula na muli akong mag-imbestiga rito."
Binaba na niya ang tawag at inutusan niya ang mga kasamahan niya na magbantay at palibutan ang buong labas ng eskwelahan. Habang siya naman ay mag-iimbestiga sa loob. Mabuti na lamang at may mga silencer ang mga baril nila, kaya hindi narinig ng ibang mga tao sa eskwelahan na 'yon ang naganap na gulo kanina.
Nagpunta si Detective Damien sa gymnasium, kung saan doon naganap ang ikatlong krimen. Hindi malaman kung saan nanggaling ang mga espada na ginamit ng mga lalaking estudyante na namatay. Ang alam lang nila ay hindi sa Rechilor City nakuha ang mga 'yon. Inaasahan na rin naman ng mga detectives na may nag-utos sa mga estudyante na 'yon at naging dahilan kung bakit sila nagpatayang lahat. Ngunit may napansin siya sa isang gilid na isang lalaki at nanginginig. Nakayuko ito at nakaupo lamang sa sahig. Dahan-dahan naman na lumapit sa kaniya si Detective Damien.
Hinawakan niya sa balikat ang lalaki kaya naman ay agad itong nagitla. Mas lalong nanginig ang kaniyang katawan. "Huwag! Huwag po!" sigaw nito. Mabilis siya na lumayo kay Detective Damien at halos maiyak pa siya.
"Hey, don't be afraid. I am a detective. I won't hurt you," sambit niya sa estudyante. Tiningnan naman siya ng estudyante saka ito huminga ng malalim. "P-Pasensya na po kayo..." sagot nito.
"It's fine. Are you okay? Do you need any help or something? Mukhang nahihirapan ka sa sitwasyon mo kanina. May problema ka ba?" tanong naman ni Detective Damien sa kaniya. "Isa ka pong detective?" tanong pabalik ng lalaki. Sinuri niya ang kabuuan ni Detective Damien saka inilabas ng detective ang kaniyang ID mula sa kaniyang bulsa.
"I am Detective Damien and I am here to investigate about what crime happened in this area. Why are you here? Hindi ba at may nakalagay sa labas na hindi muna maaaring pumasok ang kahit na sino rito?" sagot naman ng detective.
"Ibig sabihin ay kayo po pala ang nababalita rito na mga magagaling na imbestigador..."
Napapa-isip na ngayon ang estudyante kung sasabihin ba niya sa imbestigador na kaharap niya ang mga nalalaman niya o hindi. Nakakaramdam siya ng takot ngunit hindi siya pinapatahimik ng konsensya niya. Hindi niya kayang manahimik na lamang kahit na may alam siya sa nangyaring krimen noong araw na 'yon.
Napansin naman ni Detective Damien na mukhang may gustong sabihin sa kaniya ang estudyante na kaharap niya ngunit nagdadalawang-isip ito. Umupo siya at hinarap ang estudyante na hanggang ngayon ay naka-upo sa sahig. "May gusto ka bang sabihin sa akin na hindi mo kayang sabihin sa iba? Kung ano man iyon ay maaari mong sabihin sa akin. Mapagkaka-tiwalaan mo ako."
Huminga ng malalim ang estudyante, "Tungkol sa krimen na naganap dito mismo sa gymnasium na ito... Hindi ko alam kung kanino ako hihingi ng tulong o kung kanino ko sasabihin ang mga nalalaman ko. Walang pakinabang ang mga pulis na nasa City of Surprises. Samantalang natatakot din ako dahil baka may pumatay sa akin sa oras na magsalita ako tungkol sa mga nalalaman ko," sagot nito.
Mas sumeryoso ang mukha ni Detective Damien nang marinig niya ang sinabi ng estudyante. Naisip niya na may alam nga ang bata na 'yon tungkol sa krimen na naganap doon. Nakahanap na rin siya ng isang saksi sa naganap na krimen.
"Ano ang nalalaman mo? Ikaw pala ang hinihintay ko na isang saksi tungkol sa naganap na krimen."
Inilabas ng estudyante ang isang memory card saka niya ‘yon iniabot kay Detective Damien. Kinuha naman ‘yon ng detective saka nakatingin pa rin sa estudyante. “Ano naman ang mayroon dito?”
“Nariyan nakalagay ang mga video clips sa naganap na krimen. Sasabihin ko na sa ‘yo ngayon ang mga nalalaman ko. Kasama sana ako sa mga naging biktima kung hindi lamang ako umalis at nagpaalam ng oras na ‘yon na magbabanyo ako. Noong una ay ayaw pa akong payagan ng bago naming PE teacher na magbanyo, ngunit sinabi ko na hindi ko na talaga kaya ang sakit ng t’yan na nararamdaman ko. Totoo na nagtungo ako sa banyo ngunit nang makabalik ako rito sa gymnasium ay patay na ang mga ka-eskwela ko. Nariyan sa memory card ang buong kaganapan. Mahilig kasi ako mag-video o ‘di kaya ay mag-vlog. Iniwan kong nakabukas ang cell phone ko sa likod at naka-play na ang video. PE class sana namin ngunit ibang guro na ang humarap sa amin nang mga oras na ‘yon. Hindi ko na nasaksihan mismo ng mga mata ko ang tunay na nangyari dahil nga nagtungo ako sa banyo. Ngunit nang mapanood ko ang nariyan sa memory card ay saka ko lang nalaman ang lahat. Nakuha ko na ang phone ko nang tapos nang ma-imbestigahan ang lugar na ito. Nakatago kasi ang cell phone ko kaya hindi agad makikita. Mahigpit kasi na ipinagbabawal dito sa amin na hindi kami maaaring gumamit ng cell phone sa tuwing may klase. Nagpapasalamat din ako at hindi ‘yon nakita ng mga pulis at ng kriminal,” mahabang kwento ng estudyanteng lalaki kay Detective Damien.
“Huwag kang mag-alala at gagawin ko ang lahat upang mahuli ang lalaki na ‘yon. Marami na ang maitutulong mo sa akin gamit ang memory card na ito. Huwag kang matakot dahil poprotektahan kita at ng mga tauhan ko. Pati na rin ang pamilys mo.”
“Maraming salamat po. Hindi ko na talaga kaya na kimkimin pa sa sarili ko ang mga nalalaman ko. Ilang linggo na akong binabangungot ng mga ka-eskwela ko. Kaya naman ay madalas din ako na magkulong dito. Kinakausap ko sila na tigilan na ako. Mabuti na lang at nakita ninyo ako.”
Mabilis na inasikaso ng mga tauhan ni Detective Damien ang estudyante na lalaki na nagngangalang si Daniel.
Isinalpak ni Detective Damien ang memory card sa kaniyang cell phone at doon niya napanood ang nangyari na krimen. Minukhaan niya ang lalaki na nasa harapan nila at nagsasalita. Itinuturo sa kanila kung ano ba ang kailangan nilang gawin. Mas nangalaiti sa galit si Detective Damien nang makita na tumatawa ang lalaki na nagpanggap na isang guro habang nakikita na nagpapatayan na ang mga estudyante. Rinig na rinig ng detective ang mala-demonyong tawa ni Crony sa video na nakuha.
Mabilis naman na tinawagan ni Detective Damien si Detective Dallas upang sabihin ang nakuha niya. “May matibay na tayo ngayon na ebidensiya. Ngunit malakas ang kutob ko na fake rin ang mukha na narito sa video. Mukhang marami silang gamit na mga fake face mask kaya matapang sila na humaharap sa ibang tao na magiging biktima nila.”
[“Mabuti naman at may nakuha ka na. May mga nakausap na rin ako rito. May ilang mga guro at estudyante ang nakakita na ang lahat ng mga babae na nalaglag sa gusali ay kinausap ng isang lalaki na janitor daw sa eskwelahan na ‘yon. Ngunit nang araw na ‘yon ay lumiban ang janitor ng eskwelahan dahil may sakit. Malamang ay nagpanggap na isang janitor ang lalaki na ‘yon upang magkaroon sila ng biktima.”]
“Masahol pa sila kaysa sa mga hayop. Sisiguraduhin ko na mahuhuli natin sila at tayo mismo ang tatapos ng kanilang buhay.”