RALLYING

1600 Words
Maririnig ang mga iyakan ng mga magulang sa buong siyudad. Halos hindi na malaman ng dalawang imbestigador kung anong lugar o sino ang kanilang uunahin. Nagkalat na rin ang mga tauhan nila at ang mga tauhan ng gobernador sa buong lugar. “Hindi umatake rito mismo ang mga kalaban natin. Siguro ay matagal nang nakalagay ang mga hidden cameras na ‘yon sa bawat bahay dito sa Rechilor City. Ngayon lang nila ginamit,” sambit ni Detective Damien kay Hugo. Pinuntahan sila ni Hugo dahil inutusan siya ng gobernador na alamin kung ano na naman ang krimen na naganap sa siyudad. Napahilot sa sentido si Detective Dallas, “Nagla-lie low sila ngayon dahil hindi sila makapasok sa Rechilor City. Pero hindi ko naman akalain na may mga natira pa silang alas dito kaya nagagawa pa rin nilang makagawa ng isang krimen kahit na nasa malayo sila. Gumawa sila ng mga dahilan para may mamatay na inosenteng tao sa lugar na ito,” sabat pa niya. “Pakiramdam ko ay matagal na nilang planado ang lahat ng mga krimen na gagawin nila rito sa Rechilor City. Lalo na at kahit wala sila rito sa loob ng siyudad ay nakakagawa pa rin sila ng mga krimen. They are insane,” sambit pa ni Hugo sa kanila. Sobra na rin siyang namomroblema dahil sa mga kaganapan sa kanilang siyudad. Lumapit naman ang mga tauhan ng gobernador kay Hugo. “May kaguluhan na nagaganap ngayon sa Alchemilla. Kailangan nating pumunta ngayon doon. Baka may mangyaring hindi maganda kay Gobernador Rechilles,” sambit ng isang tauhan. Hindi na sila nagdalawang-isip pa at mabilis nang nagpunta sa Alchemilla. Nautusan na rin nila ang kanilang mga kasamahan na kausapin ang pamilya ng mga biktima at siguraduhin na ligtas ang lahat. Nang makarating sila sa Alchemilla ay hindi nila inaasahan na naroon ang halos lahat ng mga magulang ng mga biktimang kababaihan na nagpakamatay kanina. Nang dumating ang dalawang imbestigador ay sa kanila natuon ang atensyon ng mga magulang. Mabilis na tumakbo palapit sa kanila ang mga ito kahit na ‘di pa sila nakakababa ng kani-kanilang mga sasakyan. Pinagpapalo ng ibang mga lalaki ang kotse ng dalawang imbestigador. “Kayo ba ang mga walang kwentang imbestigador na kinuha ni Gobernador Rechilles?!” “Simula nang dumating kayo rito ay wala pa rin kayong nagawang tama!” “Ilang buhay pa ba ang kailangan na mawala bago kayo kumilos ng ayos?! Bago ninyo aksyunan ang nangyayari sa siyudad na ito?!” “Maraming buhay na ang nawala! Halos lahat ay mga kabataan ang namatay! Gusto niyo ba na maubos ang lahat ng mamamayan sa siyudad na ito bago pa mahuli ang mga salarin?!” Maraming mga salita ang isinisigaw ng mga mamamayan sa dalawang imbestigador. Ang iba naman ay nakatuon sa loob ng city hall at pilit na pinapalabas ang gobernador nila. Ngunit hinaharang lang sila ng mga guwardiya at hindi hinahayaan na makapasok sa lugar. Dineretso rin ng dalawang imbestigador ang kanilang mga sasakyan sa loob. Siniguro nila na hindi masasaktan ang mga pilit na humaharang sa daanan nila. Hindi nila gusto na makasakit ng mga normal na tao. Bumaba ang mga ito at hinarap ang mga mamamayan. Pero hindi pa rin hinayaan ng mga guwardiya na makalapit ang mga mamamayan sa kanila. “Kung akala ninyo ay wala kaming ginagawa para mailigtas kayo, nagkakamali kayo. Hindi niyo pa ba nabalitaan ang nangyari noong nakaraan? Sampu sa mga tauhan namin ang nawalan ng buhay para lamang mahuli ang mga kriminal na naglalayag sa siyudad na ito. Ibinubuwis namin ang aming mga buhay para lamang mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima. Ibinubuwis namin ang aming mga buhay nang sa gano’n ay maging tahimik na muli ang siyudad na ito at maibalik na sa ayos ang lahat. Ngunit ganiyan pa ang sinasabi niyo sa amin na para bang wala kaming nagagawang aksyon sa siyudad na ito!” galit na sigaw ni Detective Dallas sa kanila. Mas lalong umingay ang mga mamamayan nang marinig nila ang sinabi ni Detective Dallas. Hindi nila nagustuhan ang mga sinabi ng imbestigador, kahit na wala namang mali sa mga ‘yon. “Kung sana ay ginagawa ninyo ang lahat para mahuli ang mga kriminal na ‘yon, hindi na sana mas dadami pa ang mga nagiging biktima nila!” “Anong klaseng mga tauhan kayo? Pera lang ba ang habol ninyo rito? Binabayaran kayo ng aming gobernador kahit na wala pa rin naman kayong nagagawa para mahuli ang mga salarin!” “Balak niyo lang yata na ubusin ang pera ng gobyerno namin kaya narito pa rin kayo hanggang ngayon. Unti-unti nang nauubos ang mga mamamayan ng Rechilor City. Wala pa rin ba kayong balak na palayasin kami rito?! Kailangan na naming umalis sa lugar na ito. Hindi ganito ang siyudad na inaasahan namin.” “Ang akala namin ay ito na ang pinakaligtas na lugar at hanggang sa mamatay kami ay walang mangyayaring masama sa amin dito. Ngunit bakit ganito ang nangyari ngayon?! Bakit kailangang maraming mga kabataan ang mamatay?! Ang mga inosente naming mga anak ay nawalan ng buhay at pinagkaitan na makamit ang kanilang mga pangarap!” Mas lalong nakakaramdam ng galit ang dalawang imbestigador dahil sa mga naririnig nila na sinasabi ng mga magulang na namatayan ng anak. Ang kanilang mga iyak ay isang saksak para sa dalawang imbestigador. Tama rin na sisihin nila kami dahil namatay ang kanilang mga mahal sa buhay. Totoo naman ang sinasabi nila na wala pa rin kaming nagawang aksyon para mahuli ang mga kriminal. Kahit ano ang gawin namin ay nauunahan kami ng mga kriminal at naiisahan. Kaya tama lang na sisihin kami ng mga mamamayan na ito. Sa isip-isip ni Detective Damien ay tinatanggap niya ang mga sinasabi ng mga mamamayan sa kanila. Ngayon lang sila nasisi ng ganoon. Alam din nila sa kanilang mga sarili na nagkukulang sila ng aksyon para mahuli ang mga kalaban. Wala rin silang sapat na plano para maisahan ang mga kriminal. Hindi nila halos alam kung ano ang dapat nilang gawin dahil sa husay ng mga tinutugis nila. Nakikinig lamang ang gobernador sa loob ng kaniyang opisina. Walang reaksyon na makikita sa kaniyang itsura habang nakikinig sa mga sigaw ng kaniyang nasasakupan. Wala rin siyang maisip na kahit ano. Tila ba naging blangko ang lahat sa kaniya. “Ano na ang gagawin niyo ngayon?! Sobrang lala na ng mga krimen na nagaganap dito! Natatakot na kaming lahat! Kailangan na naming umalis sa siyudad na ito sa lalong madaling panahon!” “Tama! Ilabas ninyo si Gobernador Rechilles! Siya ang dapat na humarap sa amin ngayon! Hayaan niyo na kaming makalabas sa siyudad na ito!” “Hindi ito ang siyudad na ipinangako sa amin ng Gobernador. Kailangan niyang magbayad sa amin. Malaking halaga ang nakuha niya sa amin para manirahan kami rito. Ngunit hindi kami papayag na hindi namin ‘yon makuha pabalik. Hindi na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga mahal namin sa buhay. Kaya mas mabuti pa na ibalik na sa amin ng gobernador ang pag-aari namin!” “Ilabas ang Gobernador!” “Ilabas ang Gobernador!” Tila ba nagra-rally na ang mga tao sa mga oras na ‘yon sa labas ng Rechilor City. Pinipilit nila na mapalabas ang kanilang gobernador. Mabilis naman na pumasok sa loob si Hugo at pinuntahan sa opisina si Gobernador Rechilles. “Ano na ang gagawin natin ngayon? Ang lahat ng mga mamamayan ng Rechilor City ay gusto ka na po na makausap at humarap sa kanila,” sambit ni Hugo. Nakaupo lang si Gobernador Rechilles at nakatitig sa bintana. Prente lang siya na nakaupo at tila ba hindi narinig ang mga sinabi ni Hugo. “Gobernador Rechilles, kailangan mo po na magsabi sa akin ng kahit na anong dapat naming gawin para mapaalis ang mga mamamayan sa Rechilles. Baka hindi kayanin ng ating mga guwardiya at makapasok na sila rito sa loob,” dagdag pa ni Hugo. “Ano pa ang silbi ng mga tauhan natin kung hindi nila magagawa ang kanilang mga trabaho? Sabihan mo sila na huwag na huwag hahayaang makapasok ang ni sino man sa loob ng city hall. Naiintindihan mo ba ako, Hugo?” ma-awtoridad na utos ng gobernador. “Wala ka bang balak na kausapin sila sa labas o kahit magpakita man lang sa kanila? Baka sakali ay kumalma sila sa oras na makita ka na nilang lumabas.” “Hindi ito ang tamang oras para lumabas ako rito. Hindi ko na alam kung ano ang pwedeng maisip ng mga mamamayan na nasasakupan ko. Maaaring mapatay na nila ako sa oras na lumabas ako rito. Sabihan mo na lang sila na hindi pa rin sila maaaring lumabas sa siyudad na ito. Ipaliwanag mo sa kanila na mas magiging delikado ang kani-kanilang mga buhay sa oras na lumabas sila ng Rechilor City.” Napabuntong-hininga si Hugo nang marinig ang utos sa kaniya ng Gobernador. “Masusunod po, Gobernador Rechilles,” sambit niya. Bahagya pa siyang tumungo at nagbigay ng respeto sa gobernador bago tuluyang lumabas sa opisina nito. “Pinapabigay ng gobernador ang mensahe na ito. Hindi kayo maaaring lumabas ng Rechilor City dahil mas manganganib lamang ang inyong mga buhay sa oras na umalis kayo rito. ‘Yan ang pinapasabi sa akin ng gobernador. Sana ay hindi na kayo manggulo pa muli rito. Ginagawa namin ang lahat para mahuli ang mga kriminal at maging payapa na ang lahat dito, kaya huwag na kayong mag-alala pa,” anunsyo ni Hugo sa lahat. Napailing na lang si Detective Dallas, “Lahat na ng nangyayari rito ay hindi na tama.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD