TV NEWS

1500 Words
Hindi natapos ang pagra-rally ng mga mamamayan ng Rechilor City. Sa araw-araw na lumilipas ay binubulabog nila ang buong Alchemilla. Patuloy naman ang pagbabantay ng mga guwardiya ng gobernador doon. Walang balak si Gobernador Rechilles na magpakita sa kaniyang mga nasasakupan. Ang lahat ay sinisisi na siya dahil sa mga nangyari. "Ikaw ang wala nang nagagawang tama sa siyudad na ito, Gobernador! Dapat mo na kaming palayasin dito at ibigay ang ibinayad namin sa bahay!" "Delikado na ang buhay namin dito! Ang lahat ay hindi na ligtas at nababahala na kami sa aming mga buhay! Bakit hindi mo pa kami hinahayaan na umalis sa lugar na ito?!" "Ilabas ninyo si Gobernador Rechilles! Kailangan niyang humarap sa amin!" "Kailan pa ba niya balak na humarap sa amin?! Kapag patay na kaming lahat na naninirahan dito?!" "Magpakita ka na sa amin, Gobernador Rechilles! Huwag kang maging duwag at harapin mo ang mga mamamayan mo! Pati na rin ang mga kaganapan sa siyudad na ito!" Sunod-sunod ang mga sigawan ng mga mamamayan ng Rechilor City. Ang lahat ay nakakaramdam ng takot. Gusto na nilang sugurin ang kanilang gobernador, ngunit naiisip pa rin nila na hindi dapat gumamit ng dahas. Kahit papaano ay natutunan nilang kontrolin ang kanilang mga sarili, lalo na at nabuhay sila sa siyudad na iyon na hindi maaaring gumawa ng kahit na anong klase ng gulo. "Hindi ka pa rin po ba lalabas at haharap sa ating mga mamamayan? Ilang araw na silang nag-iingay sa labas ng Alchemilla. Nabalitaan ko rin kanina na may umaaligid na reporters na rin sa labas ng ating siyudad, Gobernador," balita ni Hugo sa kaniya. Mabilis na lumingon ang gobernador sa kaniya. "Ano ang ibig mong sabihin? Bakit may mga umaaligid na reporters sa labas ng aking siyudad?" tanong ng gobernador. "Mukhang may nagbalita sa labas ng siyudad ng tungkol sa mga nangyayari rito," sagot naman ni Hugo sa kaniya. "Paano ‘yon nangyari? Hinayaan ninyo na may makalabas na balita tungkol sa ating siyudad?! Kilala ang siyudad natin sa pinakatahimik na lugar at walang gulo o krimen na nagaganap dito. Hindi maaari na masira ang reputasyon ng siyudad na ito na ilang taon kong binuo!” galit na sigaw ng gobernador. Bago pa makasagot si Hugo sa kaniya ay pumasok na ang dalawang imbestigador sa loob ng opisina ng gobernador. “Nasa balita na ngayon ang Rechilor City. Kalat na kalat na ang mga kaganapan na nagawa rito. Pati ang hindi mo paglabas at pagharap sa mga mamamayan na nasasakupan mo ay kalat na,” sambit agad ni Detective Damien. Binuksan agad nila ang telebisyon sa loob ng opisina ng gobernador. Bumungad sa kanila ang litrato ng gobernador. Pati na rin ang live video na nangyayari sa Alchemilla ng mga oras na ‘yon. “Breaking news, this is a live video from one of the citizens of Rechilor City happening at the moment there. Apparently, their governor doesn’t want to come outside and see them. Mayroong multiple crimes na nagaganap sa loob ng Rechilor City. Kilala ang lugar na ‘yon sa pinakatahimik na lugar. Walang gulo na nagaganap doon at hindi basta-basta na makakapasok. Kaya naman ay biglang nakakagulat ang balita na marami nang namatay na mamamayan doon. Humihingi ng tulong ang mga naninirahan doon na sana ay makalipat na sila sa ibang lugar at kausapin na sila ng kanilang gobernador.” “What are we going to do now, Governor Rechilles? Kalat na kalat na sa buong bansa natin ang balita na ‘to. Lalo na at pati ang pangalan at mukha mo ay kumakalat din sa balita,” sambit ni Hugo. “Naka-live tayo ngayon. Nakikita nila kung paano magkagulo sa Alchemilla ngayon,” sambit pa ni Detective Dallas. “Hanapin niyo na agad kung sino ang nagvi-video ngayon. Tiyak na nakakonekta ang kaniyang cell phone sa balita ngayon. Hanapin niyo na agad!” utos agad ng gobernador. Kumilos agad si Hugo at sinunod ang utos sa kaniya. “Ano na ba ang balak ninyong gawin ngayon?! Hindi na mabuti ang mga nangyayari rito!” sigaw muli ng gobernador sa dalawang imbestigador. “Bakit hindi mo na lang hayaan na umalis ang mga mamamayan mo rito? Mas mahalaga pa sa ‘yo ang siyudad mo na ito kaysa sa mga mamamayan na naninirahan dito. Talagang hindi na mabuti ang mga nangyayari rito. Ikaw mismo ay hindi mo kayang magpakita sa mga nasasakupan mo. Ang lakas naman ng loob mo na sabihan kami ng ganiyan,” sagot sa kaniya ni Detective Damien. “Kayo nga ay ni hindi niyo man lang nahuli ang mga kriminal! Mga wala kayong kwenta!” galit na sigaw ng gobernador. “Sabihin mo ‘yan sa sarili mo. Wala ka ring nagawang tama rito habang nangyayari ang mga krimen sa siyudad na ito. Kung talagang may malasakit ka sa mga mamamayan na nasasakupan mo, hahayaan mo na silang umalis sa lugar na ito. Hindi sila makaalis dahil wala silang mga pera. Kailangan mong ibalik ang mga pera na naibayad nila sa kanilang mga bahay dito,” sambit naman ni Detective Dallas. Umiwas ng tingin si Gobernador Rechilles sa kanila. “Wala kayong pakialam kung anong gagawin kong plano para sa mga nasasakupan ko. Ako na ang bahala kung paano ang pamamalakad ko sa kanila.” “Pero mali na ang paraan mo ng pamamalakad sa kanila. Ikinukulong mo sila sa siyudad mo na ito. Tinatanggalan mo sila ng karapatan na makaalis sa lugar na ito kahit gusto na nila na makalabas. Pakiramdam nila ay hindi na ligtas sa lugar na ito. Maraming buhay na ang nawala rito. Hindi ba ay ito na ang tamang panahon para hayaan sila na umalis na rito?” Tumayo na ang gobernador dahil sa galit na nararamdaman niya. Naiinis siya dahil pinaparangalan siya ng mga imbestigador. Sinamaan niya ng tingin ang mga ito. “Hindi ko dapat ibalik sa kanila ang mga pera nila. Malaki ang nagastos ko sa mga bahay na narito ko ngayon. Malaki ang naipundar ko sa lugar na ito kaya hindi maaari na bayaran ko pa sila. Ilang taon na silang namuhay dito. Nakinabang sila sa bahay na binayaran nila sa akin. Tapos ngayon ay hihingi sila ng refund sa akin?” Napahilot sa sentido si Detective Damien nang marinig ang dahilan ng gobernador. Hindi niya akalain na ganoon ang isip ng gobernador. “Kahit man lang ibigay mo ang kalahati ng ibinayad nila sa ‘yo. Nakinabang ka rin naman dahil sa mga taxes na nakukuha mo sa bawat pamilya sa isang buwan. Isa pa, ‘yon na rin ang kabayaran mo dahil sa mga nawalang buhay na kamag-anak nila.” “Bakit ako pa ang magbabayad sa kanila dahil sa mga kamag-anak nila na namatay dito sa siyudad ko? Wala rin naman akong kasalanan kung bakit namatay ang mga ‘yon. Hindi ko ginusto na magkaroon ng krimen dito. Hindi ko rin inasahan na may ganitong mangyayari. Marami na ang mga krimen na nangyari rito at hanggang ngayon ay wala kayong nagagawang aksyon upang mahuli ang mga ‘yon. Kung tutuusin ay kayo na ang responsable sa mga kriminal na ‘yon, pero hindi niyo ginagawa ng maayos ang inyong mga trabaho. Kayo dapat ang humarap sa mga mamamayan ng siyudad na ito at hindi ako,” dahilan pa ng gobernador. “Hindi ko akalain na ganito ka kung mag-isip. Masiyadong mataas ang tingin ko sa ‘yo noong una. Ngunit dahil sa nangyayari at sa mga sinasabi mo sa amin ngayon ay bumababa na ang tingin ko sa ‘yo. Duwag ka rin at walang paninindigan. Hindi mo kayang ipaglaban ang mga nasasakupan mo sa mga ganitong krisis.” “Wala akong pakialam sa mga sasabihin ninyo sa akin. Alam ko kung paano ang tamang pamamalakad. Mas mapapahamak sila kapag lumabas sila rito.” “Hindi ikaw ang magdedesisyon kung ano ang mangyayari sa kanila. Kung mapapahamak ba sila sa oras na lumabas sila rito o hindi. Maglabas ka na ng official statement tungkol sa plano mo sa mga mamamayan na nasasakupan mo. Kung gusto mo rin na hindi pasukin ng publiko ang siyudad mo na ito. Sa oras na makapasok sila rito, sigurong makakalabas na rin ang mga mamamayan na naninirahan dito. Mas magkakagulo lang din ng sobra rito,” paliwanag ni Detective Damien sa gobernador. Sinenyasan niya ang mga ito na lumabas na sa kaniyang opisina. “Alam ko kung ano ang mga dapat ko na gawin at hindi dapat na gawin. Kaya huwag niyo na akong turuan pa. Lumabas na kayo ngayon sa opisina ko dahil kailangan ko pang mag-isip.” Hindi na sumagot pa ang dalawang imbestigador at mabilis nang lumabas sa opisina ng gobernador. Bumungad muli sa kanila ang ingay ng mga mamamayan. Lalo na at nakuha na rin kung sino ang nagvi-video para maibalita. Kaya mas lalo lamang nag-ingay ang mga tao sa paligid. Napailing na lang ang dalawang imbestigador sa kanilang nakikita. Habang tumatagal ay mas lalong lumalala ang sitwasyon sa loob ng Rechilor City.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD