Ariane
Naging okay lang rin naman ang ginawa ko buong umaga. Na-orient na rin ako ni Cameron sa mga magiging trabaho namin.
Pero hindi na nga ako nabalitaan ng dalawa kung anong ganap nila. Masyado ata silang busy. Ngayon ay binabasa ko pa rin sa computer na nasa table ko ang mga rules bilang isang empleyado sa kompanya nina Lerdine. Mas mabuting alam ko kung hanggang saan lang ang limitasyon ko.
Napakurap ako ng maraming beses at napasandal sa sandalan ng upuan ko nang makaramdam ako ng sakit sa ulo. Nagkakaganito lang naman ako kapag nagugutom. Teka anong oras na ba? Tumingin ulit ako sa monitor para tingnan kung anong oras na, 12:15 pm. Kaya naman pala lagpas na sa oras na dapat ay nagtatanghalian na ako.
Napatingin naman ako kay Cameron na biglang tumayo, nilingon niya naman ako.
“Sabay na tayo sa canteen?” tanong niya saakin.
Nabanggit niya rin pala saakin na may munting canteen dito sa kompanya nina Lerdine kung saan libre ang tanghalian ng mga empleyado. Which is very kind naman kung iisipin, pero ang sabi ni Cameron ay rason daw kung bakit sila may ganito ay ang masigurado na agad na makababalik sa trabaho ang mga empleyado pagkatapos nitong mag-tanghalian.
Tumayo na ako at nginitian siya, “Sur—“
Natigilan ako nang dumating si Layna, nasa likuran siya ni Cameron kaya naman napalingon din ito sa kaniya.
“Excuse me Ma’am Ariane, pinapupunta mo kayo ni Sir Lerdine sa office niya,” kunot-noo akong tumingin kay Layna dahil sa sinabi niya si Cameron ay nagtaka rin, ano namang kailangan ni Lerdine saakin?
“Bakit daw?” tanong ko sa kaniya, nakita kong nag-aalangan siya lalo na’t taimtim na nakatingin sa kaniya si Cameron pero sumagot pa rin naman siya.
“Magtatanghalian daw kayo together,” napalunok ako samantalang si Cameron ay napatikhim naman, darn napaghahalataan talaga si Lerdine may special treatment.
Tumingin ako kay Cameron, nakakahiya naman kung hindi kami sabay na kakain. I mean he invited me first at papayag naman na sana ako.
“Sumama ka na lang rin Cameron, uhm Sir Cameron. Pwede naman iyon diba?”
Siyempre ayaw kong isipin ni Cameron na may special treatment talaga saakin si Lerdine. At ano pa nga ba? Para may kasama ako?
Naiilang pa kasi ako tuwing nakakausap ko si Lerdine, dahil sa biglaang pagbabagong anyo niya.
Ay nagtransform? Nag-evolve? GAGA.
“Ang inuutos lang po saakin ni Sir ay papuntahin KA sa office niya. Sumusunod lamang po ako sa utos,” napasimangot naman ako sa naging sagot niya.
Tumingin naman ako kay Cameron, kinuha niya ang kaniyang cellphone na nasa kaniyang mesa bago sumaludo saakin.
“You should go, Ariane. I’ll go ahead, enjoy your lunch.”
Ngumiti nalang ako at hindi na nagpumilit sa isama siya. Tinikuran niya kami at naglakad na siya patungo sa elevator.
Sayang, gusto ko pa naman malaman kung anong mga ulam ang meron sa canteen.
“Ma’am ayaw na ayaw po ni sir na pinaghihintay, ako po yung malalagot,” muling pagsasalita ni Layna nang mapagtanto na hindi ako nakasagot agad, wala sa sarili akong napatango bago sumunod sa kaniya.
Hindi ko na lamang inisip ang alok ni Cameron. Aysh. Marami pa namang pagkakataon. At tsaka bakit ko nga ba pinoproblema ang lalaking ‘yon? Ikatlong pag-uusap pa nga lang namin ‘to. At hindi naman kami close.
So, why Ariane? Why?
“Hindi ko rin alam. Tumahimik ka nga,” sabi ko sabay sampal sa sarili ko.
Nanlaki naman ang mata ko nang mapagtantong may kasama pala ako. Nilingon ko siya at nakita ko sa reaksiyon niya na bothered siya sa biglaang pagsasalita ko. Awkward ko nalang siyang nginitian nang magtagpo ang tingin naming dalawa. Bahagya naman siyang tumango bago umiwas ng tingin.
Putcha mapagkakamalan pa nga akong buang.
Tumigil na kami sa paglalakad nang marating namin ang opisina ni Lerdine. Yung opisinang sinabi ko na mahahalatang laging tinatambayan niya. Pinagbuksan pa nga ako ng pinto ni Layna. Kaya nahihiya akong nagpasalamat bago tuluyang pumasok sa loob ng silid.
Agad hinanap ng mata ko si Lerdine, natagpuan ko siyang nakaharap sa kaniyang laptop at nagtitipa. Napatingin naman siya saamin, siguro narinig niya na bumukas ang pintuan.
He smiled.
Tumigil siya sa pagtitipa at isinarado niya ang kaniyang laptop. Tumayo siya at nagtungo sa sofa tsaka umupo.
“Napaghahalataan kang may special treatment sa ginagawa mo Lerd,” sabi ko nang makaupo ako sa sofa at matapos na lumabas yung secretary niya sabay sarado sa pinto.
Bigla namang sumeryoso ang mukha niya kaya tinaasan ko siya ng isang kilay.
“Special treatment huh? Of course you’re special,” sagot niya at umiwas ng tingin.
“Lerd!” sita ko pa sa kaniya.
Pero nagkibit-balikat lang siya kaya mas lalo akong nainis, hindi dapat ganito yung trato niya sa akin boss ko siya dito. Napabuga ako ng hangin nang mapagtantong hindi ko naman pwedeng murahin ang boss ko baka instant labas ako sa building.
Pero hindi kasi tama ang ginagawa niya.
"Lerd, ang akin lang naman ay napaka-unfair na nga sa ibang empleyado na tanggap kaagad kami sa trabaho tapos ngayon nama---"
"Hindi ba pwedeng welcoming treat ko nalang ito sa'yo? Dapat kasama yung mga kaibigan mo pero may pinuntahan sila, I mean may trabaho na kaagad sa labas kaya wag ka masyadong mag-alala sa lunch na 'to okay?" aba't siningitan ako ng boss kong 'to, ang galing may natutunan na sya sa pagiging boss.
Interrupting while someone is talking.
Nakaramdam naman ako ng hiya dahil sa pinagsasabi ko sa kaniya, minsan talaga may pagka-assuming talaga ako kaya huwag niyo akong tularan guys. Kapag assuming ka prone ka alagang mapahiya. O hindi naman kaya ay masaktan.
Ows. May love life ka Ariane? Kung wala naman ay shut up ka na lang.
"Okay, sir," tanging naisagot ko sa kaniya.
Narinig ko naman ang mahina niyang tawa pero agad namang natahimik nang bumukas yung pintuan, sabay kaming napalingon kung sino ang biglaang nagbukas ng pintuan.
Dala-dala nung sekretarya niya yung mga inorder niyang pagkain, tatayo na sana ako para tulungan siya pero pumalatak si Lerdine pero dahil isa akong matigas ang ulo na babae ay tumayo ako at tinulungan si Layna na mabitbit at maipasok ang mga ini-order ni Lerdine. Halata kasing nahihirapan si Layna sa mga dala niya, masama kong tinignan si Lerdine pero tumaas lamang ang isa niyang kilay na tila nang-aasar kaya mas lalo akong nabanas. Nahihiya at nagda-dalawang pa ngang nagpasalamat si Layna bago lumabas sa silid.
Muli kong sinamaan ng tingin ang boss ko. Okay lang naman iyon diba? Tingin lang naman.
"Don't look at me like that Ari, yun ang trabaho niya dito kaya let her do her job," agad niyang sabi nang makalabas si Layna.
Babae rin kaya ang sekretarya niya at hindi ito katulad nung babaeng mala-hulk ang lakas na nasa isang k-drama. Mas lalo lang lumalala ang mga hindi mabubuting asal ni Lerdine dati dahil sa kapangyarihan na meron siya ngayon.
Kaya kailangang pagsabihan hangga’t maaga pa.
"Pero nahihirapan siya Lerd, hindi mo ba nakikita yun?" pangungun-sensiya ko sa kaniya.
Sinumulan na niyang buksan ang mga pagkaing nakapatong sa mesang kaharap ng sofa na kinauupuan niya. Kinamayan niya pa ako at itinuro ang upuan na kaharp niya. Pahiwatig na umupo na ako.
"Kasalanan ko bang siya ang nagdala nun dito? Pwede namang yung nagdeliver diba? Hindi siya nag-iisip, kaya siya rin ang nahirapan," sagot niya habang busy na binubuksan yung mga inorder niya.
May point nga naman siya pero, dapat ipaglaban ko pa rin ang side ko.
"Baka gusto niya na siya yung magdala dito kasi concern siya sa maaaring mangyari sayo kung papapasukin niya yung delivery boy dito, baka may mawala dito sa office mo o kaya naman ay bigla kang dunggabin habang nandito siya sa loob ng office mo, diba?" pagdadahilan ko, napabuntong-hininga lang siya bago ako tinignan sa mata.
Napailing siya at napilitang tumango saakin.
"Okay, sa susunod yung mga lalaking workers ang uutusan ko para magdala ng mga mabibigat na gawain, happy Ari?"
Bahagya naman akong napangiti dahil sa sinabi niya. Kahit pa trabaho iyon ni Layna ay dapat i-consider na babae lang rin naman siya. Kahit pa sabihin ng iba na kaya ng mga babaeng gawin ang mga pan-lalaking gawain ay may mga limitasyon pa rin naman sila. Kami, kaming mga babae.
"Yeah, that's better," tumatango kong sagot.
"Then, let's eat habang mainit pa," sabi niya sabay abot saakin nung binuksan niya, pinagbuksan niya rin ako ng bottled water at inilagay malapit saakin.
Nahiya naman ako kaya pinagbuksan ko rin siya ng makakain at maiinom sabay inilapit sa kaniya, "Kain ka na rin, alam kong marami ka pang trabaho kaya dapat magpakabusog at huwag magpagutom SIR."
Napatitig siya saakin ganun din ako at sabay kaming natawa.
Hindi ko akalain na ganito naman pala ka komportable kausap at kasama si Lerdine, kasi dati panay ang iwas ko sa kaniya dahil nga sa pananamit at mga kakaibang mannerism niya. Kung kanina’y iniisip ko na maiilang ako dahil sa biglaang magbabago ng itsura niya ay, ngayon ay medyo na panatag ako.
He’s Lerdine, kahit pa anong itsura niya ay hindi magbabago ang katotohanang siya si Lerdine ang kauna-unahang lalaking naging matagal kong kaibigan. Sabihin na natin na dahil nga nag-iba na siya ngayon boss ko na siya at hindi ko na siya matatanggihan at maiiwasan pa, isa nga siguro ito sa dahilan kung bakit niya ako pinasok dito sa kompanya nila, which is wrong kasi dapat ay sumailalim kami sa normal na proseso sa paghahanap ng trabaho.
But he's powerful enough, so let him be.
Paminsan-minsan kaming nag-uusap sa mga bagay-bagay na lagi rin naming pinag-uusapan dati. Tulad ng mga bagong anime na ere-release. O hindi naman kaya ang mga bagong kanta ng paborito naming banda.
Hindi ko naman maitatanggi na magkasundo kami ni Lerdine sa iilang bagay.
Natapos na rin kaming kumain. Napasandal ako sa sandalan ng sofa.
"Salamat sa lunch SIR Lerdine, ang sarap," sabi ko tsaka uminom ng tubig, syempre sa mamahaling restaurant niya inorder eh kaya masarap talaga.
"You're always welcome Ariane, pero nakakailang yung 'SIR' mo," sagot niya sabay tawa, pero tulad kanina ay agad siyang natahimik dahil nga bumukas yung pinto at iniluwa nito si Layna.
Déjà vu?
"Sorry to interupt sir, pero kanina pa po naghihintay yung mga kameeting niyo," sabi nito.
Nataranta naman ako. Sheyt. Sa kaka-chika ko kay Lerdine may mga tao naman palang naghihintay sa kaniya.
Agad ko namang tinignan nang may pagkabahala si Lerdine na naka-smirk lang, "Ler-- Sir Lerdine, pumunta na ho kayuo sa meeting niyo."
"Why would I? I'm still having fun with you." Having fun? O having lunch?
Trabaho muna sir, bago landi jusko.
Hindi na ako nakapagpigil, tumayo ako tsaka siya nilapitan at hinila patayo.
"Shut up and go to your meeting sir." Nagmatigas pa nga ito, pero nang makatayo na ay sapilitan ko siyang itinulak patungo sa pintuan. Dapat mahiya naman siya, may pinaghihintay siyang tao tapos pa tawa-tawa lang siya dito?
"Okay, okay Ari pupunta na, para bang bata na pinipilit yung magulang na bilhan ka ng laruan," sabi ni Lerdine at humarap saakin, tumaas naman ang dalawang kilay ko nang may mapansin ako.
May naiwang kanin sa gilid ng bibig niya at may iilang sauce pa nga.
"At ako pa ngayon ang bata?" paghahamon ko sa kaniya habang titig na titig sa mga mata niya kumunot naman ang noo niya.
Dahil may hawak naman akong tissue ay iyon nalang ang ginamit ko. Mistula naman siyang naistatwa sa kinatatayuan niya nang pinunasan ko ng tissue yung gilid ng bibig niya. Pero napaatras naman ako papalayo sa kaniya nang may bigla kong mapagtanto.
"Ay hala napunas ko na pala to sa bibig ko!" natataranta kong sabi sabay tapon nung tissue sa malapit na basurahan.
Pisti. Nakakahiya. Ang dugyot mo Ariane!
Tumikhim naman si Lerdine at inayos yung necktie niya, "Okay, pupunta na ako sa meeting, let's go Layna," pinagbuksan siya ng pinto ni Layna, pero bago paman siya lumabas ay bumaling siya saakin.
"Bye, Ariane," sabi pa nito sabay alis. Pero nanliit ang mga mata ko nang hindi nakatakas sa paningin ko ang laki ng ngiti sa kaniyang labi, as in ngayon ko lang siya nakitang ngumiti ng ganun.
Sandali akong napaisip. Hindi ko naman pinapaasa si Lerdine dahil sa ikinikilos ko ano?
"Masyado naman ata siyang maraming nakain sa pananghalian namin," bulong ko nang matapos na ako sa pagliligpit nung pinagkainan namin at lumabas na ako sa office ni Lerdine.
Pero hindi ko inaasahan taong bumungad saakin sa may harap ng opisina ni Lerdine.
"Masarap ba'ng pananghalian mo't nakalimutan mo na ang trabaho mo?" pagsusungit saakin ni Cameron.
Tumingin ako sa wall clock na malapit sa kinatatayuan ko. Hindi pa naman ako late na natapos sa pananghalian ah.
"Bakit ka nandito?" tanong ko pabalik sa kaniya.
Napaiwas naman siya ng tingin, "Napadaan lang," sagot niya sabay alis.
Hindi kaya dito ang daanan patungo sa desk namin. Napangiwi ako. Sinusungitan niya ba ako?
Ay?