"Pauwi na ako," mahinang sabi ko. Inipit ko ang cellphone ko sa pagitan ng balikat at ulo ko.
Nagsimula na akong mag-ayos ng gamit ko. Inayos ko lang ang tali ng buhok ko pero hindi na ako nag-ayos ng mukha, tutal si mister taxi driver lang naman ang makakakita sa akin at hindi isang prinsepe.
"Late na ba talaga ang uwi mo? It's already 11 in the night." Ngumuso ako nang malaglag ang ballpen ko. Pinulot ko agad ito at inilagay sa loob ng bag ko. "Hey, Chain, I'm talking to you."
Kinuha ko ang bag ko at dali-daling lumabas ng office. Ako na lang mag-isa sa area na 'to kaya tahimik na. Gusto ko pa sanang tapusin 'yong ginagawa ko kahit hanggang 11:30 kaso hindi ko na kaya, natatakot na ako! Ang creepy kaya ng tunog ng orasan. Nasa harap ko pa naman.
"Sorry, inayos ko kasi 'yong gamit ko para makauwi na agad ako." Napahinto ako sa paglalakad pagdating sa elevator. Dito ba ako sasakay o maghahagdan na lang ako? Bakit ba kasi sumama pa ako kina Chelsea kanina manood ng horror na movie? "Collier, elevator o hagdan?"
"What? Para saan?" Dapat hindi ko na ginugulo si Collier ngayon dahil gigising pa siya mamayang 3am para sumama sa dad niya. Pupunta kasi silang Baguio para imeet 'yong bagong business partner yata ng company nila.
"Kung anong route ko pababa." Narinig ko ang pagtawa niya sa kabilang linya.
"Akala ko route papunta sa puso ko," hala? Siraulo talaga 'tong si Collier, bakit pa ako maghahagdan o mag-eelevator, e, naroon na ako? "Just kidding,"
Ngumuso ako at pinindot ang elevator. Ito na lang kaysa maghagdan ako. Naalala ko nasa 8th floor pala ako.
"Matulog ka na," I said.
"Ayoko, mawawalan ka ng kausap." Hindi ko maiwasang matawa nang marinig ko ang paghikab niya.
"'Wag ng pilitin kung hindi kaya,"
"Kapag wala ka ng kausap, malulungkot ka. Ayokong nalulungkot si Chain." Para akong tangang nakangiti habang nag-oout dito sa baba. Corny talaga ni Collier, e.
"Nakalabas na ako, mag-aabang na lang ako ng taxi." Kinawayan ko pa si manong guard.
"Ginabi ka yata, ah." Tumango ako at ngumiti.
"May tinapos lang po,"
"Sige, ingat ka, ineng." Nagpaalam na rin ako kay manong.
Huminto ako nang makalabas ako ng building. I looked up at the sky and sighed. Masaya sigurong magkaroon ng tatay, 'no? Ano kayang pakiramdam no'n?
Huminga ako nang malalim.
Okay lang ako. Sanay na ako na wala ako lahat, remember? Kaya hindi ko kailangan malungkot sa mga ganitong bagay.
Wait. Si Collier? Nakatulog na ba?
"Collier?" Napangiti ako nang hindi na ito sumagot. Nakatulog na nga, antok na antok na siguro. "Good night, Collier, sleep tight." Pinatay ko ang tawag at tinago ang cellphone sa bulsa ko.
"Why are you still here? Gabi na, ah." Napakunot agad ang noo ko nang may magsalita sa tabi ko.
"Alangang umaga, 'di ba?" Bakit ba laging sumusulpot 'tong isang 'to? Parang tae sa daan. Nako! Naiinis talaga ako ng walang dahilan sa unggoy na 'to!
"Tss. Namimilosopo ka pa." Hindi ko siya pinakinggan at lumiko sa ibang daan pero hinawakan niya agad ang braso ko at hinila sa nilalakaran niya.
"Daen, ano na naman bang problema mo, ha? Bitawan mo nga lang ako!"
"Shut your mouth, Chain. Ihahatid lang kita dahil gabi na," mahinahon niyang sabi.
"Alam kong gabi na, kaya nga may buwan, 'di ba? E 'di nagulat naman ako kung araw 'yong makikita ko–"
"Stop talking nonsense, can you?"
"Wow, nonsense daw! Bakit ikaw ba 'yong sinasabi ko para maging nonsense–" humarap siya sa akin at sinamaan ako ng tingin kaya napatigil agad ako sa pagsasalita. Pinanliitan ko siya ng mata. "Ano na naman bang trip mo?"
Bigla-bigla na lang siyang sumusulpot tapos hihilahin ako sa kung saan niya gusto. Nanay ko ba siya?
"Don't be stubborn..." Umiwas ito ng tingin at nagpatuloy sa paghila sa akin. Kumunot ang noo ko at binilisan ang lakad. Pasimple akong sumusulyap sa mukha niya nang bigla niya akong tingnan. "Why?" Umiling agad ako.
"Wala!" Malungkot ba siya? Bakit gano'n 'yong mata niya?
Parang ang unusual kasi ng mata niya ngayon. Hindi naman laging ganoon iyon, may nangyari ba? Gusto kong itanong pero nahihiya ako at saka hindi naman kami best friend or what para magtanong ng ganoong tanong.
Hanggang sa nakasakay kami sa kotse niya ay hindi ko pa rin maiwasan na pasimple siyang tingnan sa mata. Walang sigla. Malata. May nangyari nga siguro, ang usual na Daen ay aasarin ako hanggang sa makarating kami sa bahay.
"Daen..." Sinulyapan niya ako pero bumalik din agad sa daan ang tingin niya. "Wala pala." Hayop. Bakit ba kasi ayaw niya magsalita ng kahit ano? Tumango lang ito at hindi na nagtanong o sumagot.
Kinuha ko na lang ang cellphone ko at naglaro ng dinowload kong offline game kanina sa office. Nang malapit na kami sa bahay ay binuksan ko ang camera ng cellphone ko at palihim na itinutok kay Daen ang camera. Isang picture lang. Bakit ba kasi ang lungkot niya? At bakit kahit ang lungkot niya, ang gwapo niya pa rin tingnan? Seryoso, ganito ba talaga kapag may dugo ng Montecillo?
Nanginginig pa ang kamay ko pero pinindot ko na ang capture na button. Nanlaki ang mata ko nang biglang mag-flash ang camera. Tumingin agad sa akin si Daen, sa sobrang kaba ko ay nabitawan ko ang cellphone ko at tumingin sa labas ng bintana.
Huminto na ang kotse. s**t, sa wakas. Kinuha ko 'yong bag ko at lumabas agad ng kotse, buti hindi naka-lock iyong pinto. Nakahinga ako nang maluwag at nawala 'yong panginginig ng kamay ko. That was close. Napahinto ako sa paglalakad nang maalala ko 'yong cellphone ko na nalaglag sa kamay ko.
Ba't pakiramdam ko kinukulam ako? Buong araw na lang na 'to! Ang pinakamagandang nangyari na yata ay 'yong magising ulit ako.
Huminga ako nang malalim bago katukin ang kotse niya. Kaya naman pala hindi agad umalis.
"You forgot this," hawak niya ang cellphone ko pagbukas pa lang ng kotse.
"Halata nga," inilahad ko ang kamay ko. "Akin na."
Ipinatong niya ang cellphone sa palad ko. "Limang beses na akong nag-selfie diyan para hindi ka na mahirapan sa pag-picture sa akin."
Oo, nakakahiya.
Bakit ko ba kasi naisipan pang kuhanan ng picture 'tong unggoy na 'to, e, madami naman akong makikita sa Google?
"Hindi kita kinukuhanan ng picture." Walang bahid ng emosyon ang boses ko, sinadya ko para hindi niya mahalatang hindi ako nagsasabi ng totoo.
"Ikaw lang 'yong nakilala kong nahuli na sa akto, ide-deny pa rin."
"E, sa hindi naman talaga." Tama 'yan, Chain, i-deny mo lang.
Bumuka ang bibig nito pero muli niya ring sinara. Hindi na siya makikipagtalo sa akin?
"Alright," maikling sabi niya.
"Uuwi ka na?" Wait, what? Bakit 'to lumabas sa bibig ko?
"Gusto mo bang kasama ako matulog sa bahay mo?" Sabi na, e.
"Tinatanong ko lang kasi kung hindi pa, mabuting umuwi ka na! Assuming mo 'no?" Nakatingin lang siya sa akin. Parang iniisip niya pa kung anong sasabihin niya.
Confirm, hindi talaga siya okay.
"Yeah. Good night." Hindi siya ngumiti o ngumisi tulad ng lagi niyang ginagawa bago siya umalis.
"Wait!" Tumaas ang kilay niya at itinigil ang pagsara ng pinto ng kotse.
"What?"
"Ano..." Napalunok ako. Sasabihin ko ba? Okay, sasabihin ko. Bilang kapikunan niya dapat lang naman na alamin ko kung ayos lang siya, 'di ba? "Uhm... w-wala, good night."
Hindi ko kayang itanong!
Mukhang naguguluhan siya pero tumango na lang siya.
"Okay, bye." Sa ilang segundo ay nawala na sa paningin ko ang kotse niya.
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa habang papasok sa bahay. Coldest goodbye na sinabi niya sa akin. Ba't nakakapanghina?
It's seriously my unlucky day.
Kinabukasan, tinamad akong tumayo agad pagkagising ko kaya bandang alas dyiz na ako nakabangon at nakapag-almusal. Siguro ito na rin ang lunch ko para wala masyadong gastos. Magbabayad pa rin kasi ako ng kuryente at tubig sa isang linggo kaya kailangan talagang magtipid.
"It's the invisible things that I love the most..." Sinabayan ko ang kanta habang naglalaba ako. Dito na ako sa cr naglaba dahil konti lang naman 'to saka para na rin makapagfocus ako sa pagkanta. Actually, singer ako... frustrated singer.
Mamaya pa naman ang trabaho ko kaya naisipan ko munang labhan 'to dahil kaunti lang naman din.
Nag-unat-unat ako pagkatapos maglaba at sandaling pinasadahan ng linis ang bahay. Sabi ni Collier, pupunta raw siya rito bukas at may kasama siya. Hindi ko alam kung sino dahil hindi niya naman sinabi.
Kagabi, hindi ko pa rin maintindihan kung anong mayroon sa kanya, kay Daen. Gano'n ba talaga siya? Normal lang ba sa kanya 'yon? Pero sa akin, hindi normal 'yung ganoong tingin niya. Mas sanay ako sa tingin niyang pangmanyak at pang-asar niyang salita... hindi lang sanay dahil mas gusto ko iyon.
Gusto kong mag-usap ulit kami dahil may nakalimutan akong sabihin sa kanya kagabi. Sa sobrang pag-iisip ko ba't gano'n ang mata niya ay nakalimutan ko na ring sabihin iyong bagay na 'yon.
"Meow! Someone's calling! Meow! Someone's calling!" Napahinto agad ako sa ginagawa ko nang marinig 'yong bagong ringtone ng cellphone ko. Ang cute talaga ng boses! Nakita ko lang iyan kahapon sa YouTube at naisip kong i-download para gawing ringtone.
"Hello?" Rinig ko agad ang boses ni Collier. 'Yung boses ni Collier parang may kausap ka na lawyer kahit wala ka sa korte kaya minsan nakakatakot kausap 'to, baka biglang magsabi ng batas.
"Yes, yes, yo?"
"Childish as ever." Rumehistro bigla sa isip ko 'yong straight na mukha ni Collier kapag nagagalit o naiinis na siya sa akin.
"Sorry na po, bakit ka tumawag?"
"To check you," may narinig akong babae na nagsalita sa kabilang linya. Secretary niya yata, may business offer na sinasabi, e.
"Okay lang naman ako. Ikaw ba? Baka busy ka diyan, ah, ta's tinatawagan mo pa ako."
"It's alright. Namiss ko lang 'yong boses mo," pinigilan kong ngumiti pero nang makita ko si Chai na nakatitig sa akin, hindi ko na napigilan! Kasi naman parang sinasabi niya na ang pabebe ko. Hayop na pusa 'to.
"Namiss din kita... ikaw mismo," narinig ko ang paghalakhak niya sa kabilang linya na ikinahiya ko bigla. Ba't siya natatawa? Corny ba iyon?
"Pupunta ako d'yan bukas, ah." Banggit niya sa napag-usapan namin noong nakaraan.
"Oo, sino ba 'yong kasama mo?"
"That's a secret." Napanguso ako. Ayaw talagang sabihin, e! "Ibababa ko na, Chain. See you tomorrow, alright?" Malambing na lawyer.
"Okay, see you."
"I..." Nakatingin lang ako kay Chai habang hinihintay ang susunod niyang sasabihin. "I love you," bago pa ako makasagot ay narinig ko na ang pag-hang-up niya ng phone.
Hindi pala siya bagay maging isang lawyer, masyadong mahiyain.
Napangiti na lang ako habang nakatingin kay Chai. My decision is right, I guess.
"Ang corny niyo," nanlaki ang mata ko nang marinig na may magsalita.
Daen? Si Daen? s**t, narinig niya ba?
Humarap ako sa sala at nakita siyang nandoon sa pintuan at nakatayo. Naka-long sleeve na white siya na nakatupi hanggang braso, nakabukas rin ang unang butones nito sa bandang leeg.
"Ba't ka narito?" Naka-loud speaker pa man din 'yong cellphone ko kanina!
"Come with me." Nakatago ang dalawang kamay niya sa bulsa ng pantalon.
"Bakit? Para saan?"
"Just come with me." Tumalikod siya.
"Daen." Hindi naman siya naglakad at nanatiling nakatalikod lang sa akin.
"Oh?"
"Tigilan mo na ako."
Hindi siya nagsalita. Ilang minuto kong hinintay ang pagsagot niya pero wala siyang sinabi.
Ito na ang desisyon ko. Ayoko ng malito pa, sigurado na ako kay Collier.
"Daen, hindi ko alam kung joke ba 'yong panliligaw mo o ano pero ayoko no'n. Itigil mo na."
Minsan lang ako magkaroon ng lakas ng loob kaya gagawin at sasabihin ko na 'to ngayon sa kanya.
"Come with me." What? Ano bang mayroon sa kanya?
"Si Elise... gusto mo siya, 'di ba?" Hindi ko makita ang expression niya dahil nakatalikod siya. "Mahal mo pa rin siya, 'di ba?" Alam kong nagtataka siya sa sinasabi ko dahil hindi naman namin ito napag-uusapan pero ito lang 'yong chance ko. "Daen–"
"Please come with me..." Mahina niyang sabi at humarap sa akin. "It's my birthday."