HINDI maalis-alis ang ngiti sa labi ni Travis. Nakaalis na si Jean sa loob ng kaniyang opisina pero mistulang naroon pa rin ang dalaga. Naiwan kasi ang amoy ng mamahaling pabango nito sa kaniyang suot na suit. Partikular sa kaniyang balikat banda kung saan ito humilig kanina nang yakapin niya. Simpleng yakap lang iyon kanina pero pakiramdam ni Travis ay napawi ang kaniyang matinding pagkasabik. Pagkasabik na sampung taon niya ring ninais malasap ulit sa dalaga. Kanina habang humihingi ng tawad si Jean sa kaniya ay pakiramdam niya nilinis sa pagkatao niya ang mga nangyari sa nakaraan. Ninais na rin niyang sabihin ang totoo ngunit hindi niya nagawa dahil mas pinili niyang tumahimik at namnamin ang sandaling iyon. Bukal sa loob din ang pagpapatawad na binigay o sinabi niya kay Jean. Tunay

