PROLOGUE
ANTHEA'S POV
Ang ulan ay bumagsak nang malakas, tumatama sa aking mukha, na parang hindi ko na mararamdaman ang sakit. Para bang ang lahat ng nararamdaman ko ay unti-unting nilulunod ng malamig na tubig. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal naglalakad sa ulan, pero hindi ko alintana. Ang tanging iniisip ko lang ay tumakas—tumakas bago pa siya magdesisyon na tapusin ang buhay ko.
Habang tumatakbo ako sa malawak na bakuran ng Villa DeVera, naririnig ko ang mga sigaw ng mga tauhan ni Exiel.
“Anthea!” sigaw ng isa sa kanila.
Bumangon ako mula sa pagkakadapa, ang aking mga kamay at tuhod ay basang-basa ng putik, ngunit wala akong pakialam. Tumakbo lang ako. Gusto ko lang makalayo. Makalayo sa kanya. Makalayo sa impyernong pinili kong ipaglaban noon.
Puno ang aking dibdib ng takot at panghihinayang. Hindi ko na kayang magsinungaling pa sa sarili ko. Hindi ko na kayang tiisin ang sakit na dulot ng bawat galos at sugat na iniwan niya sa katawan ko—hindi lamang pisikal, kundi pati na rin sa puso ko.
… hindi ko na siya kilala. Hindi na siya yung Exiel na minahal ko.
Laging may galit sa kanyang mga mata. Laging may mapait na salita. Hindi ko na kayang magsinungaling na wala akong nararamdamang takot. Wala na akong lakas, at lagi na lang siyang nananakit. Lahat ng iyon ay iniintindi ko pa rin—dahil mahal ko siya. Dahil akala ko, babalik din siya sa akin. Akala ko, babalik siya sa dating Exiel na minahal ko.
Pero hindi. Hindi na siya iyon.
Ngunit sa kabila ng lahat ng kalupitan, nanatili pa rin ako. Nasa loob ako ng aking sariling kulungan, ngunit wala akong lakas para lumaban. Wala akong lakas dahil hindi ko kayang iwan siya, hindi ko kayang iwan ang pagmamahal ko para sa kanya, kahit na ako na lang ang nasasaktan.
Pero sa gabing iyon, isang beses na naman niyang binugbog ako. Wala nang awang dumapo sa mga kamao niya, at habang dinudugo ang labi ko at ang katawan ko’y punong-puno ng pasa, isang bagay na lang ang pumasok sa isip ko—siya pa rin ang mahal ko, pero hindi ko kayang masaktan pa. Hindi ko kayang magsakripisyo ng higit pa.
Doon ko napagtanto—buntis ako.
At hindi ko kayang itago ito. Hindi ko kayang mawalan ng anak na parang nawalan ako ng lahat.
Hindi ko kayang maranasan na mawalan muli ng anak—gaya ng una. Gaya ng una naming anak na nawala dahil sa pinilit ng mga magulang ko ipalaglag ito.
Kaya, tumakas ako.
Naabutan ako ng mga tauhan ni Exiel. Hinaltak nila ako pabalik sa Villa. At doon, muling hinarap ko siya—si Exiel, ang lalaking dahilan ng lahat ng ito. Nakatayo siya sa harap ko, malamig, at ang mga mata niyang puno ng galit. Hindi ko na alam kung siya pa ba ito, o isang masamang anino ng nakaraan.
Walang tanong. Walang awa. Hinawakan niya ako sa leeg—at sa isang iglap, sinakal ako.
“Akala mo makakatakas ka, ha?” malamig niyang sinabi.
Ang mga salitang iyon ay tumusok sa aking puso, ngunit hindi ko na kayang magpaliwanag. Hindi ko na kayang magsinungaling na wala akong ginugol na buhay na mahalin siya.
“P-pakiusap…” mangiyak-ngiyak kong sinabi. “Hindi ko… hindi ko ginawa ‘yon para saktan ka. Mahal kita, Exiel, mahal kita...ginawa kong ipakulong ka dahil gusto ka nilang patayin.”
Humigpit ang hawak niya sa leeg ko, at ilang segundo pa ay nagkibit-balikat siya.
“Buntis ako, Exiel.” Napangiwi ako sa sakit.
“At ayokong mawalan ulit ng anak. Ayokong mangyari ulit ang nangyari noon.”
At doon, biglang napahinto si Exiel. Tumigil siya.
Ang mga mata niyang puno ng galit ay nagbago—naging malamlam.
Isang punit na alaala ang sumiksik sa kanyang mga mata.
“A-ano ang ibig mong sabihin, Anthea?” tanong niya, nanginginig ang boses.
Hindi ko na napigilan. Lalong dumaloy ang luha sa pisngi ko. Inipon ko ang lakas ng loob na matagal ko nang hindi mahagilap.
“Buntis ako noon, Exiel,” bulong ko, halos hindi ko na marinig ang sarili ko. “Hindi ko nasabi sa’yo. Napapikit ako.
"Wala akong laban. Pilit nila akong pinainom ng gamot... Pinilit nila akong mawala 'yung batang hindi pa man isinisilang, pero mahal na mahal ko na.”
Napansin kong napaatras si Exiel. Kita ko sa mga mata niya ang gulat, ang sakit, at ang pagkawasak.
“Anthea...” Mahinang sambit niya.
“Nabaliw ako, Exiel,” tuloy ko, hindi ko na kayang pigilan. “Araw-araw kong iniisip kung paano ko sasabihin sa’yo. Paano kung pinaglaban ko ang anak natin. Pero huli na. Huli na ang lahat.”
Napayuko ako. Hindi ko alam kung may karapatan pa akong umasa ng kahit na anong pag-unawa mula sa kanya. Pero kailangan kong sabihin. Kailangan kong tapusin ang bangungot na matagal ko nang dinadala mag-isa.
“Ngayon ko lang... ngayon ko lang napatawad ang sarili ko,” mahina kong sambit. “At ngayon ko lang naramdaman na kailangan mo ring malaman ang totoo.”
Tahimik siya. Walang salita. Pero sa katahimikang iyon, naramdaman ko ang bigat ng lahat ng hindi nasabi noon. Ang sakit ng mga salitang hindi napakinggan. At ang pagkawala ng isang bagay na kailanma’y hindi na maibabalik.
Nakita ko kung paanong unti-unting nagbago ang ekspresyon ni Exiel—mula sa galit, sa gulat, hanggang sa tila pagkabasag ng loob.
Parang natauhan siya. Parang sa wakas, may liwanag na sumilip sa pagitan ng lahat ng galit na itinanim ng panahon sa kanyang puso.
Tahimik pa rin siya, pero ramdam ko na ang bigat ng kanyang paghinga. At doon ko piniling sabihin ang katotohanang matagal ko nang kinikimkim.
“Exiel…” nilunok ko ang sakit bago ko itinuloy, “noong araw na iyon, pinapili ako ng mga magulang ko.”
Napatingin siya sa akin—malalim, puno ng tanong. Nagsimula na ring manginig ang kamay niya.
“Sinabi nila... kung ayaw kong tuluyang mawala ka, kailangan kong idiin ka. Kailangan kong sabihing ni-rape mo ako.”
Napapikit ako. Hindi ko na napigilan ang pag-agos ng luha.
“Akala ko noon, iyon ang tanging paraan para mailigtas kita. Sobrang duwag ko para tumayo laban sa kanila. Pero hindi ko kayang hayaang mamatay ka sa kamay nila... o mawala ka na lang na parang wala kang halaga.”
Tahimik si Exiel, pero ang mga mata niya ay puno ng lungkot. At doon ko naramdaman ang kaunting luwag sa dibdib ko. Hindi pa ito kapatawaran, pero isang pintong bahagyang bumukas.
“Kaya ko sinabi ‘yon sa buong korte. Kasi kapag hindi ko sinabi, baka patayin ka nila, Exiel,” bulong ko. “Ayokong... ayokong ikaw ang mawala. Mas pinili kong ako ang masira. Ako ang kamuhian mo. Basta mabuhay ka lang.”
Nakita kong napaupo siya, tila biglang nawalan ng lakas. Doon ko lang siya muling nasilayan bilang si Exiel—hindi ang lalaking puno ng poot, kundi ang lalaking minahal ko noon. Yung lalaking muntikan ko nang mawala... at sa paraang ako pa mismo ang naging dahilan.
“Akala ko ipinagkanulo mo ako,” mahina niyang sambit. “Akala ko… sinira mo ang buhay ko. Pero... ‘di ko naisip na sinakripisyo mo pala ang sarili mo para lang mabuhay ako.”
Tumulo na rin ang luha sa mata niya, at sa unang pagkakataon, nakita ko ang pagsisisi sa mga mata ni Exiel.
“Hindi ko alam, Anthea. Hindi ko alam... na ganun kabigat ang dinanas mo,” dugtong niya, tinatakpan ang kanyang mukha.
“Namatay ang mga magulang ko dahil sa mga magulang mo... kaya napuno ako ng galit. Pero ngayon…”
Napatingin siya sa akin—mata sa mata. “Ngayon ko lang naisip… ikaw rin pala ang nawala. Ikaw rin pala ang sinira nila. At ako... ako ang nagpabaya.”
Tahimik kaming dalawa. Sa pagitan ng katahimikan ay naroon ang bigat ng mga taong pinilit naming itago ang katotohanan, ang sakit, ang pagmamahal.