ISANG malaking paghikab ang pinakawalan ni Paloma after niyang magising.
“Ha? Anong nangyari? Bakit mag-isa na lang ako dito sa van? Nasaan na ang mga kasama ko? Iniwan ba nila ako? Aba, aba, aba! Akala ko ba walang iwanan ang Lucky Seven? Bakit mag-isa na lang ako ngayon?” kakamot-kamot sa ulo na reklamo niya.
Dahan-dahan siyang lumabas ng van. Sumalubong sa kanya ang nakakasilaw na liwanag ng araw at ang walang katao-taong lugar. Ghost town ang peg. Abandonado ang lahat ng bahay at establishments. Grabe talaga ang ginawa ng Z-virus na iyan sa Pilipinas. Sinira nito ang nakaganda niyang bayan! Char!
Wait nga lang! Nakalimutan niya 'yong baril niya sa van. Bumalik siya pero hindi niya nakita ang baril. “Nasaan na iyon? Grrr… Mukhang kinuha rin nila. Iniwan na nga nila ako, ninakawan pa ako ng baril. Kainis!” Patuloy na reklamo niya.
Yari siya nito kapag may zombies na nakakita sa kanya. Ang lakas pa naman ng pakiramdam at pang-amoy ng mga iyon. Scary…
Lakad lang siya nang lakad. Pilit niyang tinatapangan ang sarili kahit nag-iisa. Yes, bwisit na bwisit siya sa mga zombies na iyan to the point na gusto na niyang pagsasampalin ang mga ito pero takot pa rin naman talaga siya sa mga ito. Lalo na kung susugod ang mga ito ng maramihan. Naku! Hindi talaga siya magdadalawang-isip na tumakbo nang mabilis. Wala pa naman siyang dalang armas ngayon. Yari na. Wish lang niya ay walang zombies dito.
Sa kakalakad niya ay hindi na niya namalayan na gabi na pala. O bigla na lang talagang dumilim. Parang gano’n kasi ang nangyari. Naku, ha! Kung anu-ano na lang ang mga nangyayari. Ang weird. Sobra!
May nakita siyang babaeng nakatalikod. Nakatayo ito sa gitna ng kalsada. Mahaba ang buhok na umabot sa beywang nito. Sino naman kaya ito at talagang nakatayo lang sa gitna? Hindi ba ito natatakot na baka may biglang dumating na zombies at kainin ito?
“Ate! Anong ginagawa mo diyan?” tanong ni Paloma dito. Pasigaw para marinig nito.
Hindi ito sumagot. Baka naman bingi. Hindi siya narinig.
Inulit niya ang pagsigaw. “Hoy, ate! Anong ginagawa mo diyan? Baka mamaya may zombies na dumating, ikaw rin… Yari ka…” Mas malakas na ang pagsasalita niya. Tinakot na rin niya para naman umalis na ito.
Hindi pa rin ito lumingon. Ang snob naman. Baka naman artista ito kaya snob. Hindi kaya?
“Ate! Hoy! Sino ka—“
Natameme siya nang gumalaw na ang babae. Umikot ito paharap sa kanya. Dahan-dahan hanggang sa nakita na niya ang hitsura nito. Napanganga si Paloma na parang natuka ng ahas. Feeling niya ay hindi niya maigalaw ang kahit na anong parte ng kanyang katawan. “N-na… N-nanay!” Uminit ang gilid ng mga mata niya.
Pagkakita niya dito ay bumalik sa alaala ni Paloma ang ginawa niyang kasalanan sa nanay niya—iyong pagbebenta niya dito sa mga scientist para sa ekspiremento ng mga iyon. Bigla siyang nginatngat ng konsensiya dahil sa nagawa niya noon.
Ang alam niya ay ang nanay niya ang kauna-unahang biktima ng Z-virus pero bakit ngayon ay normal lang ang hitsura nito. Payat at humpak ang pisngi. Hindi naglalaway at hindi namumutla ang balat. Bagkus ay nakangiti ito sa kanya na parang tinatawag siyang lumapit siya dito.
“Nanay…” Halos hindi na lumabas sa bibig niya ang kanyang boses.
Walang patid ang agos ng luha niya.
Inangat ng nanay niya ang dalawang kamay at pinayapay siya. Pinapalapit siya nito…
Humakbang siya. Unti-unti. Excited siya. Wala siyang idea kung bakit naging tao na ulit ang nanay niya pero wala na siyang pakialam. Ang importante ay may pagkakataon na siyang humingi dito ng kapatawaran. Nagmamadali na ang bawat hakbang ni Paloma. Sinugod niya ito ng yakap at umiiyak na ipinatong ang baba niya sa balikat nito.
“'Nay! Sorry! Patawarin niyo ako sa lahat ng kamalditahan ko sa inyo!” Pang-award ang iyak ni Paloma. May hagulhol at panginginig ng baba.
Humigpit ang yakap ng nanay ni Paloma. Na-miss rin siguro siya nito. Gumanti rin siya ng mahigpit na yakap. Pero napangiwi siya nang mas humipit pa ang pagkakayap nito. To the point na halos hindi na siya makahinga.
“Ah, nanay… Ang higpit naman yata ng yakap niyo. H-hindi na po ako makahinga, e…”
Kumalas siya sa pagkakayakap at ganoon na lang ang pagkabigla at takot ni Paloma nang muli niyang makita ang mukha nito. Hindi na ito ang nanay niya! Ito na si Lolo Yolo. Si Lolo Yolo na namumutla ang balat, nanlilisik ang pulang mga mata at naglalaway!
Umangil ito na parang isang mabangis at gutom na hayop.
“Lolo Yolo!” bulalas niya sa sobrang takot.
Sinakmal siya ni Lolo Yolo sa pisngi. Kinagat siya nito doon at marahas na hiniklas. Malakas siyang napatili nang maramdaman niya ang pagkapunit ng balat at laman niya sa maganda niyang pisngi!
-----***-----
“AHHHHH!!!” Malakas na nagsisigaw si Paloma habang sapo ang pisngi.
Napasinghap siya dahil para siyang ninakawan ng hangin sa baga. Nagpalinga-linga siya at sumalubong sa kanya ang nagtatakang mga mukha ng mga kasamahan sa Lucky Seven. Nandito pa rin siya sa van at tumatakbo pa rin iyon. Hinanap agad ng mata ni Paloma si Lolo Yolo at nakita niya itong nakapikit at parang natutulog sa may likuran. Mag-isa lang ito doon.
Kinakabahan na kinapa niya ang kanyang pisngi. Walang sugat. Walang dugo. Ibig sabihin, panaginip lang ang lahat. Hindi totoong naging zombie si Lolo Yolo at kinagat siya. Nakahinga siya ng maluwag. Mabuti na lang talaga at isang bad dream lang iyon…
“You’re dreaming…” ani Miss Sofia sa kanya na kalapit niya sa upuan.
“Oo nga. Ang sama ng panaginip ko,” sabi niya. Kinalabit niya si Violet na katabi niya lang din. “Nasaan na ba tayo?” tanong niya.
“Nasa San Pablo, Laguna. Nabasa ko lang sa tabi-tabi. Ano bang napanaginipan mo at histerikal mode ka, sis?”
Tila pagod na pagod na isinandal ni Paloma ang likod sa upuan. “Wala. Isang nakakalokang panaginip lang,” sagot niya habang sapo ang noo. Muli niyang nilingon sa likuran si Lolo Yolo. Parang hindi ito okay. Mukhang may sakit.
“Kanina ko pa rin iyan napapansin…” Napatingin siya kay Rob. “Pinapainom ko nga ng gamot, ayaw naman. Tutulog na lang daw siya.”
“Am I talking to you?” pagtataray niya kay Rob. “Stop talking when I’m not speak speak to you. Okay?!”
“Nagsusungit ka na naman. Nireregla ka ba lagi?”
“Feeling ko kasi, nireregla ako kapag nakikita kita, Rob! Don’t talk to me na nga!” At inirapan niya ito.
Nag-aalalang tinignan niya na lang ulit si Lolo Yolo. Sana ay okay lang talaga ang matanda. Pag-gising nito mamaya ay pipilitin niya itong painumin ng gamot.
-----***-----
STOP over muna sila sa isang abandoned gasoline station. May katabing convenience store kaya kinuha na nila ang mga pwedeng pakinabangan. Naglagay na rin ang mga boys ng gasoline sa mga galon para kapag naubusan sila ay may pang-reserba. Sa ganitong situation kasi dapat ay always ready ka.
Habang kumukuha si Paloma ng mga chips sa estante ay naalala niya bigla si Lolo Yolo. Nagpaiwan ito sa van dahil ang sabi nito ay masama ang pakiramdam nito. Mukhang nagsasabi naman ito ng katotohanan dahil mukha talaga itong may sakit. Kailangan nito ng medicine. Meron ba ditong tinda ng mga gamot? Luminga-linga siya hanggang sa… “'Ayon! 'Buti na lang at merong mga gamot!” masayang sabi niya nang may makita siya.
Paracetamol lang pala. Naku, paasa.
Pero ayos na rin siguro iyon. Mukhang may lagnat naman kasi si Lolo Yolo kaya makakatulong iyon dito.
“Aanhin mo iyan?” tukoy ni Rob sa mga gamot na hawak niya. “Para ba sa akin iyan? Para gumaling na ako sa love-nat ko sa’yo, Paloma?”
Sinimangutan niya si Rob. “Tigil-tigilan mo ako, Rob, ha! Nakakakilabot ang kakornihan mo. Tabi nga!” Tinabig niya ito at tuloy-tuloy sa paglabas ng convenience store.
Diretso agad si Paloma kay Lolo Yolo. Pagbukas niya ng pinto ng van ay wala pala ito doon. Hanggang sa may narinig siyang parang sumusuka sa may gilid ng van. Hindi niya alam pero kinabahan siyang bigla…
Marahang naglakad si Paloma papunta sa pinagmumulan ng taong sumusuka at nagulantang siya nang makita si Lolo Yolo na sumusuka ng dugo. Napatingin ito sa kanya kaya napaatras siya. “L-lolo? W-what’s happening to you?”
“P-paloma… P-parang awa mo na. H-huwag mong sasabihin sa kanila!” Nakikiusap na sabi nito. Naluluha na ang mga mata nito dahil siguro sa pagsuka.
“Ano ang huwag kong sasabihin sa kanila?” Nagtataka niyang tanong.
Inililis ni Lolo Yolo ang manggas ng suot na jacket at doon ay nakita ni Paloma sa braso nito ang pahabang sugat na nagnanaknak na. “Nang gabing i-check ko ang van ay isang zombie ang umatake sa akin. Napatay ko naman siya pero nakalmot niya ako. Siguro, kaya mabagal ang pagkalat ng Z-virus sa akin ay dahil hindi naman ako direktang nakagat. Kaya huwag mo itong sasabihin sa kanila, Paloma. Siguradong hindi sila magdadalawang-isip na patayin ako lalo na si Buhawi.”
“Pero, Lolo… Darating din ang oras na magiging zombie ka na rin. Hindi mo na mako-kontrol ang sarili mo at baka… baka…”
“Baka ano?”
Kapwa nagulat sila ni Lolo Yolo nang biglang magsalita si Buhawi sa kung saan. Iyon pala ay nasa likuran na niya ito. Kinakabahan na humarap siya dito habang tila inuusig siya ng mga tingin nito. Naku… Narinig niya kaya kami? Huwag naman sana dahil patay itong si Lolo Yolo. Bang bang agad siya kay Buhawi for sure. Kinakabahang sabi niya sa sarili.
Nagkatinginan sila ni Lolo Yolo. Nagpapakiramdaman sila dahil hindi nila alam kung ano ang sasabihin.
“Teka. Ano iyan?!” At itinuro ni Buhawi ang dugo sa lupa.
“Ah, eh… Ano… W-wala 'yan. 'Andiyan na iyan kanina pa.” Pilit niyang kinalma ang sarili para hindi makahalata si Buhawi sa pagsisinungaling niya. “Baka gawa ng mga zombies. Alam mo naman na nagkalat sila. Parang mga taong paasa. Nagkalat! Hugot!” Walang buhay na tumawa siya sa corny niyang joke.
“Ewan ko sa’yo. Ang mabuti pa ay tumulong na lang kayo sa paghahakot ng mga kailangan natin. Hindi tayo pwedeng magtagal dito. Malakas ang pang-amoy ng mga puchang zombies. Kilos na!”
“Yes, sir!” pabiro pa siyang sumaludo kay Buhawi at iniwan na sila nito.
“Paloma, salamat…” ani Lolo Yolo.
“Hay! Ginawa ko iyon dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Nalilito ako, sa totoo lang. Pero, ayokong patayin kayo ni Buhawi, Lolo Yolo. Kahit palagi niyo akong pinapagalitan, napamahal na rin kayo sa akin, e!” Teary-eyed na saad ni Paloma.
“Salamat pa rin. Naiintindihan naman kita. Kapag naman alam kong hindi ko na makokontrol ang sarili ko, ako na mismo ang papatay sa sarili ko, Paloma. Pangako ko 'yan sa’yo. Ang gusto ko lang naman ay makasama pa kayo kahit konting araw o oras pa… Basta, hayaan mo muna na sikreto ito.”
Gusto niyan yakapin si Lolo Yolo nang sandaling iyon pero hindi pwede. Hindi pwedeng magkaroon siya ng close contact sa matanda. Mahirap na at baka mahawaan pa siya ng Z-virus. Mabuti na ang nag-iingat.
“Sige po. Secret natin ito, Lolo. Promise!” sabi niya. “Pero hindi ko po masisiguro na mapo-proteksyunan ko kayo ora na magkabukuhan na.”
“Walang problema. Sige na, sumunod ka na kay Buhawi…”
-----***-----
ANG hirap naman ng situation ni Paloma. Sa pagtatago niya kasi ng sikreto ni Lolo Yolo ay inilalagay niya ang Lucky Seven sa panganib. Paano kung bigla na lang mangagat si Lolo Yolo dahil kumalat na ang Z-virus dito? Nakakatakot kapag nangyari iyon!
Bumabyahe na ulit sila at panay pa rin ang tingin ni Paloma kay Lolo Yolo na nag-iisa sa pinakahuling upuan ng van. Nakabaluktot ito at nakahiga. Tulog na naman. Kinakabahan talaga siya sa susunod na mangyayari dito.
Maya maya ay kinalabit siya ni Miss Sofia. “Paloma, okay lang ba si Lolo Yolo? Parang may sakit kasi siya. Ikaw ang madalas niyang kausap, 'di ba? Wala ba siyang dinadaing sa’yo?”
“Naku, ikaw, Miss Sofia! Tsismosa ka rin pala. Charot! Ang alam ko may lagnat—“
Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil biglang bumangon si Lolo Yolo at sumuka ito ng malapot na dugo na may kasamang parang kulay green na likido. Umagos iyon sa dibdib nito at ang iba at tumalsik sa leeg nito.
Nagkasigawan na dahil nakakasulasok ang amoy ng suka nito. Inihinto naman agad ni Buhawi ang van at malakas itong sumigaw. “Anong nangyayari diyan?”
Nataranta na si Paloma. Mukhang kumalat na nang tuluyan ang Z-virus kay Lolo Yolo. Namumuti na ang mga mata nito at sobrang putla na ng balat. Kapansin-pansin na rin ang kulay ubeng linya sa kanyang pisngi at iba pang bahagi ng katawan.
Haaay!!! Anong gagawin ko?! Sasabihin ko na ba ang tunay na kalagayan ni Lolo Yolo?
Malakas na umungol si Lolo Yolo. Matapos ang pagsuka ng dugo ay naglaway naman ito nang bonggang-bongga! Eww! Sobrang eww na talaga!
Ah, bahala na nga. I’m so sorry, Lolo Yolo… Pero I need to… I need to… Tagalog na nga lang! Kailangan ko itong gawin! Ganern!
“Infected si Lolo Yolo ng Z-virus! Nakalmot siya ng isang zombies nang gabing i-check niya ang van!” siwalat ni Paloma.
Lahat ay natahimik at napatingin sa kanya. Parang hindi makapaniwala ang mga ito sa sinabi niya. Wow, ha. Ganiyan lang talaga ang reaksiyon ng mga ito? Umaasa pa naman siya nang isang malaking reaction mula sa mga kasama niya pero wala. Binigo siya ng mga ito. Parang hindi man lang nagulat ang mga kasamahan niya.
“Zombie na si Lolo Yolooo!!!” Histerikal mode siya nang isigaw iyon.
Nagsigawan na rin ang lahat at nagmamadaling naglabasan ng van.
Kailangan pa talagang sabihin ng diretso bago sila mag-react ng severe, ha. Kaloka!
TO BE CONTINUED…