Pumasok na rin si Scarlet pagkatapos niyang payapain ang kaniyang sarili. Humugot muna siya nang malalim na hininga at pinunasang maiigi ang kaniyang mga luha.
Nakita niya ang mga kaibigan na kumakain at tinawag siya ng mga ito. Nandoon din sina Debbie at Miguel.
"Scarlet, kumain ka muna," tawag sa kaniya ni Erin.
"Oo nga, ang layo ng biyahe natin kaya siguradong gutom ka na," wika naman ni Tala.
Lumapit naman siya rito at umupo. Kanina pa nga niya nararamdaman ang gutom. Hindi niya lang masabi kay Miguel na kumain muna sila sa nadaanan nilang restaurant sa Tagaytay.
Habang kumakain ay nagtatawanan sila. Tulad ng dati, sina Paolo at Tala ang pasimuno ng mga kalokohan. Game na game rin namang sumali sina Greg at Erin. Si Debbie naman ay nakikita na niyang tumatawa. Si Miguel ay nagpaalam nang magpahinga. Napagod daw kasi ito sa pag-edit ng mga pictures.
"Tama na, ang sakit na ng tiyan ko sa kakatawa," sabi ni Roxan habang hinihimas ang tiyan.
"Puro talaga kayo kalokohang dalawa. Wala pa ring kupas ang tandem niyo," sabi naman ni Grace.
"Kaya nga ang baby face natin tingnan lahat kasi tawa kayo ng tawa sa amin," ani Tala.
"Tumpak! So, thanks to us?" wika naman ni Paolo.
"Anong thanks to you? Thanks to our skin care kamo," sabi naman ni Roxan.
"Hala! 'Di ba sabi nga nang nabasa ko online "laughter strengthens your immune system, boosts mood, diminishes pain and protects you from the damaging effects of stress" imagine kung gaano kalaki ang tulong ng pagpapatawa namin sa inyo? Tingnan mo na lang si Scarlet, dahil sa kakatawa niya nagmukha lang siyang twenty-one. Sina Tala, Debbie at Grace mga twenty-two. Ikaw naman Rox dahil sa skin care mo lang ikaw naniniwala nagmukha ka tuloy twenty-seven," mahabang pahayag ni Paolo sabay tawa.
"Loko-loko! Eh, twenty-seven naman talaga ako. Ikaw nga sa puro mo kalokohan nagmukha ka tuloy thirty," sabi ni Roxan sabay tawa rin.
"Ay, grabe siya kay Paolo. Hindi naman mukhang thirty. Mga thirty-one!" aniya rito sabay peace sign sa kaibigan.
"Hay naku, matulog na nga tayo at baka kabagin na ang mga tiyan natin sa kakatawa," wika ni Roxan habang pinupunasan ang mga luha. Naluluha na ito sa kakatawa.
Alas dos na ng madaling araw at napagpasyahan na nilang matulog. Maaga pa kasi sila gigising para ma-enjoy nila ng husto ang dagat.
"Oo nga, inaantok na rin naman ako," sabi naman ni Tala.
"Lets sleep na guys," aniya rito.
May limang kuwarto sa villa nila Greg. Sila ni Erin ang magkasama sa isang kuwarto.
Alas sais ng umaga ay nagising na si Miguel. Paglabas niya ng kuwarto ay wala pang gising sa kaniyang mga kasamahan maging ang kaniyang ka-roommate na si Paolo. Tulad ng nakagawian niya tuwing umaga ay napag pasiyahan niyang mag-jogging sa tabing dagat. Nagbihis siya ng kaniyang damit pang ehersisyo at lumabas na ng villa.
Napaka sarap sa pakiramdam ang malakas na ihip ng hanging humahampas sa kaniyang katawan habang tumatakbo. Tamang tama at papasikat pa lang ang araw kaya hindi pa mahapdi sa balat ang sinag nito. Nakaka relax din sa kaniyang isipan ang ingay nang mga alon habang humahampas ito sa dalampasigan.
Pagkatapos ng tatlumpong minuto na pagtakbo ay naisip niyang lumangoy sa dagat. Nakaka enganyo kasi ang napakalinaw na tubig nito. Kumikislap kislap pa habang tinatamaan nang sikat ng araw.
"Whoaah!" nakangiting sigaw niya. "Ang lamig pa ng tubig." Ngunit hindi na niya ito inalintana. Nagpatuloy lang siya sa paglangoy hanggang sa makaramdam siya ng pagod.
Umahon na siya at dinampot ang kaniyang gamit na iniwan sa buhanginan. Bumalik na siya sa villa na nakayapak at wala ng damit pang itaas. Sa kusina na siya dumaan dahil sa basa niyang katawan. Pagbukas niya ng pintuan ay siya namang may tumulak dito kaya nawalan siya ng balanse at napahiga sa sahig. Laking gulat niya nang maramdamang may nakadagan sa kaniya. Pag-angat niya ng kaniyang paningin ay nakita niya si Scarlet na nagulat din sa mga pangyayari.Agad na tumayo ito mula sa pagkakadagan sa kaniya.
"Sorry!" nahihiyang wika nito at todo iwas ang mga matang tumitig sa kaniya. Napansin din niya ang pamumula ng mga pisngi nito. Bahagya namang napangiti si Miguel. May kung ano na naman kasing tumatakbo sa kaniyang isipan.
Tumayo na rin siya sabay sabing "It's okay. It's not your fault." Pagkatapos ay pumasok na siya sa loob at dumiretso ng banyo upang maligo. Mabuti na lamang at may nakahanda roong tuwalya kaya may nagamit siya.
Si Scarlet naman ay tila tulala pa rin sa mga pangyayari. Pagkatalikod kasi ni Miguel ay tila nanlambot ang kaniyang mga tuhod. Kasalukuyang nakahawak siya sa may pintuan sa takot na tuluyan nga siyang bumagsak.
"Hoy Scarlet, umayos ka. Bakit parang nagustuhan mo ang mga nangyari, ha?" wika niya sa kaniyang sarili. "Kalma girl, kalma!" patuloy pa niya.
"Anong kalma?" tanong ni Erin na nagulat din sa kaibigan. Narinig pala nito si Scarlet habang kinakausap ang sarili.
"A-ahh, wa-wala!" nauutal pa niyang sagot. "May nakita kasi akong ipis kaya nagulat ako. Oo, iyong ipis nga," pagsisinungaling niya rito.
"What? May ipis dito? Nasaan?" magkasunod na tanong nito habang tila hinahanap ang ipis.
"Nakalabas na at naitaboy ko na," sagot niya.
"Ano ba kasi ang ginagawa mo rito? Bakit hindi mo ako ginising?" tanong sa kaniya ni Erin.
"Ang sarap kaya ng tulog mo at humihilik ka pa," sagot niya rito. "Magluluto na rin sana ako ng breakfast. Seven o'clock na at sobrang init na mamaya. Hindi na masarap lumangoy sa dagat," tugon pa niya rito.
"Tutulungan na kita," sabi nito sa kaniya.
Akmang magsisimula na sila sa paghahanda ng lulutuin nang biglang dumating sina Roxan at Greg.
"Good morning guys!" bungad naman ni Roxan pagpasok nito sa kusina. Kasunod nito ang boyfriend na si Greg.
"Good morning!" masiglang tugon nila ni Erin sa mga ito.
"Kami na ang bahala rito sa kusina," pahayag ni Greg. "You can enjoy the view outside habang naghihintay ng breakfast," patuloy pa nito.
"Sige na girls, samahan niyo na ang iba roon," ani naman ni Roxan sabay kunwaring tinataboy sila palabas.
Lumabas na sila ni Erin sa kusina. Ayaw na nila makipagtalo sa mga ito. Nakita nilang nasa tabing dagat na ang mga kaibigan. Kumakaway ito sa kanila. Paglapit nila ay masayang niyakap siya ni Tala.
"Good morning super model!" maarteng bati nito sa kaniya.
"Ang arte ha, hindi bagay," pabirong tugon niya rito.
"Kailan pa ba hindi naging maarte 'yan?" pabirong tanong ni Paolo.
"Sabi nga ni Tita Delia, ang mama ni Tala ay simula pagkabata ay sobrang arte na niya," dagdag pa ni Grace.
"Oh sige, pagtulungan niyo na ako," kunwaring nagtatampong wika ni Tala at umirap pa sa mga kaibigan.
"See? Ang arte mo nga!" biglang sabi ni Debbie.
At naghalakhakan na sila. Mabuti na lang at nasa pribadong resort sila kaya kahit mag-ingay ay wala silang iba na magagambala. Ang saya-saya ni Scarlet. Ito kasi yung nami-miss niya ng matagal. Ang mga biruan at halakhakan nilang magkakaibigan.
Samantala, pagkatapos magbihis ni Miguel ay bumaba na siya ngunit wala siyang nadatnang kasamahan sa sala. Tumungo siya ng kusina at nakita niya ang magkasintahang Greg at Roxan na abala sa pagluluto.
"Naku! Migz, lumabas ka na at kaya na namin ito," wika ni Roxan sabay nakanguso pa nitong itinuturo ang daan palabas ng kusina.
"She's right, Pare. Malapit na kaming matapos. Tatawagin na lang namin kayo kapag ready na ang mesa. Besides, paparating na sina Mang Ambo at Aling Tessie," dagdag naman ni Greg.
Ang tinutukoy niya ay ang mag-asawang katiwala nila sa resort. Ito ang nagbabantay kapag wala sila rito ng kaniyang pamilya. Inutusan nila kasi ang mga ito na mamili ng mga sariwang isda, gulay at prutas para sa kanilang tanghalian.
"Okay! If you insist, I'll go guys. Sarapan niyo ha?" pabiro pa niyang bilin sa mga ito. Thumbs-up naman ang naging tugon ng dalawa.
Pagkalabas ay naririnig niya ang mga halakhakan ng mga kaibigan. Nasa 'di kalayuan ang mga ito. Tila mga batang naghahabulan sa dalampasigan. Kinuha niya ang cellphone sa kaniyang bulsa at pasimpleng nilitratuhan ang mga ito.
Naalala pa niya noong kabataan nila na kapag nagsama ang mga ito ay napakaiingay. Lagi pa nga niyang sinasaway palibhasa siya ang Kuya sa kanila. Napansin siya ni Paolo habang nakatingin siya sa mga ito.
"Bro, halika rito," tawag nito sa kaniya. Nakatingin ang lahat sa kaniya habang papalapit siya sa mga ito.
"Oh, parang nakakita kayo ng artista ah?" pabirong wika niya sa mga ito.
"Artistahin ka naman talaga ah," pabirong tugon din ni Tala.
"True, Brother! Walang sinabi si Paolo Avelino sa'yo," wika naman ni Grace.
"Sige, bolahin niyo pa ako. Wala akong ipanlilibre sa inyo tandaan niyo 'yan," pabiro niyang sabi sa mga ito.
"Hindi ka namin binubola. Kahit sino pa ang tatanungin mo, hindi ka nila makikilala compare sa dati mong itsura, 'di ba, Scarlet?" wika ni Tala sabay lingon sa kaniya.
"H-haa? Ah, eh," nauutal niyang sagot at wala siyang maapuhap na sasabihin.
"See? Speachless si Scarlet, meaning hindi ka niya kaagad nakilala," nakangiting dagdag pa ni Tala.
Napansin naman kaagad ni Erin na tila balisa na si Scarlet sa mga nangyayari kaya sumingit siya sa usapan.
"Guys, baka ready na ang breakfast natin. Balik na muna tayo sa loob at ng makakain bago tayo mag swimming," wika nito sa kanila.
Nagpasalamat naman sa kaniyang isipan si Scarlet. Buti na lang talaga at mabilis makabasa sa mga pangyayari si Erin. Pabalik na sila ng villa at saktong lumabas din si Roxan para sana tawag in din sila.
"Guys, kain na tayo," tawag nito sa mga kaibigan.
"We're coming," sagot niya at patakbo siyang lumapit dito. Sumunod naman ang mga kaibigan niya.
Napansin uli ni Miguel na tila umiiwas sa kaniya ni Scarlet. Napapangiti siya kapag nakikita niyang asiwa sa kaniya ang dalaga. Pakiramdam niya kasi ay succesfull na ang kaniyang plano kahit hindi pa siya nagsisimula.
Sa open pavilion nag set-up nang almusal sina Roxan at Greg. Katuwang nila ang mag-asawang katiwala rito. Garlic fried rice, pritong itlog, hotdog at danggit na may sawsawang maanghang na suka lang naman ang kanilang agahan. May kasama pang matamis na mangga para sa kanilang pang himagas.
"Wow!" bulalas ni Scarlet pagkakita samga nakahaing pagkain. "Sobrang na-miss ko ang mga ito. Thank you so much Greg and Roxan for this," nakangiting dagdag pa niya.
Nagsiupo na sila at masayang nagsikain. Hindi maiwasan ni Scarlet ang magkamay kaya tinutukso na naman siya ng mga kaibigan.
"Naku, lagot at nagkamay na si Scarlet. Delikado ang mga pagkain nito," pabirong wika ni Paolo.
"Oppss! Magsikuha na at baka maubusan," dagdag pang-aasar naman ni Tala.
"Grabe sila sa akin oh," tila nagtatampo niyang sabi sa mga ito.
"Remember, noong naisipan nating mag outing after high school graduation!? Halos ikaw ang umubos nang dala nating pagkain," tugon naman ni Roxan.
"Gutom lang talaga siya noon," sabi ni Miguel na tila ipinagtatanggol pa ang dating kasintahan sa pang-aasar nang mga kaibigan.
"Ayon oh, may nahanap na kakampi," pang-aasar uli ni Tala.
"Uy! Si Miguel, 'di matiis na hindi ipagtanggol si Scarlet," panunuksong wika ni Roxan.
"Well, totoo naman talaga iyon eh," nakangiting tugon uli ni Miguel.
Namumula ang mga pisngi ni Scarlet. Buti na lang talaga at 'di napansin ng mga ito. Dahil kung hindi mas matinding panunukso ang gagawin ng mga ito sa kaniya. Napansin niyang titig na titig sa kaniya si Miguel. Iniwas niya rito ang kaniyang mga mata. Aminado siyang' di pa niya kayang makipag titigan dito.
"Ang lakas kumain pero ang sexy samantalang ako kahit anong diet eh, mataba pa rin," tila malungkot na sabi ni Grace.
"Anong diet ang pinagsasabi mo riyan? Diet ba 'yan? Eh, halos umapaw na ang pagkain sa pinggan mo," sabi rito ni Roxan.
"Diet na sa akin ito, noh. Kapag malakas akong kumain nakakatatlong pinggan ako," wika nito.
"Kung gusto mo talagang pumayat magpaturo ka ng technique kay Scarlet. Hindi naman siya ka-sexy dati pero tingnan mo ngayon. Mapapalingon lahat ng makakasalubong niya. Nakita mo na ba mga pictures niya online at sa magazine? Grabe, hindi magpapatalo sa mga Victoria's Secret Angels. Ano nga ba sekreto mo, girl?" curious na tanong ni Roxan.
"Grabe siya, nakakahiya naman but I'm so flattered, Rox," aniya rito sabay kindat sa kaibigan. "Well, proper diet and exercise lang talaga. Blessed lang din siguro ako at malakas metabolism ko. Kung tutuusin malakas din akong kumain. Pero kung meron akong work engagement, I'll make sure na I'm on my perfect shape. Nakakahiya rin kasi sa client lalo na kapag may photographer na sinasadyang ipakita ang mga flaws mo," dagdag pa niya sabay tingin kay Miguel.
Nakita niya ring nakatitig ito sa kaniya. May kung anong naramdaman siya sa pagtama ng kanilang paningin. Isang pakiramdam na hindi niya kayang ipaliwanag.