ISAY's P.O.V
Ang akala ko okay na ako.
Walang pamilya.
Walang nakakakilala.
Walang bukas na iniisip.
Walang nagmamahal.
Walang problema.
Pero nagbago ang lahat ng iyon nang muli ko siyang nakita. Si Sampaguita.
Ilang araw na ang nakalipas simula ng matunton niya ako dito sa beer house na pinagtatrabahuhan ko. Ang ganda niya padin ngunit bakas ko sa mga mata niya na madalas siyang puyat.
Gusto ko siyang yakapin at tanungin ng 'Kamusta ka na?' Pero mas pinairal ko ang dapat, ang lumayo na sakanya, sa anak niya. Ayoko na silang guluhin pang mag-ina. Kahit parang namatay ang puso ko simula ng nagdesisyon akong lumayo.
"Miss! Dalawang bote pa nga dito!" Pagtawag sa akin ng isang customer na lalake.
Inilapag ko na ang dalawang bote ng beer sa mesa ng umorder, tatlong lalaking nasa mid 40's na halatang mga lasing na. Napaigtad ako ng maramdaman kong hinawakan ang pwet ko ng isa sakanila.
"Kuya, alam mo bang harassment yan?" Madiin kong sabi pero pinagtawanan lang nila ako. Simula ng magtrabaho ako dito ay ngayon palang ako nakatapat ng manyakis na customer.
"Putang ina pare, matapang itong bebot mo! Haha!" Wika ng isa na katabi ng nanghipo sa akin.
Lalakad nalang sana ako palayo ng hatakin ng nanghipo sa akin ang kamay ko.
"Teka lang Miss byutipol. Dito ka na muna samin hehe."
"Busy akong tao Kuya kaya kung pwede bitawan mo ako." Inis kong ani. Pilit kong tinatanggal ang kamay ko sa pagkakahawak niya pero sadyang mas malakas siya sa akin.
"Ang yabang mo ah. Eh pok-pok ka lang naman!" Sigaw sakin ng lalake at mas lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko.
"Bitawan mo nga ako! Bastos!" Singhal ko sakanya.
"Mas bastos kang pok-pok ka!"
Naramdaman ko nalang ang paglipad ng palad niya sa pisngi ko kasabay ang sigawan ng mga tao sa paligid. Maging ang mga kasama nitong lalake ay nagulat sa ginawa ng kasamahan nila.
Napaupo nalang ako sa sahig, pinunasan ang labi kong dumudugo na pala. Tiningnan ko ng masama ang walangyang lalake na sumampal sakin.
"Hindi porke nagtatrabaho kami sa ganitong lugar ay pok-pok na. Nagsisilbi ako bilang waitress pero kahit kailan hindi ko ibinenta ang sarili ko! Hindi kami ang madumi kundi yang utak ng nga katulad mo!" Pagsagot ko sakanila.
"Sabel! Wag ka ng magsalita pa." Wika ng isang waitress na kasamahan ko din. "Sir pasensya na po." Paghingi niya ng tawad sa lalakeng walangya.
Inawat na ang lalake ng dalawa nitong kasama at ipinasok na ako sa back stage ng ibang waitress.
"Okay ka lang ba Sabel?! Akina, gagamutin ko yang sugat mo." Wika ni Ara, ang pinaka ka-close ko dito sa beer house.
Habang ginagamot niya ang sugat at pasa kong natamo ay halos maluha-luha na ako.
"Hala bhe, mahapdi ba? Sorry." Aniya.
Hindi niya alam na naiiyak ako dahil napagtanto ko na mas mahapdi ang buhay na pinili ko.
* * *
SAM's P.O.V
Sa sandaling panahon na nawalay si Isay samin, ang laki na agad ng pinagbago niya. Ang puso niya noon na kay lambot ay naging sintigas na ngayon ng bato.
Kasalanan ko.
Masakit pala talaga ang ipagtabuyan ka ng taong mahal mo. Marahil ay ganun din ang sakit na naramdaman niya noong iniiwasan ko siya noon.
Tulog na si Jasmine ng dumating ako sa bahay, maigi na 'yon para hindi niya makita ang namumugto kong mga mata. Pagpasok ko ng aking silid ay bumaha nanaman ng luha kasabay ang malakas na ulan ng gabing 'yon.
"Ma, Are you okay?" Ani Jasmine sa akin habang sabay kaming kumakain.
"Ha? O-oo naman 'nak. Heto, kumain ka ng kumain. Masarap itong niluto ko." Sinandukan ko siya muli ng ulam para ibahin na ang paksa.
"Ma, dapat yata ikaw ang kumain ng kumain kasi mukhang nangangayayat po kayo. Tapos nangingitim pa po yang paligid ng mata nyo." Pagpansin ni Jasmine.
"Wala ito 'nak, syempre minsan napupuyat kakahanap ng kliyente online. Alam mo naman si Mama kailangan kumayod." Pinilit kong ngumiti para hindi na mag-alala pa si Jasmine.
"Hay nako Ma, pag nakatapos ako at nagkatrabaho,hindi mo na kailangan magmakaawa at maghabol sa mga kliyente mo. Ako nang bahala sa'yo Ma." Aniya.
Labis akong nagalak sa sinabi niya, masaya akong napalaki ko si Jasmine na marunong magmahal sa magulang at kapwa. Ipinatong ko ang kamay ko sa kamay niyang nasa mesa. "Anak, kaming mga magulang ay iniluwal kayo sa mundong ito para turuan, alagaan at mahalin upang may maiwan na magandang sibol para sa hinaharap kahit wala na kami." Nakangiti kong ani sakanya.
"Ma, ang lalim nun. Sa sobrang lalim hindi ko na-gets."
"Ang ibig kong sabihin ay huwag kang magtrabaho para sa akin, dahil hindi ka puhunan. Anak kita at gusto kong mabuhay ka para sa sarili mo." Paliwanag ko sakanya.
Nagdikit ang kilay niya na parang nagtataka. "Eh Ma, hindi ba parang wala naman akong utang na loob na anak nun pag ganun?" Pagtatanong niya.
"Utang mo sa Diyos ang buhay mo, hindi sa akin." Sagot ko sakanya. "Isa pa, kaya nga ako nagtatrabaho dahil nag-iipon din ako para sa pagtanda ko. Kaya ikaw mag-ipon ka din para kapag matanda ka na hindi ka magiging pabigat sa mga magiging anak mo." Pangaral ko habang sinasalinan ng tubig ang baso niya.
"Anak agad? Advance mag-isip Ma."
Tawanan.
Ayaw ko man isipin pero kapag may sariling pamilya na si Jasmine ko, itong mga ganitong usapan namin ang pinakamamimiss ko. Matalino siyang bata, hindi sa akademika kundi sa buhay. Dahil alam kong ang talino ay hindi nasusukat sa taas ng mga marka mo sa pag-aaral kundi sa tamang desisyon mo sa buhay at tamang pakikipagkapwa tao.
Ako na ang gumabay kay Jasmine simula bata pa sya. Pero ngayon ako naman ang kailangan ng gabay. Sino? Marahil ang Diyos lang.
Simula noon tuwing nasa eskwelahan ang anak ko ay agad akong umaalis upang puntahan si Isay sa pinagtatrabahuhan nito. Nagsusuot ako ng balabal sa mukha at palihim ko lang siyang binabantayan habang nagtatrabaho. Natatakot akong magpakita dahil baka ipagtabuyan niya ako muli.
Hanggang tanaw nalang ako sakanya. Pinagmamasdan ang kilos niya, ang mga kamay niyang tila hindi na kilala ang pahinga. Ang mga binti niyang ngawit na siguro sa pagtayo. Ang labi niyang hindi na yata alam ang pag ngiti.
Hindi ko alam kung tama ba na pabalikin ko pa siya sa buhay namin? Sa buhay ng anak kong si Jasmine? Pero tama ba na hayaan ko nalang siya sa ganitong klaseng buhay?
Oh Diyos ko. Hindi ko na alam.
Isang hapon ay muli kong pinuntahan si Isay, pero sa kamalas-malasan ay nasiraan pa ang jeep na sinasakyan ko.
"Manong, ano? Magagawa pa ba yan? Kung hindi na ibalik nyo nalang ang bayad namin o kaya ilipat nyo nalang kami." Reklamo ng isang Ginang na pasahero.
"Oo nga! Nagmamadali kami!"
Sunod-sunod na ang mga reklamo sa mamang driver kaya minabuti nalang nito na ibalik ang mga bayad namin.
Pahirapan nang sumakay dahil inabot na ako ng rush hour. Uwian na ng mga empleyado sa trabaho ng ganitong oras kaya naman lahat ng jeep na dumadaan sa amin ay puno na.
Ginabi na ako ng dating sa trabaho ni Isay kaya nagmamadali akong pumasok sa entrance, hindi ko napansin na nakalimutan ko na palang mag balabal ng mukha.
Agaw pansin sa loob ng beer house ang isang mesa na may lalakeng nakikipagsagutan sa manager at ilang waitress. Hinanap ng mga mata ko si Isay pero wala siya duon. Minabuti kong maghintay-hintay nalang muna kahit trenta minutos kaya umorder ako ng softdrinks at mani habang nakikinig sa mga sintunadong lasing na nagvivideoke.
Ang sinabi kong trenta minutos ay mag iisang oras na. Nakarami nadin ako ng order ng mani pero wala padin si Isay kaya nagtanong na ako sa mga kasamahan niya.
"Ah Miss, nasaan yung isang kasamahan niyong waitress?"
"Po? Ano po bang pangalan?"
"Ah-eh." Saglit kong inalala yung itinawag na pangalan sakanya ng kasamahan niya. "S-si Sabel! Nasaan siya?"
"Nako Ate, pinauwi na po muna siya ng boss namin. Nagkagulo po kasi kanina dito dahil sinagot-sagot niya yung isang customer namin. Teka, sino po ba sila? Nang masabi ko nalang kay Sabel na may naghahanap sakanya."
"K-kaibigan niya ako. Salamat." Ani ko sakanya at lumabas nalang ako ng beer house.
Bigo akong sumakay na ng jeep pauwi. Labis na nababahala sa gulong sinapit ni Isay. Parang napakahirap padin paniwalaan na nakikipag-away na siya.
Isang buntong hinga at dumungaw nalang ako sa bintana ng jeep. Pilit ipinapahinga ang isip sa maingay na siyudad ng biglang mahagip ng mata ko si Isay na nakaupo sa isang waiting shade. Agad akong pumara pababa ng jeep at tumakbo papalapit kay Isay.
"Isay!" Sambit ko sa pangalan niya.
Pagharap niya sa akin ay nakita ko ang gilid ng labi niyang may pasa. Halata din sa mga mata niyang umiyak siya. Nanginig ang laman ko sa galit sa kung sinong gumawa sakanya nito. Madahan kong hinaplos ang pisngi niya.
"S-Sino ang may gawa sa'yo nito?"
"Hindi na mahalaga kung sino." Sagot niya sa mataray na pananalita.
Niyakap ko siya, ang Isay ko. Ramdam ko ang bawat paghikbi sa balikat niya. Kaya mas niyakap ko siya ng napakahigpit at sa pagkakataong ito ay alam ko ng hindi ko na dapat siya pakawalan pa.