PROLOGUE
"Will you marry me?" Nakaluhod na saad ng binata sa dalagang nasa kanyang harapan. Ang mga luha na nag-uunahan sa kanyang mukha ay pinaghalong kaba at tuwa dahil sa kanyang ginagawa. Matagal nang plano ng binata na ayain magpakasal ang nobya ngunit nag-aalangan syang hindi ito pumayag magpakasal sa kanya. Batid nya na totoo ang nararamdaman ng babae para sa kanya. Ngunit ang agwat ng pamumuhay nilang dalawa ay sadyang napakalayo talaga.
Ang nobya nya ay anak ng isang kilalang negosyante sa Zambales at talagang kilala sa kanilang lugar at paaralan hindi lamang dahil sa taglay nitong yaman kundi dahil sa kabaitan at angking ganda nito. Habang siya naman ay isang hamak na boy lamang ng isang tindahan na nagbebenta ng mga pagkain para sa mga alagang hayop. Alam nyang maitsura sya ngunit ang pamumuhay nya ay talagang aayawan ng kahit sinong magulang sa oras na malaman nito iyon. Wala na rin syang ibang kasama sa buhay kundi ang nag-iisang alaga nyang aso. Pumanaw na ang kapatid nya ilang buwan lamang bago nya ayaing magpakasal ang nobya.
Katatapos pa lamang sa hayskul ng dalawa. Doon napagtanto ng binata na iyon na ang tamang oras upang hingin ang kamay ng nobya at mamuhay at tumanda silang magkasama. Ilang taon nyang pinag-isipan ang gagawing pag-aaya ng kasal ngunit heto pa rin sya ngayon at kinakabahan sa ginagawa.
Ang impit na kilig ng mga tao ay maririnig sa paligid. Isa-isa ito tinapunan nang tingin ng dalaga. Ang luha ay nagbabadya sa kanyang mga mata. Ang halo-halong nadarama ay hindi nya mailarawan. Matagal na nyang hinintay na magpropose ang nobyo sa kanya. Akala nya ay wala itong plano noon dahil kahit kailan ay hindi niya narinig rito na gusto nitong magsama sila.
Lumuluha man ay tumango sya na dahilan upang maghiwayan ang mga taong nakapalibot sa kanila. Nasa loob sila ng mall upang magdiwang sa pagtatapos nila sa hayskul. Wala syang anumang ideya sa plinano ng nobyo. Talagang sorpresa ang lahat para sa kanya.
Napakagandang regalo nito sa pagtatapos. Saad ng dalaga sa kanyang isipan. Walang hinihiling pa na iba.
Tumayo ang lalaki at saka yinakap ng mahigpit ang dalaga. Hinagkan pa muna nya ito bago tuluyang isinuot ang singsing na pinag-ipunan nya pa ng ilang taon. Minimal lamang ang itsura at disenyo nito. Bagay na alam nyang magugustuhan ng nobya. May maliit na dyamante ito sa gitna at manipis ang bilog na kasyang-kasya sa daliri ng dalaga.
May tuwang tinitigan nya ang singsing na suot saka muling hinagkan ang nobya. Hindi maipaliwanag ang nararamdaman nya. Sa isip ay hindi nya nanaisin pa kung paghihiwalayin sila ng mga magulang nito.
Panay pagbati ang nangibabaw sa buong paligid. Ilang mga tao rin ang kumuha ng video sa kanila.
Tuwang-tuwa na sinalubong nila ang mga taong bumabati sa kanila. Hindi nila kilala ang mga ito ngunit ang suporta para sa kanila ay talagang nag-uumapaw.
Nang araw ding iyon ay nagdesisyon sila na humarap sa magulang ng dalaga upang ipaalam ang plano nilang maging isa.
Hindi man umayon sa gusto nila ang desisyon ng mga nakatatanda ay pinili pa rin nilang panindigan ang daang nais tahakin. Pinili nila ang kanilang kasiyahan sa kabila ng pagtutol ng ilan.
"Salamat dahil nagpakasal ka pa rin sa akin kahit ganito lang ako." Saad ng binata sa dalaga na nasa kanyang harapan. Isang magandang ngiti ang iginanti ng babae matapos magsalita ng asawa.
Kahit kailan ay hindi pinansin ni Amarah ang agwat ng pamumuhay nilang dalawa ng napiling asawa. Ang tanging nakikita nya lang rito ay ang magagandang katangian nito na talaga namang dahilan kung bakit niya ito minamahal.
Para sa kanya ay napakaperpekto ni Charles. Mapagmahal ito, mapagbigay, maalaga at napapasiya sya nito sa tuwing hindi maganda ang nangyayari sa kanyang paligid.
Magsasalita pa sana sya nang hapitin sya ni Charles at ikulong sa mga bisig nito. Ang pag-angat ng balikat ng asawa ay ramdam nya. Hinagod nya ang likod ng minamahal saka marahang inalis ang pagkakayakap upang tignan ang mukha ng asawa. Dali-daling nagpunas si Charles ng mga luha nang salubungin ang nakangiting asawa. Hinagkan nya ito sa noo at saka hinawakan ang baywang at sabay na humarap sa isang gusali.
Ang tuwa at saya ng dalawa ay walang mapaglagyan. Ang mga plano nila ay talagang natutupad na.
Nakatayo ang mga ito sa labas ng bahay na kanilang binili. Ang panimula ng kanilang buhay mag-asawa. Ilang taon rin ang nagdaan bago nila maisip na lumagay na sa tahimik. Hanggang ngayon ay sariwa sa ala-ala nilang dalawa kung paanong nagsimula ang kanilang pagsasamahan.
Bagaman inaalala ni Amarah ang mga magulang ay hindi nya kailanman naisip na iwan si Charles. Pinagsilbihan nya ito at ganoon rin ang lalaki.
Ang pagsasamahan ng dalawa ay talagang kina-iingitan ng lahat ng mga kaibigan at kakilala nila. Ultimong iyong mga hindi nila kakilala ay nakararamdam ng inggit sa tuwing makikita sila.
Parating sinasabi na napaka-perpekto ng samahan ng dalawa. Sa unang buwan ay napakasaya ni Amarah. Nakahanap ito ng trabaho sa isang canteen bilang isang serbedora habang si Charles naman ay nagpatuloy sa pagtatrabaho sa dati na nyang pinagtatrabahuhan.
Bagaman maliit ang kita ng dalawa ay nakuntento sila sa kayang ibigay ng isa't-isa. Hindi naging maarte si Amarah sa kung ano mang maihain nila sa kanilang lamesa. May savings naman ito ngunit ginamit nila iyon pambili ng bahay at itinatabi ang natira para sa mga anak na gusto nila.
Nakuntento si Amarah sa pagmamahal na pinararamdaman ng asawa sa kanya. Bagaman hindi nakabibili ng mga bagong damit tulad noon ay nanatili syang nakangiti at pinagsisilbihan ang asawa.
Ngunit sa hindi malaman na dahilan ay biglang nagbago ang lahat.
Nag-iba ang awra sa kanilang tahanan.
Bakit kailangang maranasan ko ang mga ito?