Ang isang taong pakikisama sa kanya ay tila ba paghihirap sa kamay ni Satanas.
Isang taong puno ng paghihirap.
Isang taong puno ng pasakit.
Isang taong puno ng pighati.
Isang taong puno ng pagkukunwari.
Walang araw na hindi ako umiiyak.
Walang araw na hindi nya ako sinaktan.
Tuwing sasapit ang bukang liwayway, isang sampal ang gigising sa akin. Paulit-ulit pero tila ba isang balde ng anesthesia ang itinurok sa aking katawan para mamanhid ito. Naroon ang sakit pero matapos ang ilang sipa at suntok ay kusang mamamanhid ang katawan ko. Nasanay na yata ako sa sakit. Nasanay na yata akong maging punching bag sa bawat araw. Hindi ko alam kung tao pa nga ba ang turing nya sa akin o isang laruan na lang na sasaktan nya sa tuwing mainit ang ulo nya.
Hindi ko alam kung paanong umabot sa ganito. Hindi ko alam kung paanong natiis ko ang ganito. Tinalikuran ko ang pagiging prinsesa sa bahay namin upang maging isang alipin ni Satanas sa bahay na akala ko ay pag-aari ko. Isa nga bang pagkakamali ang landas na napili ko? O isa nga ba itong karma dahil sa kasalanang nagawa ko sa aking mga magulang?
Sa loob ng isang taon, walang araw na hindi ako umiyak. Walang gabi na hindi ako nagdasal at kwinestyon kung bakit naging ganito ang kinahinatnan ko. Wala akong maisip na naging kasalanan ko sa nakaraan upang ganito ang danasin ko. Naging mabuti akong anak. Pero bakit ganito ang naging ganti ng tadhana sa akin? Ang gusto ko lang ay maging masaya, ang magkaroon at asawa at anak, ang mamuhay sa isang tahanan na puno ng pagmamahal pero bakit ganito ang ibinigay sa akin?
Walang umaga na hindi ako natakot para sa buhay ko pero kahit anong takot ko, ang iwanan sya ay sadyang hindi ko kaya. Tanga na nga siguro talaga ako dahil mas iniisip ko pa sya kaysa sa sariling kaligtasan ko. Mas iniisip ko yung sakit na maaari nyang maramdaman sa oras na umalis ako o talagang nahihibang na ako sa isipin na masasaktan sya pag nawala ako dahil halata naman sa ikinikilos nya na maski katiting ay wala syang pakialam sa kung anuman ang pwedeng mangyari sa akin.
Ang pagluha ko ang nagsisilbing kaligayahan nya.
Ang paghihirap ko ang nagiging lakas nya.
Ang apat na sulok ng bahay na ito ang nagsisilbing kulungan ko at ang pagmamahal ko sa kanya ay parang isang kadena na hindi ko matanggal kahit hawak ko ang susi. Mali. Kaya kong tanggalin ngunit wala akong sapat na lakas upang gawin iyon.
Hindi ko lubos maisip na tatagal ako sa ganitong sitwasyon. Isang taon. Isang taong tinanggap ko lahat ng p*******t nya. Hindi sya kailanman nakarinig ng kung ano mang mga salita mula sa akin. Nanatili ang aking bibig na tikom sa buong taon habang sya ay patuloy na pinapatay ang katawang lupa ko. Naging alipin ako ng taong tinuring kong hari.
Puro galos at pasa ang regalo nya sa bawat araw. Kakatwang kahit gaano karami ang sampal at sipa na tinatanggap ko ay hindi pa rin bumibigay ang katawan ko at kahit anong p*******t nya ay pinaniniwala ko pa rin ang sarili ko sa kasinungalingang baka isang araw magbago sya at mahalin muli ako.
"I love you and I will marry you."
Napangiti ako ng mapait nang maalala kung paano ako tangang pumayag na makipag-isang dibdib sa kanya sa kabila nang pagtutol ng aking mga magulang. Hindi ko lubos maisip na ganito ang dadanasin ko sa lalaking puros pagmamahal ang ipinakita sa akin mula sa simula. Totoo nga ang sinasabi ng iba. Lahat ay sa una lang masaya, sa una ka lang mahal ng lalaking pipiliin mo. Pag mahal mo na sya ng sobra tsaka ka nya bibitawan sa ere at doon iiwanan na lang ng basta-basta, walang pasabi o paalam man lang. Basta naroon ka lang, sa madilim na ere kung saan ka nya iniwan sa hindi malamang dahilan.
Kasabay nang pagluha ko ay ang mga tanong na paulit-ulit na bumabalik sa isip ko. Ngunit kahit anong gawin ko ay hindi mabigyang kasagutan.
Ano bang naging kasalanan ko para maging ganito karamot ang tadhana sa pagmamahal at kasiyahang inaasam ko?
Mali bang magmahal?
Mali bang naising maging masaya?
Mali bang asamin ang pagmamahal nya?
Mali bang umasa na sa akin muli matutuon ang atensyon nya?
Mali bang hilingin na sana maramdaman ko ulit iyong pagmamahal nya?
Hindi naman di ba?
Ang gusto ko ay magkaroon ng maayos na pamilya. Ang ipinangako mo ay isang masayang tahanan kung saan tawa ng mga maliliit na bata ang maririnig sa buong bahay pero bakit pagluha ang ibinigay mo? Bakit mga sugat at pasa ang inireregalo mo sa akin?
Bakit ganito ang ipinalit mo sa lahat ng sakripisyo ko para sayo?
Karma na nga ba ito sa paglikod ko sa mga magulang ko?
O sadyang ito ang mapait na kapalaran ko?
Siguro ang mali ko lang ay ang manatili at hayaang saktan nya ako ng paulit-ulit, ang hayaan ang sarili kong magpakatanga at umasa sa isang taong matagal na akong tinalikuran para sa sarili nya.
Hinubad ko ang mga telang bumabalot sa aking katawan at saka humarap sa salamin. Hindi na ako nagtaka sa naging itsura ko. Kada araw na dumaraan, palala ng palala ang itsura ko.
"Mukha na talaga akong basura." Saad ko sa sarili habang nakaharap sa salamin at tinignan ang kabuuan ko.
Yung dati kong maputing balat ay halos mabalutan na ng itim dahil sa mga pasa. Ang mukha ko ay may mga sugat. Ang labi ko ay namamaga. Mukha na akong panda dahil sa black eye sa magkabilang mata ko. Pumayat na rin ako hindi katulad noon. Lubog ang mga pisngi at luwa ang mga mata na tila ba nais na nitong malaglag. Ang mahaba kong buhok ay buhaghag na.
Napahagulgol ako nang mapagmasdan kong maigi ang buong katawan ko.
'Hindi ko na kilala ang sarili ko. Ibang-iba na ang babaeng nasa repleksyon ko sa Amarah isang taon na ang nakalilipas.'
'Hindi ito ang gusto kong buhay pero ito ang ibinigay mo.'
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip na ganito ang kahihinatnan ko sa mga kamay nya. Hindi ko inakala na magiging impyerno ang bahay na ito dahil sa kanya. Ang masayang pagsasama ng unang buwan ay parang trial sa isang laro. Panandalian. Pagkatapos ay puros pasakit at paghihirap na.
Naaalala ko pa kung paano nya hiningi ang mga kamay ko sa mga magulang ko.
Wala syang dala maski ano nung araw na yun kundi ang pag-asang pumayag ang aking magulang sa desisyon namin na maging isa. Kitang kita ko ang pagiging desidido nya noong mga oras na sabihin nya sa mga ito na gusto nya akong pakasalan.
Bitbit ang pangarap na magkapamilya sa kanya, sinuong ko ang pag-aasawa kahit tumutol ang mga magulang ko sa pag-aakalang matutupad niya ang pangarap ko. Tinalikuran ko ang buhay at pamilya ko para sa kanya ngunit hindi para sa buhay na ito.
Ang pangarap na magkaroon ng masayang tahanan kung saan may mga maliliit na paa ang tumatakbo sa bakuran habang ang mag-asawa ay pinapanuod ang mga anak habang masayang naglalaro. Iyon ang pangarap ko pero iba ang kinahitnan ko. Imbis na mga anak ay mga sugat at pasa ang ibinigay nya sa akin.
Kung sana ay nakinig lang ako sa magulang ko, siguro ay hindi ganito ang dadanasin ko.
Napapikit ako nang marinig ko ang tinig na yun mula sa malayo. Ang tinig na kinatatakutan ko. Ang tinig na mula sa lalaking iyon na hanggang ngayon minamahal ko sa kabila ng lahat na dinadanas ko.
Sinuot ko ang damit na nagkalat sa sahig. Punit. May mantsa ng dugo at halatang pinaglumaan na. Kupas ang berdeng kulay non at puno ng maliliit na butas ang magkabilang manggas. Sa unang tingin nga ay aakalain mong disenyo iyon ng damit ngunit kapag natitigan mo ay paniguradong maaawa ka sa lagay ko ngayon dahil daig ko pa ang pulubi dahil sa itsura at pananamit ko.
Pinagmasdan kong muli ang sarili ko ng maisuot ko ang mga ito. Napangiti ako ng malungkot. Ni minsan ay hindi ko naisip na kakayanin kong suotin ang isang pares ng damit sa loob ng ilang araw. Nasanay akong halos tatlong beses magpalit ng damit sa isang araw pero ngayon heto ako at suot pa rin ang damit na suot ko mula pa noong isang araw.
'Ilang araw na rin pala itong suot kong damit.' Ni hindi ko magawang magpalit ng damit dahil sa panghihina. Para akong isang taong malapit nang mamatay at tinatakasan na ng lakas.
Nagmadali akong mag-ayos ng marinig ko ang paulit-ulit na kalampag sa aking pinto. Bago ko tuluyang buksan ang pinto ng kwartong 'to ay nagpakawala ako ng isang malalim na hinga kasabay ng isang pakiusap sa Taas na lagi kong sinasabi tuwing sasapit ang umaga.
'Kayo na po ang bahala sa akin Ama.'
"Kanina pa kita tinatawag hindi ba?!" Singhal nya na halos magliyab na ang mga mata sa galit matapos kong buksan ang pinto.
Napayuko na lang ako dahil sa sigaw nya. Sa mga ganitong oras na mainit ang ulo nya ay hindi na dapat pa kumukuntra. Masyadong mapanganib.
"S-sorry." Napangiwi ako ng hawakan nya ang braso ko. Ang higpit. Ang sakit.
Nakita ko ang pamumula ng manggas ng damit ko dahil sa sobrang higpit ng hawak nya.
"Sorry?! May magagawa ba ang sorry mo kapag naubusan ako ng boses?!" Mas lalo nya pang hinigpitan ang pagkakahawak sa braso ko. Higpit na tila ba ayaw nya ng padaluyin pa ang aking dugo.
"Pero isang beses ka palang tumawag." Putol-putol na sagot ko, nilalabanan ang takot na dumadaloy sa katawan ko.
Pilit kong tinanggal ang pagkakahawak nya sa braso ko. Pero mas lalo lamang itong humihigpit. Napangiwi ako nang muli nyang hapitin ang katawan ko.
"Aba't sumasagot ka pa!" Sigaw nya. Nauubusan ng pasensya. Unti-unting pumatak nanaman ang mga luha ko na kanina ko pa pinipigilan. Mga luhang hindi ko alam kung kailan ba mauubos o kung mauubos nga ba.
"A-aray!" Napasigaw ako ng hapitin nya ang buhok ko. Patuloy pa rin ang paglandas ng mga luha ko ngunit kahit nakita nya ang mga ito ay hindi nya pa rin ako binitawan. Para syang isang demonyong nakatingin sa akin at galit na galit.
Pinipilit kong tanggalin ang pagkakahawak nya sa buhok ko pero ganoon na lang ang panghihina ko nang unti-unti kong maramdaman ang pagsakit ng akin tyan. Hindi ko sya magawang tignan dahil parang mas lalo lang sumasakit iyong kapag iginagalaw ko ibang parte ng aking katawan.
"Sinong nagsabing sumagot ka ha?!" Talagang galit na sigaw nya.
Mababakas ang galit sa kanyang mukha. Ang awa ay hindi mo makikita. Parang ang gusto nya na lamang ay mamatay ako dahil sa pagod at p*******t nya.
Hindi ko alam kung paano mong nagagawa sa akin ang mga bagay na ito gayong wala naman akong ibang ginawa kundi ang mahalin ka ng lubos.
Nung unang mga buwan ng aming pagsasama ay itinuring nya akong kanyang reyna ngunit hindi ko inaakala na sa isang kisap lang ng mata ay magbabago ang lahat at babaliktad ang mundo ko.
"Patayin mo na lang ako." Pilit na iniipon ang lakas na saad ko. Halos magmakaawa na ako na bawiin nya na lang ang buhay ko. Pagod na pagod na ang katawan ko sa lahat ng mga ito. Gusto ko ng magpahinga. Gusto ko ng mawala yung sakit.
Hindi ako makarinig ng ano mang ingay matapos kong sabihin ang mga salitang iyon kaya dahan-dahan kong inangat ang aking ulo upang tumingin sa direksyon nya. Hindi ko alam kung tama ba na gulat ang nakita ko sa kanya dahil agad nya itong binawi nang mapansin ang pagtingin ko sa kanyang mukha.
Tumingin ito sa akin tsaka mala-demonyong tinignan akong muli.
"Pahingi ako ng pera!" Yon lang ang naging sagot nya. Tsaka nya inilahad ang kanyang kamay. Napatingin ako dito at sa kanya ngunit abala na sya sa pagtipa sa telepono na binili nya gamit ang pera na ipinadala ni Mama sa akin nung unang buwan naming nagsama.
Pera.
Lagi na lang syang humihingi sa akin ng pera. Wala na syang ibang ginawa kundi saktan ako tapos hihingi ng pera.
Tumayo ako sa kabila ng sakit na nararamdaman saka naglakad sa gilid ng katre kung saan ko itinatago ang aking wallet.
"Bilisan mo! Naghihintay si Kacey!" Napatigil ako sa pagtatangkang kunin ang wallet ko nang marinig ko ang pangalan na iyon.
Naghihintay si Kacey.
Parang sirang plaka na nagpaulit-ulit sa isip ko ang sinabi nya.
Para akong sinaksak nang mga oras na iyon. Ang katotohanang si Kacey nanaman ang dahilan ng paghingi nya ng pera ay mas masakit pa sa sipa at sabunot na tinanggap ko ilang minuto lang ang lumipas. Mas nanghina ako sa pangalan na iyon kaysa sa p*******t na natanggap ko. Dahan-dahang pinilit kong tumayo. Ngayon, mas masakit ang nararamdaman ng puso ko kaysa ng katawan ko.
Si Kacey. Lagi na lang si Kacey. Ako ang kasama nya pero si Kacey pa rin ang inaalala nya. Ako ang asawa nya pero si Kacey ang tinuturing nyang prinsesa.
Ako yung nandito pero si Kacey pa rin lagi ang hinahanap nya.
Ako yung nagtitiis sa kanya pero si Kacey pa rin ang mahal nya.
"Letse ka!" Wala na akong pake kung saktan nya man ako ngayon. Ang sakit na nararamdaman ko na lamang ay iyong nasa puso ko.
Bakit kailangang si Kacey pa Charles? Andito naman ako. Kahit kailan hindi ako nakagalit sayo sa lahat ng ginawa mo sa akin? Ito na nga ba ang karma ko? O ito lang talaga iyong pinangako mong masayang pagsasama sa akin?
Sunud-sunod ang naging pagpatak ng mga luha ko sa katotohanang napagtanto. Hindi na muling babalik pa yung pagmamahal nya sa akin.
Hindi kailanman naawa si Charles sa ginagawa nya sa akin. Maski ang minsang pagdudugo ko na hudyat ng pagkawala ng anak namin ay hindi nya pinansin noon. Basta na lamang nya akong sinasaktan, sa hindi malamang dahilan.
Manhid na ang buong katawan ko sa sakit. Ni maski luha ko ay kusang tumigil na sa pagpatak. Marahil ay naubos na.
Nauubos nga ba ang luha?
Sana nga ay ubos na. Pagod na akong umiyak. Pagod na ang mga mata ko sa bawat gabing pagluha. Ayoko na. Tama na. Kaya sana naubos nang talaga.
Ilang ulit kong sinubukang tumayo matapos ang nangyari pero ilang ulit din akong natumba.
Masyado nang mahina ang katawan ko para tangkaing bumangon pa kaya naman hinayaan ko na lang ito na humandusay sa sahig.
Napatitig ako sa kisame na nasa aking taas.
Hindi lang ito ang unang beses na halos patayin nya ako. Ilang ulit na nga ba? Siguro ay hindi na mabilang sa daliri. Kahit isama mo pa ang daliri ng buong pamilya mo sa pagbibilang hindi pa rin sasapat.
Isang taon.
Sa loob ng isang tao, pahirap sa umaga ko ang pagbangon. Para akong isang alipin sa impyerno at sya naman si Satanas. Hindi ko alam kung anong kasalanan ko para mapunta ako sa buhay na ganito. Ganoon ba kaganda ang buhay ko sa past life para ganito naman ang danasin ko ngayon?
Napahinto ako sa pag-iisip nang makaramdam ako ng pag-angat sa ere. Maingat at iyong buhat pag bagong kasal.
I smile.
Hindi ko malaman kung kailan ang huling beses na nangyari ang ganito. Ang alam ko lang ay ngayon nya lang ako binuhat ng ganito. Halos lumabas ang puso ko sa pagwawala. Marahil ay narealize nya na mali sya. Pilit kong idinidilat ang pagod kong mga mata upang masilayan ang mukha nya. Napangiti ako ng tumama ang mga mata ko sa pisngi nya. Ganoon kalapit ang mukha ko sa kanya.
Ngunit napalitan ng ngiwi ang sandaliang saya na nararamdaman ko nang itapon nya ako papasok sa silid na animo'y isang laruan.
Napabalikwas ako sa sakit ng pagtama ko sa sahig.
"Thanks for this." Saad nya matapos akong ihagis sa loob. Napatingin ako sa kamay nya. Naroon ang isang bagay na ayokong mahawakan nya.
Ang wallet ko.
"C-charles." Kahit hirap ay pinilit kong gumapang papunta sa direksyon nya. Unti-unti itong umatras palayo.
Hindi pwede.
Gagastusin nya lang lahat ng savings ko sa babae nya at sugal.
"C-charles please?" Pakiusap ko sa kanya ngunit sinipa nya lang ako tsaka sinara ang pinto.
Gustuhin ko mang tumayo at habulin sya ay hindi ko magawa. Hinang-hina na ako. At isa pa paniguradong nakakandado ang silid na ito.
Kahit anong sakit ay hindi magawang tumulo ng luha ko. Ubos na ba talaga? Wala na?
Pagod na pagod na ako. Pagod na ang damdamin ko. Gusto ko ng magpahinga.
Gusto ko nang matulog at wag nang dumilat pa.