Kitang-kita nina Elias kung paano nagpagulong-gulong ang sasakyan nina Coleen bago iyon tuluyang tumaob sa tabi ng daan. Maagap na pinahinto ng noo'y sugatan na si Claire ang sasakyan at mula roo'y dire-diretsong bumaba sina Elias at Kai.
"Paniguradong wala ng makakaligtas pa sa kanila," utas ni Kai sa kaniya ngunit nanatili siyang tulala sa kawalan.
Kaagad na nagsalubong ang dalawa niyang kilay sa paulit-ulit na pagmumurang ginagawa ni Kai. Kasabay no'n ay halos mangatal din ang kaniyang buong katawan sa mga oras na iyon. Hindi niya mawari ang totoong dahilan: dahil ba sa poot na kaniyang nararamdaman? Tuwa dahil lumabas na rin sa wakas ang iniisip niyang traydor ng kanilang grupo?
o matinding panghihinayang?
"Hoy, ano ba? Umalis na tayo dahil hindi ko na kaya 'tong sugat ko!" palatak ni Claire na noo'y nasa loob pa rin ng sasakyan. Halos malukot ang mukha nito dahil sa iniindang daplis ng balang tinamo kanina sa engkwentro.
"Umalis na tayo, Elias. Baka abutan pa tayo ng pagputok ng araw rito." Sinubukang ipatong ni Kai ang kamay nito sa kaniyang balikat ngunit hindi man lang siya natinag. "Elias, ano ba!"
Hindi niya ito pinansin, sa halip ay muli niyang itinutok ang hawak na baril at paulit-ulit na pinaputok iyon sa noo'y umuusok nang sasakyan nina Coleen.
"Pucha, Elias! Ano ka ba naman?!" Pilit siyang pinipigilan ni Kai ngunit ayaw niyang magpaawat. Tila tuluyan na siyang tinakasan ng bait sa mga sandaling iyon.
"Mga p*tang*na niyo!" halakhak niya. Hindi na nga rin niya halos namalayan ang pagpatak ng ilan niyang mga luha. Tanging ang malutong na sampal lamang ni Claire ang siyang humila sa kaniya pabalik sa reyalidad.
Matalim niya itong binalingan ng tingin at mula roo'y tumambad sa kaniya ang seryoso nitong pagtitig. Kumunot ang kaniyang noo at saka mabilis na nag-iwas ng tingin.
"Nanghihinayang ka sa kanila?" galit na utas ni Claire. Muli nitong hinawakan nang mahigpit ang sugatan na braso. "O hindi ka makapaniwala na 'yung babaeng pinapantasya mo e nakuha kang talikuran?!"
"Claire, tama na 'yan—"
"Shut up, Kai!" pagputol nito sa binata at saka siya nito muling hinarap. "Kami ang naging kasama mo simula umpisa pero ano'ng nangyari?! Nasira ang lahat dahil sa p*ny*t*ng babae na 'yan!"
Nagsimulang mag-alab muli ang galit sa kaniyang sistema dahil sa sinabi ng dalaga. Muli niya itong hinarap at marahas na hinila sa kwelyo nito.
"Manahimik ka!" nangangatal niyang usal pero imbis na matakot ay ngumisi pa ang dalaga sa kaniya.
"Bakit hindi mo aminin sa sarili mo, Elias? Na simula ng sumali sa grupo natin ang babaeng 'yon, daig mo pa ang naging asong ulol na patay na patay sa kaniya—"
Hindi na nito nagawa pang tapusin ang sasabihin matapos niyang itutok ang kaniyang baril dito. Kahit si Kai mismo ay nagulantang sa nangyayari ngunit nananatili ang seryosong ekspresyon ng dalaga. Nakuha pa nga nitong hawakan ang kaniyang kamay at itutok iyon mismo sa sentido nito.
"Papatayin mo rin ako? Then go for it! Para matapos na ang impiyernong buhay na meron tayong lahat!" Puno ng pagbabanta ang boses ni Claire kahit pa hindi na matigil ang marahas na pagtambol ng dibdib nito.
Hindi siya nagbigay ng anumang sagot ngunit hindi rin niya magawang ibaba ang hawak na baril. Minabuti na ni Kai na pumagitna sa dalawa bago pa may mangyaring hindi maganda.
"Tama na 'yan! Mabuti pa umalis na tayo bago pa may dumating na mga parak!" anito at saka maingat na kinuha mula sa kaniyang kamay ang baril.
Inalalayan na nito si Claire papasok ng sasakyan habang siya'y naiwang nakatayo roon. Humugot siya ng isang sigarilyo mula sa kaniyang bulsa at saka iyon sinindihan. Kasabay ng pagbuga niya ng usok ay ang pagsisimula rin ng napipintong pagsabog ng sasakyan nina Coleen.
"'Nak ng pucha naman, Elias! Tara na!" muling sigaw ni Kai mula sa driver's seat ng sasakyan.
Natanggap niyo na ang kalayaan na ginusto niyo. Magsama-sama kayo sa impiyerno, bulong ng kaniyang isipan bago tuluyang itinapon ang upos niyang sigarilyo at naglakad patungo sa kanilang sasakyan.
Ang paulit-ulit na pagyugyog kay Coleen ang siyang nagbigay malay sa kaniya. Ilang pagkurap-kurap pa ang kaniyang ginawa bago tuluyang rumihistro sa kaniyang paningin ang pamilyar na imahe ni Trevor.
"Coleen, gising!" anito. Seryoso itong nakatingin sa kaniya, ang mukha'y puno na ng galos at dugo.
"Ano'ng nangyari... s-si mama!" Mabilis siyang bumangon mula sa damuhan kung saan siya kanina pa pilit na nire-revive ni Trevor.
Kaagad na sumagi sa kaniyang isipan ang inang kasa-kasama nila hanggang sa mga oras na iyon. Kapwa na sila sugatan ng binata ngunit hindi iyon ang dapat niyang isipin sa mga oras na iyon.
"Trevor, nasaan ang mama ko?!"
"Masyadong nayupi ang kabilang bahagi ng kotse kaya ikaw lang ang nagawa kong hilahin kanina," paliwanag ng binata ngunit hindi na niya iyon pinagtuunan ng pansin.
Sandali muna siyang luminga-linga sa paligid at tanging mga poste lamang ang nagsisilbing tanglaw nila sa madilim na lugar na iyon. Kahit pa puno na ng galos at sugat ang kaniyang katawan ay pinilit niya pa rin tumayo upang balikan ang noo'y nakataob pa rin nilang sasakyan.
Maingat niyang sinipat ang loob ng sasakyan at mula roo'y nakita niya ang kaniyang ina na halos mag-agaw buhay na sa passenger's seat habang si Danger nama'y tila nanghihina na dahil sa aksidenteng kinasangkutan nila, idagdag pa ang tinamong pinsala kanina sa sagupaan nila nina Elias.
"Mama!" Unti-unti itong nag-angat ng tingin sa kaniya at saka ngumiti nang mapakla. Hindi na niya napigilan pang maiyak dahil sa kalagayan ng kaniyang ina.
"M-ma... huwag kayong mag-alala. Ililigtas namin kayo!" Marahan niyang iniabot ang kamay sa matanda ngunit doon niya napagtanto na nakaipit ang isang hita nito sa yuping bahagi ng sasakyan. Kaagad niyang nilingon si Trevor, "tulungan mo akong hilahin sila!"
Maagap na sumunod ang binata sa kaniyang hiling ngunit sadyang imposibleng makuha nila agad ang matanda.
"Mas makabubuti kung si Danger na muna ang hilahin natin palabas!" suwestiyon ni Trevor ngunit pilit na naglalaban ang kaniyang kalooban.
Sino nga ba ang dapat maunang iligtas?
"Coleen, ano na? Kailangan na natin magmadali!"
Sa huli ay wala sa wisyo siyang tumango sa mungkahi ng binata. Hinayaan niya itong pumunta sa kinalalagyan ni Danger upang tulungan ito. Ngunit kung kailan pinili niyang kalmahin ang sarili ay saka naman mas dumoble ang kapal ng maitim na usok mula sa sasakyan.
"Trevor! Bilisan mo naman diyan!" tarantang palatak niya sa binata na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin tapos sa pagsagip kay Danger.
Tila binuhusan siya ng malamig na tubig sa kaniyang likuran, ang buong sistema'y hindi na mapakali sa mga oras na iyon. Nagsimula na rin umalingasaw ang matapang na amoy ng gasolina na tumagas mula roon.
Nang hindi na niya magawa pang maghintay ay muli niyang sinubukang hilahin palabas ang kaniyang ina ngunit natigilan siya nang marahan nitong pinisil ang kaniyang kamay. Kaagad niya itong nilingon, "ma... saglit na lang ho—"
"M-asaya akong iiwan ang mundo basta alam kong ligtas ka, anak..."
Nagsimulang manlaki ang kaniyang mga mata. Hindi siya halos makapaniwala sa tinuran ng kaniyang ina. Iyon na marahil ang unang pagkakataon na nakilala siyang muli nito.
"N-naalala niyo na ako?" naiiyak niyang usal. Muli itong ngumiti sa kaniya at saka unti-unting tumango.
Samantala, ambang hihilain na dapat ni Trevor si Danger nang magsimulang magliyab ang unahan ng sasakyan. Mas lalo pa niyang binilisan ang kilos dahil anumang oras ay tuluyan na iyong sasabog.
"D-Danger! Akin na ang kamay mo—"
"U-umalis na kayo! I–iwan niyo na ako rito," nanghihinang tugon ni Danger. Ang pag-ubo nitong may kasama ng dugo ang siyang bumuhay ng takot sa dibdib ni Trevor.
"P-pero..."
"U–umalis na kayo ni Coleen! Protektahan mo siya kahit ano'ng mangyari. T-tapos na ang silbi ko sa mundong 'to... siguro nama'y tatanggapin na ako sa langit," ani Danger.
"Siraulo! Hindi ka pa mamamatay. Masamang damo ka, gag*!" Mas nalukot pa ang kaniyang mukha dahil kahit nasa bingit na sila ng kamatayan ay nakuha pa rin magbiro ng kaibigan.
Hindi na halos maipinta ang mukha ni Danger ngunit pinilit pa rin nitong abutin ang kaniyang kamay.
"M-masaya na akong mawawala. Basta ipangako mong patuloy kayong mabubuhay ni C-Coleen..."
Unti-unti ng ipinikit ni Danger ang mga mata nito. Gustuhin man tumangis ni Trevor sa mga oras na iyo'y alam niyang hindi iyon ang tamang panahon para roon.
Nasakmal na lamang niya ang kaniyang pantalon at saka muling itinuon ang atensyon kay Coleen na hanggang sa mga oras na iyon ay abala pa rin sa pagligtas sa ina nito.
"Coleen, nagsisimula ng umapoy ang sasakyan!" Mabilis niyang kinuha ang braso nito upang makalayo na sila sa lugar na iyon pero tila hindi siya naririnig nito.
"P-patawarin mo si mama kung hindi kita nagawang... nagawang alagaan ha? Mahal na mahal kita, Coleen," dinig niyang wika ng matanda.
"M-mama! Huwag kayong magsalita ng ganiyan. I-ililigtas namin kayo!" umiiyak na sagot ni Coleen tsaka siya nito nilingon. "Trevor! Tulungan mo akong kunin si mama palabas ng sasakyan!"
Sa mga oras na iyon, hindi na rin niya alam ang gagawin. Gustuhin man niyang tuparin ang hinihiling ng dalaga'y mas importante ang kaligtasan nilang dalawa. Wala na siyang nagawa kundi ang mag-iwas ng tingin dito.
"Trevor, ano ba?! Tulungan mo ako—"
Ang marahas niyang paghawak sa magkabilang braso ng dalaga ang siyang nagpahinto rito. Puno na ng matinding pagkayamot ang kaniyang mga mata habang diretso siyang nakatingin dito.
"Wala na tayong magagawa pa! Kapag hindi pa tayo umalis ngayon, pati tayo madadamay sa pagsabog!" Pinili na niyang tumayo habang pilit na hinihila ang braso ni Coleen.
"Hindi ako aalis ng wala si mama! Bitawan mo ako, Trevor!" pagpupumiglas nito sa kaniya.
Marahas siyang humugot ng malalim na hininga. Kahit pa nananakit na rin ang buo niyang katawan dahil sa mga sugat at galos na kanilang tinamo ay buong lakas niyang binuhat patayo ang dalaga.
Dahil sa matinding panlalambot ay walang laban na rin nagpatianod si Coleen sa kaniya. Sabay nilang tinakbo ang direksyon palayo sa sasakyan hanggang sa tuluyan na iyong sumabog.
"M-mama..."
Sabay nilang pinanood kung paano unti-unting nilamon ng nagliliyab na apoy ang kabuuan ng sasakyan, kung saan nila piniling iwan na lamang sina Danger at ang ina ni Coleen. Hindi na matigil ang dalaga sa paghagulgol nito.
Mariin niyang kinagat ang kaniyang pang-ibabang labi, pilit na pinipigilan ang mga luhang nagbabadyang bumagsak. Kahit naman siya mismo'y malungkot din sa mga sandaling iyon. Para sa kaniya'y hindi lamang basta kasamahan sa Black Eagle si Danger. Ito ang nagsilbing nakatatandang kapatid niya, kaya naman tila patalim sa kaniyang dibdib ang katotohanang wala na ito.
Muling nanariwa sa kaniyang isipan ang huling bilin ng kaibigan. Alam niyang kahit noong bagong salta pa lamang ang dalaga sa kanilang grupo ay iba na pakitungo ni Danger dito; na gaya niya'y tila isa na ring nakababatang kapatid si Coleen para rito. Kaya naman kahit mabigat sa kaniyang dibdib ay kailangan na nilang magpatuloy ng dalaga..
Mas lumapit pa siya rito upang kulungin ito sa isang yakap. "Hindi dapat masayang ang sakripisyong ginawa nila para mabuhay tayong dalawa. Pero 'wag kang mag-alala, po-protektahan kita..."
Ipinikit ni Coleen ang mga mata nito at saka gumanti ng yakap sa kaniya.