Ellion Jase
Nagising na lang ako dahil kay Kathrina. Nagkagulatan pa kami dahil hindi ko namalayan na hawak ko pala ang kamay niya. Naku, baka kung ano na naman ang isipin niya. Sa totoo lang, na-pressure ako sa mga kwinento sa akin ni Tito kanina. Para bang son-in law na niya ako kung kausapin. Hindi na lang ako kumibo kasi ayaw ko nang gulo. Isa pa, nakakahiyang kumontra kay Tito.
’Oh, gising ka na pala. Naku, pasensya ka na sa akin kung pati ako ay nakatulog ah? Kanina ka pa ba gising? Ano? Ayos na ba ang pakiramdam mo? Patingin nga,’’ sabi ko pagkatapos ay nilapat yung kamay ko sa leeg at noo niya.
’Good, mukhang mas okay ka na nga ngayon. Wala na ang lagnat mo eh, pero huwag ka na munang pumasok bukas ah? Bawal pa, baka mabinat ka eh, ayaw ko naman noon. Ayaw mo rin naman siguro, no?’’ paalala ko pa sa kanya.
Hindi ko alam kay Kathrina kung bakit bigla siyang natawa sa sinabi ko. Inisip ko naman, hindi naman nakakatawa iyon ah? Tinanong ko na lang siya kung bakit natawa siya sa akin.
‘’Uy, bakit ka natawa dyan? May nasabi na naman ba akong nakakatawa? Parang wala naman ah,’’ sabi ko.
‘’Wala naman, natawa lang ako kasi para kang doctor sa sinabi mo. Daig mo pa sila, ah? Parang alam na alam mo kung anong gamot ang para sa akin,’’ sagot niya, natawa pa rin.
‘’Ah, iyon ba? Hindi naman, concerned lang ako sa iyo. Uy, oo nga pala. Pasensya ka na sa akin kung nakatulog ako dito ah? Kanina kasi, nanunuod lang akong TV. Hindi ko na namalayan na pati pala ako ay nakatulog na rito. Pasensya na ulit, ah?’’ paghingi ko ng paumanhin, nakakahiya eh.
‘’Ayos lang naman sa akin, ano ka ba? Ako nga dapat ang mag-sorry sa iyo kasi nakatulugan kita eh,’’ sagot naman niya sa akin.
Ngumiti ako at tumango, pagkatapos ay pumunta muna ako sa comfort room dito sa kwarto niya bago ako tuluyan umalis sa bahay nila. Pagpasok ko sa loob ay tumingin agad ako sa salamin at kinausap ang aking sarili.
Ano ka ba naman, Ellion? Bakit ginawa mo ito sa sarili mo? Naku, mukhang kailangan mong manindigan, ah? Kita mo naman, ang taas ng hope ng Daddy ni Kathrina sa iyo. Ano na lang ang mangyayari kung hindi mo matupad iyon? baka magalit si Tito sa iyo.
Pagkatapos kong ayusin ang aking sarili ay lumabas na ulit ako. Kinuha ko ang lahat ng gamit ko at saka nagpaalam kay Kathrina. Naka-upo siya sa kanyang kama noon. Nakangiti sa akin pero tahimik lang.
‘’Alis na ako ha? Magpapaalam lang ako sa parents mo sa baba. Magpagaling ka, ah? Don’t worry, kapag pwede akong dumaan bukas, dadaan ako para ma-check kita ha?’’ paalam ko sa kanya.
‘’Okay. Ingat ka sa pag-uwi mo ah? Update me. Also, thank you kasi pumunta ka rito. I really appreciate it,’’ sagot naman niya.
‘’Don’t mention it. Wala iyon. Basta, magpagaling ka ah? O siya, aalis na ako. Salamat sa mainit na pagtanggap sa akin dito,’’ sabi ko, pagkatapos ay lumabas na ako ng kanyang kwarto.
Hindi ko alam kung bakit ko nasabi iyon eh busy ako bukas. Baka umasa na naman siya sa akin. Ewan ko ba, bakit ang bait ko kasi kay Kathrina? Napapagkamalan tuloy na pagmamahal itong pagiging mabait ko. Nakakainis. Okay sana kung hindi siya mag-eexpect, e. Kaso buong pamilya niya, nag-eexpect sa akin.
Paglabas ko roon, nakita ko sa may kitchen si Tito at Tita. Dahil alam kong busy sila, dapat ay aalis na lang ako at hindi na magpapaalam. Nakakahiya eh pero nakita ako ni Tita kaya wala na akong nagawa. Pina-upo nila ako sa sala.
‘’Naku, hijo. Pasensya ka na ah, muntik ka pa naming hindi mapansin. Busy sa kusina eh. Kamusta pala si Kathrina? Umayos ba ang pakiramdam niya? Pasensya ka na ulit, hindi pa kasi ako nakakapunta sa kanya simula kanina,’’ sabi ni tita sa akin habang naka-upo kami sa sofa.
‘’Ah, ayos naman na po siya. Konting pahinga na lang po siguro ang kailangan niya. Baka kasi kapag pumasok agad siya bukas ay mabinat naman siya. Hayaan niyo po, sinabihan ko na rin naman po siya tungkol doon. She agreed,’’ sabi ko kay Tita.
‘’Naku, buti naman kung ganoon. Alam mo kasi, makulit iyan si Kathrina eh. Hindi nakikinig sa amin iyan. Buti sa iyo, nakinig na. Akala ko, hindi na eh. Oo nga pala, salamat sa pagbisita sa anak ko, ah? Hindi mo alam kung gaano mo pinasaya ang anak namin, syempre pati na rin kami,’’ nakangiting sabi sa akin ni Tita, napangiti na lang ako pero sa loob-loob ko ay nahihiya ako.
Dahil sa sinabi niyang iyon, alam ko na naasa din siya na magiging kami ng anak niya. Ano ba ito? Tatlo na sila na naasa sa akin. Pressured na ako pero hindi ko naman pwedeng ipakita dahil nakakahiya. Mabait naman sila sa akin kaya hindi ko sila magawang saktan.
‘’Ah, opo naman. Wala naman pong problema iyon sa akin. I’m actually happy po na nabantayan ko po siya ngayon. Huwag po kayong mag-alala, gagaling din po si Kathrina,’’ sabi ko, hindi ko alam kung paano ko sasabihin na aalis na ako dahil gabi na.
‘’Oo, sana nga ay gumaling na talaga siya. O, hindi ka ba maghahapunan dito? Ang sarap pa naman ng niluto ko. Halika, dito ka na kumain,’’ yaya sa akin ni Tita.
Gusto ko mang dito kumain ay hindi ko magawa. Alam ko kasing kapag iyon ang ginawa ko, lalo lang silang aasa na may gusto nga talaga ako kay Kathrina. Don’t get me wrong, mabait sa akin si Kathrina. I appreciate her so much as a friend, pero alam ko rin sa sarili ko na hanggang doon lang iyon.
Ayaw ko namang gamitin siya dahil lang sa alam kong siya ang nandyan at gusto niya ako. hindi niya deserve ang ganoon at hindi rin naman ako super gago para gawin iyon. I am only giving her the treatment she is giving me pero alam ko rin na kailangan kong linawin sa kanya iyon in time.
‘’Naku, Tita. Pasensya na po kayo pero kailangan ko na pong umalis kasi gabi na po. Isa pa, may aayusin po ako na mga papeles para sa office. Gusto ko man kayong samahan sa dinner pero hindi ko na po kaya. Pagod na rin po ako eh,’’ sabi ko, hindi man totoo pero feeling ko ay kailangan na eh.
‘’Ah, ganoon ba? O sige, ipaghahanda na lang kita ng food para kapag nagutom ka sa inyo ay may kakainin ka,’’ sabi niya.
Hindi talaga siya payag na hindi ako makakatikim ng luto niya. I totally appreciate it pero alam ko kasing dagdag na naman ito sa mga dahilan kung bakit aasa ang pamilya ni Kathrina sa akin. Inis na inis ako sa sarili ko pero wala naman na akong magawa kasi nandito na ito.
‘’Sige po, Tita. Hindi ko po pwedeng hindi matikman ang luto niyo. Alam ko pong masarap iyan kasi lagi din po iyang binibida ni Kathrina sa akin eh. Sobrang sarap daw po,’’ sagot ko na lang.
‘’Naku, nambola pa nga ang dalawang ito. O siya, ihahanda ko lang ah? Dyan ka muna. Hayaan mo, mabilis lang naman ito dahil luto na iyon,’sabi ni Tita sa akin pagkatapos ay umalis na.
Naiwan na lang ako sa sofa. Wala naman akong magawa dahil ang bastos naman kung bigla na lang akong aalis at hindi ko kunin yung binibigay ni Tita sa akin. Huminga na lang akong malalim at naghintay.
Ilang minuto pa ay bigla akong nilapitan ni Tito sa sala. Kinakabahan na naman ako dahil baka anon a naman ang pag-usapan namin. Gusto ko mang tumakbo papalabas ng bahay nila ay hindi ko magawa. Ngumiti na lang ako kay Tito nang lumapit siya sa akin.
‘’O, okay ka lang ba? Parang nakakita ka ng multo noong nakita mo ako. anong nangyayari sa iyo?’’ tanong sa akin ni Tito. Patay ako nito, halata pala na tensed ako.
‘’Ah, hindi naman po. Pagod lang siguro ako, Tito kaya ganito ako. Pasensya na po kayo, ah? Bakit po po pala kayo napapunta dito? Eh di ba, busy po kayo sa kusina kanina? Naku, baka hinahanap na po kayo ni Tita niyan. Patay po kayo roon,’’ panloloko ko pa sa kanya, natawa naman siya sa sinabi ko.
‘’Naku, hindi naman. Pati ikaw ah, niloloko mo na ako. Eh, sinabi sa akin ng Tita mo na aalis ka na raw. Eh yayayain pa naman kitang uminom, kahit ilang bote lang naman. Alam mo naman na walang ibang lalaki rito kaya wala akong kainuman. Kailangan ko pang lumabas para makipag-inuman sa mga kaibigan ko,’’ kwento sa akin ni Tito.
Ramdam ko na gustong-gusto talaga ni Tito na makipag-inuman sa akin, kaso kapag pumayag ako ay lalo lang lalala ang mga bagay. Gagawa na lang ako ng alibi para hindi matuloy ang sinasabi niya sa akin. Sorry, Tito ha? Pero, para rin naman po sa inyo ito.
‘’Ah, hindi po kasi ako pwede ngayon Tito eh. May gagawin pa po kasi ako sa bahay regarding sa trabaho. Believe me, gustong-gusto ko po na makainuman kayo pero kasi, marami pa po akong gagawin eh. Ito na lang po, babawi po ako sa inyo in time, ha? One on one po tayo na inuman. Promise ko po iyan!’’ sabi ko na lang sa kanya, tutuparin ko naman iyon, hindi lang talaga ngayon.
Nakita ko naman na parang nalungkot siya pero napalitan naman agad iyon ng ngiti bago siya nagsalita muli sa akin.
‘’O, sige. Sabi mo iyan, ah? Hihintayin ko na lang kung kailan mo ako yayayain,’’ sabi niya sa akin at bumalik na siya roon sa kitchen.
Nakahinga naman ako nang maluwag nang umalis na siya. Ilang minuto pa ay bumalik na si Tita sa sala. May dala-dala siyang Tupperware na nakalagay sa paperbag. Ngumiti siya sa akin bago siya nagsalita.
‘’O, Ellion. Ito na ang niluto kong Hamonado, ah? Dinamihan ko na iyan kasi alam kong kakain kayo ng Mama mo at ni Minnie. Baka mapasarap kayo nang kain kaya dinamihan ko na. pakabusog kayo ah?’’ sabi sa akin ni Tita.
‘’Ay, oo naman po Tita. Paniguardo, magugustuhan ito ni Mama at ng kapatid ko. Maraming salamat po, ah? Hayaan niyo po, ibabalik ko na lang yung Tupperware sa mga susunod na raw. Babalik naman po ako rito, e. Thank you po ulit, Tita ah?’’ sabi ko, masaya naman niyang binigay sa akin yung Hamonado.
‘’O, siya. Gabi na rin eh, baka hinahanap ka na nga ng Mama mo. I-kamusta mo na lang ako sa kanila ah? Ingat ka, Ellion. Salamat ulit sa pagdalaw sa anak ko, appreciated naming mag-asawa iyon. Sobra,’’ nakangiting sabi niya sa akin.
‘’Sige po, Tita. Alis na po ako ha? Pasabi na lang po kay Kathrina na mag-iingat po siya. Good night po,’’ sabi ko at tumayo na mula roon sa sofa.
Nagpaalam na ako kay Tito pagkatapos noon. Pagkapasok ko sa kotse ay todo isip pa rin ako sa nangyari ngayong araw. Mukhang mali ako nang ginawa. Naging caring yata ako masyado at mukhang it will lead me to something na hindi maganda. Hay, naku. Paano ako lalabas sa ganitong sitwasyon?
Pinahinga ko na lang ang isip ko at nag-drive pa-uwi. Baka kasi kung ano pa ang mangyari sa akin kapag nag-isip ako nang nag-isip sa mga bagay na iyon. Nang malapit na ako sa bahay ko ay nagulat na lang ako dahil may kotse sa harapan ng bahay ko. Dali-dali akong pumunta roon para i-check kung sino iyon. mas nagulat ako nang ma-realize ko na pamilyar yung kotse. Kay Jairus ito.
Pero na-realize ko rin at natanong ang sarili ko, bakit naman pupunta si Jairus dito eh napakalayo nito sa Manila? Pinikit ko ang mga mata ko kasi baka hindi totoo itong nakikita ko pero noong binuksan ko ulit ito ay nakita ko pa rin ang kotse ng kaibigan ko. Na-confirm ko pa ito lalo noong bumaba siya sa kotse niya. Mukhang kanina pa ako hinihintay nito. Bumaba na rin ako ng kotse ko at pinatay ang makina nito. Ano kayang problema? Bakit nandito ito?