Kathrina
Nang maging okay na ako ay napagpasyahan ko na babalik na ulit ako sa trabaho. Habnag nakain kami ay tinanong ako ni Daddy tungkol kay Ellion. Nagtaka kasi siya kung bakit hindi nagpakita sa akin si Ellion noong mga nakaraang araw. Eh alala niya, nagsabi ako sa kanya na baka pumunta si Ellion dito sa amin.
‘’Oh, bakit nga pala hindi pumunta si Ellion dito noong isang araw? Sabi niya sa iyo di ba, babalik siya?’’ tanong niya sa akin.
Medyo natigil ako sa pagkain ko ng breakfast dahil sa tanong niyang iyon. Nilunok ko muna ang pagkain pagkatapos ay uminom ako ng tubig bago ko sagutin ang tanong niya.
‘’Ah, Daddy busy daw po siya noong nakaraan eh kaya hindi na nakadaan dito sa atin. Pasensya na po at hindi ko na nasabi sa inyo dahil alam ko naman na busy po kayo,’’ sabi ko sa kanya.
‘’Ah, ganoon ba? Sayang, akala ko pa naman ay makakapag-inom kaming dalawa ni Ellion. Ihahanda ko na sana yung inumin namin, e. Sabi kasi niya, pagbalik niya ay iinom kaming dalawa,’’ sabi ni Daddy sa akin. Halatang-halata ko na excited siya sa inuman nila ni Ellion kung sakali.
‘’Ah, sige po. Walang problema. Sasabihin ko po sa kanya iyan. Sabi po kasi niya ay makikipagkita raw po siya sa akin mamaya eh. May sasabihin daw po sa akin,’’ kwento ko kay Daddy.
Nakita kong lumiwanag naman ang mata niya nang sabihin ko na may sasabihin sa akin si Ellion. Doon pa lang ay alam ko na kung ano ang nasa isip niya. Si Daddy talaga. Ang hilig mag-assume ng mga bagay.
‘’’Naku, mukhang alam ko na iyan. Siguro, ipagtatapat na niya sa iyo na mahal na mahal ka niya. Kita naman namin iyon ng Mommy mo eh. Di ba, Mommy?’’ sabi ni Daddy.
Talaga namang dinamay pa si Mommy sa naiisip niya eh. Hindi ko tuloy alam kung matatawa ba ako o ano dahil sa narinig ko. Ang nakakainis pa, sumagot din si Mommy at sinabing oo, iyon nga raw talaga ang sasabihin ni Ellion sa akin mamaya.
‘’Oo nga. Ganoon ang mga lalaki anak eh. Hintayin mo, mamaya. Tiyak namin na iyan ang sasabihin niya sa iyo. Huwag kang mag-alala kasi boto naman kami sa kanya. Kahit anong mangyari mamaya, okay sa amin. Okay?’’ sabi ni Mommy sa akin.
Hindi na lang ako sumagot sa kanila. Nahihiya na ako eh. Ngumiti na lang ako at pinagpatuloy ang pagkain ko. Buti na lang talaga at hindi pa ako nawawalan ng gana. Paano naman kasi, kabado rin naman ako sa sasabihin sa akin ni Ellion mamaya eh. Paano kung hindi naman pala niya ako gusto? Paano kung mali ang hula nina Mommy at Daddy?
Hay, bakit ko ba ito naiisip? Bahala na nga. Kung ano man ang mangyari mamaya ay tatanggapin ko. Feeling ko kasi, masyadong seryoso ang pag-uusapan namin at totoong mabigat iyon sa puso. Ewan ko. Bahala na talaga. Kung may sisisihin man ako, hindi si Ellion iyon kundi ang sarili ko dahil ako naman ang umasa sa aming dalawa. Hindi siya. He is just friendly to me na akala ng parents ko ay nililigawan na niya ako.
Nang magpaalam na ako sa kanila ay iniisip ko pa rin kung ano ng aba ang sasabihin sa akin ni Ellion kapag nagkita kami at kung sasabihin ko ba iyon sa mga magulang ko kung sakali. Ang hirap na nag-iisang anak ka lang, e. Lahat ng nangyayari sa buhay mo ay parang kailangan mong sabihin sa kanila. Hindi naman na ako baby para magsabi pa pero sila itong pilit na gustong malaman kung ano ang nangyayari sa buhay ko.
Habang nasa trabaho ako ay todo pa rin ako sa pag-iisip kung ano ba talaga ang sasabihin sa akin ni Ellion. Nang malapit na akong matapos sa work, bigla namang nag-ring ang phone ko. Nagulat ako nang malaman na si Ellion pala ang natawag sa akin.
Kahit kabado ako ay sinagot ko pa rin naman ang tawag niya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Para bang na-eexcite ako na kinakabahan. Hindi ko alam kung bakit eh. Nang sagutin koi yon eh parang seryoso siya na hindi. Hindi ko tuloy mahulaan kung ano ba talaga ang totoong nararamdaman niya ngayon.
‘’Hey, are you at work pa rin? Gusto mo ba ay sunduin na kita ngayon dyan? Para sabay na tayong pupunta roon sa place na sinasabi ko sa iyo noong isang araw,’’ sabi niya sa kabilang linya.
‘’Ah, eh patapos naman na ako. Sige, puntahan mo na lang ako dito para sabay na tayong pumunta roon. Libre pa sa sakaya kapag ganoon,’’ sabi ko pagkatapos ay tumawa.
‘’Oo nga, kaya kita gustong puntahan dyan. Surprise kasi talaga yung pupuntahan natin,’’ sabi niya, rinig ko sa kanya na tumawa siya pero mahina lang.
Ellion, bakit ka naman ganyan? Sinasabi ko na nga sa sarili ko na hindi na nga ako aasa sa iyo tapos ganyan naman ang sinasabi mo sa akin. Ayaw ko nang ganyan. Tatanggalin ko iyan sa isip at puso ko dahil ayaw kong umasa sa iyo.
‘’Ah ganoon ba? Sige, hintayin mo na lang ako sa lobby. See you later,’’ sabi ko pagkatapos ay binaba ko na yung tawag dahil gusto ko nang sumabog sa kaba.
Minadali ko na ang pag-aayos sa mga kailangan ko pang ayusin sa office pagkatapos ay kinuha ko na ang bag ko. Nagpaalam ako sa secretary ko at gulat na gulat naman siya dahil ang aga ko raw mag-out sa trabaho.
‘’Alis na ako ha? Ikaw muna ang bahala rito. Babawi na lang ako bukas,’’ sabi ko saabay ngiti sa kanya.
‘’Wow, Maám! Ang ag among umuwi ha? May lakad? May date?’’ pang-aasar sa akin.
‘’Hindi, emergency ito. Okay?’’ sabi ko.
‘’Ay, may emergency ba na sobrang saya? Aba, kung ganoon ay sana eh may emergency din ako na masayang balita, ano?’’ pang-aasar na naman ulit niya sa akin.
‘’Ay, anong gusto mo? Mawalan ka ng trabaho kakahirit mo sa akin nang ganyan?’’ pananakot ko.
Natawa naman siya sa akin. Wari ko ay natakot ko naman siya kahit konti dahil bigla na lang siyang tumiklop at bumalik sa trabaho pagkatapos kong sabihin iyon sa kanya/
‘’Oo na po, Maám. Quiet na nga ako. Hindi na nga ako magsasalita eh. Ito na o, back to work na ako,’’ sabi pa niya.
Sa loob-loob ko, ako naman ay natawa sa reaksyon niya pero hindi ko naman iyon pinakita dahil nagmadali na akong lumabas dahil alam kong naghihintay na sa akin si Ellion. Nakakahiya naman sa kanya kung paghintayin ko pa siya ng matagal eh binantayan na nga niya ako noong ako ay nagkasakit.
Pagbaba ko ay nakita ko na siya na naghihintay sa kotse niya. Ngumiti siya nang makita ako at binuksan na niya ang pinto ng kanyang kotse. Pumasok naman ako sa loob noon. Habang nasa byahe kami ay tahimik lang kami pareho.
‘’Tahimik ka ah, anong meron? May problema ba?’’ tanong niya. Wow. Talagang nagtanong pa eh siya rin naman ay tahimik.
‘’Tahimik? Ikaw din kaya. Ginagaya lang kita. Ano? May problema ka ba?’’ sagot ko sa kanya, pansamantala siyang napatahimik dahil sa sinabi ko.
‘’Ah, wala naman. O, iyan na. malapit na tayo. Ready ka na ba?’’ pag-iiba niya ng usapan namin.
‘’Yeah. I’m ready. Ako pa ba? Tara na,’’ yaya ko sa kanya nang makita ko na malapit na nga kami.
Pagbaba ko ng kotse ay kinakabahan ako. Yung parang gusto kong bumalik sa kotse niya? Ganoong feeling. Hindi ko alam kung bakit.
Nang makapasok na ako sa loob ay sinamahan kami ng waiter. Noong una ay naguguluhan pa ako kung bakit sa taas pa ng restaurant niya kami dinala eh may mga table naman dito sa baba kung saan pwede kami kumain ni Ellion.
Kaya pala ganoon ay dahil there is a table specifically for us. Dahil doon ay kinilig ako sa kanya kahit na alam kong hindi naman dapat. Paano naman kasi, ang ganda ng set up noong table namin. Parang yung mga napapanood ko sa teleserye. Hindi ko akalain na mararanasan ko pala iyon.
Pina-upo na kami noong waiter doon. Hindi ako makapaniwala na ganito ang ginawang preparation ni Ellion sa usapan namin. Gaano ba kahalaga ang pag-uusapan namin at kailangan na ganito pa ang set up dito? Dahil hindi ako makali ay tinanong ko na siya kung ano bang meron at ganito ang place kung saan kami mag-uusap.
‘’Hey, anong meron? Bakit may ganito pa? I mean, ang daming kung anu-ano ah. Pwede naman tayo sa simple lang, doon sa baba,’’ sabi ko sa kanya.
Nakakahiya rin kasi dahil mukhang mahal yung nagastos niya para sa lahat ng ito. Kung pwede lang mag-assume, sasabihin ko na first date namin ito eh. Pero hindi, hindi naman niya sinasabi pa kung anong tunay na nararamdaman niya towards me.
‘’Wala naman. I just want to treat you into something nice. Hindi ba pwede iyon? I mean, ayaw mo ba?’’ he asked me.
Syempre, gusto ko. Ayaw ko lang umasa ng todo sa mga pinapakita mo sa akin. Ayaw kong masaktan pero feeling ko, ang lapit na noon sa akin kasi kahit konti, naasa ako na makita mo ako at tanggalin mo si Aurora sa isip mo.
‘’Ah, ganoon ba? Well, ano bang pag-uusapan natin? Sabi mo sa akin, may sasabihin ka, di ba? Sabihin mo na,’’ sabi ko sa kanya.
‘’Naku, bago ko sabihin iyon ay kumain muna tayo. Okay? Alam kong pagod ka sa trabaho. Ako rin kaya deserve natin ang kumain ng marami,’’ sabi niya sabay ngiti sa akin.
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o kakabahan dahil sa sinabi niya sa akin pero hinayaan ko na lang siya sa gusto niya dahil ayaw ko rin namang mag-isip agad kung ano ang gusto niyang sabihin sa akin. Isa pa, gutom na rin talaga ako.
Habang nakain kami ay ramdam kong tensyonado na siya. Huminga akong malalim dahil ayaw kong makita niya na kabado rin ako sa sasabihin niya. Nang matapos na namin ang pagkain ay ngumiti ako sa kanya at tinanong ko na siya kung ano ba talaga ang pag-uusapan naming dalawa.
‘’O, ano bang pag-uusapan natin? Ikaw ah, talagang sa ganito mo pa ako dinala. Bahala ka, baka isipin ko niyan ay nililigawan mo na ako ah?’’ biro ko sa kanya. Napatahimik naman siya dahil sa sinabi ko.
Mukhang mali ang joke ko ah. Naku, Kathrina naman! Bakit ngayon ka pa nag-joke ng ganyan eh parang seryoso siya sa sinasabi niya? Naku, baka akalain niya na ganoon ang gusto kong iparating! Hala. Paano ko sasabihin na hindi naman ganoon ang gusto kong iparating?
Hindi na ako mapakali at nanlamig na rin ang buong katawan ko. Pinilit ko na lang na ngumiti sa kanya kahit na alam ko na parang kakainin na ako ng lupa any moment. Diyos ko, bakit ko ba kasi nasabi iyon?
‘’Bago natin pag-usapan ang relasyon natin sa isa’t isa. Gusto ko sanang magpaalam nang maayos sa iyo dahil kaibigan kita rito sa Mindoro. Okay? I mean, ikaw talaga ang unang dapat na makaalam nito kaysa ibang tao,’’ panimula niya.
Doon pa lang ay malinaw na sa akin kung ano ako sa kanya. He finally said it. Kaibigan niya lang ako. Napangiti na lang ako habang nakatingin sa kanya. Ni walang lumalabas sa bibig ko dahil ang sakit din naman noong nalaman ko pero wala eh, kailangan kong tanggapin kung ano man ang sabihin niya sa akin ngayon.
‘’O, ano ba iyon? Anong kailangan kong malaman na ako pa talaga ang unang dapat na makaalam?’’ tanong ko sa kanya, nakangiti pa rin ako.
‘’Kailangan kong bumalik sa Manila. May aasikasuhin lang ako roon pero sa tingin ko ay matatagalan ako kaya I treated you here sa restaurant na ito. Baka kasi hindi ko muna magagawa iyon nang matagal na panahon,’’ sabi niya.
Dahil doon ay lalong nadurog ang puso ko. Ano naman kaya ang aasikasuhin niya sa Manila na kailangan eh matagal siyang mawawala? Si Aurora? Si Aurora na naman baa ng pinili niya? Huminga akong malalim pagkatapos ay ngumiti na lang sa kanya.