Aurora Feliz
Nang makita ko siya ay nanlamig ang katawan ko bigla. Siya ba talaga ang nakita ko? Para makasigurado ay nilakasan ko ang boses ko, paalis na kasi siya noong mga oras na iyon.
“Ellion? Ikaw nga ba ‘yan?”
Napatigil siya, hudyat na siya nga iyong nakita ko. Lalo tuloy lumakas ang kabog sa dibdib ko. Bakit mo pa kasi siya tinawag, Aurie?
“Ikaw nga! Kumusta ka na?” sinubukan ko namang hindi ipahalata na kabado ako.
“Hey, ikaw pala. Hinanap ko pa ang tumawag sa akin, hindi kasi ako nakasalamin ngayon eh. Kumusta ka na?” sabi niya, ngumiti siya sa akin.
Umupo siya sa harapan ko, magtatagal pa siya? Ano naman ang sasabihin ko sa kanya kung sakali? Naku naman, huwag sana akong madulas!
“Okay lang ako. K-kailan ka pa umuwi? Hindi ko nalaman ‘yon ah.” Tanga ka rin minsan, Aurie. Bakit naman niya sasabihin na umuwi na siya ng Manila? Kayo pa ba?
“Ah, nitong linggo lang. Isang linggo lang ako dito tapos babalik na rin akong Mindoro. Alam mo naman, ang daming trabaho eh,” sagot naman niya sa akin.
Sabi ko nga, hindi ako ang dahilan kung bakit siya bumalik.
“Ah, kumusta naman sa Mindoro? Okay naman?” tanong ko.
May nakilala na kaya siya sa Mindoro? Iyong mas makinis, mas maganda kaysa sa akin.
Ayos naman, busy lang doon lagi dahil nandoon ang main job ko. Ikaw ba? May trabaho ka na din? Saan?” interesado niyang tanong.
“A-ah, wala na ulit. Kaka-resign ko lang kasi kailangan naming lumipat ng bahay. Malayo dito ‘yon kaya maghahanap na lang ako ng bagong work,” nahihiya kong sagot.
Paano ba naman, ang ayos na niyang manumit ngayon. Ibang-iba na talaga siya doon sa Ellion na kilala ko a year ago. Sinong hindi mai-inlove dito?
“Uy, sana makahanap ka na. Kung dito lang ako based, kukunin kita para mag-trabaho sa company namin pero hindi eh.”
Nagulat ako kasi hindi ko naman akalain na willing pala siyang tuklungan ako. Sayang nga lang at hindi siya dito naka-base.
“Talaga? Tutulungan mo ko?” iyon agad ang nasabi ko.
“Oh, pwede pala. Kakausapin ko yung kakilala kong branch dito sa Manila para tulungan ka. Gusto mo?” alok naman niya.
Gusto ko sana kaso naisip ko na kung mangyari man iyon edi ang awkward para sa amin noon. Isa pa, ayaw ko rin namang magkaroon ng utang na loob sa kanya. After all, ex-boyfriend ko pa rin siya at nagkasakitan kaming dalawa.
“Huwag na pala, ayos na ako. Ako na lang ang maghahanap ng trabaho para sa akin. Salamat, Ellion.”
Ilang minuto pagkatapos kong sabihin iyon ay tumingin na siya sa relo niya. Hudyat na may importante siyang lakad. Saan kaya? Sa babae niya? Well, wala naman na akong pake dapat iyon. Buhay niya iyon, kung saan siya masaya doon siya. Simple lang.
“May mahalaga pa pala akong gagawin, Aurie. Maiwan na kita dyan. Ingat ka pag-uwi,” sabi niya sa akin pagkatapos ay tumayo na siya at dinala ang mga gamit niya.
“A-ah, ganoon ba? Sige, ingat ka ah.”
Natuwa naman ako dahil tinawag niya pa rin akong Aurie kahit wala na kami. Ngunit hindi na niya ako nilingon pa, baka nga wala na siyang nararamdaman na kahit ano sa akin. Sana ganoon rin ako, kaso hindi eh. Mahal ko pa rin siya kahit anong mangyari.
Nang umalis siya ay saktong dating naman ni Jhulia sa café. Sabi kasi niya, magkita raw kami dito dahil may ire-recommend siyang bago na trabaho sa akin. Ewan ko nga kung bakit todo ayos pa ako papunta dito eh hindi naman party ang pupuntahan ko.
“Ayos na ayos ah, may date ka ba?” tanong ni Jhulia na may halong pang-aasar sa akin.
“Wala, malay mo lang may talent agency na makakita sa akin at magandahan edi may trabaho na ako ulit,” sagot ko naman.
“Akala ko naka-move on ka na kay Ellion, hindi pa rin pala?” asar ulit niya.
Halos gusto kong lagyan ng stapler ang bibig niya. Buti na lang at wala na si Ellion noong sinabi niya iyon kundi kakainin ako ng lupa.
“Tumigil ka na nga, mamaya may makarinig pa sa atin sa paligid!” suway ko sa kanya.
“Bakit? Anong problema? Andyan ba si Ellion para matakot ka nang ganyan?” matapang na tanong niya.
“Oo, kakakita lang naming kanina. Nagulat nga ako, nandito pala siya sa Manila. Hindi ko naman sinasadya na magkita kami,” sabi ko, nahihiya.
“Oh? Ayan na pala ang hiniling mo sa Diyos noon, ang magkita kayo. Eh, nag-usap ba kayo tungkol sa break-up?” tanong niya.
Umiling ako then I sipped from my drink.
“Ha? Bakit hindi mo pa tinanong yung mga gusto mong malaman noon? Pasumpa-sumpa ka pa sa akin na kapag nakita mo siya, sasampalin mo at ipapamukha mo kung anong pinakawalan niya. Anong nangyari sayo ngayon?”
“A-ah, paano naman kasi. Ang gara na niya manamit, ibang-iba na sa Ellion na nakilala ko noon,” sagot ko, nahihiya pa rin sa mga sagot ko.
“Eh, ano namang koneksyon noon sa mga tanong mo sa akin noon? Gosh, you already had the chance to ask him, Aurie!” inis na sabi ni Jhulia.
“Wala nang pag-asa na matanong ko pa ang mga iyon. He already moved on from the break-up,’ may lungkot naman sa boses ko.
“Siya, oo. Ikaw, hindi pa. Mababasa pa kaya niya ang email na sinend mo?” tanong ni Jhulia sa akin.
Doon ko lang na-realize na may katangahan pala akong ginawa last year. I sent an email to him at mababasa niya iyon two years from now.
Dear Ellion,
Hindi ko alam kung ito pa rin ang email address na gamit mo sa oras na mabasa mo ito. Pero, hindi na ako aasa na mabasa mo ito. Gusto ko lang malaman mo na masaya ako para sa lahat ng achievements na meron ka, kahit wala na tayo. Siguro this time, may anak at asawa ka na kapag binasa mo ang email na ito. Masaya ka na siguro. Well, I’m always happy for you. Tandaan mo ‘yan. Hinding-hindi kita kakalimutan kasi nakatatak na si Ellion sa akin. Basta masaya ka, ayos na ako. Kahit hindi na ako ang dahilan, ayos lang.
Aurora Feliz