Ellion Jase
Pagkatapos naming magkita ni Kathrina ay lagi na kaming magkasama. Nakikilala ko na rin naman siya. Sabi ni Mama, mabuti raw iyon para magtuloy-tuloy na ang pagkalimot ko kay Aurie. Hindi naman sa gusto kong gamitin si Kathrina pero isang buwan na rin naman halos ang pag-alis ko sa Manila. Pwede naman din siguro akong mag-move on, ano?
“Oh, natawagan mo na ba si Kathrina? Nasaan na daw siya?” tanong sa akin ni Mama.
Ngayon ay may dinner date kami with family. Makakasama namin ang parents ni Kathrina. Todo porma nga ako at alam kong napakahalagang gabi nito para sa kanya dahil ipapakilala niya ako sa parents niya. Nakakahiya nga dahil hindi pa naman kami mag-partner ni Kathrina pero ipapakilala niya na agad ako.
“Mama, papunta na raw sila. Hay, kinakabahan ako. Bakit kasi ngayon niya ako pinapakilala? Hindi pa naman kami eh,” sagot ko sa kanya
“Aba, mabuti nga iyon eh. Ibigsabihin, malaki ang chance na magiging kayo talaga. Huwag ka ngang kabahan. Kaya mo iyan anak. Ang gwapo mo kaya,” sagot ni Mama sa akin.
“Oo nga, Kuya. Huwag ka ngang kabahan. Hindi ka pa naman papatayin ng parents ni Kathrina pagkatapos ng gabing ito. Umayos ka nga,” sabi naman ni Minnie sa akin pero hindi ko pa rin siya pinakinggan.
Hindi talaga ako mapalagay. Tingin ako nang tingin sa pinto kung saan napasok ang mga customers. Pagkatapos ng ilang minuto ay pumasok na si Kathrina sa restaurant. Kasunod niya ang mga parents niya. Ngumiti ako sa kanya pero kitang-kita ang kaba sa ngiti kong iyon.
Bago siya umupo sa tabi ko ay humalik na muna siya sa pisngi ng Mama ko. Humalik din si Mama sa Mommy ni Kathrina. Close na close na talaga sila, ano?
“Hello, Tita! Pasensya na po kung ngayon lang kami nakarating. Ang lakas po kasi ng ulan eh,” sabi ni Kathrina kay Mama.
“Naku, ano ka ba? Ayos lang naman iyon. Naiintindihan namin, pero pasensya na kayo kasi nag-order na kami kanina,” sabi ni Mama kay Kathrina.
“Ayos lang po. Salamat po at nag-order na kayo. Ellion, kumusta? Pasensya na ah, ngayon lang nakarating. Gutom ka na ba? Hay, late na ako dito sa family dinner natin,” sabi ni Kathrina sa akin.
“Naku, ayos lang naman. At least nandito na kayo. Okay naman ako. Ano ka ba? Magka-text lang tayo eh. Masyado mo naman akong na-miss!” sabi ko, natatawa tuloy siya sa akin.
Nagtawanan at nag-share pa kami sa isa’t isa habang yung parents ni Kathrina ay nag-uusap. Rinig na rinig ko sila kung ano ang pinag-uusapan nila. Ano pa ba eh di kami ni Kathrina.
“Ang bait ng anak mo, mare ha? Sobrang saya ko na pinakilala mo siya sa anak ko. May kaibigan na si Kathrina simula noong dumating si Ellion sa buhay niya,” sabi ni Tita kay Mama.
Nagulat naman ako dahil bigla na lang sumagot si Kathrina kay Tita. Natatawa na lang ako eh. Ang cute kasi ng reaction niya.
“Mommy, ano ka ba? Hindi lang naman si Ellion ang kaibigan ko ano. Meron pa namang iba na hindi mo pa nakikilala. Grabe ka naman sa akin, Mommy.”
“Oh, eh di kung pinakilala mo siya sa amin, ibigsabihin ay special siya sa iyo kasi siya lang ang pinakilala mo sa amin eh,” may pang-aasar na sagot ni Tita pagkatapos ay tumingin siya kay Mama.
“Mommy! Kung anu-ano po ang sinasabi mo ah. Nakakahiya kay Ellion, eh. Huwag pong ganun! Saka, may mga kaibigan naman ako na pinapakilala ah? Si Dion at Celia, di ba?”sabi ni Kathrina, asar na asar sa kanyang ina.
“Anak, alam naman natin na iba si Dion at Celia. Mga babae sila. Si Ellion, lalaki iyan. Kilala rin kita, oras na lalaki ang pinakilala mo sa amin ng Daddy mo eh iba ang ibigsabihin noon. Right, dad?” sabi ni Tita kay Kathrina.
Habang siya ay naiinis, ako ay natatawa. Ang cute ng relationship niya sa family niya eh. Parang barkada ang turingan nila, parang kami ni Mama kung minsan.
“Hmm, huwag mo na ngang i-pressure ang anak mo sa lovelife niya.Ano ba, Mommy? Nakakahiya rin kaya sa family ni Ellion. Baka sabihin naman ay pinipilit mo ang anak natin sa kanya. Kumalma ka lang. Kung sila, eh di sila talaga sa dulo,” sabi naman ni Tito.
“Pero aminin mo, gusto mo na ng apo kay Kathrina, di ba Daddy? Baka si Ellion na makapagbigay noon eh,” hirit pa ni Tita kay Tito.
“Huy, umayos ka nga. Kumain na tayo at malamig na ang pagkain. Saka na. iyan pag-usapan. Okay?” sagot naman ni Tito.
Pagkatapos ng dinner with our families ay pumunta si Kathrina sa labas. Nakita kong nakatingin siya sa mga butuin at tahimik na nagmamasid sa paligid niya. Agad tuloy akong nagpaalam kay Minnie na lalabas muna ako para samahan si Kathrina.
“Dyan ka muna ha. Samahan ko lang si Kathrina sa labas. Mukhang may problema eh,” sabi ko.
“Oo, sige. Samahan mo siya, Kuya. Dito lang ako with Mama. Hintayin kitang makabalik,” sagot naman ni Minnie sa akin.
Lumabas ako ng restaurant at kahit malamig sa balat ang simoy ng hangin. Napatingin siya sa gawi ko at saka nagsalita. Hiyang-hiya yung boses niya sa akin. Yung tingin niya, parang bata na paiyak na kaya lalo akong napalapit ng mabilis sa kanya.
“Oh, bakit? Anong problema, Kathrina? Ayos ka lang ba? Parang paiyak ka na eh,” sabi ko sa kanya.
“Pasensya ka na sa Mommy ko kanina ha? Niloloko ka lang naman noon. Sorry sa pressure na binigay niya sa iyo kanina. Alam ko naman na hindi ka pa ready, e. Di ba? Hay, naku! Nakakahiya talaga kanina. Naalala ko na naman!” inis na sabi niya sa akin.
“Okay lang iyon. Ano ka ba? Alam ko naman na joke lang iyon kaya hindi ko rin seseryosohin. Pero salamat ha? At least, nalaman ko na kapag pinakilala mo sa magulang mo eh ibigsabihin eh mahalaga sa iyo. Don’t worry, mahalaga ka na rin naman sa akin, e.”
Doon na ko nagising sa kinatatayuan ko. Nasabi ko na pala sa kanya na mahalaga siya. Hala!