KINABUKASAN ay maagang nagising si Vincent. Matapos ayusin ang sarili ay lumabas na siya ng silid at agad na tinungo ang komedor. Nadatnan niyang naghahain ng masasarap na pagkain si Tiya Saning. “Wow, magdadagdag na naman ako ng timbang nito, Tiyang!” aniya sabay halik sa pisngi ng matanda. Napangiti naman ang huli at tinapik siya sa balikat, iniatras ang isang upuan para sa kanya. “Gasino na ba ang mga iyan, Vincent? Aba ay napakatagal na nang huli tayong magkita!” “Opo nga. Ilang taon lang ako noong nakatira kami dito, hindi ba?” “Patpatin ka pa noon at masasakitin, anak.” “Pero magandang lalaki pa rin ako kahit ganoon, hindi ba, Tiyang?” Natawa ang matanda. “Aba’y wala namang pangit sa lahi natin. Lahat kayong mga lalaki ay pawang mga guwapo at ang mga babae naman ay kaygaganda.

