Tumingin ulit siya kay Hisoka na tila nababaghang nakatitig sa kanya. Animo hindi nito malaman kung ano ang iisipin sa kanya. Hindi na purong pagkabagot ang nakarehistro sa mukha nito. May bahid na rin iyon ng pagtataka na para bang isa siyang kakaibang uri ng nilalang.
“Out of the goodness of your heart iyon, hindi ba tama ako, Mr. Hisoka?”
“Indeed. If I have one.”
“Ha?”
“A heart that is.”
Bahagyang natawa ang dalawang lalaking kasama nito. Tila may private joke na binitawan ito. Sa malas, bilang private nga iyon, wala siyang ideya kung bakit nakakatawa iyon. At mas malas pa, nasulyapan niya ang tila naaawa sa kanyang sulyap ng lalaking Japanese. Bakit kaya?
“Natural meron kang puso. Paano ka nabubuhay ngayon kung wala ka nun? Lahat ng tao may puso. At ayon nga sa gasgas ng joke, kahit saging may puso. Ikaw pa kaya?” iiling-iling na aniya kay Hisoka.
Umarko lang ang mga kilay nito habang nakatingin sa kanya. Hindi tumugon.
“So, deal? Hindi mo ako isusumbong kay Mother Violy? Ituturing kong isang napakalaking pabor kung hindi mo gagawin iyon. Kaya, please, huwag mo na akong isumbong? Or at least, hintayin mo munang makalayo na ako dito sa hotel
mo.”
“Perhaps. Fix your disguise,” sagot nito saka sumulyap ito sa wristwatch nito.
Nangunot ang noo na tila nayamot saka bumaling paharap sa Japanese na nakanganga pa ding nakatitig sa kanya. Sinimulan nitong kausapin sa wikang Nihonggo ang lalaki.
Para bang sa isang kisapmata ay isinantabi na at kinalimutan na ang presensya niya doon. Samantalang ang morenong lalaki sa kanan nito ay iiling-iling na nakamasid pa rin sa kanya. That is until Hisoka started talking to the man
too.
Hindi siya sigurado pero malakas ang kutob niyang sinadyang gawin iyon ni Hisoka upang mabaling sa topic na binuksan nito ang atensyon ng dalawang lalaki. At mabigyan siya ng layang ayusin ang disguise niya nang hindi inaalalang
nakatuon pa rin sa kanya ang tingin ng mga ito.
Tarantang sinubukan niyang ayusin ang unan sa pagkakalagay niyon sa tiyan niya. Pero nahihirapan siyang ibalik sa dating porma niyon iyon. Kanina ay mukha siyang matabang babae lang. Ngayon mukha na siyang may dinadalang alien sa sinapupunan niya. Nagpa-panic na napasulyap siya sa numero sa control panel ng elevator.
Dalawang palapag na lang at nasa lobby na sila. Iyon ay kung hindi biglang pinindot ni Hisoka ang emergency button na biglang nagpahinto sa elevators sa pagitan ng mga
palapag.
Nanlalaki ang mga matang napatitig siya dito.
“Go on,” anito na inilahad pa ang kamay sa kanya bilang senyas na ituloy niya lang ang ginagawa niya.
Gilalas na napatitig naman dito ang morenong lalaki pati na ang Japanese na kasama nito. Kung kanina ay siya lang ang focus ng panggigilalas ng mga ito, ngayon pati ito ay nadamay na. Subalit walang nagsalita sa dalawa. Patunay na walang lakas ng loob ang mga ito na kwestiyunin ang anumang maisipang gawin ni Hisoka.
Nang sa wakas ay maibalik niya sa dating ayos niyon ang
unan, agad na pinindot ulit ni Hisoka ang button. Umandar
nang muli ang elevator.
“Thank you very much! Salamat talaga! Tatanawin kong malaking utang na loob ito sa iyo. Promise, babawi ako sa susunod na magkita tayo!” taos-pusong pasasalamat niya dito.
Sinubukan pa niyang hawakan ang kamay nito upang makamayan sana ito. Pero animo nagbabagang uling ang mga kamay niya na iniiwas nito ang mga kamay nito sa kanya. Tuloy awtomatikong tumaas ang mga kilay niya. Nakadama siya ng pagka-insulto sa iniakto nito. Niyuko niya ang mga palad. Malinis naman ang mga kamay niya.
“Bakit? Malinis naman ang kamay ko ah. I washed it!” may bahid ng pagtataka at indignasyon ang tonong aniya dito.
Sa halip sumagot ay tinignan lang siya nito. Para bang sinasabing huwag na niyang dagdagan pa ang pag-aaksaya sa oras nito. Napairap dito na humakbang na lang siya palabas ng bumukas na pinto ng elevators.
Ngunit sa ikatlong hakbang niya, napahinto siya nang marinig ang mahinang pagtawag nito sa kanya. Nagtatanong ang mga matang nilingon niya ito.
“I will wait for your payment for that debt you owe me, Charie Veil.”
“Ha? Teka! Ano’ng klaseng payment bang inaasahan mo? Ipinapaaala ko lang dukhang hampas-dagat ako!”
“You will know soon enough.”
Saka ito humakbang kasunod ang dalawa pang kasama nito patungo sa kanang direksyon ng engrandeng lobby ng hotel. Bakit pakiramdam niya ay may kaakibat na banta ang huling pangungusap nitong iyon sa kanya? O malamang epekto lang iyon ng overactive imagination niya. At ng kakulangan ng oxygen sa utak niya dahil sa paninikip ng dibdib niya sa kaalamang nakausap at nakuha pa niyang biruin si Hisoka Kudo Aseron!
Ipinilig niya ang ulo at dali-dali nang humakbang papalabas ng hotel. Mamaya na lang ulit niya babalik-balikan sa isip ang hindi kapani-paniwalang karanasan niyang iyon.
Nang makasakay na siya sa taksing inarkila ni Jackielou bago pa ito umakyat sa hotel suite niya kanina ay saka lang siya medyo nabawasan ng kaba. Pinigilan niya ang sariling lumingon sa entrance ng hotel upang tiyaking walang humahabol sa kanya habang papalayo ang taxi. Kahit sinabi ni Hisoka na hindi siya nito isusumbong kay Mother Violy, posible pa ring may ibang nakakita at nakakilala sa kanya sa kabila ng disguise niya.
Nang lumagpas na ng mahigit dalawang kilometro ang layo nila sa hotel ay saka lang niya pinayagan ang sarili niyang lumingon.
“Yes!” mahinang sabit niya na napasuntok pa sa hangin.
“Saan ho tayo, Miss Charie?” untag sa kanya ng matandang driver. May kaaliwan sa tono at mga mata nito nang tignan siya sa rearview mirror nito.
Gilalas na napatitig naman siya dito. Paano siya nakilala nito? Awtomatikong tumaas ang mga kamay niya upang damhin ang mukha niya pati na ang wig niya. Nawala na rin ba iyon sa porma tulad ng unan sa tiyan niya kanina?
“Huwag ho kayong mag-alala. Kapitbahay ako ni Jackielou. Nasabi niya sa akin ang plano ninyo. Nag-aalala kasi siyang mapahamak kayo kung hahayaan niya kayong gumala mag-isa sa loob ng dalawang buwan.
“Malamang hindi na daw kayo sanay at hindi imposibleng may makakilala pa rin sa inyo sa kabila ng pag-iiba ninyo ng hitsura. Baka samantalahin kayo ng masasamang loob at madukot pa kayo,” paliwanag nito.
Isang mahabang buntung-hininga naman ang
pinakawalan niya. Akala pa naman niya ay may tiwala si
Jackielou na kaya niyang pangalagaan ang sarili niya. Ngunit heto at kumuha din pala ito ng ibang tatayong tagabantay niya.
Hindi niya maunawaan kung paano nito naisip na hindi niya kayang pangalagaan ang sarili niya. Gayong sa loob ng napakahabang panahon ay wala naman siyang ibang inasahan kung hindi ang sarili niya. Mula nang umalis siya ng bahay-ampunan noong dise-otso anyos siya ay sinuportahan na niya ang sarili niya.
Naging tindera siya sa palengke, janitress sa mall, tagaluto sa tinderya, waitress sa isang Chinese restaurant at kung anu-ano pa. Bago siya niyaya ng mga kababata niyang sabay niyang lumaki sa bahay-ampunan noon na maging bokalista ng banda ng mga ito.
Matagal silang hindi nagkita-kita nina Rhys, Allen at Mik-mik. Dahil halos kasabayan lang din niyang umalis ng bahay-ampunan ang mga ito matapos maampon ang mga ito. Pero nang magkita-kita silang muli, mistula pa ring magkakapatid ang turingan nilang apat. At kahit mahigpit siyang pinagbabawalan ni Mother Violy na makipagkita pa sa mga dating kaibigan, pinupuslitan niya pa rin ito.
Bagamat malayo na nga sa buhay niya noon ang buhay niya ngayon, ang isang bahagi ng puso niya ay tila nagpu-protesta at gustong bumalik sa dating buhay niya. Iyong kumakanta lang siya kasama nina Rhys, Allan at Mik-mik dahil
gusto niyang kumanta.
At kahit anong suotin niya ay hindi pinupuna ng kahit sino. Subalit ngayon, sa klase ng packaging ni Mother Violy sa career niya bilang sexy novelty singer, hindi na maaring simple lang o konserbatibo ang mga suot niya.
“Hay naku, sa dami ng mga singer ngayon sa bansa, kailangan may kakaiba sa iyo para sumikat ka! Oo maganda ang boses mo pero marami ding magaganda ang boses diyan. Dapat kakaiba ka para tangkilikin ka ng tao. Tutal ganyan ang katawan mo, iyan ang ibebenta natin,” wika ni Mother Violy noong unang makaharap siya.
Isa itong talent manager habang ang asawa naman nitong si Mr. Chingson ay isang director at producer. Nakaharap niya ang talent manager dahil sa rekomendasyon sa kanya ni Mrs. Pelias na isa sa mga madalas niyang ayusan ng buhok sa parlor na part time niyang pinapasukan. Kaibigan ni Mrs. Pelias si Jackielou. At ang huli ang nagsabi sa amo nito ukol sa kanya.
“Ho?! Teka, Mother, hindi ako magbu-bold!” maagap na
protesta niya.
Wala sa loob na naitakip pa niya ang mga braso sa dibdib niyang tunay namang agaw-pansin. Sa tangkad niya at makurbang hugis ng katawan bukod pa sa pagiging morena niya, marami ang nagsasabi sa kanyang subukan niyang mag-artista o di kaya ay sumali sa beauty contests. Ika nga ng mga ito, she has the looks and the body for it.
Pero wala kasi siyang hilig sa mga ganoon. Hindi siya mahilig mag-ayos o mag-damit ng magagara. Laking ampunan siya. Pinalaki siya ng mga madre at matatandang dalaga kaya nasanay na siya sa simpleng kasuotan at ayos lang.
Ang totoo, mas komportable nga siyang naka-jeans at t-shirt lang. Hindi kasi niya gustong maging sentro ng atensyon dahil sa wika nga ng iba ay pang-sexbomb niyang pigura.
“Hindi ka magbu-bold. Magpapa-sexy ka lang para mapansin ka ng tao. Tipong sina Mystika at sino nga ba iyong kumanta ng Aray? Never mind. Basta sundin mo ako.
“Gasgas na iyong mga pa-sweet-sweet-an. Gusto ko mga double-meaning songs ang kantahin mo. Marunong ka bang sumayaw? Kung hindi, patuturuan kita,” giit naman ni Mother Violy sa kanya.
“Pero---“
“Wala nang pero-pero. Sisikat ka basta sundin mo lang lahat ng sasabihin ko, sinisigurado ko iyan sa iyo,” paniniyak nito.
At hindi naman ito nagkamali. Dahil sa unang release pa lang ng kanta niyang ‘Bukas, Pasok’, napansin na agad siya ng press. She was dubbed as the ‘Sensual Siren’. Sa saliw ng mga suggestive niyang kanta ay ang mga sexy dances na pinauso din niya.
Kinunutan man siya ng noo at kinutya ng mga seryosong mang-aawit at mga nasa hanay ng elitista, minahal naman siya ng mga madlang pipol. Iyon nga lang, kasama ng imahe niya ay ang mga tsimis na malayo sa katotohanan. Tulad ng pagpatol daw niya sa mga may asawang direktor at artista, pagtanggap ng indecent proposals mula sa mga dirty old men at pagpayag na makipag-one night stand kapalit ng mamamahaling mga alahas o gamit.
“Miss Charie?”
“Pakihatid ho ako sa Pasig, Manong---ano nga ho pala ang pangalan ninyo?” wika niya sa driver.
“Banong, Miss Charie.”
Bahagyang napangiti siya. “Charie na lang ho, Manong Banong. Sa Tawamoto Comedy Bar ho sa Pasig tayo.”
“Areglado, Miss---este Charie pala,” tango ng matanda.