Nakaupo sa arm chair sa living room ng bahay ni Hisoka sa Magestic Subdivision si Charie at nagbabasa ng magazine. “Nakahanda na daw ang hapunan. Mauna ka nang kumain, sweetheart,” wika ni Hisoka nang lumapit sa kanya at hagkan siya sa noo. Wala siyang naka-schedule na trabaho nang buong araw na iyon kaya magmula kaninang umaga ay magkasama sila. Habang ito naman ay may flight mamayang hatinggabi patungong Tokyo. ‘’No. Hihintayin na kita. Tapos na ba kayong mag-usap ni Lolo Nemo?” tanong niya dito na inginuso ang cellphone na hawak nito. Naghihintay silang maluto ang hapunan nila nang tumawag si Lolo Nemo dito ukol sa isang business deal na pinasukan ng mga ito kaya pumasok ito saglit sa opisina nito. Base sa nakarehistro sa screen, nasa linya pa rin ang lolo nito.

