“Arkin, bumalik ka sa loob at tapusin mo ang pinapagawa ko,” sabi nitong lalaki sa likod ko na sinasabing siya si Devon.
Arkin?
“Tapos na ako sa pinapagawa mo,” matalas na sagot nito.
Para akong pinanghina dahil ang kilala kong Devon ay hindi naman ganito kung umasal.
“Arkin, ugali mo,”
“Bakit anong problema sa ugali ko, Devon?”
“Kung hindi mo ako kayang igalang bilang nakakatandang kapatid, igalang mo na lamang ako bilang guro ninyo,”
“Tsk! Halili ka lang naman habang wala ang mga paring nagtuturo kaya wag kang umasta,”
Naglakad itong Arkin at hinigit ang braso ko kay Devon.
Pero buong pagpapakumbaba kong binawi ang braso ko rito kay Arkin at yumuko. “Mauuna na ho ako. Salamat po sa tulong.”
Mabilis akong naglakad palayo habang ganon na lamang ang kaguluhang nararamdaman ko.
Nang tuluyang makalabas ay halos takbuhin ko na pabalik ng dormitoryo namin.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman, sumasabay pa ang iyamot ko dahil sa hindi ko nagawang magawa ang totoong pakay ko.
Pagpasok sa dormitoryo ay napatingin agad ako sa malaking orasan at nakitang limang minuto na ang nakakalipas nang magsimula ang pananghalian.
“Patawad ho, hindi ko po ganon pa kabisa ang daan,” sabi ko agad kay Superiora nang makaabot ako sa pintuan ng dining area na papasara na sana.
“Pasok!” nagtitimping sabi nito.
Matapos kumain ay madali kong pinuntahan si Ate para kamustahin ito.
Papasok na ito sa kaniyang classroom.
“Ate,” humahangos na habol ko rito.
“Oh, bakit pagod na pagod ka?”
“Kanina pa kita hinahanap. Kamusta? Nakainom ka na ba ng gamot?”
“Opo! Nakainom na po,” nakangiting sabi ni Ate.
“Mabuti naman. Wag mong kalimutang uminom ng kasunod ha,”
“Hahaha opo na. Siya ikaw ay pumunta na sa klase mo,”
“Sige Ate.”
Kaso, balewala ang naging klase namin hanggang hapon dahil walang laman ang isipan kundi iyong mga nangyari kanina sa dormitoryo ng mga lalaki bukod pa sa isipin ko tungkol kay Ate na maski ako ay kinukwestiyon ko na rin ang sarili ko.
“Aba at tila wala sa wisyo si Superiora Magdalena?”
Napataas agad ang mga mata ko nang tumabi si Lori sakin habang nagpipainting kami. “Kamusta? Marami bang gwapo? Ang hirap kasi makita noon sa lawa, madilim.”
“Tsk! Lori, umayos ka. Wala akong nakita dahil nanatili lamang akong nakatungo, dahil bawal tumingin, hindi ba?”
“Aradelle naman, iyon naman ay kung magmamadre ka talaga pagtapos. Kaya lang naman tayo narito dahil naparusahan tayo. Pag nakatapos tayo at napagpasyahan natin na hindi tayo dito, balewala rin ang mga batas, hindi ba? Tsk!”
“Anong ibig mong sabihin sa narito lamang tayo dahil naparusahan?”
“Tsk! Ayon lang naman sa obserbasyon ko yon. Sa dami ng mga kakilala ko dito, lahat sila napadala dito dahil may mga kasalanan. Ikaw ba anong nagawa mong kasalanan?”
“A-Ako?”
“Oo! Alangan namang perfect ka na agad? Kaya nga naisip namin nina Thianna na kaya ka ganiyan kahigpit sa mga bagay-bagay ay mamaya malaki ang kasalanan mo,”
Saglit na nagliwanag ang mga mata ko nang mabanggit niya si Thianna. Oo nga pala, alam ni Thianna na dinala si Ate sa dormitoryo ng mga lalaki.
“Wala akong kasalanan, kinailangan lamang ng Mama ko ito para sa kaniyang kapakanan. Sige mauna na ako,” sabi ko nang madaling tumayo para puntahan si Thianna.
“Teka, saan ka?”
“Pupuntahan ko si Thianna,”
“Ha? Hindi mo pa ba alam? Pinalabas na si Thianna dahil may sakit daw ito,”
Parang nawalan ng lakas ang mga binti ko dahil sa narinig ko.
Madali akong humarap kay Lori na ganon na lamang ang pahingalay sa pagkakasandal.
“Anong sabi mo?”
“Sabi ko, pinalabas na si Thianna. Noong maparusahan, bumigay daw ang katawan nito at nalaman na may sakit pala ito kaya kinailangan palabasin,”
Naaalala ko ang mga sinabi nito sakin noong gabi, na kung hindi panaginip ay maaaring may mali talagang nangyayari dito pero tinatago.
Bumalik na lamang ako sa upuan at minabuting tapusin na ang gawain para maalis sa isipin ko si Thianna.
Hindi ko na rin nagawang pagtuunan ng pansin ang mga sinasabi ni Lori, hindi ko maunawaan ang mga nangyayari.
Pagtapos na pagtapos magpainting ay agad akong nagtungo kay Ate para kamustahin ulit ito pero hinirangan ako ni Mother Flora.
“Aradelle, walang ibang mautusan na mag-igib ng tubig. Iyong nakatuka ngayon ay may dalaw. Masakit ang katawan at hindi makabangon. Pwede bang ikaw muna ulit?”
“Ah...saglit lang ho, titingnan ko lang ho si Ate,”
“Galing na ako kay Serena, napainom ko na siya ng gamot. Pinagpaalam ko na rin muna ito na magpagaling na muna sa kwarto dahil nga sa natatakot kami na baka nasalinan ang kapatid mo ng sakit ni Thianna,”
“Po?”
“Hindi pa naman kumpirmado pero sana naman ay hindi,”
“A-ano hong sakit ni Thianna?”
“Sa ngayon ay hindi pa kami sigurado pero sana naman ay hindi ito nakakapanalin. Siya sige na, mag-igib ka ng tubig para sa hapunan.”
Agad akong nagtungo sa kusina at kinuha ang dalawang timba para makapaghakot ng tubig.
Tatalon-talon na ako paakyat poso na pinagkukunan ng tubig para mapabilis ang pag-akyat.
“Ah ang pagod!” reklamo ko pagdating sa taas at abala sa pagpagpag ng mga duming napunta sa suot kong uniporme.
“Eh di magpahinga ka,”
Mabilis kong iniangat ang tingin sa nagsalita at laking gulat ko nang makita iyong Arkin na nakaupo sa balon at nagsisigarilyo.
“A-anong ginagawa mo dito?”
Ngumisi ito, “Nagsisigarilyo.”
Tsk!
Nakakainis!
“Alam ko, pero anong ginagawa mo dito sa dormitoryo namin?”
“Ah! Bawal magsigarilyo sa amin, kaya dito ako,”
“Aba at! Hoy! Bawal din dito yan,”
“Eh hindi ako babae,”
“Ang yabang mo!”
Humithit ito ng sigarilyo at tumayo saka naglakad palapit sakin at binugahan ako, “May kilala din ako, sobrang yabang. Sa sobrang yabang, ayaw ko siyang makita.”
Halos sumuka ako sa amoy ng sigarilyo pero hindi ko mapagtuunan ng pansin iyon dahil sa sobrang lapit ng mga mukha nito sakin.
“Noong gabi sa lawa, nagkita pa ba tayo maliban doon?” buong lakas-loob na tanong ko.
Ngumisi ito.
Eto na naman siya sa pangisi-ngisi. “Oo. Kanina sa dormitoryo.”
Nanghilakbot ako sa inis.
“Sinungaling!” duro ko dito.
“At paano mo naman nasabi na sinungaling ako? Totoo naman na nagkita tayo sa dormitoryo kanina,”
“Hindi yon ang tinutukoy ko, bago yon,”
“Wala.”
Hindi ko mapigilang mapalunok ng laway sa inis.
Bumitaw na ako ng tingin dito at dumiretso na sa poso.
“Lumayo ka kay Devon,” sabi nito.
Natigil ako sa pagtaas ng hawakan ng poso at mabilis na tumalikod para harapin ito pero wala na.
Naiwan akong nakatanga sa sinabi nito.
Lalayo? Kay Devon?
Anong meron?
Pinagpatuloy ko na lamang ang pag-igib ng tubig at nagtungo pabalik ng kusina.
Kaso nang ilalagay ko na ang tubig sa imbakan ay agad akong nilapitan ni Mother Hulya.
“Amoy sigarilyo ka!” duro nito at hinablot ang timbang hawak ko dahilan para mabasa ako. “Nagisisgarilyo ka ano?!”
Hindi ako makaimik dahil nga sa binugahan ako niyong Arkin. “H-hindi po!”
Hinablot ako nito sa kwelyo at inamoy. “Eh ano itong amoy mo?!”
Hirap ako magsalita, hindi ko alam kung sasabihin ko ba ang totoo.
“Ah hindi ka talaga magsasalita? Pwes! Halika sa opisina, at doon ka magpaliwanag!”
Kinaladkad na ako ni Mother Hulya papunta sa opisina ni Superiora at pagpasok namin doon ay laking gulat ko nang naroon iyong Arkin.
“Anong nangyari?” tanong agad ni Superiora at iniwan iyong Arkin.
“Itong batang ito, amoy sigarilyo. Pinapaamin ko, tumatanggi!” galit na sabi ni Mother Hulya.
“Sabi ko na nga ba. May baho ka rin!” sabi ni Superiora na parang masaya pa sa nalaman.
Kita ko ang pagtaas nito ng kamay at yumuko na ako para tanggapin ang sampal nito pero nagsalita iyong Arkin.
“Ikaw ba yong babae sa poso kanina?” biglang sabat ni Arkin.
Natigil si Superiora at tumingin kay Arkin.
Hindi naman ako nakasagot dahil hindi ko talaga maunawaan ang nasa isip nitong lalaking ito.
Nawala na lamang ito kanina tapos ngayon andito na.
“Ah ikaw nga! Ikaw yong sumita doon sa hardinero na nagsisigarilyo. Binugahan ka pa di ba?” sabi nito na halos mawala na ang mata katatawa.
Parang sa isang iglap ay tumigil ang paghinga ko dahil naalala ko noon sa kaniya ang mga tawa ni Devon noong mga bata pa kami.
“Totoo ba yon, Aradelle?” tanong ni Superiora.
Tumango na lamang ako dahil wala naman talaga akong kasalanan kaso, nagsinungaling naman itong si Arkin.
“Bumalik ka na sa kwarto at bawal ka munang lumabas!” gigil na sabi ni Superiora.
Madali akong yumukod at naglakad pabalik sa aking kwarto.
Gusto ko man puntahan si Ate, kaso, sumasakit na ang ulo ko.
Mahina ang baga ko simula pagkabata kaya kaunting usok mula sa sigarilyo o matapang na amoy ng floorwax ay nilalagnat ako.
Pagpanhik sa kwarto ay mabilis akong nagpalit at inayos ang maruming damit.
Bukas ay araw ng paglaba, kailangan kong makapagpahinga o papag-initan na naman ako.
“Papakuha na lamang ako kay Lori ng gamot sa dispensaryo pag nagawi dito bago ang dasal mamaya,” bulong ko at umayos na para humiga.
Pero ang di ko inaasahan ay nang ipagpag ko ang aking unan ay nalaglag ang isang papel na puro putik.
Dinampot ko ito at marahang binuksan.
Malamang naman ay sa akin ito dahil nakalagay sa unan ko.
Pagbukas ay may nakasulat na ‘Maligayang kaarawan, Aradelle. Masaya akong makita ka ulit.’
“Sino ito?”