Chapter 4

2167 Words
Buong gabi, matapos ang dasal ay naging imposible ang tulog para sa akin. Hindi ako pwedeng magkamali. Iyon ang lalaking pumigil sakin na lumapit kay Ate kagabi. Ang lalaking may kakaibang mata. Kung hindi man si Devon iyon, basta ang mahalaga ay totoong naririto iyong lalaking iyon. Nakausap ko pati siya sa lawa, hindi ako pwedeng magkamali sa boses. “HOY! Ano at ang lalim ng iniisip mo?” Nagulat ako sa biglang pagsulpot ni Ate sa aking likuran habang abala ako sa pag-iigib ng tubig sa poso kinabukasan. “Tinatanong mo pa talaga, Ate ha,” sabi ko rito saka matiim itong tiningnan. “Teka ang putla mo.” Mabilis kong sinalat ang noo nito pero mabilis itong umiwas. “Ano ba, ayos lang ako,” “Ate...pakiusap lamang. Wag mo na akong ituring na bata. Hindi mo na kailangang magsinungaling at sabihing ayos ka lamang kahit alam na alam ko namang hindi,” Nawala ang ngiti ni Ate at yumakap sakin, “Masaya ako na lumalaki kang malakas at matapang, hindi kagaya ko.” “Teka, ang init-init mo, Ate!” “Shh! Hayaan mo na, masakit lang ang katawan ko kaya ganiyan,” sabi ni Ate saka mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sakin. “Sa dami ba naman at lakas ng mga hampas sakin.” “Kailangan nating gamutin ka,” “Hindi na ayos lang talaga ako,” “Ate naman eh, kanina pa lang umaga pagtapos ng misa, alam kong hindi na mabuti ang pakiramdam mo,” Bumitaw si Ate sa pagkakayakap at kita kong naiiyak na ito. “Ate...pwede kang magsabi ng totoo,” sabi ko rito at hinawakan ang kamay. “Alam kong totoo ang mga nakita ko kagabi. May proweba na ako.” Ngumiti lamang ito ng matamlay at bumitaw sa pagkakahawak ko, “Hay nako, nandiyan ka na naman. Ara, hanggat-maaari ay wag na wag mong ipagsasasabi ang mga ganitong isipin mo, o mapapahamak ka. Nauunawaan mo ba? Tara na lang at kanina pa hinihintay nina Mother Flora iyang tubig para sa ilulutong pananghalian. Bukod doon ay kanina ka pa wala sa pwesto mo, walang maglilinis non.” Binuhat na ni Ate ang isang timba at napailing na lamang ako saka mabilis na binuhat ang isa pang timba at sumunod rito. “Ako na Ate ang magbubuhat!” habol ko rito pero tumakbo na ito. “Habol, Ara!” sigaw nito na sobrang saya ng halakhak. “Tanda mo noong naglalaro pa tayo noon sa likurang bahay natin?” “Kaya na kitang habulin ngayon, malaki na ako,” sigaw ko rito pabalik kaso di naman talaga makapagdali-dali ng pagtakbo dahil tumatapon ang lamang tubig ng timbang dala ko. Nang makarating sa kusina kung saan abalang nagluluto ang ilang mga madre at mga nobisya ay agad kaming umayos ni Ate. Marahan naming isinalin ang mga tubig sa malalaking palayok kung saan nilalagay ang mga imbak na tubig para sa pagluluto. “Aradelle, kung wala ka ng gagawin, pumunta ka sa opisina ni Superiora,” sabi ni Mother Hulya. “Ah...dadalhin ko po sana muna ang Ate sa dispensaryo para ikuha ng gamot,” “Bakit napapano siya?” tanong nito na hindi manlang nag-abalang harapin kami. Itong si Mother Hulya, hindi ko alam pero malaki talaga ang takot ko rito kahit noong una pa lamang akong dumating dito. Matangkad siya masyado, sobrang lusog, tapos ang mga mata niya sobrang lulubog. Ang ilong niya sobrang tangos tapos ang mga ngipin, ang lalaki. Kung ako ang tatanungin ay parang witch sa mga nababasang libro ng mga bata noon. Tapos parang lagi itong galit. Parehas sila ni Superiora, laging galit. Ang pinagkaiba lamang ay mas malusog si Superiora. Paano namang hindi ay lagi lamang nakaupo sa kaniyang opisina. Tsk! “Nilaglagnat ho kasi si Ate,” tugon ko rito. “Bakit hindi ba niya kayang magpunta mag-isa? Ganon ba kalubha at ipagsasantabi mo ang utos ni Superiora para lamang sa gamot ng kapatid mo?” “Ara, sige na. Pumunta ka na, ako na ang bahala,” bulong ni Ate at hinigit na ako palabas ng kusina. “Sigurado ka ba, Ate?” tanong ko sa aking kapatid na ramdam ko sa hininga ang init at tindi ng tinitiis nitong sakit. “Ayos lamang ako. Hindi pa rin naman ako makakainom ng gamot hanggat hindi pa kumakain. Kaya pumunta ka na, ako ay may gagawin pa rin naman. Basta siguraduhin mong pagtapos ng inuutos sayo ay babalik ka na sa pwesto mo para maglinis, malapit na ang pananghalian ah,” “Sige Ate.” Mabilis akong naglakad papunta sa opisina ni Superiora dahil isa rin sa mga kinagagalit nito ay ang hindi agad nasusunod ang mga gusto nito. “Magandang tanghali ho, Superiora. Kailangan niyo raw ho ako,” sabi ko rito habang nakayuko at nakatayo sa may pinto. Tumayo ito at suminghap ng malalim, “Anong oras na? Kanina pa kita ipinatawag!” “Pasensiya na ho, kinailangan ko hong siguraduhin na ayos si Ate. Nilalagnat ho siya. Natatakot lamang ho ako na mamaya ay may naapektuhan sa kaniya dahil sa parusa na tinamo,” “Nararapat lamang iyon para sa kaniya. May mga gamot naman sa dispensaryo, pwede siya magpunta doon. At kaya niyang gawin iyon ng siya lamang, talagang inuna mo pa iyon kaysa sa patawag ko,” “Paumanhin ho,” Napatighim na lamang ito at galit na naglakad patungo sa mesa kung saan tumatanggap ng bisita. “Umalis sina Padre Feruvio kasama ang ilang mga kapunuan at matatagalan bago sila bumalik. Pero hindi naman ibig sabihin noon ay titigil na rin ang mga gawain. Simula ngayon ay ikaw na ang gagawin kong tagapaghatid ng mga reports sa opisina nina Padre Feruvi,” “Bakit ho ako?” gulat na tanong ko saka agad na iniangat ang tingin rito. “Bakit ikaw? Dahil lahat ang bukang bibig ay ikaw daw ang karapat-dapat. Bukod doon ay ikaw na naman ang nanguna sa katatapos lamang na eksaminasyon. Sa tingin ko naman ay hindi ako nagkakamali na ikaw ang pinili ko. Sabi rin ng ilang mga madre ay ikaw ang lubusang tumatalima sa mga patakaran at talagang sumusunod sa mga utos. Kaya bilisan mo na, ihatid mo na ito. Nagtitiwala akong alam mo naman ang mga dapat at hindi dapat gawin habang nasa premiseyo ka ng mga lalaki.” “O-Opo. Alam ko po. Ako na po ang bahala. Kung hindi niyo naman ho mamasamain, ay mga gaano po sila katagal mawawala?” “Ang alam ko, mga dalawang buwan,” May parte sa akin na gustong magsisigaw sa saya dahil wala iyong Feruvio rito. Panaginip man o hindi, mas kumportable akong wala iyon rito. Bukod doon, magagamit ko itong pagkakataong ito na makita iyong lalaki at makausap tungkol sa mga nangyari. Malugod kong tinanggap ang mga papel at yumuko pa bago tuluyang lumabas ng opisina. “Aba, aba, balita namin, may pahintulot kang makapunta sa dormitoryo ng mga lalaki,” salubong agad ni Lori. “Lori, wag ngayon. Malapit na mananghalian, kailangan ko pa ihatid ito sa opisina sa kabilang dormitoryo at nang makabalik agad,” “AHH! Totoo nga,” “Tsk! Kung kasi pinagbubuti mo ang pag-aaral at hindi puro lalaki ang iniisip mo, eh di sana, baka ikaw ang tagahatid ng mga papel ngayon,” “Bakit? Kasalanan ko ba na pinadala ako dito? Sinabi ko naman kina Mama na magiging problema lamang ako rito. Saka pagnakatapos naman tayo ng pag-aaral, nasa atin pa rin naman kung tutuloy tayo sa paglilingkod o hindi, diba? Kaya na hinahanda ko na ang sarili ko sa lalaking makakaangkin sa aking puso at kaluluwa,” “Ah! Sige na, mauna na ako. Ang mga gawain mo, gawin mo na bago pa mananghalian. At ang uniporme mo, mali ng lagay ang suot mong belt,” “Tsk! Opo, Superiora Magdalena!” sigaw pa ni Lori. Buong kaba akong naglakad patungo sa kabilang dormitoryo. Mas malayo pala ang lakarin kung hindi sa gubat dadaan. May mahaba pang tulay na tatawirin dahil sa ilog na gumigitna sa makapal na kakahuyan. “Hah! Patay na ako kung araw-araw ay ganito kalayo ang lalakarin ko. Sobrang init pa!” reklamo ko nang sa wakas ay makarating sa tapat ng napakataas at makalawang na gate. “Anong kailangan mo?” galit na tanong ng guard. “Ah...napag-utusan ho ako ni Superiora na maghatid ng mga papel na report sa opisina ni Padre Feruvio,” Hindi ito sumagot, imbes ay kinuha nito ang telepeno sa loob ng guard house at may tinawagan. Mamaya-maya lamang ay bumukas na ang gate. “Trenta minutos,” sabi ng guard at halos takbuhin ko na ang paglakad. Dahil hindi naman pwede tumakbo. Pagpasok ko sa loob ay tila kinilabutan pa ako sa sobrang tahimik. Doon sa amin ay hindi ganito katahimik. Sabagay walang Lori dito. Pero kahit pa. Ah, trenta minutos lang nga pala ang paugit ko, walang panahon para pansinin ang kung ano-ano. Bukod doon ay kailangan ko pang mahanap kung nasaan iyong lalaking iyon. Lumakad na ako habang nanatiling nakatungo pero sumisimple ako ng lingon, nagbabakasakali na makita iyong lalaki. Pero ang hindi ko inasahan ay sa kadadali-dalian ko ay nagawi na ako sa kung saan nagkaklase ang mga kalalakihan. Rinig ko ang singhapan nang makita ako. Ah, ibang klase talaga ang dala kong malas. Minadali ko ang paglakad pero agad ring natigil nang may masalita sa aking likuran. “Paumanhin, pero hindi ka nararapat dito.” Mabilis akong lumingon at agad na yumuko, “Pasensiya na ho, pero pinag-utusan ho ako na maghatid ng mga papel ni Superiora.” Ramdam ko na nakatingin ito sakin na tila ba nag-iisip bago nagsalita, “Hintayin mo ako.” “Salamat po,” tugon ko na lamang. Hindi naman nagtagal ito at lumabas na rin agad. “Halika, sumunod ka sa akin,” sabi nito. “Ako nga pala si Harold.” “Ako naman ho si Aradelle,” sagot ko na nakatungo pa rin. Dinig ko itong tumawa. “Hindi mo naman kailangan na maglakad sa likuran ko na para ba akong may sakit. At hindi mo rin kinakailangan na magpakayuko-yuko.” “Pasensiya na ho pero nasa patakaran ho ito. Ayaw ko pong maparusahan. Bukod po doon ay respeto po ito sayo bilang pari,” “Hindi ako pari,” “Po? Pero nagtuturo na po kayo,” “Nagtuturo lamang ako rito, pero parang napapaisip na rin lamang magpari. Ngayon ka lang ba naparito?” “O-Opo,” Sa wakas ay tumigil na ito sa paglalakad, “Nandito na tayo. Halika.” Bahagya kong itinaas ang tingin ko at nakitang nasa tapat kami ng kwarto kung saan nakita ko ang kapatid ko at si... “Hindi ka ba papasok?” tanong nitong Harold dahilan para bumalik sa realidad ang isip ko. “Ah...opo. Papasok na ho,” sabi ko rito saka yumuko ulit at kabang-kabang humakbang papasok ng kwarto. “Diyan mo na lamang ilagay. Sa wari ko ay hindi mo natandaan ang nilakaran natin dahil nakatungo ka lang,” “Ah...tanda ko ho,” “Talaga?” “O-opo.” Matapos kong ilagay ang mga papel sa mesa na may plaka ng pangalan ni Padre Feruvio ay nagpasalamat na ako. “Mauuna na ho ako, salamat sa tulong,” sabi ko. “Pwede mo akong tingnan, pakiramdam ko ay parang hindi naman katanggap-tanggap ang hitsura ko para tingnan,” “Naku, hindi po---” hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang mapatingin ako sa mga mata nito at hindi ko inakalang makikita ko ang matang hinahanap ko. Pero hindi ito yong lalaking nakita ko noong gabing iyon maski sa kapilya. “May problema ba sa mukha ko?” nakangiting tanong nito. “W-wala po. Mauuna na ho ako,” sabi ko na madaling tumungo na ulit. Mabilis akong naglakad palabas. Hindi ako mapakali. “Teka,” habol nito sa akin. “Kailangan ko na hong umalis,” Binilisan ko ang lakad pero laking gulat ko nang hawakan niya ako sa braso at agad akong napatingin sa bracelet na suot nito. Nanlaki ang mga mata ko at labis akong nagulat. “Pasenisya na, hindi ako nagsabi ng totoo kanina. Ang totoong pangalan ko ay Devon. Mayroon akong taong matagal nang hinahanap at nagkataon na kapangalan mo siya. Kung hindi mo mamasamain, birthday mo ba kahapon?” Hindi ko na napigilang mapatitig rito. Ang pintig ng puso ko, parang sasabog na. Bakit...bakit? Hindi! Ayaw kong maniwala na siya si Devon “Akala ko iba ka. Kagaya ka rin ng iba, tsk! Kakadismaya.” Hinigit ko ang braso ko dito sa lalaking sinasabing siya si Devon at humarap sa nagsalita mula sa likuran namin dahil sa kilala ko ang boses nito. Ang lalaki sa lawa, ang lalaking nagligtas sa akin noong gabi, ang lalaking hinihiling ko na sana ay si Devon. Magkaparehas sila ng mga mata. “A-anong pangalan mo?” wala sa sarili kong tanong rito. Nagsusumamo na sana, sana ay isagot niyang Devon rin ang pangalan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD