“Aradelle, gising na.”
Agad akong napasinghap mula sa isang napakalalim na tulog dahil narinig ko ang boses ni Ate.
Hindi agad ako nakamulat kundi mas napapikit ako nang maramdaman ang kakaibang sakit sa leeg.
Isinantabi ko ito at pilit na umupo saka pilit na nagmulat.
Laking gulat ko na lamang na makita si Ate na nakangiti at nakaupo sa harapan ko.
“Ate?”
“Oh, bakit parang nakakita ka ng multo?”
“Anong oras na?”
“Magtatanghali na, nasa pagpasok na ang lahat,”
“A-anong nangyari sayo? Ok ka lang ba?”
“Kalma lang, ok lang ako. Maagang natapos ang parusa,” sabi nito saka ngumiti.
Napatitig ako kay Ate at sinipat mabuti ang mga mata nito.
Nagsisinungaling si Ate.
Bakas ang lungkot at takot sa mugto nitong mga mata.
“Ate...ano bang...”
Tatanungin ko pa lamang si Ate kung ano ang mga nangyari kagabi nang biglang bumukas ang pinto at bumungad si Padre Feruvio.
Nangilabot agad ako at madaling tiningnan si Ate pero wala itong naging reaksiyon.
“Magandang umaga, Padre,” bati ni Ate na agad tumayo at malugod na yumuko bilang pag galang.
Nangunot ang noo ko sa gulat.
“Ate anong ginagawa mo?” galit na tanong ko.
“Aradelle, anong kabastusan ito at hindi ka tumatayo para bumati kay Padre Feruvio?!” galit na dikta ni Superiora na nakatayo sa likod ni Padre Feruvio.
“Ara, tumayo ka na,” bulong ni Ate na nanatiling nakatungo.
Wala na akong nagawa kundi ang tumayo saka yumuko at pilit na bumati rito dahil sa utos na rin ni Ate.
“Magandang umaga po, Padre.” Labag na labag sa loob na bati ko.
Nanginginig ang buong katawan ko hanggang sa kalamnan ko.
Ang hirap sikmurain na pagtapos ng mga nakita ko kagabi ay kailangan pang magbigay galang sa taong hindi naman karapat-dapapt.
“Magandang umaga rin naman Aradelle. Ako ay nagawi rito para kamustahin ka,”
Umangat ang tingin ko rito pero agad akong tinitigan ni Superiora.
“Maraming salamat po, Padre,” tugon ko rito at nanatili na lamang nakayuko. “Maayos naman na po ako.”
“Kung gayon ay mabuti naman. Nabanggit sa akin na hindi naging mabuti ang pakiramdam mo matapos na masaksihan ang pagpaparusa sa kapatid mo,”
Hindi agad ako nakasagot dahil sa muling naglaro sa isipan ko ang mga nakita ko kagabi.
Hanggang sa hawakan ni Ate ang kamay ko at pinisil-pisil para kumalma ako.
Oo nga pala, si Ate lamang ang nakakaalam na nakita ko ang mga nangyari kagabi at hindi nga pala namalayan nitong hayop dahil sa gumon na gumon sa ginagawa.
“Pasensiya na po kung nag-alala pa kayo. Hindi ko lamang ho talaga kinayang makita ang Ate ko na nasasaktan ng kaganon,”
“Kaya ka ba napadpad sa gubat?”
Napaisip ako saglit. Alam ko na ang pakay niya. Gusto niyang malaman kung may ideya ba ako sa pagkawala ng kapatid ko kagabi dahil dinala ito sa dormitoryo ng mga lalaki.
“O-opo. Patawad ho. Iyong totoo ho ay naligaw po ako sa paghanap niyong silid na pinag-iwanan kina Ate. Balak ko po sanang pakainin siya at painumin manlang ng tubig. Sa galit na hindi ko ho mahanap si Ate ay lumabas po ako sa gubat para makasigaw dahil sa takot na baka mamaya ay mas lalo lang ho mapasama ang pagtulong ko,”
“Hindi mo ba nahanap ang silid?
“Hindi po,”
Rinig ko ang pagluwag ng paghinga nito.
“Kung may mga sama kayo ng loob o mga mabibigat na nararamdaman, maaari kayong lumapit sa ating mga madre para makapagsabi at huwag nang magawi sa labas ng dormitoryo gayong gabi na at nag-iisa ka pa. Delikado sa labas.”
Hindi ko mapigilang mapakuyom ang dalawang kamay sa galit.
Ang lakas ng loob niyang sabihin iyon.
Kung may mas delikado ay dito sa loob iyon.
“Superiora, pinahihintulutan kong magpahinga muna si Aradelle dito at si Serena. Kung may mga gagawin at hindi nila makukuha sa klase ay hayaan niyo silang makuha ito pag balik nila bukas,”
Kita ko ang pagkainis sa mukha ni Superiora pero wala naman itong magawa kundi ang sumunod kay Padre Feruvio.
“Oh narinig ninyo ang utos ni Padre, magpahinga kayo. Pero bukas na bukas rin ay kukuha kayo ng exam para mabawi ang nawalang oras ngayon,”
“Opo, Superiora,” sabay naming tugon ni Ate na parehas pa ring nakayuko.
Pagkalabas na pagkalabas nila ay agad akong umayos ng tayo saka humarap kay Ate. “Anong ginagawa mo, Ate?”
“Anong, anong ginagawa? Mabuti pa ay kumain ka na muna. Kanina pa naghihintay ang umagahan mo,”
Kita ko ang maputla at tila may sakit na repleksiyon ni Ate. Nanginginig pa ang katawan nito.
“Ayaw ko! Gusto kong malaman at maunawaan kung bakit kailangan mo pang yumuko at magbigay galang sa taong bumaboy sa pagkatao mo?!”
“Aradelle! Ano bang pinagsasasabi mo? Ang bibig mo, pakiusap,”
“Ate! Noon, napipilitan lamang ako maging masama at magaspang ang ugali dahil kay Mama. Ayaw niya na magpapakita ng kahinaan. Hindi mo alam kung gaano ako nagpasalamat na pumasok ako rito dahil hindi ko na kailangan pang magpanggap na masama, dito ayos lamang maging mabait, hindi kahinaan ang pagiging mabait dito pero pagtapos lahat ng mga nakita ko kagabi....Ate...hindi mo alam kung gaano ang pagkasuklam na nararamdaman ko! Na mas mabuti pa talagang maging masama!”
“Aradelle, hindi ko nauunawaan ang mga sinasabi mo,”
“ATE!”
“Siguro pagod ka lamang at nabigla sa mga nakita mo kagabi noong pinarusahan ako, isantabi mo na iyon. Baka kung ano-ano na ang dulot ng isip mo dahil sa pagkabigla,”
Nanlaki ang mga mata ko at halos hindi ko lubos maisip ang mga ginagawi at sinasabi ni Ate.
“Ate, anong---anong ginagawa mo? Bakit pinagtatakpan mo ang hayop na yon? Malinaw ang isipan ko! Malinaw ang mga nakita ko!”
“Aradelle, ano ba talagang nangyari sa gubat? Bakit ganiyan ka? Nanaginip ka ba ng masama?”
Napaluhod ako sa harapan ni Ate habang diretso ang pagtulo ng mga luha. “Ate...”
Lumuhod na rin ito at pinunas ang mga luha ko, “Ara, ayos lang ang Ate. Kasalanan ko kung bakit ako naparusahan, kaya huwag ka na mag-isip ng kung ano. Kung nagdulot man ng masamang panaginip ang pagsaksi mo sa pagpalo sakin, patawad,”
“Ate! Bakit ka humihingi ng patawad?! Sila dapat ang humihingi ng tawad!”
“Sige na, tama na ito Aradelle. Kumain ka na at ipagpatuloy mo ang pagpahinga, ok ba?”
“Hindi! Hindi! Hindi! Hindi panaginip ang mga nakita ko kagabi! Oo, maaaring sumuway ka sa mga utos pero sobra namang parusa ang nakuha mo. Silang mga tagapasunod pa ang tahasang lumalabag sa mga kautusan! Hindi ko maunawaan, Ate! Hindi tama ang ginawa sayo. Sa sunod na misa, makakarating ito kina Mama,”
“Aradelle, wag!”
“Anong wag? Nauunawaan mo ba Ate ang ginawa sayo? At hindi natin alam kung ilang babae na ang nakaranas niyan?! HA! At ang mga susunod pang mga babae na gagawan niya ng ganiyan? Isipin mo iyon Ate! Paano kung ako na? HA? Paano kung mabuntis ka? HA! Hindi tayo pwedeng manahimik!”
Nanginginig ang kamay ni Ate na kinuha ang kamay ko, “A-Aradelle. Kumalma ka! Hindi ko alam na magkakaganito ka dahil sa nakita akong parusahan. Hindi ko alam ang nangyari sa gubat pero pakiusap, makinig ka kay Ate. Walang...walang nangyari na ganiyan. Mapapahamak ka sa mga sinasabi mo, alam mo ba yon? Makapangyarihang tao sina Padre Feruvio at kung pagbibintangan mo siya ng ganiyan, ikaw lamang ang masisira. Wala ka namang proweba diba? Panaginip lamang iyan, Aradelle. Isang masamang panaginip!”
Napabitaw ako kay Ate at nanlulumong napatingin sa mga pasa nito sa magkabilang hita, “Anong nangyari sayo, Ate. Anong...anong ginawa nila sayo?”
“Aradelle, isipin mo pati, h—hindi tayo ganon kahalaga kay Mama. Kung magsasabi ka ng ganiyan, mas kamumuhian ka lang niya, tayo. Dahil mapapahiya siya. Magmumukha lamang tayong masama at sinungaling, ikakahiya niya tayo.”
Napasandal ako sa gilid ng kama ko.
Sakto namang bumuhos ang ulan kaya naman maiitago ang mga iyak ko.
“Hindi ako nanaginip! Alam kong totoo ang mga nakita ko!” hagulgol ko habang nakasandal ang ulo ko sa kama at nakatingala sa kisame.
“Ara, nalilimutan mo na ba na noong mga bata tayo, madalas kang naglalakad ng tulog? At pag gising mo, kung ano-ano ang kinukwento mo. Nakakatawa nga noon na, habang naglalakad ka ng tulog, kung ano-ano rin ang sinasabi mo.”
Ganon na lamang ang laguslos ng mga luha ko sa aking leeg pababa sa aking dibdib na basa na ng pawis habang pinagmamasdan si Ate.
Nanaginip lang ba talaga ako?
Kathang-isip lang ba talaga ng lahat ng iyon?
Pati...pati iyong lalaki na sa tingin ko ay si Devon?
“Kumain na tayo?” alok ni Ate.
Pinahid ko ang mga luha ko at pinaunlakan ang anyaya ni Ate.
Matapos namin kumain ay pinagpasyahan na lamang namin matulog.
“Happy birhday, Aradelle,” bulong ni Ate nang yakapin ako nito.
Nagising na lamang ako na wala na si Ate sa aking tabi.
Gabi na.
“Aradelle, sa wakas gising ka na,” sabi ni Lori na madaling nagbibihis. “Sabi ni Superiora ay kailangan mo na ring sumama sa pagdarasal.”
Tumango ako at madaling tumayo sa pagkakahiga saka kinuha ang unipormeng sinusuot namin sa pagdarasal.
“Bilisan mo na. Sabi ni Superiora ay simula raw ngayon ay magkasama nang magdarasal ang mga lalaki at mga babae sa kapilya,”
Saglit akong natigilan sa pagbibihis nang muling magbalik sa isipan ko iyong lalaki na nakaenkwentro ko noong isang gabi, o sa aking panaginip.
Ang lalaking maaaring si Devon. Hindi ko alam kung panaginip lamang ba.
May parte sakin na nais kong mapatunayan na narito siya, na nakita ko siya dahil gusto kong mapatunayan na totoo ang mga nakita ko at pinagtatakpan lamang ni Ate ang mga nasa taas.
O maari ring sadyang sa tanang buhay ko ay siya lamang ang lalaking nagustuhan ko kaya sa mga ganoong mga sandali siya ang hanap ng isip ko.
“Ano ba naman, Aradelle, sinabing bilisan, saka naman pinakabagal-bagalan ng kilos,”
Tinulungan na ako ni Lori magbihis at madali akong hinila palabas.
Suot namin ang kulay brown na habit maliban sa kulay puti na apostolnik.
“Dali, pumila ka na,” sabi ni Lori na minabuting ilagay ako sa dulo dahil wala talaga ako sa wisyo na maging leader ngayon.
“Halina kayo,” rinig kong sabi ni Mother Flora sa una.
Si Mother Flora. Naroon siya kagabi.
Mabilis akong naglakad palapit rito, “Mother. Nagkita ho tayo kagabi, hindi ho ba? Dinala po si Ate sa dormitory ng mga lalaki, hindi ba?”
Matagal bago ito nakasagot, “Aradelle. Kung kulang pa ang pahinga mo, mabuting bumalik ka na lamang. Wala akong alam sa sinasabi mo.”
Napangaga ako sa sinabi nito. Ramdam ko ang paghila ni Lori sakin pabalik sa pila.
Naglakad kami patungo sa kapilya at pagkarating doon ay agad kaming naglakad sa gitna para magbigay pugay sa altar.
Nanatili akong nakayuko dahil ayaw kong makita ang mga paring nakaupo sa unahan.
Pero parang tumigil saglit ang mga sandali nang habang papapunta kami sa unahan ay saktong nakasalubong namin ang pila ng mga kalalakihang naglalakad naman galing na ng altar at nasa kahuli-hulihang pila ay kung hindi ako nagkakamali ay iyon si Devon.
Parang tumigil ako sa paghinga.
Hindi panaginip o gawa-gawa ng utak ko. Totoo!
Nagkatinginan pa kami pero agad rin nitong binawi ang tingin.
At hindi ko rin alam pero lamang sa akin ang naghahangad na sana si Devon ito.
Napakahabang panahon na rin simula nang huli kong nakita si Devon at wala akong ibang dinasal kundi sana ay nasa mabuti itong kalagayan kahit ba mahirap ang buhay.
Na sana ay hindi na ito inaapi o sinasamantala ang kahinaan.
Na sana naging sapat na ang mga pagpapahirap ko rito para magtanim ng galit at maging matapang.