Wala na si Ivan nang magising si Ulysses. Tinanghali rin siya ng gising dahil medyo napuyat siya nitong nakaraang araw dahil sa sunod-sunod na gig.
Napangiti siya nang makita ang cereal box at gatas pati na ang sachet ng three in one coffee at nandoon din ang thermos.
Pumasok na ako sa school, dad. Exam namin ngayon. Mag breakfast ka muna.
- Ivan
Kahit hindi siya madalas mag breakfast ay kumain pa rin siya. Naalala niya dati na lagi silang sabay mag-breakfast noon ni Ivan at siya rin ang naghahatid dito sa school.
Pagkatapos mag-shower ay bumaba na siya para ibalik ang pinagkainan sa kusina. Sana lang ay wala ng tao roon.
Pero ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makitang may nag-aalmusal at kahit ito ay nagulat din nang makita siya.
Saglit na nagtama ang mga mata nila pero agad itong nagbawi at kunwari'y uminom ng tsaa.
"Dito ka pala natulog," basag ni Dianne sa katahimikan.
Tipid na ngumiti si Ulysses pero hindi man lang ito gumanti. "Dito na ako pinatulog ni Ivan dahil gabi na."
Hindi sumagot si Dianne.
Tahimik namang inilagay ni Ulysses ang pinagkainan sa lababo pati na rin ang thermos. Akmang huhugasan niya iyon nang marinig na magsalita ang babae.
"Iwan mo na lang dyan," sabi nito. "Kailangan ko na ring pumasok sa trabaho."
"Aalis na rin ako," sabi ni Ulysses. Naintindihan niyang kailangan nitong i-lock ang bahay.
Tila hindi na nakatiis ang babae, nagdadabog nitong ibinagsak ang kubyertos.
"Hindi ko alam kung paano kayo nagkita ulit pero hindi ka na dapat nakipagkita pa kay Ivan," deretsong sabi ni Dianne. "Paaasahin mo na naman yung bata."
Natigilan si Ulysses at napatingin sa babae.
"Alam kong galit ka sa akin dahil sa ginawa ko pero huwag mong idamay ang anak ko. Hindi mo alam kung gaano 'yan na trauma nung nawala ka nang hindi man lang nagpapaalam.I understand that you were still young and incapable of being a dad..."
"It's my fault," hindi na nakatiis si Ulysses. Ito na nga may kasalanan sa kanya, ito pa galit. And how dare she called him incapable as if she was a good mother to him. "I was nineteen and immature, aaminin ko, pero alam nating pareho, hindi ka rin perpektong ina sa kanya. You should know better dahil mas matanda ka sa akin but until now, wala ka pa ring pinagbago. Kung hindi nga kami nagkita malamang nasa layasan pa rin yan."
Galit na galit siyang hinarap ni Dianne, "Anong karapatan mong panghimasukan ang buhay naming mag-ina? Ipapaalala ko lang sa'yo, hindi ikaw ang tatay ni Ivan. You have no business meddling in our relationship dahil wala kang alam sa nangyari sa kanya nung basta ka na lang nag-alsa balutan at nawalang parang bula. A real father would not leave his son hanging kahit ano pang galit mo sa ina niya. Kaya parang-awa mo na, huwag ka nang magpaka-ama kung hanggang umpisa lang ulit."
Hindi nakakibo si Ulysses. Dianne's face was full of hatred at tila gusto na siyang ihagis palabas ng bahay.
"I regret leaving nang hindi nagpapaalam sa kanya. Pero alam niya ba kung anong ginawa ng nanay niya kaya ako umalis? Sinabi mo ba na may kasalanan ka rin?" masama ang loob na tanong ni Ulysses.
Sarkastikong natawa ang babae, "Huwag na tayong maglokohan. Alam kong aalis ka rin ginawa ko man iyon o hindi. But it wasn't about us anymore. It's about Ivan who suffered because of his parents. At nung akala niyang nakahanap siya ng kakampi, iniwan din siya. You never know how traumatized he was that he needed to go for therapy. Kasi iniisip mo lang may kasalanan ako at hindi ako mabuting ina kaya deserved ko ito."
Hindi nakakibo si Ulysses. Tumagos lahat ng sinabi ng babae at nakaramdam siya ng kaunting awa rito. Dianne was right. It was his fault.
"I'll make it up to him-"
"I'm not blaming you," pigil ni Dianne sa iba pa niyang sasabihin. "I told you from the beginning, hindi mo responsibilidad si Ivan. Pero sana lang sa susunod na aalis ka, tell him the truth at magpaalam ka nang maayos. Even if you think I was a bad ex and an incompetent mother, my son didn't deserve to be treated that way."
Inilapag ni Dianne ang susi sa round dining table.
"Iwan mo na lang sa ilalim ng doormat," utos nito bago kunin ang bag na nasa upuan at walang paalam na lumabas.
Tahimik na naghugas ng pinggan si Ulysses habang nasa isip pa rin ang nangyaring komprontasyon. Ipinapangako niya sa sarili na babawi sa anak-anakan. Pero kaya niya bang tagalan ang pasaring ng ina nito na akala mo siya lang ang may kasalanan?
Dianne reminded him of his failed career at ang mga kantang nawala sa kanila. The band made a promise that once they saved a lot of money, they will sue Fish Island records para mabawi ang mga kanta. Siguradong makakabangga nila si Dianne. Paano na si Ivan?
Siguro tama ito. Hindi na dapat siya nagpakita kay Ivan. Pero si Ivan naman ang naghanap sa kanya at hindi niya dapat ito idamay sa gulo.
Isa pa, masyado rin siyang nasaktan sa sinabi ni Dianne. Iresponsableng ama. E 'di wow! Hindi man lang nagtanong kung anong nangyari sa kanya sa loob ng walong taon at kung bakit hindi niya nabalikan si Ivan. Hindi naman talaga nawala sa isip niya ang bata. Actually, nasa wallet niya pa ang picture nilang dalawa kasama si Dianne. Their only family photo. Samantalang ang babae parang hindi man lang natuwa na nakita siya. Akala mo hindi nahumaling sa katawan niya noon.
Lumabas na ng bahay si Ulysses pero hindi niya inilagay sa ilalim ng doormat ang susi. Dinala niya iyon dahil babalik pa siya. Kukuha lang siya ng mga damit. Dahil bukod sa desidido siyang ibalik ang dating relasyon sa 'anak' ay gusto niya ring asarin si Dianne.
Tuwang-tuwa si Ivan nang makita siya sa labas ng school nito.
Tumakbo pa ito papunta sa gate. The way he always did tuwing sinusundo niya noong bata pa ito.
"Dad," masayang bungad nito. "Anong ginagawa mo rito?"
"Sinusundo ka," sagot niya. "May lakad ka ba? Bonding tayo."
Mabilis itong umiling, "Wala. Pauwi na ako."
Napangiti rin si Ulysses sa nakikitang tuwa sa mga mata nito. Buong pagmamalaki pa siyang ipinakilala sa mga kaklaseng dumaan. 'Yung iba ay nagpapicture pa na pinaunlakan naman niya.
They decided to take out the food at sa bahay na lang kumain dahil pauwi na rin daw si Dianne. Hindi alam ni Ulysses kung bakit tila nakaramdam siya ng excitement na makita ulit ito. Excited na siyang makita ang reaksyon nito kapag nalamang hindi pa rin siya umaalis.
"Siya nga pala, bakit nga pala kayo napadpad dito sa Maynila?" tanong niya habang sakay ng sasakyan pauwi kila Ivan. Doon lang naalalang itanong ni Ulysses ang bagay na iyon although alam niyang taga Maynila talaga ang pamilya nila Dianne at may business lang sa Davao.
"Niloko ng business partner si lolo kaya kailangang magtrabaho sa iba ni mama. Si tito naman nakulong kaya walang nakasama si mama para ilaban 'yong business. Pati 'yong ibang kapatid niya sa father side, kakutsaba ng business partner nila. Lumuwas kami rito dahil sabi ni mama mas madali siyang makakahanap ng trabaho."
Hindi nakakibo si Ulysses. Anong business kaya ang tinutukoy nito? Kasama kaya ang Fish Island records?
"Baka nga hindi na ako mag-college e," patuloy nito sa pagkwekwento. "Sabi naman ni mama gagawan daw niya ng paraan. Pero nawawalan na rin ako ng gana. Bukod sa gusto ko na ring magtrabaho para makatulong sa kanya, siguradong magmamakaawa na naman iyon kay Matthew para sustentuhan ako."
Napatingin si Ulysses kay Ivan, "Matthew? Yung tatay mo?"
Nakasimangot na tumango si Ivan.
"Ipinaglalaban lang ng mama mo ang karapatan mo," hindi napigilang sabi ni Ulysses. "Siguro para sa'yo madaling tanggapin pero bilang magulang masakit para sa mama mo na walang pakialam sa'yo si Matthew."
"Iyon na nga, dad," reklamo ni Ivan. "nagmumuka lang kaming kawawa. Masaya naman kami na kami lang e. Kahit sa public school lang ako mag-aral. Nasasaktan ako kapag nakikita siya na parang namamalimos kay Matthew. Obvious naman na yung mga anak lang sa iba ang mahal noon. Kahit nga bagong gitara, hindi niya ako mabilihan samantalang recording artist na yung mga anak niya sa company nila kahit sintonado."
Sabay silang natawa ni Ivan.
"Hayaan mo, invite ko kayo ng banda mo na mag-guest sa gig namin minsan," pangako ni Ulysses.
Halatang natuwa si Ivan.
"Pero mangako kang magpapatuloy ka ng pag-aaral mo," seryoso na si Ulysses. "Gusto kong makatapos ka ng college. Akong bahala sa tuition mo."
"Huwag na," mabilis na tanggi ni Ivan. "Baka kayo naman ni mommy ang mag-away tapos mawala ka na naman. Ako nang bahala kung saan maghahanap ng pang tuition. May isang taon pa naman ako e. Tsaka naghahanap kami ng uupa sa isang kwarto sa bahay para may ka share kami. Tatlo naman ang kwarto roon e.Hindi nga lang kami makaalis dahil malapit sa trabaho ni mama at sa school ko."
Tila umilaw ang bumbilya sa isip ni Ulysses. Of course, 'di niya pa nasasabi kay Ivan na nagdala siya ng mga damit kanina.
"Naghahanap ako ng bagong apartment," sabi ni Ulysses habang nag-iisip ng magandang palusot. "Natapos na kasi ang lease ng condo ko. Gusto ko sana malapit lang din dito. Baka pwede sa inyo."
"Pwede!" excited na sagot ni Ivan. "Mas okay na ikaw na lang at least may tiwala na kami sa'yo. Kaso may girlfriend ka ba? Maliit lang kasi yung kwarto baka hindi kayo magkasya."
Natawa si Ulysses sa biro nito.
"Kailan ka nga pala lilipat?" tanong nito. "Ako nang bahalang magsabi kay mama."
Napangiti si Ulysses bago sumagot, "Actually, nasa bahay niyo na ang mga gamit ko."
Si Ivan naman ang natawa.
Gabi na nang makauwi si Dianne at nakahinga siya nang maluwag nang makitang nasa ilalim ng doormat ang susi niya. Isa lang ang ibig sabihin noon, umalis na si Ulysses.
Pero ganoon na lang ang kaba niya nang makitang masayang nanonood ng movie ang dalawa sa sala.
"Hi, ma," masayang bati ni Ivan. Kahit naiinis sa presensya ni Ulysses ay nakaramdam ng tuwa si Dianne. Ngayon niya lang ulit nakitang masaya ang anak.
"Kain ka," alok ni Ivan at lumapit pa sa kanya. Hindi katulad noon na tila hangin siya sa bahay na hindi nito pinapansin.
"Busog pa ako," tanggi niya. "Sige lang."
"By the way, 'di ba naghahanap ka ng uupa sa isang kwarto sa itaas?"
Bahagya siyang kinabahan. Mukhang may ideya na siya kung sino ang gustong umupa roon.
"Umalis na kasi si daddy Ule sa condo niya, pwede bang siya na lang ang kunin natin?" hiling ni Ivan.
Sabi na nga ba.
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntonghininga. Pero looking at how happy Ivan is, alam niyang hindi niya ito pwedeng tanggihan.
"Bahala ka. I brief mo na lang siya ng rules natin dito sa bahay," nilagpasan niya na ang mga ito.
Nakita niya pang nag high five ang dalawa. Lumingon si Ulysses at nahuli siya nitong nakatingin.
Isang matalim na tingin ang ibinigay niya rito pero tila balewala iyon sa lalaki at ngumiti pa ng nakakaloko.
Humanda talaga sa kanya ang lalaking ito.