Nang gabing iyon ay pinilit na itago ni Ada ang takot na kaniyang nararamdaman. Basta ang alam niya lang, hindi siya papayag na kunin sa kaniya ninuman ang anak niya. Kailangan niyang makatakas.
"Ano ho ang napag-usapan ninyo no'ng lalaki, Tiya? Sino raw ho siya?" tanong niya sa kaniyang tiya Linda habang naghahapunan sila. Kailangang magmukhang wala talaga siyang narinig.
Muntik pang mabulol si Linda sa isasagot sa pamangkin. Ni hindi niya ito matitigan nang deretso sa mata. "Si Mr. Clemente iyon. Sa kaniya tayo may utang. Pero napakiusapan ko naman. Huwag mo nang isipin iyon. Kumain ka na. Hindi ka pwedeng magpagutom. Alagaan mo nang maigi ang sarili mo lalo na at malapit ka nang manganak," wika niya.
Kung hindi lang narinig ni Ada ang usapan ni Linda at ni Mr. Clemente ay baka lumukso na ang puso niya sa ligaya dahil unang beses niyang marinig na nag-aalala sa kaniya ang tiyahin.
Tumango siya at nagpatuloy na sa pagkain.
Sa kabila ng halatang nerbiyos sa mukha ng kaniyang tiya Linda ay nababakas niya pa rin ang labis na excitement nito. Hindi nito maitago iyon.
"Matulog ka na pagkatapos nating kumain," wika pa ni Linda. "Ako na ang bahalang maghugas ng pinagkainan natin. Hindi ba ang sabi mo, nahihirapan ka nang maghugas dahil hindi mo na nakikita ang hinuhugasan mo? Simula ngayon, ako na ang gagawa ng iba mong gawain. Ang kailangan mo na lang gawin ay siguraduhing maayos ka at ang magiging anak mo."
Nangilid ang luha ni Ada sa takot. "Opo, Tiya," tugon niya. Sa puntong iyon ay alam niyang hindi na siya maaaring magtagal pa sa bahay ng kaniyang tiyahin. Kaya nagpasya siyang tumakas na mismo sa gabing iyon.
Hindi na siya natulog. Naghintay siya hanggang sa mahimbing si Linda. Alas nwebe pa lang ay natulog na ito. Hindi na siya nag-abalang magdala pa ng maraming gamit. Kumuha siya ng pera mula sa kinita ng karinderya sa araw na iyon. Iyon ang unang beses na kumuha siya ng pera sa tiyahin nang hindi nagpapaalam. Wala siyang magagawa dahil iyon ang hinihingi ng pagkakakataon.
Dahan dahan siyang lumabas ng kaniyang kwarto. Muli niyang tiningnan kong tulog pa si Linda, at saka siya bumaba nang masigurong humihilik pa ito.
Sa likod siya ng bahay dadaan. Kaunting hakbang na lang ay malapit na sana siya sa pinto nang may masipa siyang latang walang laman. Sa pagkabigla niya ay napakapit siya sa estante na nasa kaniyang kaliwa at natumba iyon. Bumagsak lahat ng gamit na naroroon. Siyempre pa ay lumikha iyon ng malakas na ingay.
Alam niyang nagising si Linda, ngunit wala nang atrasan. Kailangan niyang makatakas ora mismo.
Nagmamadali niyang tinungo ang pinto at binuksan iyon. Pagkaapak ng paa niya sa labas ay saka niya narinig ang boses ni Linda. Gising na ito!
"Adalia! Saan ka pupunta?" sigaw ni Linda. Akala nito noong una ay naaalimpungatan lamang siya. Ngunit nang makita nito si Ada na may bitbit na mga gamit at nakabihis pa ay nagduda na ito.
Nilingon ito ni Ada. Kitang kita niya sa mukha ni Linda ang pagtataka. Napaluha siya at umiling. "Hindi ko hahayaang kunin ninyo sa akin ang anak ko, Tiya. Handa akong pagsilbihan ka habangbuhay bilang kabayaran sa lahat ng ginawa mo para sa akin, pero hindi ako papayag na ipambayad mo ng utang ang anak ko."
Nanlaki ang mga mata ni Linda. Hindi na hinintay pa ni Ada na marinig ang sunod na sasabihin ng tiyahin. Nagmamadali niyang isinara ang pinto at ikinandado iyon mula sa labas.
Hindi na niya kayang tumakbo sa bigat ng kaniyang tiyan. Binilisan niya na lang ang lakad sa abot ng kaniyang makakaya. Dumaan siya sa may mga talahiban. Kapag nakalampas siya ro'n ay highway na. Magbabakasali siyang may masakyan upang tuluyan nang makalayo sa lugar na iyon.
Nasa kalahati pa lang siya sa kalawakan ng talahiban nang marinig niya ang boses ni Linda.
"Hindi ka makakatakas, Adalia! Tinawagan ko na si Mr. Clemente. Hindi man kita maabutan, siya ang hahabol sa iyo. Kaya kung ako sa iyo, makipagtulungan ka na lang sa akin. Ibigay mo na ang anak sa iyo ng walang kwentang Anton na iyon. Kapag naibigay na sa atin ni Mr. Clemente ang bayad para sa bata, aayos ang buhay nating dalawa," sigaw niya.
Dahil doon ay mas lalong binilisan ni Ada ang paglalakad.
Napangiwi siya nang maramdaman ang kakaibang kirot sa kaniyang puson. Ngunit hindi siya pwedeng huminto. Mayamaya pa ay mayroong dugong dumaloy sa kaniyang paa.
Hindi maaari! Hindi pwedeng manganak ako ngayon, turan ng kaniyang isip.
Ilang saglit pa ay nakaaninag na siya ng mga ilaw sa unahan. Malapit na siya sa may highway. Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay sinikap niyang mas bilisan pa ang paglalakad.
"Adalia!" sigaw ni Linda.
Lumakad si Ada habang panay ang lingon-likod. Hindi niya namalayan ang pag-apak sa highway. Sa muli niyang pagtingin sa kaniyang unahan ay napapikit siya sa sinag ng ilaw na sumalubong sa kaniyang mga mata.
Bumagsak siya sa semento habang sapo pa rin ang kaniyang tiyan. Hindi na niya mailarawan ang sakit na kaniyang nararamdaman. Ilang saglit pa ay napagtanto niyang kamuntikan na pala siyang mabangga. Mayamaya ay lumabas mula sa sasakyang iyon ang isang matangkad na lalaki na nakasuot ng pormal. Lumapit ito sa akin. Hindi niya masyadong maaninag ang mukha nito dahil sa ilaw sa likuran nito.
"F*cking great!" naiinis na bulalas ni Jeremy. He was on his way to Jake's bachelor's party. Excited pa naman siya dahil ang sabi ng isa nilang kaibigan ay magaganda ang nakuha nitong strippers. Hindi niya palalampasin ang gabing iyon na hindi niya maikakama ang isa sa mga iyon."Is this some kind of luck?" aniya sa babaeng kamuntikan niyang mabangga. Para itong aso na bigla na lang sumulpot out of nowhere. Nagpameywang siya. "Are you trying to kill yourself, woman? Ano ang ginagawa mo sa kalsada sa oras na ito?"
"Sir, tulungan mo ako, please! Kailangan kong makalayo rito. Kukunin nila ang anak ko," natatarantang wika ni Ada.
Jeremy sighed. "You know what, Miss? Pupunta ako sa isang party. Inaabala mo ako," aniya pa. "Tumayo ka na riyan, at umuwi ka na sa inyo." Tatalikod na sana siya, ngunit nagawang mahawakan ni Ada ang laylayan ng kaniyang suot.
"What the f*ck! Is that blood?" bulalas muli ni Jeremy nang makita ang preskong dugo sa mga paa ng babae. "Hindi kita nabangga. Alam mo iyan." Saglit siyang nag-isip. "Aha! I know this. May narinig na akong kwentong ganito, eh. Modus! Isa itong modus operandi. Gusto mo lang akong perahan, 'no? Kunyari ka pang nabangga kita. Tapos hihingi ka sa akin ng pera para hindi tayo umabot sa pagsasampa mo ng kaso. Neknek mo, Miss!"
Lalong naiyak si Ada sa narinig. Umiling siya.
"Sir, totoong buntis ako. Manganganak na ako. Tumatakas ako sa tiyahin ko. Gusto niyang ipamigay ang baby ko. Gusto niyang gawing pambayad ng mga utang niya ang baby ko. Please, Sir! Ilayo mo ako rito. Tulungan mo ako!" pagmamakaawa niya.
"Buntis daw!" Hindi pa rin naniniwala si Jeremy. "Alam mo, Miss, hindi ko alam kung bakit kita pinag-aaksayahan ng oras, eh. Aalis na ako dahil mali-late na ako sa pupuntahan ko. Maghanap ka ng ibang maloloko."
"Hawakan ninyo ang tiyan ko, Sir, para maniwala kayo. Hindi ako nagsisinungaling," ani Ada.
Tinitigan ni Jeremy ang mga mata ng babae. Mukha naman itong nagsasabi ng totoo, dahil kung hindi, aba'y napakagaling nitong umarte. With all those tears. Lalong lalo na ang mga mata nito mismo. Kaya kahit alam niyang magmumukha siyang tanga, nilapitan niya ang babae at paluhod na tumabi rito.
Sa wakas ay nasilayan na rin ni Ada ang mukha ng lalaki. Walang salitang makakapaglarawan sa angking gandang lalaki nito. Para itong bida sa mga binabasa niyang mga romantikong nobela. Saglit niyang nakalimutan ang sakit na kaniyang nararamdaman.
Kinuha niya ang kamay ng lalaki. "Hawakan ninyo, Sir," aniya.
Nagsalubong ang may kakapalang mga kilay ni Jeremy nang mamantsahan ng dugo ang dulo ng manggas na kaniyang damit. "Oh, great!" aniya. Halos umusok ang kaniyang ilong sa inis.
"Hawakan mo, Sir," wika pa rin ni Ada na ayaw patinag, mapatunayan lang na hindi siya nagsisinungaling.
"Ito na nga," wika ni Jeremy. Nanginginig pang inilapat niya ang kamay sa tiyan ng babae. Napalunok siya at biglang bumilis ang takbo ng kaniyang puso. May kakaiba siyang naramdaman sa paglapat ng palad niya sa tiyan ng babae. Hindi niya iyon maipaliwanag.
"Totoong buntis ako, Sir. At kailangan ko ng tulong ninyo. Kung hindi, makukuha nila ang anak ko. Ayaw kong mawala ang anak ko," iyak ni Ada.
Sinalubong ni Jeremy ang mga mata ni Ada. Bigla siyang nakaramdam ng pagkahabag. Nag-isip siya kung ano ang kaniyang gagawin. Natakpan niya ang bibig at napahinga siya nang malalim.
"Adalia!" sigaw ni Linda na hindi pa rin tumitigil sa pagsunod kay Ada. "Sinabi ko nang hindi ka makakatakas, 'di ba? Papunta na sina Mr. Clemente. Sa kaniya na ang ang anak mo. Huwag mo na siyang pahirapan. Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo. Baka mapaano ka pa. Baka mapaano ang bata. Baka imbes na maging pera na ay maging bato pa."
Nagkatinginan sina Ada at Jeremy.
Sa narinig ay tuluyang nahikayat si Jeremy na tulungan ang babae.
Ipinatong niya ang parehong kamay ng babae sa magkabila niyang balikat. Buong lakas niya itong binuhat at ipinasok sa kaniyang kotse.
"Where is the nearest hospital here?" tanong niya sa babae.
"Huwag mo akong dalhin sa malapit, Sir. Baka matunton ako kaagad nina Tiya at Mr. Clemente. Mayaman at malakas ang impluensiya ni Mr. Clemente. Alam kong isang kumpas niya lang, malalaman niya kung nasaan ako."
"I know," tugon ni Jeremy. "Kilala ko si Mr. Clemente. Business rival siya noon ng Dad ko. Pero hindi naman siya kasing-influential kagaya ng sinasabi mo." Sinunod niya ang hiling ng babae. Dadalhin niya ito sa mas malayo at mas maayos na ospital.
"Salamat, Sir," wika ni Adalia. Pakiramdam niya ay unti-unting tumatakas ang lahat ng kaniyang lakas sa katawan. Namalayan na lang niya ang pagbagsak ng kaniyang ulo sa balikat ng lalaki. At pagkatapos niyon ay nabalot na ng dilim ang kaniyang buong paligid.
"Oh, f*ck!" ani Jeremy. "Now, she passed out. Nice!"
Inihinto niya saglit ang kaniyang sasakyan upang ayusin ang lagay ng babae. Hindi kasi siya makakapagmaneho nang maayos kapag hinayaan niyang nakasandal ito sa kaniya habang nagmamaneho siya.
Nang masiguradong maayos na ang babae ay pinaandar niya muli ang kaniyang kotse. Nasalubong niya pa ang kotse ni Mr. Clemente. He knows him well. Napailing siya. Mayamaya ay tumunog ang kaniyang cellphone.
"Hey, bro! Where are you?" Si Mark ang nasa kabilang linya. "Ikaw na lang ang kulang. Magsisimula na ang party."
"I can't make it," tugon ni Jeremy.
"What? Ano ba ang sinasabi mo?"
"I can't tell you now. This is an emergency. Do the party without me. Hindi naman ako ang groom. Pakisabi na lang kay Jake, I'm sorry."
"Gano'n lang? Sorry lang?"
"Bro, trust me. Mas importante itong gagawin ko. Baka saluduhan n'yo pa ako at gawan ng rebolto kapag nalaman ninyo ang ginawa ko." He sighed. "Sige na. I am driving. Baka maaksidente pa ako." Ibinaba na niya ang telepono at nag-focus sa pagmamaneho. Worried na rin siya sa babae dahil namumutla na ito.