"ADA!" patuloy na sigaw ni Linda. Nakalabas na siya ng talahiban ngunit wala pa rin siyang Adang nakikita. Sakto namang dumating ang sasakyan ni Leandro Clemente.
"Where is she?" agresibong tanong ni Mr. Clemente.
"Mr. Clemente, hindi ko ho makita si Ada. Pero hindi pa ho iyon nakakalayo. Ang laki laki na ng tiyan no'n. Nahihirapan na ho iyong maglakad. Tumakbo pa kaya. Nandiyan lang iyan sa tabi-tabi. Baka nga nasa talahiban pa at nagtatago lang. Saglit ho, hahanapin ko ulit," natatarantang tugon ni Linda.
Nagsalubong ang kilay ni Leandro nang mapatingin siya sa kinatatayuan ni Linda. "Is that blood?" aniya.
Napatingin din si Linda sa kaniyang kinatatayuan. Para makasiguro ay hinawakan niya ang pulang likido na bahagya niya pang natapakan. Dugo nga! "Dugo ho, Mr. Clemente."
"I am a hundred percent sure that's Ada's," ani Leandro. "Marahil ay nakasakay na siya ng taxi o baka nakahingi siya ng tulong sa mga dumadaang sasakyan. Hindi ba't ang sabi mo ay kabuwanan na niya? Manganganak na siya. Kaya natitiyak kong pupunta siya sa ospital," aniya pa. Saka siya tumingin muli kay Linda nang matalim. "Kapag hindi ko nakita si Ada at kapag hindi ko nakuha ang anak niya, humanda ka nang magbayad nang buo. Wala na akong pasensya sa iyo. Wala na akong pakialam kung saan ka kukuha ng pambayad. Ke magnakaw ka o mang-hold up ng bangko. Basta, magbabayad ka kapag hindi ko nakuha ang gusto ko," babala niya sa ginang.
Pinagkiskis ni Linda ang mga kamay sa kaba. Pakiramdam niya ay hihimatayin siya. Saan ba kasi nagpunta si Ada? Bakit hindi niya nahalatang may nalalaman na ito? Bakit siya nagpakampante at hindi siya mas nagmadaling habulin ito?
Nagmamadaling bumalik si Leandro sa kaniyang sasakyan. Tumulak sila sa pinakamalapit na ospital, ngunit bigong makita roon si Ada.
"Que Se joda!" galit niyang wika. "She's somewhere else." Umalis sila sa ospital na iyon upang hanapin sa iba pang ospital si Ada.
PAGKARATING nina Jeremy sa ospital ay kaagad inilagay si Ada sa stretcher. Gusto pa niya sanang tumulong sa pagtutulak niyon ngunit pinigilan siya ng mga medical personnel. Hindi lang si Ada ang namumutla, pati siya. Buong buhay niya, ngayon lang siya kinabahan na parang matatae na siya sa kaniyang kinatatayuan. Wala na siyang ibang inisip ng mga oras na iyon kundi ang kaligtasan ng babaeng hindi pa nga niya nalalaman ang pangalan.
Lumipas ang isang oras. Lakad paroo't parito ang kaniyang ginawa. Sobrang kabado na siya dahil hindi niya alam ang nangyayari sa babae. Lalo siyang kinabahan nang makitang may lumabas na mula sa kwartong kinaroroonan ng babae. Lumapit ito sa kaniya.
"Your wife is okay. She is safe. And the baby is safe, too. It's a boy. Congratulations!" wika ng lalaki sa kaniya na doktor pala. Napaawang ang labi niya sa winika nito. Iniabot ng doktor ang kamay nito sa kaniya. Tinanggap niya iyon at nagkamay sila. Ngumiti ang doktor bago tuluyang umalis.
"She's not wife, and the kid is not my son," bulong niya sa hangin. But anyway, safe daw ang babae at ang anak ito. Iyon ang mahalaga. Makakahinga na rin siya nang maluwag.
Inilipat si Ada sa recovery room kung saan mananatili ito roon ng tatlong araw. Pagkatapos ay pwede na itong lumabas.
"Hi, Sir!" nakangiting bati kay Jeremy ng isang babae na sa tingin niya ay nurse base sa uniform nito. Ngumiti siya. "Kayo ho ba ang asawa ni Ma'am?" Bubuka pa lang ang bibig niya, nagsalita na naman ito. "Mamaya ho, dadalhin namin si baby para makapag-breastfeed si Ma'am. Tulog pa si Ma'am, pero kapag nagising na siya, kayo ho ang um-attend sa needs niya. Help her change her diaper. While we can clean her wound from the surgery, kung gusto ninyo ay maaari namin kayong turuan. C-section siya kaya kailangan doble ingat at alalay. She needs more TLC."
Kumunot ang noo ni Jeremy. "TLC?" aniya.
"Opo, Sir. Tender loving care. Okay ho, Sir? Congratulations po! Ang cute ng baby. Mana ho sa inyo."
Ang lapad ng ngiti ng nurse. Si Jeremy naman ay napilitang ngumiti. Paanong magmamana sa kaniya ang baby, eh, hindi niya nga ito anak? Bakit ba kasi ayaw siyang pasagutin ng mga kumakausap sa kaniya?
Gayunpaman, ipinasya niyang pumasok na sa kwarto na kinaroroonan ng babae. Mahimbing pa itong natutulog. Naupo siya sa tabi ng higaan nito. Inaantok na rin siya kaya hindi na niya namalayang nakatulog na siya habang binabantayan ito. Nagising siya nang makarinig ng mga ungol. Pagtingin niya sa babae, mulat na ang mga ito.
"Ang baby ko?" natatarantang wika ni Ada. "Nasaan ang baby ko?" Nagpumilit itong tumayo.
"Relax!" wika ni Jeremy. "Your baby is okay. Dadalhin siya rito ng nurse mamaya. Makakasama mo siya. Don't worry."
"Baka kunin siya nina Tiya at ni Mr. Clemente. Dalhin mo siya rito. Akin na ang baby ko," iyak ni Ada. Nagpumilit na naman itong bumangon.
Napansin ni Jeremy na may dugo na ang puting damit na suot ng babae sa may bandang puson nito. "Ayan na. Dumudugo na ang sugat mo. Sabi ko naman sa iyo, mag-relax ka."
"Sabi ko nang akin na ang baby ko!" sigaw ni Ada.
Bumuntong hininga si Jeremy. "Okay. Stay there. Stay still. Tatawag ako ng nurse para dalhin ang baby mo rito okay. Huwag kang malikot at baka bumuka ang sugat mo," aniya. Patakbo siyang lumabas ng kwarto at nagsisigaw ng "nurse".
Agad namang rumesponde ang mga nurse. Pinuntahan nila si Ada.
"Nasaan na ang baby ko?" umiiyak na tanong ni Ada sa nurse.
"Ma'am, titingnan po natin ang sugat mo. Dumudugo. Dapat hindi ho kayo nagkikikilos nang sobra. Huwag ho kayong mag-alala, papunta na rito ang baby n'yo. Kumalma ho kayo dahil bawal ho kayong magpuwersa," wika ng nurse.
Tumango si Ada at pinilit na kumalma. Mayamaya ay pumasok na ang lalaking nagligtas sa kaniya. May dala itong sanggol. Iyon na ang kaniyang anak.
"Lalaki ho ang anak ninyo, Ma'am," wika pa ng nurse.
"Lalaki?" naiiyak na wika ni Ada.
"Opo. Ano ho ang ipapangalan ninyo sa kaniya?"
Ngumiti si Ada. "Ethan," mabilis na tugon niya.
"Ethan. Magandang pangalan. Bagay na bagay dahil napakagwapo ng anak ninyo. Manang mana sa tatay niya." Tumingin ang nurse kay Jeremy.
"Hindi ho ako—"
Naputol na naman ang sasabihin ni Jeremy nang biglang tapikin ng nurse ang kaniyang balikat. "Kayo na ho ang bahala sa asawa at anak ninyo, ha? Kailangan na po i-breastfeed ni baby. Kapag may problema, tawagin n'yo lang po kami. Bibigyan ko po kayo ng time para ma-enjoy ninyo si baby," wika ng nurse. At saka ito umalis na.
Jeremy rolled his eyes. "Ano ba ang sinasabi ng mga iyon? Kanina pa sila sabi nang sabi na kamukha ko ang baby. Hindi nga ako ang tatay," aniya. Lumapit siya sa babae at dahan-dahang iniabot ang baby rito.
Hindi maipaliwanag ni Ada ang nararamdaman. Hawak na niya ang kaniyang anak na ilang buwan niyang dinala sa sinapupunan. "Ethan, sa wakas, nagkita rin tayo," lumuluha sa sayang wika niya. "Ipinapangako ko sa iyong hindi tayo maghihiwalay. Mamamatay muna ang nanay bago ka nila makuha sa akin." Hinagkan niya ang noo ng sanggol. Umiyak ito. "Gutom ka na, Ethan ko? Gutom na ang baby na iyan?"
Inilihis niya ang kabilang parte ng suot na damit upang lumabas ang isa niyang dibdib para mapadede ang baby. Saka lamang niya naalala na may kasama pala sila sa kwarto na lalaking hindi niya kilala. Namumula ang pisngi na napatingin siya sa lalaki. "Sir, magpapadede ho ako. Pwede ho bang tumalikod kayo?" pakiusap niya.
Napatda naman sa kinatatayuan si Jeremy na wiling-wili lang sana habang pinagmamasdan ang mag-ina. Halos maluha na rin siya sa nasasaksihang eksena.
"I'm sorry," aniya. "Okay," at saka siya tumalikod.
Inilabas na ni Ada ang kaniyang dibdib at pinadede ang bata. Laking tuwa niya nang mabilis na isinubo ng baby ang kaniyang n*pple at sinipsip iyon. Gutom na gutom nga ito. Mabuti na lang at kahit kapapanganak niya pa lang ay may gatas na siya. Ang iba raw kasi ay dinadaanan muna ng ilang araw bago magkagatas. Kaya swerte siya kung maituturing. Pagkatapos magpadede ay nakatulog na ulit si Ethan.
Nagbaling siya kay Jeremy. "Sir, hindi ko pa kayo napapasalamatan sa ginawa ninyo para sa akin. Maraming maraming salamat ho. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin ni Ethan kung hindi dahil sa inyo."
Ngumiti si Jeremy. "Pwede na ba akong humarap?" tanong niya muna.
"Sige po," natatawa habang nahihiyang tugon ni Ada.
Muling ngumiti si Jeremy. "Walang anuman. At saka, masaya ako na natulungan kayo. Ganito pala ang feeling. Pakiramdam ko, nabigyan ako ng ticket papuntang langit."
"Naku, sigurado na po iyon, Sir, dahil iniligtas ninyo ang anak ko. Napakabuti po ninyo."
"Sus! Wala iyon," tugon ni Jeremy. "At pasensya ka na kung pinagdudahan muna kita."
"Naiintindihan naman po kita. Normal lang na magduda kayo. Maiintindihan ko rin naman kung hindi ninyo ako tinulungan, pero salamat po talaga at tinulungan ninyo ako. Hindi ko ho alam kung paano makakabayad sa kabutihang-loob ninyo," ani Ada.
"Huwag mo nang isipin iyon. Wala naman akong iniisip na kapalit. Basta huwag ka nang bumalik sa tiya mo. Siraulo pala iyon, eh. Ipinagkanulo ka niya at ang anak mo na sarili niyang dugo para lang sa pera."
"Wala na ho talaga akong balak na bumalik kay Tiya. Sobra na rin ho ang mga naranasan ko sa kaniya. Lalo pa ngayon na gano'n ang balak niya." Napayuko siya. "Pero, wala ho akong pupuntahan. Kapag lumabas kami rito sa ospital, hindi ko alam kung saan kami pupunta ng anak ko. Wala na ho akong pamilya. Walang kamag-anak. Wala rin ho akong kaibigan."
Lalong nahabag si Jeremy sa babae. Lalo siyang namroblema. "Gusto mo ipakulong natin ang tiya mo? Tutulungan kitang magsampa ng kaso laban sa kaniya. Bibigyan kita ng magaling na abogado. Ipinapangako ko sa iyong ipapanalo mo ang kaso. Ako ang bahala sa lahat."
"Naku, huwag po!" tugon ni Ada. "Kahit naman gano'n si Tiya, tiyahin ko pa rin siya. Kapatid pa rin siya ng tatay ko. At isa pa, may utang na loob din ako sa kaniya. Kung hindi niya ako kinupkop nang maulila ako, baka matagal nang pariwara ang buhay ko. Hindi ko rin po siya kayang ipakulong."
Napabuntong hininga si Jeremy. "Paano ba iyan?" Napakamot siya sa ulo.
"Basta ho hindi na ako babalik sa kaniya," tugon ni Ada. "Sir," aniya pa. "Pwede ho bang humingi pa ng isang pabor sa inyo? Pwede ho bang sumama kami sa inyo ng anak ko? Sa ngayon, kayo na lang ho ang mahihingan ko ng tulong na mapagkakatiwalaan ko."
Napaawang ang labi ni Jeremy.
"Alam kong labis labis na ho ang hinihingi ko. Pero kailangan ko pong kapalan ang mukha ko, hindi para sa akin kundi para sa anak ko," wika pa ni Ada habang lumuluha. "Pansamantala lang naman po, Sir. Pwede rin naman hong magtrabaho ako sa inyo. Tapos kapag nakaipon ako ng sapat na pera, aalis na ho kami. Pansamantalang ligtas na matutuluyan lang naman ho ang kailangan namin. Pagkatapos po no'n, hindi na namin kayo aabalahin."
Muling napabuntong hininga si Jeremy. Napahawak siya sa batok at napatingin sa maputing kisame ng kwarto. Ano ba itong napasukan niyang gulo?