Nang masigurong ang lahat ay nakapagbihis na, binuksan na nila ang pinto at sabay-sabay na lumabas ng CR.
"Sino yung kumanta?" Seryosong tanong ni Hiyara.
Nagkatinginan silang magkakabuddy na babae at halos walang gustong magsalita.
"A-ako po, Madam." Nahihiyang pag-amin ni Love. Nag-aalala pa siya dahil baka maging rason nanaman iyon para parusahan sila.
"Ang galing mo naman kumanta." Ani ng isang lalaki na may baritonong boses na kilalang-kilala ni Love kung kanino galing.
Nag-init naman ang mukha ni Love at ayaw na rin niyang tignan ang mga kabuddy dahil alam niyang aasarin lang siya ng mga ito.
Napakamot na lang sa ulo si Love at nakihalubilo sa mga kabuddy niya. Hindi man siya kinikiliti sa tagiliran ng mga ito ngunit halata naman sa mga tingin nila ang pang-aasar kung kaya't hindi maalis ang malapad na ngiti sa mga labi ng dalaga.
Hindi niya akalain na may pupuri ng boses niya at si Romero pa talaga! Seryoso man o hindi ang sinabi nito ay hindi na niya iyon malilimutan.
WALA nang ginagawa at nagkaroon lamang ng meeting ang mga 2CL.
Kasama nila ang dalawang 1CL at nakikipag-kwentuhan sa kanila. Humingi naman ng pasensya si Biag kay Lovendaño dahil sa ginawa nito kahapon at agad naman siyang pinatawad nito. Hindi naman raw sana ito big deal sa kanya ngunit dahil nakita ng mga 2CL ang ginawa ni Biag sa kanilang BatCom ay naging big issue ito. Pinayuhan na lamang siya ni Lovendaño na maging maingat sa mga kilos.
Napag-alaman nila na magkasama pala sa bahay si Lovendaño at si Manalo na BN-S5 dahil sila ay magpinsan. Hindi na rin naman sila masyadong nagtaka dahil pareho naman silang maputla ang kulay at singkit ang mga mata. Nagkaroon rin ng kasagutan ang matagal ng pala-isipan sa magkakabuddy na sina Jai, Monic at Love.
Naisip rin nila na kaya siguro madalas late sa reveille nila tuwing Sabado si Manalo ay dahil pinsan naman ito ni Lovendaño.
KINAGABIHAN habang naghahapunan sila Love ay nabuksan ang usapin sa nalalapit na Acquiantance Party.
"Mama, kailan nga tayo bibili ng cocktail dress ko para sa Acquiantance Party namin?" Tanong ni Cherry. Excited na excited ito sa darating na program kung kaya't panay ang pangungulit nito sa kanyang ina.
"Sa Linggo na, anak. Dadalhin kita sa boutique ng kumare ko na ninang mo. Nangako naman iyon sa akin na bibigyan niya ako ng malaking discount kaya ayos lang kahit pinakamamahaling damit pa ang piliin mo." Sagot naman ni Charity sa anak. Nasiyahan naman si Cherry sa sagot ng ina kaya halos manginig ito sa kilig na nadarama.
"Ikaw ba, Love? Gusto mo bang sumama kina Auntie Charity mo sa Linggo para makapamili ka rin ng gown mo?" Tanong naman ni Reynold kay Love. Napatingin si Love sa kanyang uncle. Tumataba ang puso niya dahil hindi talaga siya kinakalimutan nito kahit na ba hindi na niya kakailanganin ng gown dahil siya ay magduduty sa gabing iyon.
Sasagot pa lamang si Love ng unahan siya magsalita ni Charity. "Hay naku! Yung damit lang ni Cherry ang bibigyan ng discount ng kumare natin 'no! Ang mamahal pa naman ng gown doon kaya hindi pwedeng pati si Love ay doon bibilhan. Magpunta na lang iyan sa palengke at magrenta."
Napayuko si Love sa narinig. Ipinatong naman ng Uncle Reynold niya ang kamay nito sa kamay niya na tila humihingi ng dispensa. Napatingin si Love sa kanyang uncle at matipid na ngumiti kahit na ba may namumuong luha na sa kanyang mga mata.
"A-ayos lang, uncle. Hindi ko naman po kailangan ng gown dahil po magduduty po kami kasama ang mga ROTC officers po." Mahinhing sagot ni Love.
Rinig naman ni Love ang mahinang pagtawa ni Cherry at kita niya ang pag-ikot ng mga mata ng kanyang auntie.
"Mabuti naman kung ganoon. Akala ko makikidagdag ka pa sa gastusin eh." Masungit na tugon ni Charity.
Napabuntong-hininga na lang si Love.
Naisip rin niya na mabuti na lang pala ay magduduty sila sa Acquiantance Party. Hindi na siya naiinis sa mga kaibigan niya dahil lang mas pinili nila ang magduty kaysa pumarty dahil papabor pala sa kanya ang pagkakataon. Dahil kung sakali, haharangin at kukuwestiyunin pa ng kanyang Auntie Charity ang susuotin niya at ang posibleng mas malala pa na mangyari ay baka hindi siya makaattend.
Nanatili siyang positibo. Ayaw niyang magtanim ng sama ng loob sa kahit kanino. Naniniwala kasi si Love na ang lahat ay may rason.
Siya ay nasa kanyang kwarto na at nagpapatunaw pa siya ng kanyang kinain. Binuksan niya ang kanyang bintana at doon dumungaw.
Nakangiti siyang nakatingin sa itim na itim na kalangitan at maliwanag na buwan na may kasamang nagkikislapang mga bituin. Batid niyang hindi totoo ang mga ngiti sa labi kung kaya't unti-unting bumigat ang kanyang paghinga at nanginig ang mga labi.
"Mama.." wika ni Love sa hangin at tuluyang tumulo ang kanyang mga luha. "Kung nandito ka lang, mama. Kung hindi mo ako pinabayaan. Kung sana kahit sulat o tawag man lang."
Hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. Bumuhos ang masagang luha sa kanyang mata ngunit pigil na makalikha ng ingay. Niyakap niya ang kanyang sarili.
"Mama, sana may kakampi ako. Sana hindi ako nakakatanggap ng mga masasakit na salita kay Auntie Charity. Sana hindi nila ako hinahamak. Sana dalawa kayo ni uncle ang kakampi ko. Mama.."
"Nakakatampo ka naman, Ma. Pero kahit ganun, hindi ako nagagalit sayo. Sana, kung nasaan ka man, Ma, sana nasa mabuting kalagayan ka. Sana nakakakain ka ng maayos riyan. Sana hindi ka sinasaktan diyan. Mahal na mahal kita, Ma."
Pagkatapos niyang umiyak ay sinarado na niya ang kanyang bintana at humiga na sa kanyang kama.
Niyakap niya ng mahigpit ang kanyang extrang unan kahit na humihikbi pa siya at hindi nagtagal ay nakatulog na siya ng tuluyan.
KINABUKASAN sa eskwelahan, tahimik na nag-aaral ng stenography si Love. Pinapractice niya ang kanyang stroke sa bawat brief forms na tinuturo sa kanila. Hindi pa siya ganoon kagaling kung kaya't nagsusumikap siyang matutunan ito.
"Ang tahimik mo naman.." ani Gelo kay Love. Tumabi ito sa kanya. Pumunta kasing canteen si Jai at Monic para bumili ng snack habang wala pa ang prof sa susunod nilang subject.
Nginitian lang siya ni Love.
"May partner ka na ba sa Acquiantance Party?" Tanong pa nito sa kanya. Umiling lamang si Love.
Napangiti naman ng malaki si Gelo at pigil na pigil na mapa-yes. "Tayo na lang partner."
This time, napatingin si Love kay Gelo. Hindi malaman kung paano sasabihin at ipapaliwanag ang ibig niyang sabihin sa kanyang pag-iling. Inakala ng binata na wala pa siyang partner habang ang ibig sabihin naman niyon kay Love ay hindi siya magpaparty.
"A-ahm ano.. ano kasi.." nahihirapang sabi ni Love. Napakamot pa siya sa kanyang ulo at tila ang awkward ng kanyang pagkakangiti.
"Bakit? May problema ba?" Tanong ni Gelo.
"Ano kasi eh..--"
"Love!!" Sabay silang napalingon ni Gelo sa gawing pinto. Si Monic iyon na tinawag si Love. Ngingiti-ngiti itong lumapit sa kinaroroonan nila.
"Mamaya daw may meeting pala uli. Sasabihin na mamaya kung saang post daw magduduty at kung sino ang makakasama para sa Acquiantance Party. " wika ni Monic.
"Ah okay." Maikling sagot ni Love sabay tingin kay Gelo.
Nagets naman agad ni Gelo ang narinig at dismayadong tumango-tango. Umalis na rin ito sa tabi ni Love.
"Ano yung pinag-uusapan ninyo ni Gelo?" Mahinang bulong ni Jai kay Love.
"Secret." Mapaglarong tugon naman nito sa kaibigan.
Sinundot-sundot naman ni Jai at Monic ang tagiliran ni Love. "Yiiieh! May crush kaya sa iyo si Gelo. Siguro tinanong ka kung pwede manligaw 'no?"
Nanlaki naman ang mga mata ni Love sa narinig. "Mga etchusera kayo. Manahimik kayo! May makarinig sa inyo." Natatarantang sabi nito.
Tinawanan na lamang siya ng mga kaibigan dahil pulang-pula na ang pagmumukha niya dahil sa kahihiyan.
"Akala ko ba next week pa ang meeting para sa posting?" Nagtatakang tanong ni Love.
"Nakasalubong kasi namin si Pres. Sabi niya na ikaw na raw bahala mag-GM." Sagot naman ni Monic.
NANG matapos ang kanilang klase sa maghapon ay dumiretso na uli ang tatlo sa DMST Office.
Himala dahil kumpleto ang lahat. Yung limang aattend sana ng Acquiantance Party ay umatras na. Pinili na lamang rin nilang magduty. Present din ang mga taga-OLPU kung kaya't nasisiyahan ang mga 2CL dahil tila nagkakaroon na raw sila ng unity.
Nang matapos ang meeting ay pinauwi na agad sila.
Si Love at Jai ay magkasama sa post. Sa Hostel sila nilagay. May kalayuan iyon sa covered court kung saan gaganapin ang party kung kaya't bahagya silang nalungkot. Kasama rin nila si Nabong, isang female education student at si Jacinto, isa namang female BSBA student.
Si Monic naman na nahiwalay ay kasama ni Hiyara sa post at kasama sa magluluto ng hapunan at snacks. Magaling at marunong kasi itong magluto kaya siya agad ang nilagay doon.
Lahat ng building ay nilagyan ng post at may nakaassign na officer. Wala raw dapat mahuhuli na natutulog sa post dahil from time to time ay magroroving si Lovendaño para magcheck ng posts.
Napag-usapan rin sa meeting na magkakaroon sila ng special number. Dalawang kanta na inilaan para lamang sa mga COQC o 4CL. Bibigyan sila ng pagkakataon na makapagsayaw sa gabing iyon kung kaya't biro-biro na sinasabi ng nga 2CL na kausapin na nila ang mga nais nilang isayaw upang hindi na sila mahirapan hagilapin ang mga ito sa oras na i-mention sila ng emcee.
Tila nabuhayan naman silang lahat na 4CL. Naexcite tuloy lalo silang lahat sa nalalapit na Acquiantance Party. Hindi man sila makakapagsuot ng magagarang kasuotan ay magkakaroon naman sila ng pagkakataon na maisayaw ang nais nila.