Mabilis na lumipas ang mga araw at dumating na rin sa wakas ang araw na inaabangan ng mga estudyante. Ang kanilang Acquiantance Party.
Tuloy lang ang kanilang klase sa maghapon hanggang alas-kwatro. Alas-sais pa magbubukas ang entrance at alas-otso naman ang simula ng party.
Si Love, Monic at Jai naman ay dala-dala na agad ang mga gamit na susuotin nila mamayang gabi. Napagkasunduan nilang hindi na umuwi ng bahay pagkatapos ng kanilang klase. Friday naman ngayon at ang lahat ng ROTC Cadets ay cancelled ang training day kinabukasan.
Nang matapos ang kanilang klase ay tinahak na agad nila ang daan papuntang DMST Office.
Naraanan nila ang covered court kung saan idaraos ang party mamaya at kapansin-pansin ang pagiging abala ng Student Government officers.
Hindi nila maiwasang mamangha sa naging ayos ng covered court kung saan halos hindi na ito makilala. Napakaelegante ng disenyo nito na tiyak na magugustuhan nang kung sino man ang makakakita.
Pagkarating nila sa DMST Office ay kumpleto na ang taga-OLPU. Wala pa ang mga training/gma instructor, advance ROTC alumni at ang kanilang commandant. Mamaya-maya pa magsisidatingan ang mga iyon dahil may mga trabaho pa sila.
Wala pang mga 1CL at tanging ilang 2CL lamang ang naroroon.
Tinawag agad ni Hiyara si Monic upang tumulong sa paglilista ng mga dapat bilhin sa palengke para sa kanilang magiging dinner.
Naglaan kasi ang unibersidad ng budget para sa kakainin ng mga ROTC officers na magduduty.
Si Love at Jai naman ay naglinis na lamang ng DMST Office kasama ng iba pa nilang kabuddy. Ang iba ay naglinis ng CR.
Lahat sila ay abala dahil may mga bisita silang darating mamaya. Ayaw naman nilang mapahamak ang kanilang BatCom kung sakaling makita na hindi organisado at marumi ang kanilang office.
Pagsapit ng alas-sais ay pinagbihis na sila ng kanilang uniform. Silang lahat ay nakatype A uniform. Maging ang mga bisita na gma instructor, alumi at commandant ay nakatype-A uniform rin.
Binigyan ang mga 4CL ng instruction na pumunta na sa kani-kanilang post. Pinaalala rin sa kanila ang mga dapat at hindi dapat gawin habang nakaduty. Pinaalalahanan rin sila na magroroving ang kanilang BatCom from time to time para icheck ang bawat post.
At dahil oras na para papasukin ang mga estudyante ay tumulong ang mga ROTC officers sa pagcontrol ng mga estudyante.
Ang iba ay katulong pa rin sa pagluluto at ang iba ay pumwesto naman sa masukal na bahagi o gilid ng covered court. Iniiwasan kasi nilang may makapunta doon na estudyante mamaya at baka may gawin pang milagro.
Hindi na bago ang mga ganitong ganap tuwing may event sa unibersidad. Totoo rin kasi na may mga nahuhuling magkasintahan na estudyante noon na gumagawa ng milagro sa mga tago at madidilim na bahagi ng eskwelahan.
Pagsapit ng alas-siyete ay nagsimula na ang kanilang buddy-buddy system dinner.
Hindi nagtagal ay may dumating na kanilang kabuddy sa kanilang post na nagsabing sila na ang susunod na magdidinner.
Iniwan na nila ang kanilang post at sabay-sabay na nagtungo sa DMST Office upang doon ay kumain.
Nadaanan nila ang mga bisita na commandant, assistant commandant, GMA instructors at mga alumni. Namamangha pa sila dahil may nakikita silang pamilyar na mga mukha at huli na nila mapapagtanto na dati pala iyong mga Battalion Commander. Nakadisplay kasi ang mga picture ng mga naging BatCom sa itaas na bahagi ng dingding.
Pagkarating sa isang room ay nakaready na ang kanilang plato, baso at kubyertos. Pinagsandok sila ni Monic ng kanin at binigyan ng tig-iisang mangkok ng sinigang na baboy. Naglagay din ito ng tig-iisang pisngi ng hilaw na mangga sa itaas ng kanilang plato.
Nagdasal muna sila bago kumain at nang matapos ay bumalik muli sila sa kanilang post at may dalawa ring pupunta sa susunod na post upang abisuhan na sila na ang sunod na maghahapunan.
Hindi nagtagal ay nagsimula na ang program. May lungkot pa rin na nararamdaman si Love dahil gustung-gusto niya talagang dumalo ng Acquiantance Party.
Rinig na rinig kahit nasaang sulok ka man ng campus ang ingay mula sa party kung kaya't kahit wala sila sa covered court ay tila naroroon na rin sila. Nakikipalakpak sila kapag nagpapalakpakan ang mga kapwa nila estudyante at nakikinig sa bawat sasabihin ng host.
Pagsapit ng alas-nuwebe ay ang siyang tapos ng proper program. Nagpalakpakan ang lahat at agad na pinatugtog ang nakakaindak na tugtog.
Naghihiyawan ang mga estudyante sa covered court. Nais man ni Love sumilip ay hindi niya magawa dahil may kalayuan ang post nila sa covered court.
Kapag magtatangka siyang sumaglit sa covered court ay tinatablan naman siya ng kaba sa kadahilanang maaari siyang mahuli ng mga seniors nila.
Hindi nagtagal, ang nakakaindak na kanta ay pinalitan ng romantikong tugtugan.
Nagkukwentuhan lamang silang apat na magkakabuddy sa kanilang post tungkol sa kanilang buhay-buhay.
Pinakamakwento si Nabong, isang education student. Dati itong kaklase ni Love noong highschool kung kaya't medyo malapit ito dito.
Si Jacinto naman na isang BSBA student ay madaldal rin ngunit puro nakakatawa ang mga ipinagkukwento nito kung kaya't natanggal ang antok na nararamdaman nila.
May mangilan-ngilan na dumaraan sa harap ng post nila. May ilang ROTC alumni na dumaraan doon. Mga forth year students na first time lamang makaattend ng Acquiantance Party dahil tatlong taon ang mga ito na nagduty.
Maya-maya ay dumaan naman ang grupo ng mga kaklase nila Love.
"Uy! Nandito pala kayo, Love, Jai." Bati sa kanila ng kanilang kaklase.
"Masaya ba ang party?" Curious na tanong ni Jai na agad namang sinang-ayunan ng mga kaklase.
"Huy Love! Alam mo ba.." singit naman ni Bernadette.
"Ano yun?" Tanong ni Love.
"..alam mo ba, isinayaw ako ni Sir Romero. Iiiiiiiiih!!!" Kinikilig na sabi ni Bernadette.
Inggit ang agad na namutawi sa mukha ni Love. Nagulat ito at pilit na ngumiti.
"Hala weh? Ang swerte mo naman. Ano ba yan! Naunahan mo ako dun ha!" Pabirong sabi ni Love ngunit deep inside ay wasak na wasak siya.
Ever since, si Bernadette na talaga ang karibal ni Love kay Romero. Inggit na inggit kasi si Love noon sa kaklase dahil iyon ang nauna lumapit kay Romero para sa Lover's carry noong NSTP orientation.
Lumakas tuloy ang kabog ng kaniyang dibdib at tinamaan siya ng lungkot ng makaalis sa harap nila ang mga kaklase at dumiretso sa cafeteria.
Nanibago naman sina Jai, Nabong at Jacinto sa biglaang pananahimik ni Love.
Hindi maintindihan ni Love ang nararamdaman. Nagseselos siya kahit wala siyang karapatan. Naiinis siya sa kanyang kaklaseng si Bernadette kahit wala naman itong naging kasalanan. Sumisikip ang dibdib niya.
"Huy! Tulog na yata kayo diyan eh!" Ani Hiyara. Kasama nito si Monic. Nagroroving ang dalawa.
Tumayo silang apat ng tuwid at agad naman silang pinarelax ni Hiyara.
"Relax lang kayo. Hindi niyo na kailangan gumanyan. Kamusta? Nagsisisi na ba kayong nagduty kayo?" Pagbibiro ni Hiyara.
"No, madam." Sagot nilang apat.
"Good. O siya, punta naman kami sa susunod na post." Paalam ni Hiyara.
Umupo na uli silang apat sa labas ng Hostel. Maya-maya ay bumalik si Monic.
Tila hingal na hingal pa ito kahit hindi naman ganoon kalayo ang tinakbo nito.
"Love, may sasabihin nga pala ako." Ani Monic.
"Ano yun?"
Sumenyas naman si Monic na lumapit ng bahagya si Love sa kanya upang bumulong. "Sinayaw ni Sir Romero si Bernadette."
"Ah oo, alam ko." Mabilis na sagot ni Love. Pinipilit niyang maging okay ang tono ng kanyang pananalita. Hangga't maaari ay ayaw nitong mahalata na nalulungkot siya sa nalaman.
"Oh? Alam mo na? Sino nagsabi?"
"Si Bernadette." Walang buhay na sagot ni Love.
Tinapik-tapik ni Monic ang balikat ni Love na tila kinocomfort niya ito. Hinila ni Monic si Love para medyo lumayo sa tatlong naiwan sa post.
"Okay lang iyan, Love. Huwag ka nang malungkot. Sayaw lang naman iyan. Pwede mo rin naman makasayaw si Sir Romero mamaya eh." Ani Monic. "Huwag ka na umiyak. Okay lang iyan." Dagdag pa niya.
Ibig niyang mainis sa kaibigan dahil hindi naman siya umiiyak talaga.
"Ano ka ba? Hindi naman ako umiiyak no." Sagot ni Love.
"Okay lang iyan, Love." Sabing muli ni Monic at niyakap pa siya nito at doon tumulo ang luha na kanina pa niya pinipigilan na lumabas.
Nagulat na lang si Monic dahil sa pagyugyog ng balikat ni Love. Napakagaling talaga nitong magpaiyak at magpaamin sa tunay mong nararamdaman.
Hindi nagtagal ay nagpunas ng luha si Love at pinagpapalo niya ng mahina ang matabang braso nito at ang pwet nitong matambok.
"Adik ka talaga, Monic. Masaya ka na? Napaiyak mo na ako?" Pabirong sabi ni Love na ngayon ay nakakatawa na.
"Alam mo, Love, wala kang maitatago sa akin. Maganda nga iyan eh, kung nasasaktan ka, iiyak mo lang para gumaan ang dinadala mong mabigat diyan sa loob mo." Payo nito.
"Wow! Over-over ha. Broken na broken lang? Ikaw may kasalanan kung bakit ako naiyak, kasi pinapaiyak mo ako kahit hindi ako naiiyak." Paninisi pa ni Love.
"Ikaw ang kusang umiyak, Love. Kung pinapaiyak kita, bakit ka naman maiiyak kung hindi ka nga naiiyak?" Pangangatwiran pa ni Monic. Halatang hindi magpapatalo kung kaya't muli siyang pinalo ni Love sa pwet.
"O siya, babalik na ako sa post ko. Baka magtaka sila at baka mapagalitan ka ni Madam Hiyara." Ani Love sa kaibigan at muli nang bumalik si Love sa post at ganun din si Monica na mabilis na tumakbo para habulin si Hiyara.
"Anong sinabi sayo ni Monic?" Tanong agad ni Jai kay Love pagkabalik nito.
"Wala lang naman. Hindi mahalaga." Sagot ni Love na halatang ayaw pag-usapan ang naging usapan nila ni Monic. Nahihiya siya lalo na kina Nabong at Jacinto.
Bandang alas-diyes ng gabi ay nakatanggap sila ng GM (group message) mula sa kanilang batch president na pwede raw silang kumuha ng tiglilimang pisong hot coffee or hot choco sa cafeteria. May nanlibre na alumni at sinagot nito ang bayarin.
Unang pumunta sa cafeteria si Nabong at Jacinto. Nang makabalik ang dalawa ay si Love naman at Jai ang tumungo roon.
Nang makabalik ay kanya-kanya silang salampak sa sahig at nagkwentuhan.
"Mga buddy, dahil naubos na ang mga kwento natin tungkol sa mga buhay natin, may iba naman akong ikukwento." Ani Nabong. Tila nabuhayan silang lahat sa sinabi nito at nagpakita ng pagiging interesado.
"Tungkol ito sa buhay ni Sir Labs. Huwag kayong maingay na kinuwento ko sa inyo ha. Walang laglagan, mga buddy ha." Paalala ni Nabong bago magkwento na agad namang sinang-ayunan ng tatlo.
"Si Sir Labs, self-supporting siya. Nasa province ang mother niya at broken family daw sila. Siya lang raw ang kusang nagpunta rito dahil mayroon siyang auntie na taga-rito at nag-offer na pag-aaralin siya pero umalis siya roon after 1 year dahil kinakawawa raw siya ng auntie niya. Yung auntie niya, matandang dalaga at may kasama ring isa pang pamangkin sa bahay. Ginawa siyang katulong doon. Noong una, ayos lang naman sa kanya dahil may utang na loob siya. Sa kanya raw lahat. Linis, hugas, nagdidilig ng halamanan, naglalaba, namamalantsa, lahat. Yung pinsan daw niya, pasarap buhay lang at inuutus-utusan lang rin daw siya. Tiniis niya iyon. Hindi nga raw siya binibigyan ng auntie niya ng baon o kahit pamasahe man lang kaya araw-araw siyang naglalakad at nagbabaon na lang siya ng kanin at ulam. Pero one time, pag-uwi niya galing eskwelahan, nagulat na lang siya dahil nasa labas na ang gamit niya. Pagpasok niya sa pintuan, sinampal daw siya agad ng auntie niya at pinagbibintangan raw siyang nagnakaw ng pera. Kahit anong paliwanag niya, hindi siya pinakinggan ng auntie niya kaya wala siyang magawa kundi ang umalis." Mahabang kwento ni Nabong at tila nahihirapan na itong magsalita dahil maluha-luha na ito. Ganun rin sila Jacinto, Love at Jai, pinangingiliran na sila ng luha at anytime ay babagsak na ang mga ito.
Hindi nila akalain, na sa likod ng masayahing Lovendaño ay isa pa lang nakakalungkot na kwento ng buhay niya ang kinakaharap nito.