Chapter 8
Hindi maiwasan ni Love na mapangiti sa kabila ng pangingirot ng katawan niya. Inalalayan din siya ni Gelo sa paglalakad lalo na sa pag-akyat ng hagdan para makarating sa kanilang classroom. Naikwento niya tuloy dito ang dahilan kung bakit siya nagkaganoon pero sinabihan din naman niya ito na huwag ipagkakalat.
Napagkamalan ni Lovendaño na boyfriend ni Love si Gelo. Hindi rin naman mahinuha ni Love kung tama nga ba ang pagkakainterpret niya sa tono ng pananalita ng kanilang Battalion Commander. Ayaw naman niyang mag-assume. Natutuwa din si Love na naaalala siya ni Lovendaño at nakilala bilang COQC. Feeling kasi niya ay hindi siya maaalala ng ito lalo na at baguhan siya.
Pagdating nila sa classroom ay nandoon na din pala sila Monic and Jai. Hanggang sa pwesto ni Love ay inalalayan pa rin siya ni Gelo. Hindi tuloy maiwasan na kantiyawan sila ng mga kaklase nila.
"Kamusta?" Nakangiwing tanong ni Love sa mga kaibigan.
"Ayon, hirap din lumakad." Nakangiting sagot ni Monic.
"Ito kasi ang gusto ninyo eh. Mga walanghiya kayo!" Pabirong sabi ni Love sa mga kaibigan.
Nagtawanan lamang silang tatlo.
"Anyways, nagbaon ba kayo ng lunch niyo tulad ng napag-usapan natin?" Pagbabago ni Love ng usapan. Agad namang tumango ang dalawa.
Napagdesisyunan kasi nilang maglunch sa kanilang classroom dahil umiiwas siya kay Cherry dahil baka makita siya nito na kakaiba maglakad.
Natapos ang klase nila ng matiwasay sa araw na iyon. Sabay-sabay silang nagtungo sa restroom ng floor na kinaroroonan nila. Medyo nakakapag-adjust na ang kanilang katawan at nasasanay na sa kirot.
Sabay-sabay silang nagtanggal ng lipstick sa labi at nagpusod ng buhok. Nagpahid din sila ng kaunting gel sa buhok upang maiwasan ang pagtikwas nito.
Sa kanilang tatlo ay si Love ang pinakamatangkad na sinundan ni Jai kaya napapagitnaan nila ito ni Monic.
Dumiretso na sila sa DMST office at naglog-in sa ledger. Maya-maya ay may mga bumaba na katulad kung paano sila bumaba kahapon sa hagdan mula sa third floor kasunod sina Hegina at Hiyara.
Nanatiling parang tuod sa gilid ang tatlo. Hindi nila malaman ang gagawin. Pamilyar sa kanila ang apat na lalaki at tatlong babae. Galing sila sa ibang school na nakiki-ROTC sa kanilang eskwelahan.
Pero sigurado na magiging kasamahan nila iyon.
Hindi nagtagal ay rumami sila ng rumami at nakumpleto.
Binigyan sila ng instruction ng mga cadet officers na magkakaroon sila ng meeting mamayang alas-kwatro para magselect ng set of officers sa kanilang batch.
Hindi nagtagal ay dumating na si Lovendaño. Ito na lang ang hinihintay nila.
Kumpleto ang lahat ng cadet officers. Nagdasal muna sila bago magsimula. Medyo siksikan sila sa loob ng DMST office dahil hindi naman iyon kalakihan.
"Ang tawag sa inyo ay COQC. Kayo ang lowest mammal dito. Lahat ng iuutos o ipapagawa namin ay gagawin ninyo. Kasalanan ng isa, kasalanan ng lahat. Maliwanag ba?" Seryosong sabi ni Lovendaño.
"Sir, yes sir!" Sabay-sabay nilang sagot.
"Ang tawag ninyo sa isa't-isa ay buddy. Dapat hindi namin kayo makikita sa hallway o sa labas ng classroom na mag-isa. Buddy-buddy system tayo. Kahit ano pa ang gawin niyang kabuddy mo, samahan mo. Kapag may nagsolo flight diyan at nahuli namin, sorry na lang, pero pahirapan sa pagtubos." Sabi naman ng battalion ex-o na si Javier. Isa itong babae na maputi at chubby. Kabuddy ito ni Lovendaño at dadalawa lamang silang first class (1CL).
Marami pa silang sinabi at binigyan rin sila ng task. Pinapakabisado pa sa kanila ang preamble, military professionalism, military secrecy at napakarami pang iba. Kailangan nila iyong makabisado kinabukasan dahil bukas na bukas rin daw ay ipaparecite ito sa kanila.
Hindi nagtagal ay binuksan na ang botohan.
May dalawa lang na pinagbotohan sa pagkapresidente kaya automatic na ang hindi nanalo ay siyang magiging bise-presidente. Si Mark Cezar ang nanalo pagkapresidente. Schoolmate nila ito at kumukuha ng BSBA. Samantala, galing naman sa ibang school ang nanalo sa pagkabise-presidente na si Demetrio Cabading at kasalukuyang kumukuha ng kursong criminology.
Pinapunta silang dalawa ni Lovendaño sa harap at sila na ang nagpatuloy na namuno sa botohan. Umupo na si Lovendaño sa kanyang pwesto at manunuod na lang ng election.
"The nomimation for secretary is now open. Are there any nominations?" Panimula ni Cezar.
"Wow! English!"
"Nosebleed! Nosebleed!"
"Sir Labs, englishero pala mga bata mo eh."
Wika ng mga babaeng officers.
Medyo nagkatawanan pa ng kaunti pero sinaway lang din sila agad para tumahimik.
Nagtaas ng kamay si Monic. "I nominate Paulo."
Mabilis pa sa alas-kwatro ang paglingon ni Love sa kaibigan. Gustung-gusto niya itong pagsabihan ngunit ang tanging nagawa na lamang niya ay pandilatan ito ng mga mata at patagong mangurot sa tagiliran.
"Uy Paolo daw, Sir! Binoboto ka." Pabirong sabi ni Suarez na BN-S3.
"Lalake talaga ang i-nominate para maging secretary? Maaasahan ba yan? Maganda ba sulat niyan?" Sabat naman ni Javier na BN-EX-O.
"Kapag secretary, dapat ba maganda agad ang sulat?" Pambabara naman ng kabuddy nitong si Lovendaño. Imbes na magkainisan ay nagtawanan lamang silang magkabuddy.
"Okay, sino si Paulo? Tumayo na muna at pumunta sa harap." Bagot namang sabi ni Caballero.
Tinitigan muna ni Love ng matalim si Monic. Napakapasaway talaga ng kaibigan dahil hindi man lang ito nagdalawang-isip na iboto siya. Madadagdagan tuloy ang gawain ni Love pag nagkataon.
Tumayo si Love at pumunta sa harap. Sakto namang nagtama ang mata nila ni Lovendaño. Napakaseryoso ng mukha nito na nakadagdag sa kagwapuhan niya. And Love finds it attractive. Pero agad niya itong binura sa kanyang isipan.
Maya-maya ay may nagtaas ng kamay. "I nominate Barrera for secretary." Hindi na naghintay si Barrera na tawagin pa. Kusa siyang tumayo at tumabi kay Love. Babae rin ito na galing pa sa ibang school.
"May magnonominate pa ba?" Tanong ni Cezar. "Okay. I moved that the nomination for secretary be closed."
"I second the motion." Sabi naman ni Jai.
"Okay. Pakilala muna." Sabi ni Suarez. Halos kuminang pa ang mga mata nito kina Love at Barrera.
"Naku, Suarez! Alam ko iyang kinang sa mga mata mo. Magtigil ka! Mga bata pa iyan." Saway naman sa kanya ng kabuddy nitong si Hegina.
Hindi naman chickboy si Suarez ngunit kung sino man kasi ang natitipuhan nito ay nakukuha niya. Hindi naman ito kagwapuhan at lalong-lalo na hindi katangkaran. Ngunit dahil sa pagiging cadet officer niya ay nagiging malakas ang dating niya sa mga kababaihan.
Nahihiya si Love kaya si Barrera muna ang nagpakilala. Confident na confident ito kung kaya't confident din si Love na hindi siya ang mananalo. Ayaw din naman niya ng responsibilidad. Napilitan na nga lamang siya na sumali sa organisasyong ito tapos ay magiging secretary pa siya ng batch nila.
Nang matapos magpakilala at interviewhin si Barrera ay si Love naman ang pumunta sa gitna.
"M-magandang hapon po sa inyong lahat. I'm Love Montesclaros Paulo. I'm taking up Diploma in Computer Secretarial. I'm 16 years old." Maikling pagpapakilala ni Love sa sarili. Wala na siyang maisip na iba pang sasabihin kundi iyon lang.
Kinakabahan din kasi siya. Lahat kasi ay sa kanya nakatingin. Though medyo disappointed siya dahil hindi na niya nakikita si Romero. Wala ito sa DMST office ngayon at tila hindi na nagrereport. Kung nandito lamang si Romero ay baka natanggal pa ang kaba ni Love.
"Hobbies?" Tanong ni Lovedaño. Tila interesadong-interesado ito kay Love.
Isang pagtikhim mula kay Manalo ang narinig ni Love. Napatingin ito kay Manalo na isang BN-S5. Chinita ito at maputla ang kulay. Hindi ito kagandahan ngunit isa ito sa mababait na officer dahil hindi ito nakikisali sa kabuddy niyang sina Hegina, Caballero at Hiyara.
Muling itinuon ni Love ang atensyon kay Lovendaño.
"Anong hobbies ba, Sir? Hobbies na libangan o hubbies na asawa?" Mapang-asar na sabat ni Suarez.
"Hubby yun tanga!" Diretsong sabi naman ni Caballero.
Natatawa naman ang iba dahil sa kakulitan ng mga officers.
"I love reading and writing po. Taong-bahay lang kaya hindi po ako mahilig sa mga outdoor activities." Ani Love na nahihiya pa habang nagsasalita.
"May boyfriend ka?" Mabilis na tanong ni Suarez.
"Naku, wala po." Natatarantang sagot naman ni Love. Napakumpas pa ito ng 'hindi'.
"Pero nagkaboyfriend ka na?" Patuloy pa rin sa pagtatanong si Suarez.
"N-never pa po." Nahihiya nang sagot ni Love. Napapaisip tuloy siya kung kailangan pa ba nilang malaman ang mga ganoong bagay. Napapaisip din siya kung tama bang sagutin pa ang mga ganoong tanong.
Nakangising sumulyap si Suarez kay Lovendaño. Ngiting aso, to be exact. Napansin iyon ni Manalo kaya muli siyang tumikhim.
"Hoy Suarez! Wala nang connect ang mga pinagtatanong mo. Simulan na ang botohan." Masungit na turan ni Hiyara.
Sinimulan na ang botohan. Unang binanggit ang pangalan ni Barrera. May mangilan-ngilan na nagtaas ng kamay. At nang si Love naman ang binanggit ay maraming nagtaas ng kamay para iboto siya. At sa huli ay hindi na nakakapagtakang siya ang ihalal bilang sekretarya ng batch nila.
NANG makapaghalal ng set of officers ay nagkaroon ng meeting ang batch nila.
Binigyan sila ng pagkakataon na makapagmeeting sa third floor room 301.
Ang presidente na si Cezar ang nagcocommand sa kanila. Kahit hindi nila kaharap ang mga cadet officers ay disiplinado sila kumilos.
Nang makapagformation ay sabay-sabay naman silang umupo.
Nagpaikot ng papel si Love para isulat ang pangalan at cellphone number.
"Mga buddy, ang bilin sa akin nila Madam at Sir, kailangan daw magkaroon ng pangalan ang batch natin. Pwede kayong magsuggest. Dapat ang mapipili daw natin ay yung may meaning at yung sumasalamin sa ating lahat. Halimbawa, Batch Masigasig. Tapos ipapaliwanag daw kung bakit iyon ang napili natin." Panimula ni Cezar.
May mga nagtaas ng kamay at nagsuggest.
"Matatag."
"Matalim."
"Magilas."
"Maaram."
Nagtaas din ng kamay si Love. "Matayog."
"Okay, sa lima na nagbigay ng pangalan na iyan, bukas na bukas, after ng klase natin, magkakaroon uli tayo ng meeting. Ipapaliwanag ninyo isa-isa kung bakit iyan. Sa mga hindi naman nakapagbigay ng suggestion, mamili kayo diyan at mag-isip din kung bakit iyon ang napili mo at sa palagay mo na nababagay na pangalan ng batch natin." Ani Cezar.
Sumang-ayon naman ang lahat sa sinabi ng kanilang presidente.