Chapter 7

1817 Words
Kinabukasan ay halos hindi na makalakad si Love. Paano'y mas lalo silang pinarusahan ng tumakbo ang lima na kasamahan. Habang nababawasan sila at may sumusuko ay mas tumitindi ang pinapagawa sa kanila. Hanggang sa dalawampu na lang silang natira. Halos mangalahati. Naalala pa tuloy niya ang nangyare kahapon kung saan ay muntikan na siyang sumuko. NANLALAMBOT na nga ang kanyang tuhod sa knee bender tapos ay sunod pa na pinagawa sa kanila ay ang mountain climbing exercise. Tumigil siya saglit at mariin na pinikit ang mga mata. Parehong nakalapat sa sahig ang mga tuhod at palad niya. Habol-habol niya ang kanyang paghinga. Maya-maya lamang ay tumigil din sa pagmo-mountain climbing si Monic. "Okay ka lang?" Tanong nito kay Love. Tinanguan lamang niya si Monic. Sasabay na sana ulit siya sa pag-eexercise ng kusang nanlambot ang binti at tuhod niya. "Stop!" Mariing utos ni Hegina. "Attention!" Lahat ay tumigil at tumayo ng tuwid maliban kay Love na inaalalayan pa ni Monic at Jai. "Kayong tatlo! Five counts, dapat wala na kayo dito!" Sigaw ni Hiyara. Nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan. Walang lumalabas na salita sa kanilang mga bibig ngunit sapat na ang mga tinginan nila para magkaintindihan. Kapag lumabas sila ng kwartong iyon, babalik sila sa pagiging basic cadet at automatic quitter sa pagcacadet officer. Ayaw naman ni Love na maging hadlang sa kagustuhan ng mga kaibigan niya. "Hindi tayo lalabas." Mahinang-mahinang bulong ni Jai na nakaalalay pa din kay Love. Natapos na lang ang five counts ay hindi nga sila lumabas ng kwarto. Muling tumibay ang mga tuhod ni Love at nakakaya na ulit niyang makatayo ng walang umaalalay. Umayos sila ng tayo katulad ng iba nilang kasamahan. "Hindi kayo aalis? Ang kakapal ng pagmumukha niyo ah!" Galit na saad ni Hiyara. Nakaramdam ng takot si Love. Nagtataka tuloy siya. Gusto ba talaga nilang magrecruit ng bagong cadet officers? Kung gayon, bakit tila mas gusto pa nilang magquit ang mga nais mag-officer? Sa kabila ng mga pasaring nila Hiyara, Hegina at Caballero ay hindi natinag sila Love, Monic at Jai. Gustung-gusto na ng mga ito na paalisin sila. Lumakad si Caballero at tumigil sa harap ni Love. "Bago ka mangarap na pumasok dito, siguraduhin mong malakas ka. Kung tutuusin, nag-uumpisa pa nga lang kayo pero pasuko ka na. Napakalousy mo! Napakaweak mo! Hindi ka nararapat dito!" Singhal ni Caballero kay Love. Diretso lamang ang tingin ni Love. Sobrang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Gusto niyang damdamin ang masasakit na pinagsasabi nito ngunit mas pinili niyang balewalain ang mga iyon upang hindi siya maiyak sa kinatatayuan niya. Ayaw niyang patunayan na weak siya. Ayaw niyang magmukhang mahina. "Kaibigan niyo ba itong mahina na ito?" Matigas na tanong ni Caballero kina Jai at Monic. "Madam, yes, madam!" Sabay na sagot nina Monic at Jai na ikinangisi naman ni Caballero. "Kita mo? Snappy ang mga kaibigan mo pero ikaw napakalousy mo. Hihilain mo lang sila pababa kaya kung ako sa iyo, umalis ka na. Hindi ka bagay dito! Hindi namin kailangan ng tulad mo! Lousy! Weak!" Sigaw ni Caballero sa kanya. Unti-unting nanlabo ang paningin ni Love. Kakasabi lamang niya sa kanyang sarili na ayaw niyang patunayan na siya nga ay mahina. Matagumpay nga niyang napigilan ang paghikbi ngunit hindi ang kanyang luha. Masagana itong dumaloy sa pisngi niya. "Oh? Bakit ka umiiyak?" Malambing pero may halong sarkasmo ang himig ng boses ni Caballero. Nagsad face pa nga ito habang nakaharap kay Love. "Hindi namin kailangan ng iyakin dito! Umalis ka na! Konting psywar lang umiiyak ka na. Tsk! Tsk! Tsk!" Mayabang pang dugtong nito. Hindi lamang umimik si Love. Nananakit na ang kanyang lalamunan sa kakapigil na makalusot sa kanyang bibig ang kanyang mga hikbi. "Umalis ka na!" Sigaw naman ni Hiyara mula sa likod. "Madam! No, madam!!" Malakas at matapang na sabi ni Love. Hindi na niya kinaya kaya nagtakip na siya ng mukha at maya-maya lamang ay natatawang niyakap siya ni Caballero. Hinahagod din nito ang likod ni Love upang patahanin. "Hala, lagot kayo. Pinaiyak niyo." Pabirong sabi ni Caballero na ikinatawa ng ilan. "Sssshhh!!!" Malakas naman na saway ni Hiyara sa mga aspiring cadet officers na natawa. "Anong nakakatawa? May nagsabi bang pwede kayong tumawa?" Muling natahimik ang kwarto at tanging paghikbi at pagsinghot lang ni Love ang naririnig. Hindi maipaliwanag ni Love ang nangyayari. Biglang bumait ang mga officers at inaalo pa siya ng mga ito. Maya- maya lamang ay pina-attention ang lahat. Tumigil na din sa pag-iyak si Love. Gumaan na din kahit papaano ang pakiramdam niya. "Girls, lahat ba ay may doble na shorts?" Seryosong tanong ni Hegina. "Madam, yes madam!" Sabay-sabay na sagot ng mga kababaihan. "Majin Buu halika rito!" Tukoy ni Hegina sa mamula-mulang chubby na lalaki. Naghagikhikan ang ilan at isa na doon si Love. Nakukuha na niyang tumawa pagkatapos ng pag-iyak niya kanina. Hindi nagtagal ang hagikhikan nila ng titigan silang lahat ng masama ni Hiyara. Isang tingin pa lamang nito ay talagang mapapasunod na ang lahat. "Umupo ka nga na parang palaka." Utos ni Hegina at hindi naman nag-dalawang isip si Majin Buu na sundin ito. "Walang tatawa!" Saway nito ng may marinig na mahihinang pagtawa. Game na game ang lalaki na umupo na para bang palaka. Pabubuka itong umupo at nakalapat sa sahig ang dalawang palad. Napatakip din ng bibig ang tatlong ROTC officers at pinipigilan matawa. "Okay. Ngayon naman, act like a spider." Muling utos ni Hegina. Inilusot naman ng lalake ang mga braso niya sa ilalim ng binti at nagmukha siyang may apat na galamay. "Okay. Everybody! Ganyan kayo baba sa hagdan mula rito hanggang sa DMST office. Walang mandaraya. Kayo na bahala magtulungan. Dapat wala kaming makikita na gumulong pababa ha. Diskarte niyo kung paano kayo makakababa ng ganyan ang ayos ninyo." Pagbibigay instruction ni Hegina. Gustuhin man nilang magreklamo ngunit nanatiling tikom ang mga bibig nila. Napakahirap ng kanilang pinapagawa at posibleng may gumulong nga habang bumababa ng hagdan. "Kapag narating ninyong lahat ang office ng matagumpay, welcome to ROTC as COQC." Nakangiti namang tugon ni Caballero. COQC or Cadet Officer Qualifying Course. It is a pre-training conducted for the Basic ROTC Cadets to be qualified as Cadet Officers or Advance ROTC cadets. At iyon ang nagsilbing motivation nilang lahat para makababa ng matiwasay papuntang DMST office kahit ganoon ang kanilang sitwasyon. "Arrr-ouch!!" Ani Love na sakit na sakit pa rin sa kanyang katawan partikular sa kanyang singit, hita at binti. Hindi niya akalain na sasakit iyon ng ganoon pagkagising niya kinabukasan dahil tanging ngawit lang naman ang nararamdaman niya kahapon. Marahil ay nabigla ang katawan niya. Kinuha muna niya ang cellphone at nagsend to many ng text. Live life to the fullest and focus on the positive. - Jwu. Güd mownin, guyx. Haist! Skit ng ktwn q. Uxto q nlng sna m2log mghpon pro my klase eh. Gm. Sinendan nya ang mga kaklase niya at dati niyang highschool friends, kasama na din sina Monic and Jai. Pagkatapos niyang gumayak ay bumaba na siya para mag-almusal. Pinilit niyang maglakad ng tuwid at hindi mapangiwi sa tuwing maglalakad. Baka kasi mapansin pa ng Auntie at Uncle niya, mahirap na at baka patigilin agad siya sa pag-c-COQC. Hanggang sa matagumpay naman siyang nakarating ng school ng walang nakakapansin sa kanya. Sinadya niyang maupo muna sa waiting shed. "Hihintayin ko lang po ang dalawa kong kaibigan dito para po sabay-sabay na kami." Pagdadahilan agad ni Love kahit hindi pa nagtatanong ang kanyang uncle. Nagpaalam na din ito sa kanya at pinaandar na ang sasakyan. Ang totoo ay nais lamang niyang paunahin ang pinsang si Cherry para hindi siya nito mapansin na nahihirapan siya sa paglalakad. Nagpalinga-linga siya at nakita nanaman niya ang mga naka-itim na tuxedo sa hindi kalayuan at may kausap itong estudyanteng lalaki na nahihinuhang kaschoolmate niya dahil sa suot nitong uniform. Pangalawang beses na niya itong nakikita pero sa ngayon ay tila kilala niya ang nakatalikod na lalaki na estudyante na kausap ng mga nakatuxedo. Nang mapansin ni Love na tila tapos na ang pag-uusap ng mga lalaki ay bigla siyang nataranta. Bigla na lang hindi na niya alam ang gagawin. Pinilit niyang tumayo. Napangiwi pa siya ng bahagya. Dapat sa mga ganitong pagkakataon ay nagsasaklay siya para alalay sa kanyang paglalakad ngunit hindi pwede dahil nais niyang ilihim ang kalagayan niya sa pinsan, auntie at uncle niya. Nagsimula siyang maglakad at nais sana niyang bilisan ang paglalakad. Nang malapit na siya sa gate ng university ay biglang bumigay ang mga nanginginig niyang tuhod. Mabuti na lamang at hindi matao sa mga oras na iyon. May mangilan-ngilan na nakakita sa pagbagsak niya at hindi nagtagal ay may biglang umalalay sa kanya at iniangat siya mula sa kanyang kili-kili. Hindi niya malaman ang gagawin at tila nahiya siya dahil naamoy niya ang mabangong panlalaking amoy ng umalalay sa kanya. Ibig sabihin, isang lalaki ang tumulong sa kanya. Iniakbay ng lalaki ang kamay niya sa balikat nito at hinawakan naman ng lalaki ang baywang niya. Tsaka pa lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na tignan kung sino ba ito. At halos mahigit niya ang kanyang paghinga nang makita ang napakagentleman na lalaki. Walang iba kundi ang kanilang Battalion Commander na si Lovendaño. Siya rin ang lalaki na kausap ng mga nakatuxedo kanina na nakita ni Love. "Gusto mo bang dalhin kita sa clinic?" Tanong ni Lovendaño sa kanya habang naglalakad na sila papasok ng campus. Maraming napapatingin sa kanila dahil sa kanilang ayos. "A-ah huwag na Sir. Hindi na po kailangan." Namumulang sabi ni Love. Hindi niya maiwasan na pamulahan dahil sa simpleng pagkakalapit ng mga katawan nila. Pangalawang beses na niyang nakalapit ng ganito si Lovendaño. Una ay noong NSTP orientation nila na kung saan ay binuhat siya ni Lovendaño. "Nasaan na ba ang boyfriend mo?" Malamig na tanong ni Lovedaño sa kanya. Nawala bigla ang nag-aalalang himig nito. Agad namang nangunot ang noo ni Love. Boyfriend? Eh wala naman siyang boyfriend. "Ang sabi ko, nasaan ang boyfriend mo?" Pag-uulit nito ng tanong. Nakatingin ang nakakunot na si Love sa kanya kaya amoy na amoy ni Love ang mabangong hininga ni Lovendaño. Napalanghap siya at halos mawala siya sa sarili. "W-wala. Wala akong b--" "Love? Anong nangyare sa iyo?" Biglang tanong naman ng kaklase ni Love na si Gelo. Bigla na lang ito sumulpot mula sa gilid ni Lovendaño. Marahil ay nakita na sila nito kaya binilisan niya ang lakad upang maabutan sila at makumpirma ang babaeng akay-akay ni Lovendaño. "Oh. Nandiyan na pala siya." Malamig pa ring sabi ni Lovendaño. Inalis na nito ang pagkakaakbay sa kanya ni Love at maingat na ipinasa kay Gelo. "Nakita ko kasi siyang natumba sa tapat ng gate. Normal lang naman na manlambot ang katawan after ng matindi nilang exercise kahapon. Hindi pa kasi sanay ang katawan niya. Kahapon din kasi sila winelcome sa ROTC. Sige na, mauna na ako. May klase pa ako." Pagkatapos niyang magsalita ay umalis na ito agad sa harap ni Love at Gelo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD