Ilang araw na ang lumipas pero hindi pa rin makalimutan ni Love ang ginawang pag-akbay sa kanya ni Romero.
Heto nga at nakapila siya para bumili ng panibagong NSTP t-shirt dahil wala na siyang balak na gamitin pa uli ang NSTP t-shirt na hinawakan ni Romero. Hinding-hindi niya rin ito lalabhan at itatago pa ito.
Pagkatapos makabili ay agad siyang nagtungo sa kanilang classroom.
Agad siyang tumabi sa mga kaibigan at pumangalumbaba sa mga ito.
"May sasabihin ka ba, Love?" Wika ni Jai.
Nag-angat-baba ang mga kilay ni Love at matamis na ngumiti.
"Guess what.." untag ni Love sa dalawa.
Nagkatinginan pa ang mga ito at nagngitian din.
"Magjojoin ka na sa amin?" Sabay na tanong ng dalawa. Tila excited na nag-aabang ng kumpirmasyon.
Nagtaas-baba muli ang mga kilay ni Love at parang kinikiliti na kinilig ang dalawa.
"Promise Love, hindi ka magsisisi. Masaya talaga doon." Dagdag pa ni Monic.
MAY isang oras silang bakante bago ang huling subject at nakatambay sila sa lilim ng punong mangga o indian mango sa loob ng campus. Dito sila madalas tumambay lalo na kapag katanghalian dahil malilim at mahangin.
Magkakatabi lang ang mga puno dito ng mangga na sinadyang itanim ng mga naunang batch ilang taon na ang nakakalipas. Nasa gilid ito ng kalsada at magkakapantay ang pagkakatanim.
May mga bunga ito pero hindi pwedeng pitasin dahil ipinagbabawal ng pamunuan ng unibersidad.
"Ang sarap ng mangga. Sayang lang dahil bawal pumitas." Natatakam na saad ni Monic. Sa kanilang tatlo, ito ang pinakamatakaw at halata naman ito sa bilugan nitong katawan.
Ang mga indian mango pa naman ay halos abot-kamay na lang at nakakatukso talagang pumitas.
Hinawakan ni Love ang isang bunga at inamoy ito. Napakatamis ng amoy nito at curious tuloy siya kung kasing tamis ba ng amoy nito ang lasa nun.
Napatigil si Love sa pag-amoy sa mangga.
"Kaso, hindi kaya nakakahiya na bigla na lang ako sasali sa inyo? Kasi ilang linggo na rin kayong nagsasama-sama tapos ako ngayon pa lang sasama sa inyo." Nag-aalangang saad ni Love patungkol sa pagca-cadet officer.
"Hindi yan. Hindi pa naman kami nagsisimula eh. Kaya pwedeng-pwede ka pa humabol." Masayang tugon ni Jai ngunit may hiya pa ring nararamdaman si Love sa sarili. Natahimik na lang si Love pagkatapos nun.
Habang nakahawak pa din si Love sa mangga nang biglang may tinuro si Jai.
"Diba si Sir Lovendaño yun? Gusto mo Love ipaalam ka namin?" Sabi ni Jai pero mabilis pa sa alas-kwatro na umiling si Love.
"Nakakahiya naman! Huwag na Jai. Hindi na kailangan." Pagtanggi ni Love. Ngunit makulit si Jai.
Hinila pa nito si Monic at lumapit kay Lovendaño na naglalakad.
Napafacepalm na lang si Love at bigla siyang naout-of-balance kaya nahigit niya ang isang mangga at napitas ito.
Gulat na gulat siya sa nangyari at may mangilan-ngilan na nakakita sa kanya pero para maisalba ang sarili sa kahihiyan ay hindi na lamang niya tinignan ang mga ito.
Maya-maya lamang ay hila-hila na ni Jai si Lovendaño at lumapit sa kinaroroonan ni Love. Agad na itinago ni Love ang hawak na mangga sa kanyang likuran.
"Siya Sir. Siya po ang tinutukoy namin na gusto pang magjoin. Pwede pa naman po humabol diba?" Makulit na sabi ni Jai.
Kinabahan si Love. Sobrang seryoso ng mukha ni Lovendaño at hiyang-hiyang siya sa ginagawa ngayon ng mga kaibigan. Hilahin ba naman ito papunta sa kanya. Like hello, Battalion Commander ang kinakaladkad nila.
"Yes, pwede pa naman." Seryosong sagot ni Lovendaño.
"Oh ayan, Love ha. Huwag ka nang mag-alala. Ipinagpaalam na kita. Galing na mismo kay Sir Lovendaño." Sabi pa muli ni Jai. Gustung-gusto na niya itong sabunutan dahil napipikon na si Love.
Napansin naman niya ang pagtataka sa mukha ni Lovendaño at ang pagkunot ng noo nito.
Hindi niya alam kung bakit ganoon ang reaksyon ni Lovendaño kaya nakaramdam siya ng pagka-ilang.
Napakamot siya sa noo niya at rinig na rinig niya ang pagsinghap ng dalawa niyang kaibigan.
"Hala ka Love! Bakit ka pumitas?!" Natatarantang ani Jai.
Napatingin naman agad si Love sa kamay niyang may hawak na mangga. Nanlaki din ang kanyang mga mata at natataranta kung paano ang gagawin.
"H-hindi ko naman sinasadya. Hala paano ba ito?" Ani Love na nagkakamot nanaman ng noo at hindi mapakali.
Narinig naman nila ang tawa ni Lovendaño. "Huwag kayong mag-alala. Pwede namang pumitas ng mangga basta huwag lang kayo papahuli."
Pagkasabi niya nun ay umalis na rin ito sa harap nila at tinungo na ang daan papuntang DMST office.
NANG matapos ang huling subject ay sabay-sabay ng pumunta sa DMST office ang tatlo.
Nagtext na rin si Love sa kanyang Uncle Rey na huwag na itong hintayin dahil baka matagalan siya.
Nagpusod muna sila ng buhok at nagtanggal ng lipstick. Bawal kasi ang may kung anu-anong kolorete sa mukha at katawan. Nagtanggal din sila ng hikaw at bracelet.
Nasa second floor ang office at hindi pa nga sila nakakaakyat ng hagdan ay rinig na nila ang tawanan mula sa taas.
Mukhang nagkakasayahan sila. Sa kanilang pag-akyat ay hindi nga sila nagkakamali ng hinala.
May mesa sa labas at doon nakaupo si Lovendaño habang nakaupo naman sa hagdan papuntang third floor ang mga gusto ring magcadet officer.
Muling nakadama ng kaba sa dibdib si Love nang magtama ang mga mata nila ng Battalion Commander. Siya na ang naunang nag-iwas ng tingin at yumuko na lamang. Pinaupo rin sila nito sa hagdan kasama ang iba pa matapos magfill-out ng name, course and time-in sa logbook na nasa mesa.
Unang beses pa lamang niyang makaakyat dito. Hindi niya maiwasang matawa sa mga kwento ng BatCom na si Lovendaño. Kapag nasa labas ito ay aakalain mong napakaseryosong tao niya ngunit kapag nandito pala ay napakarami nitong kwento at matatawa ka na lang talaga.
Akala niya ay puro kaseryosohan at pagdidisiplina sa ROTC ngunit kabaligtaran ito ng naiisip ni Love. Mukhang mag-eenjoy siya sa organisasyong sasalihan at hindi magsisisi.
Habang tumatagal ay parami ng parami ang mga dumadating. Sa tingin ni Love ay nasa apatnapu silang lahat at nagkasya sila sa hagdan.
Nagkakatawanan ang lahat ng magsidatingan ang iba pang cadet officers.
Mas marami pala ang babaeng officers kaysa lalaki.
Biglang natahimik ng kinausap ng mga ito si Lovendaño. Maya-maya lamang pinaform na sila. Si Caballero na siyang company commander ang nagpaform sa kanila. Mata pa lamang nito ay nakakatakot na. Ibang-iba sa Caballero na nakikita niya noong mga nakaraan.
Hiwalay ang babae sa lalaki.
"Ten counts! Dapat nasa thid floor na kayo, Room 301! One!.." sigaw ni Caballero at nag-unahan naman sa pag-akyat sila Love. Halos madapa-dapa pa siya dahil sa pagmamadali.
Jusko! Ito na nga ba ang sinasabi niya. Simula na nang kanilang kalbaryo.
Nang makaakyat at makarating sa room 301 ay maayos silang nagform.
Taas-baba ang dibdib ng lahat habang naghihintay sa paparating na officers.
Tatlong ROTC officers na ang umakyat at pumasok sa room 301.
Si Caballero, Hiyara at Hegina. Mga company commanders and ex-o na pawang kababaihan.
"Ang dami niyo naman." Ani Hiyara. Ibang-iba din ito kumpara noong basic cadets pa sila. Nakakatakot ang aura nito at napapaghalataan ang pagiging istrikta. Sakto lang ang laki nito at morena. Makakapal ang labi nito at may ilang tigyawat sa pisngi.
"Gusto niyo bawasan namin kayo?" Nakangisi namang sambit ni Hegina. Chinita ito at makinis ang mukha. Katamtaman lamang ang kulay ng kutis nito at kulot ang buhok.
"Syempre, masyado silang marami eh. At sisiguraduhin naming mauubos kayo. Itsura niyo pa lang halatang weak na eh." Nang-iinsultong saad naman ni Caballero. Maliliit ang mga mata nito at may braces. Malakabayo ang hugis ng mukha nito dahil sa nakausli ang mga ngipin nito sa itaas.
"Push up position!" Sigaw ni Hiyara.
Nagpakiramdaman silang lahat at hindi sila sabay sabay na nagpush up position. Bagay na hindi ikinatuwa ng mga ROTC officers.
"Tsk! Ano ba naman iyan! Parang push-up position lang hindi pa magawa ng sabay-sabay! Bagsak na kayong lahat agad!" Puna ni Hegina.
Samantala, tagaktak na agad ang pawis ni Love. Kinakabahan din ito dahil sa pinapagawa sa kanila. Binabawi na niya ang kaninang naisip niya na masaya pala dito sa ROTC.
Dahil ano nga bang masaya sa ganito? Pinahirapan na agad sila. Tatagal nga ba talaga siya?
"On your feet!" Sigaw ni Caballero. Hindi nanaman nagkasabay-sabay ang pagtayo nila. "100 military counts squat thrust!"
Pinakita muna nila kung paano ba ang squat thrust na exercise. Nang matapos ay nagsimula na silang magsquat thrust.
"One two three, one! One two three, two!" Sabay sabay nilang bilang.
Nangangalahati pa lang sila sa bilang ay mayroon ng ibang tumitigil saglit at kapag nakapagpahinga ng kaunti ay tsaka muling sumasabay.
Pagod na pagod na si Love. Ramdam niya ang panginginig at panlalamig ng kamay niya. Alam niyang namumutla na rin siya. Kulang na lang ay lumawit ang dila niya sa sobrang kapaguran.
Mabuti na lang ay pinatigil na sila. At pinagawa naman sa kanila ang knee bender, 100 counts.
Todo pasalamat si Love sa isip niya dahil sa wakas ay pinatigil na sila sa pag-squat thrust.
Chill-chill lang sa una ang knee bender exercise. Ngunit habang tumatagal ay nag-iinit na ang mga tuhod ni Love at nanginginig na.
"I-proper niyo kasi. Huwag niyong dayain ang sarili ninyo dahil kayo lang ang mahihirapan!" Panenermon ni Caballero. Pansin kasi nito na maraming hindi proper ang ginagawang pagni-knee bender kaya marami ang hirap na hirap sa exercise na ito.
May isang napaluhod na at may ilang gumaya. Habang ang karamihan ay tuluy-tuloy lang sa ginagawa.
Pinatigil silang lahat.
"Kayong lima!" Sigaw ni Hiyara na tinutukoy ang lima na napaluhod. "Hindi nyo na ba kaya? Simpleng knee bender lang?!"
Galit at madilim ang pagmumukha nito. Halata ang pagkadisgusto sa limang sumusuko sa knee bender.
"5 counts! Dapat wala na kayong lima! One!" Sigaw ni Hiyara at agad namang nagsitakbuhan ang lima.