“B, hindi ganoon iyon. Pakinggan mo muna ang paliwanag ko. Ginawa ko iyon dahil nahihiya na ako kay Kris. Nakukuha ko ang oras na dapat ay para sa kanya.” Sabi niya para makapagpaliwanag dito.
“Oras? Oras niya na binibigay ko sa iyo? Bakit sa tingin mo ba nagkukulang ako ng oras sa kanya? Iyon ba ang sinabi niya sa iyo na kulang ako ng oras sa kanya? Ganong klase ba ko ng nobyo sa paningin mo? Ganoon ako kawalang kwenta?” Tila hindi makapaniwalang sabi nito sa kanya.
“Sa tagal nang pagiging magkaibigan natin ay ni minsan hindi ko naisip na ganyan kababaw ang tingin mo sa pagkatao ko. Na hindi ko alam kung ano at kung sino ang dapat na ipriority ko sa buhay ko. Hindi pa ba malinaw sa iyo na ikaw ang priority ko sa lahat ng bagay at kahit inuuna kita ay hindi ako nagkulang sa atensiyon o oras man para sa ibang bagay.”
“I’m sorry, B.” Aniya dito at sinubukang hawakan ito pero umiwas ito sa kanya.
“Wala nang magagawa ang sorry mo. The damage has been done.” Anito at lumakad papunta sa may sala at umupo sa may sofa. Sumunod siya dito at nanatili itong nakatingin sa kanya na seryoso ang mukha. “I think we both need space. Baka nasasakal ka na sa sobrang oras at atensiyon na binibigay ko sa iyo kaya naisip mong pumayag sa gusto ni Kris.”
Nagulat siya sa sinabi nito at hindi na niya napigilan ang mga luhang tumulo sa mga mata niya. Naglakad siya palapit dito pero mas masakit ang mga sumunod na sinabi nito sa kanya. “Diyan ka lang, Beatrice. Huwag kang lalapit sa akin at hindi ko kaya na makita ka sa ngayon at lalo lang akong nagagalit.”
“Sobra ba ang galit mo sa akin at hindi mo na ko mapapatawad?” Umiiyak nang sabi niya dito.
“Hindi ko alam, Bea. Hindi ko alam.” Anito at kita niya sa mukha nito na wala talaga itong balak na makipagayos sa kanya.
“Mabuti siguro na huwag na muna tayong magkita para maisip mo kung ano ang ginawa mo at saka para mapagbigyan ko rin ang gusto mo na unahin ko si Kris at ang kasal namin. Siguro tama ka panahon na para pagukulan ko siya ng panahon at oras na sabi mo nga nagkukulang ako. Kailangan mo pang sirain hindi lang ang pagkakaibigan natin kundi pati na ang tiwala ko para lang matauhan ako.” Anito na pinikit ang mata tila ayaw talaga siya nitong makita.
“Kung ayaw mo ko makita, uuwi na muna ko sa Quezon?” Nagaalangang tanong niya dito at nagbabakasakali na iba ang isasagot nito.
“Gawin mo kung anong gusto mong gawin. Hindi ba at wala ka namang pakialam sa akin. Hindi mo naman pinapahalagahan ang opinyon ko. Nagawa mo nang magdesisyon sa sarili mo ng piliin mo si Kris keysa sa akin.”
Wala na siyang alam na puwede pang sabihin dito. Nasaktan talaga niya ito at naiintindihan niya na hindi basta mawawala ang galit nito. Tama ang kaibigan siya ang sumira sa pagkakaibigan nila. Sa kagustuhan na mapaluguran ang fiance nito ay sinira niya ang tiwala nito. Kahit na ano pang rason ang ibigay niya ay tama si Alex “the damage has been done.” Nasaktan na niya ito at baka tuluyan ng masira ang pagkakaibigan nila.
Tinitigan niya si Alex na nanatiling nakapikit lang at nakasandal sa may sofa. Makalipas ng ilang segundo ay lumakad siya palapit dito at umupo sa may lap nito. Niyakap niya ito at pinatong ang baba sa may balikat nito. “Bea!” Tila nagulat na sabi nito at sinubukan pa siyang itulak pero hinigpitan niya ang yakap dito. “Bitaw na, ano ka ba?” Galit nang sabi nito at pilit kinakalas ang mga braso niya na nakayakap dito.
“Payakap lang kahit sandali” bulong niya dito. Hindi na siya nito tinulak pero hindi din siya niyakap. Lalong bumigat ang kalooban niya. Ngayon niya naiintindihan ang consequences ng naging actions niya. “I’m really sorry, B. Alam kong galit ka talaga sa akin. Hindi ko intensiyon na saktan ka sana iyon man lang paniwalaan mo.” Sabi niya ar huminto muna dahil naiiyak na siya. “Ibibigay ko ang space na gusto mo pero huwag matagal ah.” Tinignan niya ito pero nakapikit na ito.
“Saka pumayag ka nang umuwi ako ng Quezon ha? Baka pati iyon ikakagalit mo later.” Sabi niya dito na umaasang may makukuha siyang reaction buhat dito pero bigo siya. “Mamimiss kita.” Tanging nasabi na lang niya dito at saka ito ulit niyakap ng mahigpit. Pero walang naging tugon buhat dito na nagpalungkot sa kanya lalo. Pero alam niya na dapat niya itong bigyan ng oras para mapatawad siya at kung sakali mang hindi na talaga siya nito mapapatawad ay maluwa naman niya iyong tatanggapin.
Tinitigan pa niya ito ng ilang minuto at hinaplos ang pisngi nito bago siya nagdesisyon na umalis na. “Aalis na ko, B. Magiingat ka lagi ha. Tawagan mo ko pag bati na tayo.” Sabi niya at saka ito hinalikan sa pisngi. Pagkatapos ay nagmamadali nang lumabas dahil natulo na ang mga luha niya.
Pagpasok sa condo niya ay saka niya hinayaan na tumulo ang mga luha niya. Ang impit niyang pagiyak ay tuluyan nang nauwi sa paghagulgul dahil sa labis na sakit na nararamdaman niya.
Hindi niya alam kung paano siya nakasurvive ng mga sumunod na araw. Dahil tinotoo ni Alex ang sinabi nito na kailangan nila ng space. Hindi siya pumasok kinabukasan at nagsabi na masama ang pakiramdam. Umaasa na baka dumating ang kaibigan para tignan ang kalagayan niya pero walang Alex na dumating.
Naisip niya na baka wala na talaga itong pakialam sa kanya. Kaya kahit na malaman nitong may sakit siya ay hindi siya sinilip man lang. Hindi na kagaya ng dati na aaalagaan pa siya nito. Masakit man ang kalooban ay pumasok na din siya sa opisina matapos ng dalawang araw na pahinga at doon niya nalaman na nasa Cebu si Alex para sa isang business conference at kasama nito si Kris.
Nalulungkot man siya na hindi siya isinama nito kagaya ng dati pero inisip niya na ito ang gusto niyang mangyari ang magkaroon ng oras ang dalawa para makapagbonding. Ito ang kailangan ng mga ito, sapat na oras para makikala ang isa’t-isa ng lubusan.
Mabilis na lumipas ang mga araw at matapos ng isang linggo na kalbaryo niya ay nabalitaan niyang bumalik na si Alex kaya nagmamadali siya na pumunta sa office nito. Umaasa na hindi na ito galit at napatawad na siya. Pero kabaligtaran ng inaasahan niya ang nangyari.
Wala si Mia sa table nito kaya magdecide na siyang dumeretso sa loob ng office ni Alex. Nakaupo ito sa may swivel chair habang may pinapanuod sa laptop at si Kris ay nakaupo sa may silya na nasa harapan ng table nito. Si Mia ay nakatayo sa gilid ng lamesa at tila nagiintay.
Hindi siya napansin ng mga ito. Lalong kumunot ang noo ni Alex sa kung ano mang tinitignan nito sa laptop. Kinuha nito ang cellphone at ilang segundo lang ay nakita niya pa ang pagngiti nito na mabilis ding nawala tapos lumingon sa may pinto kung saan siya nakatayo.
“Anong ginagawa mo dito?” Iritableng tanong nito sa kanya. Pero binalewala niya iyon at ngumiti dito. “Hello, B!” Masaya niyang bati dito. “Hi, Kris, Mia!” Bati din niya sa dalawa at lalapit sana dito pero napatigil siya dahil sa sinabi nito.
“Diyan ka lang.” May galit na sabi nito na ikinagulat niya at ng iba pang tao na nasa loob ng opisina nito.
“Ga-galit ka pa rin, B?” Nagaalangang tanong niya dito. “Sorry na talaga. Hindi na ko uulit.” Sabi niya dito. Pero tinignan lang siya nito at tila nagiisip ng kung anong isasagot sa kanya. Makalipas ng ilang segundo ay hindi niya inakala na ang sasabihin nito ay labis na makakasakit hindi lang sa kalooban niya kundi magpapababa sa buong pagkatao niya.
“That is Mr. Saadvedra to you, Ms. Marasigan. Last time I check your an employee here and I’m your boss.” Aniya na tila iniinsulto siya. Dinig pa niya ang pagsinghap ni Kris at Mia ng marinig ang sinabi nito. Alam niyang namumula ang mukha niya sa labis na pagkahiya at awa sa sarili.
“I - I’m sorry, Sir” aniya na pinipigilan ang sarili na maiyak. “Pa-pasensya na po sa istorbo.” Aniya at tumalikod na para lumabas.
“Saan ka pupunta, Ms. Marasigan? Hindi pa kita tapos kausapin.” Sabi nito na nagpahinto sa kanya. “Mia, you can go. We will discuss later.” Sabi nito sa sekretarya at nagmamadali na itong lumabas.
“Aalis na rin po ako Sir.” Paalam niya na hindi na tumingin dito at naglakad na para lumabas.
“I really hate you right now” Sabi ni Alex na nagpahinto sa pagbukas niya ng pinto. Napapikit siya sa sakit na naramdaman at nag-init ang mga mata niya alam niya na anytime ay iiyak na siya. Hindi na siya sumagot at bubuksan na sana ang pinto pero napahinto siya sa sunod na sinabi nito.
“Humarap ka pag kinakausap kita. Baka nakakalimutan mo na empleyado kita at ako ang boss mo!” Sigaw nito sa kanya.
“Love, tama na iyan. Huwag mong pagsalitaan si Bea ng ganyan.” Awat ni Kris kay Alex.
“Huwag kang makialam dito. Hindi ba at ito ang gusto mo? Pinagbibigyan ko lang ang gusto ninyong pareho. Nakakahiya naman sa inyong dalawa at baka magtampo pa kayo pag hindi ko sinunod ang mga gusto ninyo.” Nanguuyam na sagot nito kay Kris.
Kinalma niya ang sarili bago humarap dito. “May iuutos pa po ba kayo, Sir?” Tanong niya dito at kita pa niya ang pagkuyom nito ng kamao. Alam niya na lalo itong nagalit sa sinabi niya.
“Iniinis mo ba talaga ako, Ms. Marasigan?” Naniningkit ang mga matang tanong nito sa kanya.
“Alex, tama na iyan” Sabi ni Kris dito.
“I told you na huwag kang makialam dito. Ikaw ang dahilan ng problemang ito!” Sigaw nito kay Kris. “Hindi ba at you go behind my back just to achieve what you want.” Tanong nito kay Kris.
“Sobra ka na, Alex. Mali ba na pakiusapan ko si Bea to give us time para sa paghahanda sa kasal?”
“Ako sobra?” Tila hindi makapaniwala na tanong nito kay Kris “Kung may sumosobra man dito, ikaw iyon!” Galit na sabi nito “Ibibigay ko ang gusto ninyong pareho. You my love, will have my full attention from now on. Ibubuhos ko ang lahat ng lakas at atensiyon ko sa nalalapit nating kasal kagaya ng gusto mo at ni Ms. Marasigan. Para naman sa iyo bestfriend, Hindi na kita bibigyan ng oras at pansin. Hindi ba at iyon naman ang gusto mo?” Nanguuyam na sabi nito habang pinagpapalit ang tingin sa kanilang dalawa ni Kris.
“Lo-love, oras mo lang naman ang hinihingi ko. Wala naman akong sinabi na . .”
“Oras? Anong oras pa ang kailangan mo? Hindi pa ba sapat ang mga oras at panahon na ibinibigay ko sa iyo at gusto mo pang kuhain pati ang oras ni Bea? Ganoon ka kasakim? Umpisa pa lang alam mo na may oras ako para sa kanya pero mukhang nakalimutan mo iyon.” Putol ni Alex sa kung ano mang sasabihin dapat ni Kris.
“Hindi ganon iyon, Love” sabi ni Kris na tila maiiyak na.
“Eto na binibigay ko na ang gusto mo, ang gusto ninyo.” Na nilingon siya at kita niya ang galit sa mukha nito. “Simula ngayong araw na ito binabawi ko na ang pagiging bestfriend ko sa iyo, hindi na tayo magkaibigan. Hindi ka na parte ng buhay ko bilang kaibigan. Hindi mo na rin ako para tratuhin bilang kaibigan, Bea Marasigan.“ Sabi nito sa kanya na labis na nakasakit sa puso niya at naramdaman na lang niya ang pagtulo ng mga luha niya.
“Don’t you dare cry!” Sigaw nito sa kanya na nagpatigil ng pagtulo ng luha niya “Malaya ka nang gawin ang lahat ng gusto mo. Hindi ako nakikialam at gagawin ko rin ang lahat ng gusto ko at wala ka ring karapatang makialam.” Mataas pa ring boses na sabi nito.
Sobrang sakit ang nararamdaman niya ng marinig buhat kay Alex na hindi na siya nito bestfriend. Gusto man niyang umiyak ay ayaw niyang gawin sa harapan nito at ni Kris. Hindi siya makapaniwala na ganito ang kahihinatnan ng pagkakaibigan nila. Pero ng angkinin siya nito ay sinabi nito na sa kanya lang siya. Kasinungalingan ba iyon? Paraan nito para bigyan dahilan ang ginawang pakikipagtalik sa kanya.
Naguguluhan man at labis na nasasaktan pero dapat niyang tanggapin iyon at wala siyang karapatang tumangi sa gusto nito. Pilit niyang kinalma ang sarili bago tumingin ulit sa kaibigan. Sinalubong niya ang tingin nito at pinatatag ang loob. Kailangan niyang gawin ito ngayon dahil king hindi niya magagawa ay sigurado siya na hindi na siya magkakaroon ng lakas ng loob na gawin ito sa ibang araw.
“Naiintidihan ko po, Sir. Wala po kayong dapat ipagaalala. Malinaw po sa akin ang gusto ninyong mangyari. Makakaasa po kayo na simula po sa araw na ito ay hindi na ako magiging kaibigan sa inyo. Tatanggalin ko ang sarili ko sa buhay ninyo at hindi na kayo lalapitan kahit kailan. Marami pong salamat sa lahat ng bagay na naitulong ninyo sa akin.” Sabi niya dito. Hindi ito sumagot at nanatili lang seryoso ang mukha.
Inalis niya ang tingin kay Alex at bumaling kay Kris para humingi ng paumanhin dito “I’m really sorry, Ms Kris sa lahat ng sakit, sama ng loob na naidulot ko sa inyo”
“I’ll go ahead, sir. Sorry for disturbing you. Goodbye, Sir” Paalam niya kaya Alex at saka nagmamadaling lumabas ng opisina nito. Narinig pa niya ang pagtawag nito sa kanya pero hindi na niya iyon pinansin. Pagkasara ng pinto ay napasandal siya doon at pinikit ang mga mata. Kinakalma niya ang sarili at ayaw niyang umiyak.