MATAPOS kong ayusin ang lahat ng mga gamit na dala ko, nagpahinga ako sa kwarto ng villa at hindi ko namalayang nakatulog ako dahil marahil sa pagod mula sa mahabang byahe at sa nakaka-relax na pakiramdam ng silid na iyon. Hindi ko alam kung gaano ako katagal nakatulog pero nang imulat ko ang aking mga mata, natanaw ko ang madilim na paligid at tanging mga ilaw sa poste at mga puno ang nagbibigay ng liwanag sa paligid. Uminat ako at kusang gumuhit ang ngiti sa mga labi ko dahil sa pakiramdam ko'y ang gaan ng lahat. Relax ang isip at pakiramdam ko. "Finally you're awake." Napapitlag ako at agad kong ibinaba ang mga kamay ko ng marinig ko ang baritonong boses ni Zandy. Nakasandal siya sa pintuan habang seryosong nakatingin sa akin. "Why are you here? Pinapanood mo ba akong natutulog?"

