Chapter VII

2220 Words
Magmula ng araw na inimbitahan siya nito sa mansion nito, naging halos araw-araw na rin kung siya'y ayaing lumabas ni Ma'am Beth o kaya naman ay magpasama sa mga pupuntahan nito. Kaya naman hindi na matatawaran ang naririnig niya sa mga kasamahan at maging ng kaniyang mga boss. Na siya nga ay nagiging sipsip na raw at gusto ng posisyong mas mataas sa nababagay sa kaniya. Na gusto niyang kumapit sa mayaman upang maging mayaman din.  Dahil nahihiyang tumanggi ay pinagbibigyan niya ito. Noong unang inaya siya nito ay kumain sila sa Mall mismo at sa pagkagulat ni Janet ay sa isang fast food lamang sila kumain at nakita niyang walang kaarte-arte sa pagkain ang isa sa pinakamayamang tao sa bansa. Lalo tuloy nadagdagan ang paghanga ni Janet sa matanda.  Para sa kaniya, nai-inspire siyang mas lalong magsumikap sa buhay. Hindi para maging kasing-yaman nito, kung hindi para kahit paano ay guminhawa ang buhay nila. O kahit na mabigyan man lang niya ng magandang buhay ang ina kung saan mapapatingin niya ito sa eksperto.  Sa mga sumunod na paglabas nila ay sinama siya nito sa paglilibot sa mga pag-aari nito at pamamasyal. Nariyang bumisita sila sa ibang branch ng ANC Mall, sa mga pagmamay-ari nitong restaurant, boutique, salon at kung ano pa. At noon napagtanto ni Janet kung gaano kalayo ang buhay nilang dalawa, ngunit nanatili itong nakatapak sa lupa.  Tuluyang napalapit ang mga damdamin nila sa isa't-isa, ngunit isang araw ay hindi inakala ni Janet na may isang bagay siyang malalaman. Isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya ni lola Beth.   "Alam mo ba, anak. Nanggaling din ako sa kapos na pamumuhay noong bata pa ako. Parehong magsasaka ang mga magulang ko at iginapang nila ako para makatapos sa pag-aaral. Payak ang buhay namin, ngunit masaya kami. Nang matapos sa pag-aaral ay pinasok ko lahat ng trabahong kaya ko. Pinagsabay-sabay ko silang lahat para makapag-abot sa pamilya ko at makaipon na rin. Hanggang sa... Hanggang sa nakilala ko ang aking asawa at sabay kaming nangarap. Sabay kaming nangahas na tahakin ang mundo ng negosyo at nang makalikom ng sapat na pera ay sinimulan ang ANC Mall. Noon ay hindi pa iyon ganoon kalaki, ngunit sa paglipas ng mga panahon at sa hindi inasahang pagkakataon na naging matagumpay ito ay napalaki namin ito at napalago. Hanggang sa hindi namin namalayan na ilan na pala ang nabuksan namin." kuwento sa kaniya ng butihing matanda na tila inaalala ang nakaraan at sinasariwa.  Natagpuan ni Janet ang sariling napapangiti. "Sobrang nakaka-inspire po ang storya ninyo. Sigurado po ako na marami ang ginamit ang story niyo para lalong magsumikap sa buhay." Kasalukuyan sila ngayong nagme-meryenda sa bahay ni Ma'am Beth sa may Batangas. Tanaw nila ang karagatan at dinig ni Janet ang hampas ng mga alon sa dalampasigan. Kagagaling lamang nila sa pamamasyal dahil nang malaman ni Ma'am Beth na hindi pa siya nakapamasyal sa lugar.  "At labis po akong nagpapasalamat sa kabutihang pinapakita niyo sa akin." Tumanaw sa labas si Beth kasabay ng isang buntong-hininga. "Madalas ay lumalabas ako para mabawasan ang stress na dala ng sarili kong pamilya. Pagpasensyahan mo na ang pamilya ko, apo. Hindi ko alam na sa unang pagkikita ay makikita mo ang kabulukan sa aking pamilya sa kabila ng aming tagumpay." naiiling na sabi ni Beth, makikita sa mukha ang pagod. "Ang anak kong si Michael, buhay pa ang asawa niya noon ay nagkaroon na siya ng anak sa bayarang babae. Hindi nakuntento sa isang babaeng wala namang naging kasalanan. Napakabuting asawa noon ni Marissa. Palagi niyang pinagsisilbihan si Michael, ngunit hindi pa rin ito sapat. At nariyan ang kabit niya na nagkaroon siya ng dalawang anak. Isang dahilan kung bakit pinapayagan ko siyang manatili sa bahay kahit na nasusuklam ako sa tuwing nakikita ko siya." panimula ni Beth at mataman namang nakikinig si Janet.  "Tapos nariyan ang mga apo ko na iba't-iba ang ugali. Ang panganay na sobrang nagbibigay sa akin ng stress at high blood dahil walang direksyon ang buhay at puro pag-aaksaya ng pera ang alam. Ang aking apo kay Julie na si Henry na mabait man ay hindi gaanong malapit sa akin. Pero matalino ang batang iyon dahil malapit na siyang makatapos sa abogasya. At nariyan ang spoiled at nag-iisa kong apong babae na si Mildred. Gastaderang kagaya ng ina at kuya. Marami pang kailangang malaman at matutunan sa buhay." napapapalatak na dagdag ni Beth bago muling bumalik kay Janet. Ngumiti ito at inabot ang kamay ng batang kaniyang kinagigiliwan. May lungkot sa mga matang ngumiti si Beth. "Apo, may bagay akong ipagkakatiwalang ipaalam sa'yo na kahit ang pamilya ko ay hindi alam." "Ano po 'yun, lola?" Humugot muna ng malalim na hininga si Beth at pumikit, ngunit nang dumilat ito ay mamasa-masa na ang mga mata. Maging ang nurse nitong si Danica ay napatutop sa bibig bago nagpaalam na lalabas muna.  "Janet, may breast cancer ang lola. Stage 4 na ito at wala nang magagawa pa para magamut ito. Bilang na ang mga araw ko sa mundong ito, apo."  Natulala si Janet at hindi kaagad na nakasagot. Bumubuka ang bibig niya at kusang sumasara. Hindi maapuhap ang mga salitang nais na sabihin.  "P-Pero malakas pa naman po k-kayo." garalgal ang boses na satinig niya. Hindi namalayan na nag-uunahan na pala sa paglandas ang mga luha niya.  Hindi siya makapaniwala na ang taong ngayon ay hinahangaan at tinitingala ay may malubhang sakit pala na iniinda. Si Beth Ancheta na hindi lamang isang lola ang kaniyang turing kung hindi parang isang kaibigan na rin.  "Ganiyan ang cancer, anak. Traydor sa ating katawan at hindi mo alam kung kailan ka tuluyang lulukubin nito." Tinignan ni Beth sa mga mata si Janet. Mga matang walang kababakasan ng masamang pakay o ugali. Mga matang inosente at puro. Mga matang walang ibang makikita kung hindi sakit at awa para sa kaniya na hindi naman nito kadugo.  "Anak, maaari ba akong humiling sa'yo?" Suminghot si Janet at pinunasan ang mukha. Maya't-mayang humihikbi. Naaalala niya kasi ang kaniyang lola na namatay naman sa katandaan. Bata pa siya noon, ngunit hindi niya makakalimutan ang kabutihan nito.  "A-Ano po iyon, la?" "Janet, bago man lamang ako mawala sa mundong ito ay nais kong makitang magbago ang aking apo na si Warren. At naniniwala ako na ibinigay ka ng Diyos sa akin bilang tugon sa aking kahilingan." Hinaplos ni Beth ang mukha ni Janet at marahang ngumiti habang nangungusap ang mga mata.  "Pakasalan mo ang apo ko, Janet. Pakasalan mo siya at pangakong makakamtan mo rin ang mga pangarap mo."  MATAPOS ANG ISANG LINGGO AY nagaganap ngayon ang magarbong birthday celebration ni Beth Ancheta. Ang founder ng Ancheta clan ay eighty six years old na at marami ang dumalo upang maki-celebrate.  Kaniya-kaniya ng mga dahilan sa pagpunta. May ilang nais magbigay ng regalo at galing sa puso ang pagpunta. May mga sabik na um-attend para sumipsip at upang makapagsara ng business deal. Mayroong mga kun-todo porma para lumapit at kuning sponsor sa kani-kanilang mga celebration at business ang mayamang lola. Meron namang mga nais lang din talagang mapasama sa litrato at masaksihan kung gaano nga ba kabonggang mag-celebrate ng birthday ang isang milyonaryang kagaya ni Beth Ancheta.  Marami ang masaya at nagdiriwang pwera sa mismong birthday celebrant na hindi naman talaga natutuwa sa magagarbong celebration, ngunit mapilit ang kaniyang anak at mga apo kaya naman hindi na siya umangal pa. Para kasi kay Beth at maging nang buhay pa ang nasirang asawa, kadalasan ay sa bahay-ampunan o hindi kaya naman ay kasama ng charity nila niya ipinagdiriwang ang birthday.  Para kay Beth, mas gusto niyang makita ang tunay na ngiti sa mga taong natulungan niya, kaysa sa mga taong alam niyang may iba't-ibang nais kaya todo ang pagkakangiti.  "Pupunta kaya si Janet, Danica?" buryong niyang tanong sa nurse matapos makipagpalitan ng pekeng ngiti sa isang mag-asawang bagong dating at tinanggap ang regalo ng mga ito bago ipinalagay sa mesa.  Mag-asawang pinagdiinan ang apelyido, isang paraan upang magpabango at sa totoo lamang ay pagod na si Beth sa mga ganoon kaya ang anak niyang si Michael ang pinamahala niya sa iba nilang business katulad ng publishing company at ANC Mall. At kay Warren naman ang eskwelahan, ngunit pinagsisisihan na ito ni Beth at nais bawiin sa apo ang eskwelahan bago ito masira.  "Naibigay ko na po sa kaniya ang binili nating dress na susuotin niya, Ma'am. Ngayon... ang sagot po sa tanong ninyo ay siya na lang ang nakakaalam." "Bata ka. Isa ka pang noon pa man ay ayaw akong tawaging lola." naiiling na turan ni Beth sa nurse na tinuring na rin niyang apo sa ilang taong pagsisilbi nito sa kaniya. Pagkuwan ay bumuntong-hininga. "Anuman ang maging desisyon niya ay igagalang ko."  Tumawa lamang si Danica at muli ay tumanggap ng regalo mula sa isang taong bagong dating.  "Goode evening, Madam. Still beautiful as always." mabulaklak ang bibig na bati ng bagong dating na si Luis, ang isa sa kaniyang mga pamangkin na gusto niya ang ugali.  Sa pagkakataong ito ay isang tunay na ngiti ang pinakawalan ni Beth at tinanggap ang yakap ng pamangkin.  "Luis, what a surprise. I thought you're in London?" "As if I'd miss your birthday, tita." agad na tugon ni Luis bago siya hinalikan sa pisngi. "I love you, tita. Happy birthday and I will you good health and for you to still witness the day I get tied to a woman." Bahagyang napairap si Beth bago tinapik ang braso ng pamangkin. "Kung aabutan ko man iyan ay baka one hundred years old na ako, Luis." "Oh, come on, tita. You have so little trust in me. How about Warren? May naging apo na ba kayo sa pagiging babaero na iyon?" biro ni Luis sabay halakhak.  "Wala pa ring girlfriend at wala pa yatang balak na mag-asawa kagaya mo. Naku, mga bata talaga kayo. Mas inuuna ang kapritsuhan at maghanap ng sakit kaysa maghanap ng matinong babaeng magpapabago sa inyo." naiiling niyang wika.  "Oh, then who is that woman he's with?" Mula kay Luis ay sinundan niya ang tinitignan nito at nakita nga si Warren na may babaeng kasama at nakaangkla pa.  "Whoops. Enjoy your day, tita. I'll be around."  Muli siyang hinalikan sa noo ni Luis bago  tinapik sa balikat si Warren at umalis na. Hindi naman matanggal-tanggal ni Beth ang tingin sa apo at sa babaeng kasama nito.  "Lola. Bakit parang imbes na nadagdagan ka ng isang taon ay nabawasan pa?" pang-uuto ng panganay na apo bago inabot ang lola at hinalikan sa pisngi. "Happy birthday, lola. I'm really sorry for the things said before. I understand you did it because you want to teach me a lesson." Ang tinuturing ni Warren ay ang naging sagutan nila nang kwestyunin niya ang pag-freeze ni Beth sa mga account nito. Hindi sumagot noon si Beth at iniwan ang apo na nanggagalaiti.  "It's good that you're aware." kaswal na sagot ni Beth at napadako ang tingin sa babae na makikita mong may sabik sa mga mata at ngiti sa mga labi.  Pero alam na alam na ni Beth ang kahulugan ng mga ganoong ngiti. Iyong tipo ng ngiti na ibibigay lamang sa'yo dahil may pera ka. Dahil kilala ka, ngunit kung wala ka na ay hindi na nila magagawa pang gawin sa'yo.  "Who is she?" "Oh, la. This is my..." Natigil ang pagpapakilala ni Warren nang mula sa kung saan ay narinig ang tunog ng mga nabasag na baso. Nang tignan nila ito ay nakita si Janet na humihingi ng pasensya sa waitress na nabunggo. Ang suot nitong pink dress na si Beth mismo ang bumili ay may mantsa na ng wine.  "Pasensya na. Pasensya na talaga, Miss." Hindi magkamayaw na paghingi ng tawad ni Janet sa nabunggo.  Ang totoo kasi niyan ay may babaeng bumunggo sa kaniya kaya naman nabunggo niya ang waitress, ngunit ayaw naman niyang mambintang lalo at saling-pusa lang siya sa lugar na ito. Pagpasok pa lamang niya kanina ay halos lumubog na siya nang ang iba ay hindi itinago man lamang ang pagtawa nang makita siya.  Ang dress kasing suot niya ay hanggang tuhod lamang niya kaya naman kita ang mga pata niya, at maging ang dala niyang mga palo-palo ay nakikita rin ng lahat.  "The heck? What is that overweight woman doing here?"  "Ako ang nag-imbita sa kaniya." masayang sagot ni Beth sa apo bago tumayo para lapitan si Janet.  Labis ang saya ni Beth dahil ang pagpunta ni Janet ay ang kasagutan at ang pagpayag nito sa kaniyang alok.  "Hindi mo na kailangang paulit-ulit humingi ng tawad dahil aksidente naman ito, Janet. Tara, welcome to my party, hija." pagsalubong niya kay Janet.  Sa paligid ay marami naman ang natulala at nagulat. May ilang nagselos at nainggit sa paraan ng pagsalubong nito sa matabang bagong dating, samantalang sa kanila ay hindi man lamang tumayo ang nakatatandang Ancheta.  Dinala ni Beth sa may gitna si Janet at nais namang matunaw ng huli.  "Everyone, thank you so much for coming to my party. I appreciate you all for coming here to greet me. Pero nais kong sabihin sa lahat na hindi lamang ang kaarawan ko ang mangyayari ngayong gabi." Natigilan ang lahat at natitilan. Walang nais na magsalita at ang iba ay halos hindi makahinga sa paghihintay.  "Because tonight, I am announcing the engagement of my grandson, Warren Ancheta, and this lovely woman right here, Janet Silvano."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD