Labis mang nagtaka sa natanggap na paanyaya ay hindi nagawang tumanggi ni Janet dahil una, ang boss niya lang naman ang nag-imbita sa kaniya. Pangalawa, malaki ang naitulong sa kaniya ni Ma'am Beth at naging mabuti ang pakikitungo sa kaniya nito.
Matapos nga ang shift nila ay naghihintay na sa kaniya sa labas ang magarang sasakyan, at hindi nakaligtas sa kaniya ang mapanuring tingin ng mga kasamahan. Bahagya na lamang napakamot si Janet dahil may panibagong tsismis na naman ang ipapanganak bukas pagpasok niya.
"Salamat po." pasasalamat niya kay Manong Eddie nang pagbuksan siya nito ng pinto at nagingiming sumakay sa likurang bahagi ng sasakyan.
Agad na inilibot ni Janet ang mga mata sa kabuoan ng kotse at napakagat-labi. Nais niyang manliit dahil kailanman ay hindi pa siya nakasakay sa ganito kagarang sasakyan. Nakakasakay lamang siya ng pamasadang sasakyan. Pakiramdam tuloy ni Janet ay madudumihan niya ang napakalinis at napakabangong sasakyan ng kaniyang pawisang katawan.
Pasimpleng inamoy ni Janet ang sarili at nagpasalamat na wala naman siyang hindi kaaya-ayang amoy. Mataba at pawisin mang maituturing ngunit maalaga at malinis siya sa katawan.
Nang magsimulang umandar ang sasakyan ay hindi naiwasang kumabog ng dibdib ni Janet. Ano kaya ang kailangan sa kaniya ni Ma'am Beth? Hindi ba nga at nagantimpalaan na siya nito? Labis-labis na kung siya'y tatapak pa sa mansyon nito at makikisalo pa sa pagkainan.
"Huwag kang masiyadong kabahan, ineng. Napakabuting tao ni Ma'am Beth."
Sa narinig ay napangiti si Janet. "Hindi ko pa man ho siya lubos na kilala ay alam ko hong mabuti siyang tao." magalang niyang sagot habang nilalaro ang strap ng kaniyang bag dahil sa kaba. Maya-maya pa ay hindi na niya napigilan pang magtanong. "Uhm, Manong, may... may iba ho bang kasama si Ma'am sa bahay?"
Noong una ay sa likuran ng nakatatandang driver lamang nakatingin si Janet, ngunit nang makita niyang nakatingin ito sa may salamin sa taas ay doon na rin siya tumingin.
"Ang buong pamilya niya, Ineng. Mula sa kaniyang nag-iisang anak, ang girlfriend nito, at ang kaniyang tatlong apo. Bakit mo natanong, hija?"
Napalunok si Janet sa narinig. Kahit na papaano ay panatag ang kalooban niya kay Ma'am Beth dahil sa kabutihang pinakita nito, ngunit paano ang pamilya nito? Gayun din kaya ang magiging turing ng mga ito sa isang kagaya niya?
"W-Wala naman po." pag-iwas ni Janet sa tanong at tumingin sa labas.
Bibilisan na lamang niya ang pagkain at tatanggi na sa dessert. Oo, tama. Hindi naman niya kailangang magtagal doon, hindi ba? Ang importante ay mapagbigyan niya ang butihing CEO. Iiwas na lamang siya sa kwentuhan upang hindi na siya magtagal pa roon.
"Narito na tayo, Miss Janet."
Dahil sa lalim nang iniisip ay hindi na namalayan pa ni Janet na tumigil na pala ang sasakyan, at nang pagbuksan siya ng pinto ni Manong Eddie ay halos lumuwa na ang mga mata niya at malaglag ang panga sa sahig. Dahil sa kaniyang harapan lang naman ay may isang mansion na makikita mo lamang sa mga magazine o movie. Iyon bang tipo ng bahay na papangarapin mo na lamang sa ganda. Iyon bang bahay na halos kasing-laki na ng palasyo.
Nakangangang bumaba si Janet mula sa sasakyan at inilibot ang mga mata sa paligid. Sa kaniyang likuran ay may malaking fountain na kamukha ng mga nadadaanan niya lamang sa mga hotel. Sa paligid ng fountain ay may iba't-ibang disenyo at hindi lamang mga anghel na umaawit. Ang daan patungo sa gate ay malawak at talaga namang masasabi mong inalagaan ang mga d**o at puno na iba't-iba pa ang hugis. Paanong hindi niya nakita ang mga ito kanina pagpasok nila?
Muli ay tumingala si Janet sa mansion na kulay cream at puti. Halos hindi mabilang ang mga bintana at halos maduling na si Janet sa pagsukat kung gaano ito kalaki. Para bang kasing-laki na ito ng pinagtatrabahuhan niyang Mall!
"Gosh. Who is that, yaya?"
Napasarang bigla ang bibig ni Janet sa narinig na boses at bumaling sa kanan upang makita ang isang babae na sa hinuha niya ay hindi hihigit sa beinte-anyos. Sa magandang mukha ng dalaga ay makikita ang mga matang puno ng panunuri, pang-iinsulto at panghuhusga habang tinitignan siya mula ulo hanggang paa. Na animo ba'y para siyang ipis na ino-obserbahan nito.
"Bisita ho siya ng lola ninyo, Senyorita Mildred."
Sa narinig na tugon ni Manong Eddie ay lalong nalukot ang mukha ng babaeng nagngangalang Mildred. "Ew. Since when did she invite people from her charities? O baka naman bagong katulong? Oh, how silly. Paano naman makakagalaw ang overweight na kagaya niya?" sunod-sunod na pangma-mata ni Mildred sa kaniyang pagkatao bago umismid at pumasok na sa loob kasunod ang yaya nito.
Narinig ni Janet na napabuntong-hininga si Manong Eddie. "Pagpasensyahan mo na at nag-iisang prinsesa kasi dito, pero gayunpaman ay hindi ito sapat na dahilan para sa kaniyang ugali." sabi nito bago isinara ang pinto ng kotse at bahagya siyang nginitian. "Pasensya na kung nakalimutan kong banggitin na si Madam Beth lamang ang katangi-tanging tao ang mabuti sa pamilyang ito." may kahulugan at may lamang sambit nito bago sumakay muli sa sasakyan at pinaandar ito.
Gusto mang umatras ay nilakasan ni Janet ang sarili at sinundan ang isang kasambahay na sumalubong sa kaniya. Kung sa labas ay halos malaglag na ang panga ni Janet, sa loob ay halos hindi na niya maisara ang bibig at halos maduling na ang mga mata sa bilis nang paglibot ng mga ito sa paligid. Napakaganda, engrande, sosyal at linis sa loob ng mansion. Hindi na mabilang ni Janet kung ilang sala na ang nadaanan niya at ilang naglalakihang mga chandelier na halos masilaw ka na sa linawag ng ilaw.
Kahit pa napakalawak ng mansion ay natagpuan ni Janet ang sarili na tila naglalakad sa milyon-milyong mga karayom. Labis ang pag-iingat niya dahil sa takot na baka may masanggi siyang kagamitan na sigurado siyang kahit na buong taon siyang magbanat ng buto ay hindi mababayaran.
At ilang sandali pa ay may ibang emosyong naramdaman naman si Janet sa kaibuturan ng kaniyang puso at ito ay inggit at lungkot. Dahil ganito ang buhay na inaasam niyang maiparanas sa kaniyang ina. Ganito ang buhay na pinapangarap niyang makamtan nila, ngunit alam naman niyang imposible.
Nang padaan sa hagdan ay isang nakabibinging pares ng mga takong na pababa ang narinig ni Janet, at ilang sandali pa ay bumaba na ang isang babaeng sa hinuha niya ay mas bata lamang ng ilang taon sa kaniyang ina. Tumaas ang kilay nito nang makita siya.
"Sino ka? Bagong katulong ba?" paanas nitong tanong sa kasambahay na kasama ni Janet.
May panghuhusga sa mga matang tinignan ni Julie ang matabang babae sa kaniyang harapan. Mula sa sapatos nitong tila puputok na at may putik-putik pa pataas sa slacks na suot nito na gusto niyang pagtawanan dahil nagmukha itong balot na sushi. Mababa ang tingin ni Julie sa mga matataba dahil para sa kaniya ay tamad ang mga ito. Walang ibang gawin kung hindi kumain nang kumain kaya naman lumolobo.
"Bisita po siya ni Madam, Ma'am." tila nahihintatakutang sagot ng kasambahay at halos umabot ang mga kilay ni Julie sa kisame.
Napatawa siya nang pagak bago naglakad na patungo sa kusina. "Bisita o bwisita? Huwag mong sabihing makakasama namin sa hapag ang balyenang iyan?"
Pilit mang sinasanay ni Janet ang sarili sa mga pangungutya ay hindi pa rin niya naiwasang masaktan sa insulto ng babae. Bakit naman hindi gayung tao pa rin naman siya? Malaki man siya ay mamon naman ang puso niya.
Nangingiming lumingon kay Janet ang kasambahay ay tumango bago muli silang naglakad papasok. Hindi na niya matantiya kung gaano na sila katagal naglalakad para lamang makarating sa kusina. Kung bahay nila ito ay pagpasok mo pa lamang ay makikita at abot-kamay mo na ang kusina.
Hanggang sa pumasok sila sa isang arko na siyang kinaroroonan pala ng hapag at napatigil sa paglalakad si Janet nang makita ang napakahabang mesa na may nakakalulang mga pagkain. Tila ba isang piyesta ang mangyayari at may benteng tao ang kakain!
Pero ilang tao lang ang nabanggit ni Manong Eddie, hindi ba? Tanong ni Janet sa kaniyang sarili habang nakatulala sa mga pagkain.
"Madam, narito na po si Miss Janet."
Napakurap-kurap si Janet at noon lamang napansin si Ma'am Beth na nakaupo sa gitnang dulo ng mesa at kasalukuyang nakangiti sa kaniya.
"Magandang gabi po, M-Ma'am." naiilang at nahihiyang pagbati ni Janet at bahagyang yumukod.
"Magandang gabi rin naman. Tara dito at saluhan mo kami sa hapunan."
Sa sinabi ni Beth ay isang protesta ang narinig niya mula kay Julie at tinapunan niya ito ng tingin.
"Are you seriously? Mama, bakit mo pasasabayin ang isang outsider sa atin? At isang balyena pa! Aba, baka wala na tayong makain niyan!"
Sunod ay isang dramatikong buntong-hininga ang narinig ni Beth mula sa pinakabatang apo na si Mildred. Ang bunsong anak ni Michael kay Julie.
"Lola, this isn't you. Did you not even think about us? Kung okay ba sa amin na may kasabay na... ibang tao? Ugh. And I thought this was a great night."
"Stop whining, Mildred. Mind your words when you're talking to your lola." sa unang pagkakataon ay pagsasalita ng isang lalaki na nakaupo sa kabilang dulo at may striktong emosyon sa mukha.
At ito na marahil ang nag-iisang anak ni Ma'am Beth na si Michael Ancheta. Hinuha ni Janet nang makita ang pagkakahawig sa mag-ina.
Sa paglibot ng kaniyang mga mata ay hindi sinasadyang makatitigan ang isang lalaki na tingin niya ay halos kaedad lang niya. Hindi katulad ng mag-ina, walang makikitang pangmamata, panghuhusga at pagtawa sa mga mata nito. Bagkus ay bahagya pang nasorpresa si Janet nang bahagya siya nitong ngitian.
Agad na nag-iwas si Janet ng tingin at bahagyang nag-init ang mukha. Napakadalang na pagkakataon nga namang may lalaking ngumiti o tumingin lamang sa kaniya. Dahil sa edad na beinte-siyete ay hindi pa rin nagkaroon ng nobyo si Janet at... isang blushing virgin.
"Stop it. Mahiya nga kayo sa bisita natin. Mukhang mas may pinag-aralan pa siya sa inyong dalawa---well pwera sa'yo Julie." maawtoridad na sabi ni Beth ar nakatanggap siya ng tingin mula sa hilaw na manugang ng tinging nanunumbat at nagdaramdam. "Janet hija, pagpasensyahan mo na ang pamilya ko at maupo sa tabi ko."
Sa paggiya ng kasambahay ay maingat na naupo na nga si Janet sa upuang halos kasing-laki na niya.
"Janet, I would like you to meet my family. Si Michael, ang nag-iisa kong anak, ang girlfriend niyang si Julie, ang mga anak nilang sina Henry at Mildred." pakilala ni Beth sa pamilya habang isa-isang itinuturo sa bisitang mukhang anumang oras ay gusto nang umalis. "May isa pa akong apo at siya ang pinakamatanda pero maya-maya lang ay makikilala mo siya."
Ramdam ni Janet ang iba't-ibang klase nang pagtingin sa kaniya, ngunit hindi nangahas na ilibot ang mga mata bagkus ay nabatiling nakatingin kay Beth.
"Maraming salamat po sa pag-imbita niyo sa akin, Ma'am. Nakakahiya naman po na ang isang kagaya ko ay tumapak sa inyong mansion. Ma'am, sobrang na-appreciate ko na po ang tulong ninyo. Parang... sobra-sobra na po. Hindi naman po kasi ako nabibilang sa pamilya ninyo at ayaw kong mailang ang iba dahil sa akin." mahinang sambit ni Janet para ang nakatatanda lamang ang makarinig.
Halos hiwa-hiwalay kasi ang mga upuan kahit pa napakalaki ng mesa, ngunit ang upuan niya ay ilang dangkal lang ang layo mula sa CEO ng ANC mall.
Imbes na sumagot kaagad ay isang malungkot at makahulugang ngiti ang pinakawalan ni Beth.
Hindi ka naiiba dahil malapit ka nang maging parte ng aking pamilya, apo. Malapit nang magbago ang buhay mo. Janet, ikaw na lamang ang pag-asa ko. Para kang isang gantimpala mula sa langit para sa mga nalalabing oras ko.
S halip ay iba ang lumabas sa bibig ni Beth. "Ano ang sabi ko? Hindi ba't lola ang itawag mo sa akin?"
Ilang sandali pa ay may baritonong boses na narinig si Janet. "I'm sorry I'm late."
Pasimple siyang lumingon para makita ang bagong dating at nanlaki ang mga mata nang makilala ang lalaking ninais na daganan dahil sa pagiging arogante.
Siya?! Siya ang panganay na apo ni Ma'am Beth?!