Chapter IV

1647 Words
Dahil may nalalabing kalahating minuto pa naman ay gumawa pa si Janet at hindi sinasadyang marinig ang pinag-uusapan ng kasamahang dumaan.  "Pabibo masiyado. Hindi naman mapili-pili." parinig nito sa kaniya at itinikom ni Janet ang bibig bago ipinagpatuloy ang ginagawa.  "Oo nga." pagsang-ayon ng isa at nagtawanan ang mga ito.  Napabuntong-hininga si Janet at ilang sandali pa ay dumating si Paulina. "Uuwi ka na ba agad, bes? Ayaw mo bang sumilip? Kahit silip lang?" pangungunit ni Paulina.  "Kailangan ko na rin kasing umuwi para makauwi na si tiyang." "Kahit sandali lang, silip ka lang? Ilang beses ka na kasing hindi um-attend mula nang bago pa lang tayo rito." Oo, kasi nakita ko kung gaano ka-unfair ang awarding na iyon. Sagot ni Janet sa isipan.  "Sige na nga. Sandali lang, ha?" pagpayag niya sa kakulitan ng kaibigan.  Nang matapos ang shift nila ay sumabay si Janet kay Paulina sa pagpunta sa likuran kung saan natitipon ang mga empleyado. Sa harap ay nagsasalita ang kanilang manager at matamang nakikinig ang lahat. May ilang tinapunan siya ng nakakalokong tingin at may iba namang hindi siya pinansin.  Ilang sandali pa ay nagsimula na ang mga itong magbigay ng award at doon na naisipang magpaalam ni Janet, ngunit bago pa niya maibuka ang bibig ay may isang pamilyar na ginang ang kaniyang nakitang lumapit sa kanilang manager.  Si lola na tinulungan niya kanina! Bakit ito naroon?  "Madam, what a pleasant surprise." bati ni Wilson, ang supervisor sa Grocery at binati lamang ito ni Beth sa pamamagitan ng pagtaas-baba ng kamay.  "I was in the area and I decided to visit. Bago ka magpatuloy, maaari ba akong magkaroon ng kaunting oras para magsalita?" awtorisadong turan ni Beth at humarap sa mga empleyado.  Maririnig ang malakas na paglunok ni Wilson at bahagyang namawis. Sino ba namang hindi kakabahan gayung katabi niya at kasama lang naman nila ang CEO ng lahat ng ANC Mall? Ang nag-iisang si Beth Ancheta. Gayunpaman ay nilakasan nito ang loob at tumikhim bago mabilis na tumango at ngumiti.  "Certainly, Madam. Everyone, ang iba marahil sa inyo ay hindi nakikilala ang kagalang-galang na taong nakikita ninyo sa inyong harapan ngayon. I would like to introduce to you the founder and owner of this Mall, Madam Beth Ancheta." magiliw na pagpapakilala ng lalaki sa lahat bago gumilid para tumayo sa gitna si Beth.  Iba't-ibang reaksyon ang namutawi sa mga mukha ng mga tao roon. May mga nagulat, may mga nagningning ang mga mata at may ilan na talagang tuwang-tuwa dahil nakilala ang taong nagpapasahod sa kanilang lahat. Kabilang sa mga nagulat ay si Janet dahil talaga namang hindi niya inasahan ang nangyari.  Ang matandang babaeng tinulungan niya ay ang nagmamay-ari ng Mall na kaniyang pinagtatrabahuhan? Hala! "Hello, everyone. Ngayong gabi, habang ako'y nasa inyong harapan ay huwag ninyo akong ituring na parang artista o sinumang inyong tinitingala. Ako'y simpleng matandang babae na kadalasan ay kailangang alalayan sa paglalakad." panimula ni Beth habang inililibot ang mga mata hanggang sa matagpuan ng mga mata niya si Janet sa may bandang likuran. "Isang babaeng nangailangan ng tulong, ngunit binalewala ng ilan. Isang matandang babaeng tinulungan at inalalayan ng isa sa inyo." Namutawi ang bulong-bulungan sa paligid at nanigas si Janet sa kinatatayuan nang mapako sa kaniya ang atensyon ng naturang ginang.  "Janet, hija? Halika rito at samahan mo ako." Mabilis na natuon sa kaniya ang pansin ng mga tao at bahagyang nanliit si Janet dahil sa paraan ng pagtingin ng iba sa kaniya. Napalunok siya at bahagyang napaatras, ngunit may mga kamay na bahagyang nagtulak sa kaniya pasulong.  "Girl, tinatawag ka ni Madam! Ano pa ang hinihintay mo, bes? This is your time to shine! Sabi ko na at magbubunga rin ang kabaitan at kasipagan mo. Baka ito na iyon, Janet. Huwag mo nang palagpasin pa." masayang pag-uudyok sa kaniya ni Paulina at walang nagawa si Janet kung hindi maglakad nga palapit sa CEO.  Ngunit ngayon ay may ilang na sa kaniya na tumayo man lamang sa tabi nito ngayong kilala na niya kung sino ito.  "Hello, Janet." bati sa kaniya ni Beth Ancheta nang makalapit siya at bahagyang napayuko si Janet dahil ngayon ay nakatuon ang atensyon ng lahat sa kaniya.  "H-Hello po, Ma'am." nauutal niyang bati at narinig na natawa si Beth.  "Call me lola, anak." Sa mga sandlaing iyon, bukod sa hiya at ilang ay nangibabaw kay Janet ang paghanga sa matandang babaeng katabi. Napakayaman nito kung tutuusin. Ito ang nagpapasahod sa kanila. Ito ang may-ari ng isa sa mga kilalang Mall sa Pilipinas, ngunit heto at kinakausap siya na para bang magkapantay sila.  "This night, just for this month. I would like to make an exemption." muling pagsasalita ni Beth sa lahat bago tumango kay Danica na siyang may hawak ng sobre at iniabot ito kay Beth. "Ngayong gabi ay nais kong personal na magbigay ng award at reward na rin sa isang matulungin, masipag at mabait na empleyado ng ating Mall. Janet, hija, alam kong wala kang hinihiling na kapalit, ngunit ngayong gabi ay nais kitang itanghal bilang 'The Employee with a Golden Heart' award. Tanggapin mo sana ito bilang pasasalamat ko."  Kinuha ni Beth ang kamay ni Janet at inilagay roon ang sobre. Doon natuon ang pansin ni Janet at hindi kaagad na nakapagsalita o nakakilos. Kasabay nito ay ang ilang palakpak na halata mong napilitan lamang.  Ilang sandaling tinignan ni Janet ang sobre at iniwasang maging emosyonal. "S-Salamat po, Ma'am. Medyo kakapalan ko na po ang mukha ko at tatanggapin ito dahil kailangan ko po talaga ito." bahagyang gumaralgal ang kaniyang boses kasabay ng pagsinghot.  Nakangiting tinapik ni Beth ang kamay ni Janet bago ito binitawan. "I gave it to you as a gift and as a token of gratitude. Maraming salamat at sana ay marami ka pang matulungan, hija. Mabuti kang bata. Deserve mo ito." Marahang tumango si Beth kay Wilson at kumaway sa iba bago siya inalalayan ni Danica palakad. Walang nagawa si Janet kung hindi sundan ng tingin ang butihing ginang na may kislap ng mga luhang kaniyang pinipigilan sa mga mata.  Buong buhay niya ay wala pa siyang nakausap o nakilalang tao na kilala na at may masasabi na sa buhay. Buong buhay niya ay pulos insulto, pangmamata at panliliit ang natatanggap niya sa ibang tao. Kadalasan ay pagtataray ang natatanggap sa mga taong may makakapal na wallet at taas-noo kang titignan.  Ngunit ngayon, matapos ang ilang taong pagiging tila inbisibol sa ibang tao ay may nakapansin na sa kaniya. Matapos ang ilang taon ay nabiyayaan din ang pagsusumikap niya.  "Salamat po. Maraming salamat po." emosyonal na pahabol ni Janet sa CEO ng Mall bago yumukod at mahigpit ang hawak sa sobre na bumalik sa tabi ni Danica.  Tulala at tila naglalakad sa alapaap si Janet na sinalubong ng kaibigan. Bahagya siyang nagulat nang niyakap siya ni Paulina at maririnig pa ang paghikbi nito.  "Congrats, bes! Huhu. Sobrang deserve mo 'to. Buti na lang talaga napilit kita." sumisinghot at umiiyak nitong turan bago humiwalay at pinunasan ang mukha. "Ano sila ngayon sa'yo?" malakas na parinig ni Paulina sa iba na hindi na niya pinansin pa.  "Ano ka ba?" marahang suway ni Janet na bahagya nang nahimasmasan.  Maya-maya ay napangisi si Paulina sa kaniya sabay taas-baba ng mga kilay. "Baka naman maambunan ako kahit kaunti?" Nagtatawanang napagkasunduan ng dalawa na mauna na habang ang awarding ay nagpatuloy.  "PUSTAHAN TAYO at sinadya niya iyon. Siguradong kilala na niya ang CEO kaya hindi na niya pinalagpas ang pagkakataon." Hindi sigurado ni Janet kung pang-ilang pagpaparinig na ba itong naririnig niya mula nang magsimula ang araw niya. Kabi-kabila ang natatanggap niyang tingin at pagpaparinig.  Pero as usual ay hindi na lang ito pinapansin ni Janet. Masaya siya at may natanggap siyang malaking gantimpala at blessing. Pagkauwi kahapon ay halos matumba siya nang mabilang ang perang laman ng sobre. Tumataginting lang naman itong twenty-thousand pesos! Dalwampung libong piso para sa simpleng pagtulong lamang niya. Sa sobrang tuwa niya noon ay binahagian niya ang tiyang Nenita niya ng dalwang libo bilang pasasalamat na rin. Pagkatapos ay bumili ng chicken joy para sa kanilang mag-ina para sa hapunan. At ang mga natira ay idinagdag sa iniipong pera para sa muling pagpapagamut sa kaniyang ina. Nagbayad din siya ng renta nila para sa buwang iyon.  "Agree. Noon pa man talaga ay hindi na maganda ang vibe ko sa babaeng iyan, eh. Masiyadong mataas ang tingin sa sarili eh ang taba-taba naman." "Sino ba naman ang maniniwala na coincidence ang nangyari? Coincidence na tinulungan niya ang may-ari sa araw mismo ng awarding? Naku, naku. Smells piggy, este fishy." Natigil ang pagchi-chismis ng dalawa nang may pumalatak. "Eh, ano kaya ang masasabi ng CEO sa mga chismosang kagaya ninyo na imbes na nagtatrabaho dahil pinapasahod, ay walang ginawa kung hindi manira at magdaldalan?"  Napatigil sa pagsasalansan ng chocolate si Janet nang marinig ang boses ni Paulina at nilingon ang kaibigan para makitang nakahalukipkip pa ito. Kung tutuusin ay mas maliit sa kaniya ang kaibigan, ngunit mas matapang naman ito kung tutuusin.  Ang tatlong nag-uusap ay umismid kay Paulina bago naglakad palayo tulak-tulak o dala-dala ang mga gamit. Nagkatinginan ang magkaibigan at maya-maya ay nagkatawanan. Nang magtanghalian ay masayang inaya ni Janet si Paulina na kumain sa sikat na fast food para roon kumain at magalak namang pumayag ang huli.  Nang babalik na sana sa trabaho ay may sumalubong sa dalawa na isang may katandaang lalaki na nakasuot ng barong na kulay asul. Iyong klase ng barong ba madalas mong makikita sa mga telenovela na uniporma ng mga driver.  "Janet Silvano?" banggit nito sa kaniyang pangalan kaya naman natigilan siya.  "Ako nga ho. Sino ho sila?" magalang na tanong ni Janet kahit pa nagtataka kung ano ang kailangan nito sa kaniya.  Bahagyang ngumiti ang nakatatandang lalaki. "Ako si Eddie, ang driver ni Madam Beth at iniimbitahan ka niyang maghapunan sa mansion." Napamulagat sa narinig si Janet dahil sa narinig at tila tinakasan ng kaluluwa.  "Ho?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD