"Nadala na sa m-morgue ang dalawang bangkay ng bata, Roxy. Gusto kang makausap ng mga pulis."
Napalunok ako nang muli kong tingnan si Sister Mel. Gusto kong umiyak pero hindi ko magawa, ni hindi rin ako makapagsalita sobra dahil parang pinipiga ang puso ko sa sobrang sakit. Pinigil ko ang nakaambang luha ko para mapanatili kong matatag ang sarili ko at buo ang loob na dahan-dahang tumayo para sumama kay Sister at harapin ang katanungan nila sa'kin.
"Roxy, g-grabe na itong nangyayari pero b-bakit? Napakahigpit ng seguridad natin d-dito sa loob pero may nakapasok."
Napatingin ako nang malungkot kay Sister Mel at wala akong maapuhap na salita para patatagin din ang loob nito dahil malaki ang kasalanan ko. Patawarin ako ng Diyos pero hindi ko ito ginusto. Nahahati ang puso ko para kay Mihael at sa mga kawawang bata na naging biktima nito. Ano ang gagawin ko? Gusto kong umiyak pero pinigil ko ang sarili ko. Kailangan kong mag-isip nang tama para masolusyunan ko ang gusot na ito.
Namanhid ang pakiramdam ko matapos akong makabigay ng salaysay sa kapulisan. "Iyon po ang nangyari, pagkatapos ng duty ko, wala naman akong napansin na kakaiba." Binundol nang sobrang kaba ang dibdib ko pero pinatili kong taas ang noo ko at sinalubong ang nagtatanong na mata ng isang imbestigador. "Pinalitan na ako ni Sister nang matapos ko ang oras ng duty then dumeretso na po ako sa kwarto para matulog."
"Wala kaming nakita na kakaiba sa mga recorded na CCTV pero—sa hallway, may isang CCTV na sira at sigurado kaming kagagawan ito ng salarin. Hindi namin ma-retrieve dahil encrypted na or posibleng totally deleted na pero may tutulong sa'min kung kaya pang ayusin. Matalino ang g-gumawa nito dahil na-access niya." Napatango lang ang pulis sa harap ko nang sabihin niya ito. "Iyon lang naman, iha, kung may maalala kang kakaiba ng gabing iyon, let us know, ok?"
Yumuko ako nang makita ko si Father at ilang mga madre na nakamasid sa'min. Nag-excuse ako at tinalunton ang daan pabalik sa kwarto ko. Ang mga paa ko, para itong nawalan ng lakas habang binabaybay ko ang pasilyo. Tumaas-baba ang dibdib ko sa pigil kong pag-iyak.
"D-Diyos ko, p-patawarin mo'ko," mahinang usal ko na may kasamang panginginig ng katawan ko. Nakakapanlumo! "B-bigyan mo'ko ng lakas."
Sa kalagitnaan ng pag-akyat ko sa hagdan, bigla na'kong napaiyak. Napaupo na lang ako at humagulhol nang malakas. Sa isip ko, paulit-ulit akong humingi ng tawad sa taas sa hindi ko pagsasabi ng totoo. Biktima lang din si Mihael ng mga aswang. Alam ko sa sarili ko iyon at kailangan kong gumawa ng paraan para mailigtas ko siya. Kung kinakailangan kong bumalik sa probinsyang pinanggalingan namin, gagawin ko dahil kahit aswang ako, hindi ko rin alam kung papa'no ito pagagalingin. Tao man ito, wala itong pinagkaiba sa kauri ko dahil—lumakas lalo ang iyak ko, dahil kumakain na ito ng tao.
"Roxy—" tawag ng pari sa'kin pero nanlulupaypay ako at napayukyok lang lalo sa gilid ng hagdan. "Anak," saad ni Father. "Lahat tayo may pinagdadaanan, kailangan nating maging matapang. Bumalik ka na sa kwarto mo at mag-iikot na kaming lahat para masigurong wala nang makakapasok pa na hindi natin kilala. Kailangan nating mag-ingat."
Napayakap ako bigla kay Father at tinuloy na lang ang pag-iyak ko sa balikat nito. "I-I'm sorry, Father," punong-puno ng pagsisisi ang boses ko kaya mas lumakas lang lalo ang iyak ko. "P-patawarin mo'ko kasi kahit ako, w-wala akong n-nagawa para iligtas ang m-mga bata."
Naramdaman ko ang paghagod ni Father sa likod ko ilang sandali pa. Humigpit ang yakap ko sa kanya. Sinisigaw ng isip ko ang paghingi ng tawad sa kanya. Maling-mali ako pero aayusin ko ang lahat.
"Father, pupunta po muna ako kay Mihael. G-gusto ko siyang damayan dahil namatayan din siya." Napasinok ako nang sunod-sunod nang maisip ko ito. "Kailangang-kailangan niya ko, F-Father." Kailangan ako ng lalaki para bumalik ito sa normal. Kailangan ko nang putulin ang anupang pwedeng gawin nitong pamamaslang kung sakaling makaramdam na naman ito ng gutom—kagaya ng gutom na nararamdaman ng mga aswang kapag natatakam sila sa laman at dugo ng tao.
"Hindi ko na nakikita ang batang iyon," malungkot na saad ng pari. "Kung hindi lang sana ganito ang nagaganap, disin sana'y makadalaw din kami sa kanila. Hindi ko alam kung bakit pati ang CCTV sa harap ng kumbento ay sira na rin pati ang ilan sa loob. Kung s-sino man ang may gawa nito, sana'y mahuli na. Halika't ihahatid na kita sa k-kwarto mo, iha. May duty ka pa mamaya—pero kung pupuntahan mo si Mihael, mas maiging sa umaga ka pumunta, 'wag sa gabi. Delikado."
Naramdaman ko ang paghila sa'kin ni Father patayo kaya tumayo na lang ako. Nang makapasok na'ko sa kwarto ko matapos akong nitong hinatid, hinawakan ko siya sa kamay. "Aalis ako ngayon, Father. Kay Mihael muna ako pansamantala. Ligtas do'n sigurado. Tatawag-tawag n-na lang po ako para ma-check kayo."
Napatango lang ang pari sa'kin. "Kung 'yan ang gusto mo, iha, ayos lang basta magpasama ka sa mga pulis. Sila na ang bahalang maghatid sa'yo kay Mihael para sa kaligtasan mo. Aalis muna ako at daanan mo na lang ako sa quarters ko bago ka umalis. Marami akong ihahabilin sa'yo."
Nang tuluyang makalabas si Father, mabilis akong nag-empake ng gamit ko. Sinubukan kong tawagan si Mihael pero out of coverage ito. Ano kaya ang nangyari sa kanya? Nakauwi ba ito nang buhay? Hindi pa rin maampat-ampat ang pag-iyak ko. Ayokong panghinaan ng loob. Nasa akin ang makapangyarihang bato na pamana ni Nanay kaya alam kong malakas ang laban ko sa mga halimaw. Nang makaligo, agad akong lumabas at pinuntahan si Father sa opisina nito. Nakatalungko lang si Father sa mesa nito at malayo ang tanaw nito. Ni hindi niya 'ko napansin nang pumasok na'ko sa loob.
"Father—"
Wari'y nagulat pa si Father nang makita ako sa harap niya. Nginitian ko siya pero sa loob ko, hinihiwa nang sobrang sakit ang puso ko. Pinapangako kong matatapos ang lahat ng ito kahit pa buhay ko ang kapalit, gagawin ko ang lahat. Kung tama ang sinabi ni Nanay na nakasalalay sa kamay ko ang kaligtasan ko pati na ang lahat sa pamamagitan ng batong itim, kahit ipinanganak akong halimaw, alam kong magtatagumpay ako sa adhikain ko.
"Iha, come." Isang tela na kulay pula ang nilabas ng pari at inilapag ito sa mesa nito. "Gamitin mo ito para maproteksyunan mo ang sarili mo laban sa mga halimaw kung sakaling maengkwentro mo sila."
Nang buksan ito ni Father, tumambad sa paningin ko ang antigong patalim. Hindi ito kalakihan at kasinlaki lamang ito ng folding knife. Kuminang pa ito nang matamaan ng ilaw sa loob. Walang bintana sa opisina ni Father kaya nakabukas ang mga ilaw karamihan kapag kulob. Umupo ako sa katapat na upuan ni Father at tinitigan ang hawak nito.
"Nabasbasan ko na ito. Isa itong antigo na display lamang pero sa pagkakataong ito, alam kong kakailanganin mo ito, iha. Walang makakatulong sa'yo kundi ang sarili mo. Tawagan mo'ko kapag pabalik ka na para alerto kami bago ka namin mapagbuksan ng gate."
Naikwento rin ni Father ang muling pagpapaayos ng ilang parte ng kumbento para sa kaligtasan ng lahat. Mas lalong hinigpitan at inayos ang posibleng daanan ng mga tao. Dinagdagan din nila ang mga camera sa loob at muling inayos ang set-up.
"Salamat po, Father." Hawak ko na ang binigay nito at mabilis itong pinasok sa dala kong bag. May ilang gamit akong dinala dahil hindi ko alam kung hanggang kailan ako sa bahay ni Mihael. "Tatawag din po ako para updated kayo sa'kin at—" Napahinga ako nang malalim. "B-balitaan niyo po ako kung ano na ang resulta sa imbestigasyon ng dalawang bata na namatay."
Napayuko ako pagkatapos sabihin ito. Hindi ko makayanang salubungin ang tingin ni Father dahil sa usig ng kunsensya ko. Pinatatag ko na lamang ang sarili ko dahil alam kong lahat kami ay biktima rito.
"Mag-ingat ka, iha at lagi kang tumawag sa'min. Ikumusta mo na lamang kami kay Mihael. Ang madreng incharge rito, pumunta ka sa kanya para maipagpaalam ka sa pulis na nag-iimbestiga sa labas. Sila na ang bahalang maghatid sa'yo sa pupuntahan mo. Iha—"
Tumango lang ako, tumayo at dahan-dahan nang tumalikod sa kanya pero napahinto ako nang nasa pinto na ako. "Mag-iingat ako, Father, para sa inyo. Malaking misyon itong gagawin ko."
"Isama mo ang Panginoon sa lahat ng adhikain mo, papatnubayan ka niya—at 'wag kang makakalimot, na kahit ano pang pagsubok ang pinagdadaanan natin, may hangganan din ito. Mananaig ang kabutihan laban sa kasamaan."
Napatingin ako kay Father sa pagkakataong ito, namalisbis na ang luha ko sa pisngi ko ilang sandali pa. "Hinding-hindi a-ako makakalimot sa makapangyarihang Diyos na lumikha sa'kin. K-kasama ko s-siya sa labang ito. Ipagdasal niyo 'ko, Father, n-na mapagtagumpayan ko ang l-lahat."
Hindi man alam ng pari ang tinutukoy ko, napatango na lang ito. Nagmamadali akong lumabas at sinunod ang bilin ni Father na magpasama sa pulis. Ilang sandali pa, nasa tapat na'ko ng mala-mansyong bahay nila Mihael.
"S-sasamahan ka namin sa loob, iha," prisinta ng isang pulis at akmang lalabas na ito ng police car pero mabilis akong umiling. "Sigurado ka?" nanantiyang tanong nito.
"Oho, naitawag ko na ito kay Mihael." Hindi ko makontak ang lalaki sa totoo lang pero hindi ako natatakot kung anuman ang datnan ko sa loob. "S-salamat po, sir. Tatawag na lang po ako kay Father. Ma-ingat po kayo."
Napatango na lang ang dalawang pulis nang tingnan ang bahay na nasa harap ng mga ito. "Kung mangangailangan kayo ng tulong, nandyan ang numero namin sa'yo. Marami pa kaming gagawin. Ingat, iha."
Tanaw ko ang papalayong police car at nang maglaho na ito nang tuluyan, sa bahay naman nila ako Mihael napatingin. Kinabog ang dibdib ko dahil walang kaming kontak pagkatapos ng insidenteng iyon ng—ayoko nang alalahanin pa. Nasasaktan ako sobra!
Napakatahimik!
Ibang-iba ito noon nang wala pang pananalakay ng mga aswang. Agad na sasalubong ang katulong kapag may bisita pero ngayon, ni isang tao, walang lumabas. Labis akong nagtaka.
"Mihael," sigaw ko nang pumasok na'ko sa malaking gate nila. "Nandito na'ko, best. Nasa'n ka?"
Nang mapatapat ako sa malaking pinto nila, kinabahan na'ko dahil nakaawang ito. Bukas ang pinto ng lalaki! Naitulak ko ito nang malakas at tumakbo na papasok sa loob.
"Mihael?"
Nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa'kin. Ni isang tao, wala akong makita. Magulo ang gamit at mukhang hindi na ito nalilinisan ng ilang buwan. Ano ang nangyayari rito? Malakas na kalabog ang narinig ko na nanggagaling sa taas. Nadako ang mata ko sa hagdan. Nasa 2nd floor ang ingay na naririnig ko. Sa laki ng bahay ng mga ito, hindi ako sigurado kung sa'n banda ito pero mukhang nando'n nanggagaling ang ingay. Nasa 2nd floor din ang kwarto ni Mihael kaya siya muna ang pupuntahan ko para masiguro kong ayos lang siya.
"M-Mihael?" hiyaw ko at agad tinakbo ang hagdan paakyat. "Nandito na'ko, best. Nasa'n ka b-ba? B-bakit walang tao rito?"
Isang kalabog na naman ang narinig ko kaya napatigil ako nang nasa second floor na'ko na palapag. Napatingin ako sa gawi patungo sa kwarto ni Mihael. Doon nanggagaling ang ingay na naririnig ko.