Chapter 7

1961 Words
HINDI maintindihan ni Joross ang sarili kung bakit tila hindi siya mapakali. Ramdam din niyang may kakaibang magaganap nang hindi niya batid. Dahil doon ay napagpasyahan niyang puntahan si Delaney sa apartment nito upang bisitahin. Hindi siya nakatulog nang maayos kagabi dahil sa kaiisip dito. Kumatok agad siya sa pinto. Nang walang nagbukas ay tinawag niya ang pangalan nito. "Delaney? Pakibukas naman, oh. Si Kuya Joross mo 'to," aniya at kumatok ulit. "Oh, Joross!" Bigla naman siyang tinawag ng tinig-babaeng nagsalita mga tatlong metro ang layo sa kaniyang kaliwa kaya napatingin siya rito. Si Aling Roda ito. Kilala siya nito dahil madalas naman sila nitong nakikita ni Delaney na magkasama. Sa pagkakaalam nito ay magpinsan pa rin sila ni Delaney. "Aling Roda, kayo pala. Magandang araw ho," bati niya sa matanda. "Magandang araw din," ganti nito. "Walang tao riyan, hijo," dagdag pa nito. "Ah, gano'n po ba? Alam n'yo po ba kung saan nagpunta si Delaney?" tanong niya. "Pasensya na, hijo, pero hindi ko alam, eh. Pero nakita ko siyang lumabas kanina. Sa tingin ko nga, babyahe 'yon, eh. May dala kasing bagahe. " Awtomatikong namilog ang mga mata ni Joross pagkarinig sa huling sinabi ni Aling Roda. Bumilis din ang tahip ng kaniyang dibdib at sa sandaling iyon ay may kutob na siya na tama ang hinala niya. "Mga anong oras po siya nakaalis?" Tila napaisip pa ang matanda bago ito sumagot. "Hindi ako sigurado, hijo, pero sa tantiya ko'y mga dalawampung minuto na siguro." "Sige ho. Maraming salamat, Aling Roda," saad niya rito. Ngumiti lang ito. Dagli namang naglakad paalis si Joross. Tumunog ang cellphone niya kaya kagyat niyang dinukot ito sa kaniyang bulsa. Bumungad ang pangalan ni Danica sa screen kaya sinagot niya ito agad. "Hello—" "Fafa J! It's me, ang napakagandang best friend ng napakagandang si Delaney! I'm calling you because may sasabihin akong super importante. I saw you papunta sa apartment ni Delaney kaya tinawag kita but you didn't hear me." "Ano 'yong sasabihin mo? Si Delaney, alam mo ba kung nasa'n siya?" usisa niya rito. "Kaya nga tinawag kita, eh. Malapit na 'ko sa apartment—Aray naman!" sambit nito na naputol ang sinasabi. Nagkabungguan silang dalawa nang sabay silang lumiko ng daan at saktong nagkasalubong. "Oh, ikaw pala 'yan, Danica. Sorry," sabi ni Joross nang makilala niya ito. Pinutol na rin niya ang tawag. Tumingala naman sa kaniya si Danica. "Grabe ka, Fafa J! Akala ko pader 'yong nabunggo ko, dibdib mo pala. Ang tigas!" sambit nito sabay tapik sa dibdib niya. Hindi na lang iyon pinansin ni Joross dahil ang nasa isip niya ay si Delaney. "Nasa'n si Delaney?" tanong niya at sabay na silang naglakad pababa ng hagdan. "Fafa J, lilipad na si Delaney today. Nagkaroon kasi siya ng pakpak," pagtatapat nito. "What?!" bulalas niya. "Oo, Fafa J," tumango-tangong sabi nito. "S-sandali. Ba't hindi niya sinabi sa 'kin na aalis siya at ngayon pa talaga? Lalayuan na ba talaga niya 'ko? Saan daw siya pupunta?" dagdag na mga tanong niya. "She didn't tell you because ayaw mo kasi siyang lumayo, eh. Baka pigilan mo siya. Totohanin niya talaga 'yong sinabi ng mama mo, Fafa J. At saka, na-assign din pala siya sa Puerto Princesa kaya nakapag-decide na siya." "Ang layo naman!" sambit niya. At sa nalamang iyon, sumikip ang kaniyang dibdib. Paano kaya niya kakayanin kung hindi na niya makikita ang mahal niya? "Kaya nga, eh. Nag-text siya sa 'kin kanina na huwag ko na raw siya ihatid dahil baka hindi matuloy ang pag-alis niya. Nagdadalawang-isip nga rin ako kung sasabihin ko sa 'yo, eh. Sabi niya kasi sa 'kin, huwag ko raw ipaalam sa 'yo ang pag-alis niya. Pero naawa kasi ako sa 'yo, Fafa J, kaya sinabi ko na lang sa 'yo. Kailangan na nating magmadali para maabutan pa natin siya. Para makapagpaalam kayo sa isa't isa." "Thank you, Danica. Buti na lang sinabi mo sa 'kin." Nakababa na sila at patungo sila sa motorsiklong ginamit niya papunta rito. "Sakay ka na sa 'kin," aniya rito. "Ha?" naguguluhang tanong nito. Nakarating naman na sila sa kung saan naka-park ang kaniyang ginamit na motorsiklo. Saka lang ito naintindihan ni Danica. "Ah, gets ko na, Fafa J. Akala ko sa 'yo ako sasakay," biro nito at hinampas siya sa braso. Napailing na lang siya rito. Inabot niya kay Danica ang isang helmet at sinuot nila ang mga ito. Buti na lang dalawang helmet ang nadala niya. Pagkuwan ay agad namang sumakay si Danica. "Okay na?" Hindi pa man nakasagot si Danica ay nagpatuloy siya. "Hawak nang mabuti." Humawak naman si Danica sa magkabilang gilid ng damit niya. "Okay na, Fafa J. Go na!" sambit nito at pinaandar na niya. "Delaney! Here we go!" sigaw nitong todo kapit sa kaniya dahil sa bilis ng pagpatakbo niya. "SIR, nandito na tayo sa labas ng airport," anunsyo ng driver niyang si Benny. "Thank you." Bumaba na si Aljur sa kotse pagkatapos. "Please tell Miss Bethy about what I told you awhile ago," paalala niya rito. "Sige, Sir. Ingat sa byahe," nakangiting turan ni Benny. Tumango lang siya rito. Naramdaman naman niya ang pag-vibrate ng kaniyang cellphone na hawak niya kaya agad niya itong tinignan. Kita niya sa screen kung sino ito dahil nag-save na siya ng mga numero nitong nakaraan kaya sinagot na niya ito. "Yes?" aniya. "Kuya, si Rica 'to. Anong oras daw ang flight mo? Anong oras ka raw darating sabi ni Lolo?" anang nasa kabilang linya. "I'll be there in three hours. I'm not really sure." "Eh? Ba't ang tagal, Kuya?" "Mahigit isang oras 'yong flight but I will just meet my old friends as soon as I arrive there. After that, diretso na 'ko riyan," sabi niya. "Ah, okay. I'll tell Lolo. Dala ka pagkain, Kuya, ah?" Humagikhik ito. "Yeah, sure. I'll hung up now. Nasa airport na 'ko." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay nagpasalamat ang pinsan niyang babae na kaedad lang ni Madel. Binaba na rin niya ang tawag at lumingon saglit sa likuran upang tingnan kung nakaalis na ba si Benny. Ngunit ibang tanawin ang nahagip ng mga mata niya. Natuon ang kaniyang tingin sa isang babaeng nakasuot ng komportableng puting shirt na pinatungan ng light blue cardigan at tinernohan ng faded blue jeans. May dala itong bagahe at nakayuko itong naglalakad papunta sa direksyon niya at tila may malalim itong iniisip. Nang mag-angat ito ng ulo at mapatingin ito sa kaniyang gawi ay agad siyang napaiwas ng tingin. Nagpatuloy na lamang siyang maglakad. Hindi na niya nakita pa ang mukha ng babae. "DELANEY!" Malapit nang makapasok si Delaney sa aiport nang makarinig siya ng mga boses na tinatawag ang pangalan niya mula sa likuran. "Delaney, sandali!" sigaw ulit ng mga ito. Napahinto siya nang makita sina Joross at Danica na kumaripas ng takbo patungo sa kaniya. Siya ay labis na nagulat dahil hindi niya inasahang makita ang dalawa. Nagmadali siyang maglakad habang nagsimula nang tumulo ang kaniyang mga luha. Naabutan naman siya ng mga ito. Hinawakan siya agad ni Joross sa kamay niya. "Delaney, sandali!" sambit ni Joross. Humahangos ito kagaya ni Danica na napahawak ngayon sa dibdib. "Grabe ka, Delz! Ang bilis mo. Buti na lang naabutan ka pa namin," ani Danica. Bago pa man siya makaimik ay niyakap siya ni Joross. "Delaney, don't leave me. Please, nakikiusap ako." Naririnig niya ang mabilis na pagtibok ng puso nito dahil nasa bandang dibdib nito ang kaniyang kanang mukha. "Ba't kayo sumunod?" wika niya. "Danz, ba't mo naman sinabi kay Kuya na aalis na 'ko?" "Sorry, Delz. Naawa kasi ako sa kay Fafa J, eh. Hindi kasi kayo nakapagpaalam sa isa't isa," sagot nito. Yumakap na rin siya sa lalaki. "Sorry, Kuya. Alam ko kasi na mahirap sa 'yo, eh, kaya 'di ko sinabi. Pero still, I won't change my mind. Buo na ang desisyon ko," sabi niya. Nang humiwalay sila sa isa't isa, humawak ito sa magkabilang balikat niya. "Huwag mong sundin si Mama." Umiling siya. "No, Kuya. Ayoko ang kasuklaman ako ni Tita Divina. Isa pa, sa malayo rin naman ako magtatrabaho, eh. Kaya mabuti na rin 'to. Hindi ko kayo magugulo," malungkot niyang sabi. Mukhang naramdaman naman ni Danica na may dapat na pag-usapan sina Delaney at Joross kaya dumistansiya muna ito. "Doon lang ako, ha? I think kailangan n'yo talaga ang mag-usap." Hindi na ito naghintay na makasagot sila at lumakad na ito. "Please, Kuya Joross, hayaan mo na 'ko. Malaki naman na ako. Kaya ko na ang sarili ko," ani Delaney. Nangingilid naman ang mga luha sa mga ni Joross. "Paano naman ako? For all those years na magkasama tayo, ikaw lang ang naging happiness ko." Hinampas ni Delaney sa braso si Joross sabay sabing, "Happiness ka riyan." Sinamaan niya ito ng tingin. "Delaney, hindi ako nagbibiro. I'm telling the truth. And I won't let you go. Tara na. Uuwi na tayo. Babayaran ko na lang ang ticket mo." Hinawakan siya nito sa kamay at akmang hahawakan din nito ang kaniyang bagahe nang pumiglas siya. "I'm sorry, Kuya, but you can't stop me." "Bakit ang dali lang sa 'yo para gawin 'to, Delaney?" galit nitong sabi dahilan para magulat siya. Matagal na rin nang huli niyang nakitang nagkaganito si Joross na parang labis na nasasaktan. At ang ikinakurot pa ng puso niya ay ang makitang umiiyak ito. "Dahil ba hindi tayo totoong magkamag-anak, ang dali lang sa 'yo ang iwan ako? Si Mama at si Papa lang naman ang kailangan mong layuan, hindi ako. I never told you na layuan ako... at hindi ko gagawin 'yon dahil... dahil hindi ko kaya ang magkalayo tayo." "K-kuya..." Walang patid na rin ang pagtulo ng mga luha niya. "Puwede naman sa ibang lugar sa Maynila, Delaney, para magkikita pa rin tayo. Bakit sa malayo pa? And with regards sa trabaho, I can help you pero ayaw mo namang tulungan kita." "Dahil gusto kong matutong tumayo sa sarili kong mga paa at hindi umasa sa inyo, sa 'yo, Kuya. And do you think madali sa 'kin ang gawin 'to?" "Kaya nga huwag mo nang ituloy, eh." Umiling siya. "Ah, basta! Hindi mo ako mapipigilan. End of discussion." Hinawakan niya ang bagahe at mabilis na tumalikod pero hinilang muli ni Joross ang isa niyang kamay at hinalikan siya nito sa mga labi na ikinagulantang niya. Nang matauhan ay tinulak niya ito. "Ano ba, Kuya? Why did you do that?" "D-delaney... huwag mo naman akong iwan. Nasasaktan ako. M-mahal kita..." garalgal ang boses na pagtatapat nito. Sa napakahabang panahon na itinago nito ang nararamdaman nito para sa kaniya ay ngayon lang nito nasabi kung kailan magkakalayo na sila. "Mahal na mahal kita, Delaney..." muling pag-amin nito habang nakayukong umiiyak at pinupusan ang sariling mga luha. Nakaawang ang bibig at tila may bikig sa lalamunan si Delaney at hindi makapagsalita sa biglaang pag-amin ng damdamin ng lalaking nasa harap niya. Saka lang siya nabalik sa ulirat nang dumating si Danica. "Oh, ayos na ba kayo? Tapos na kayong mag-usap? Ba't umiiyak na kayo? Fafa J, okay ka lang?" pukaw nito. Tumingin si Delaney sa kaibigan. "Danz, salamat sa lahat, ha." Niyakap niya ito saglit. "Ikaw na ang bahala kay Kuya Joross, ha." Tumango ito. "Oo, Delz. Ingat ka lagi. Mami-miss ka namin... sobra." Umiyak na rin ito. "Oh, siya! I need to go na." Sumulyap siya kay Joross na ngayo'y nakatingin na rin sa kaniya. Nakikiusap ang mga mata nito. Niyakap niya rin ito saglit. "Thank you, Kuya. Huwag ka nang umiyak d'yan." Tumawa siya nang pilit. "Mami-miss kita. Ingat ka rin lagi." At sa bawat hakbang niya palayo sa dalawa ay bumibigat ang kaniyang dibdib. Sinikap niyang hindi lumingon upang hindi masaktan lalo. Ito na ang kaniyang pasya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD