Chapter 16

2189 Words
“Sa’n ka galing?”   Paglabas ko ng kwarto, iyon kaagad ang tanong na bumungad sa’kin. Sa lalim at seryoso ng pagkakatanong nito, noong una ay akala ko si Papa. Medyo nakahinga ako nang maluwag nang makita ko si Kuya na ngayon ay nakasandal lang sa lababo at kumakain ng ice cream sa hawak nitong cup.   Tuloy-tuloy akong naglakad sa kusina. Patay-malisya ako na parang hindi narinig ang tanong niya dahil ayaw ko iyon sagutin.   For what? Para sabihin o ibalita kay Papa? Sa dinami-dami ng naranasan kong paninira niya, hindi na ako magugulat pa kung sakali mang gagawin niya ulit iyon. Siya ang rason kung bakit nadiskubre ako ni Papa sa kung sino ba talaga ako. Kung hindi dahil sa kagagawan niya upang isumbong ako noon, nasisiguro kong mas maayos pa ang sitwasyon ko ngayon.   Tiningnan ko ang lababo para alamin kung may mga natitira pang hugasin. Nang makitang wala naman ay akma na akong babalik sa kwarto. Ngunit sa halip na magawa iyon, isang salita ni Kuya ang nagpatigil sa’kin. Labag man sa kalooban, napilitan akong huminto at lumingon sa kaniya sa gilid.   “Kahlil huh?” Ibinaba niya ang hawak na cup sa high-seated chair saka humalukipkip.   Kumunot ang noo ko.   “Nakita ko kayo kanina,” dagdag niya. “Saan kayo pumun—”   “Saan mo kami nakita?”   Parang tambol bigla sa bilis ang puso ko. Kinakabahan na kaagad ako dahil nababanaag ko na kung ano ang nasa isip niya.   “Anong ginagawa niyo kanina sa intramuros? Date?”   Naningkit ang mga mata ko. “Hindi kita maintindihan.”   “Bakla ka, Yuri. Unang tingin ko pa lang sa inyo kanina, alam kong may iba na—”   “Date? Ano? Hindi kami nag-date!” pabulong kong sigaw, nag-iingat dahil baka sa lakas ng boses ko ay magising ko si Papa. “Magkaibigan lang kami Kuya. Pwede ba?”   “Siguro may gusto ka ro’n.”   “Kuya…”   Umiling siya at nagkibit-balikat. Halatang iritado nang humarap sa kaliwa at naglakad papasok sa kaniyang kwarto.   Naiwan akong tulala, kabado, at wala sa sarili. Paano kung sasabihin niya ito mismo kay Papa? Knowing na hindi man lang ako nagpaalam at nagkataong gabi rin ito, sigurado akong mapapagalitan lang ako.   Isa pa, masyadong matabil ang tabas ng dila niya. Na para bang sa bawat kwento niya tungkol sa akin ay may halong malisya. Unti-unti na akong nasasanay doon pero iba si Papa. Sa halip na balewalain na lang niya dahil minsan walang katuturan, lalo lang siya nadadala dahil dito. Lalong naiinis. Lalong nagagalit.   Iyon ang huling eksena noong gabing iyon dahil nakatulog ako nang hindi man lang bumabangon si Papa. Kinaumagahan ay maagang nagpaalam si Kuya para manood ng liga sa malayong probinsya. May training ngayon sa La Salle kaya kailangan ko na namang sumama kay Papa kahit nakalaan ang araw ng Sabado sa paggawa ko ng school works.   Suot ko ngayon ang green PE shirt ko saka jeans. Pagkatapos kong itali ang lace ng puti kong sapatos ay saka na kami umalis patungong campus. Kotse ko ang ginamit kaya ako na ang nagmaneho. At sa sobrang tahimik ng biyahe namin, nangangamba ako na baka may sasabihin si Papa na hindi ko magugustuhan. Wala kayang sinabi sa kaniya si Kuya bago iyon umalis kanina?   Hindi siya nagsalita. Ni hindi niya rin ako tinanong. Nakarating na lang kami ng campus nang wala man lang siyang sinasabi sa akin. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa kaniyang mood. O baka ayaw niya lang talagang makipag-usap sa akin?   Noon, sa tuwing ganito ang napapansin ko sa kaniya, pangungunahan na agad ako ng takot. Manginginig na ako sa kaba dahil batid kong mabagsik ang susunod na mangyayari. Ngunit habang tumatagal, para bang unti-unti na siyang nasasanay. Hindi nga lang ako sigurado kung magagawa pa ba niya akong tanggapin sa kung sino ba ako bilang anak niya.   Una siyang bumaba nang walang dala. Na-i-park ko naman na ang sasakyan kaya maaari na rin akong sumunod. Bago lumabas, sinukbit ko sa kanang balikat ang backpack kung saan nakalagay iyong mga gamit ni Papa sa coaching. At saktong sa paglabas ko, biglang bumungad sa’kin si Kahlil na ngayon ay preskong tingnan sa suot nitong black muscle tee at mint green jersey shorts. Kitang kita ang pagiging developed ng kaniyang biceps kaya saglit akong napalunok nang palihim.   His face is casual. Simple lang at hindi naman ganoon ka-expressive. May hawak siyang bola sa isang kamay habang ang kabila naman ay kaniyang inangat upang pasadahan ng daliri ang buhok.   “H-hi…” nauutal kong salubong nang hindi pa humahakbang mula nang lumabas sa kotse. Sobra kasi akong nagulat lalo’t hindi ko naman inasahan na siya itong bubungad sa akin pagkalabas ko.   “You don’t have to worry. May tubig nang laman ang jug.”   Para akong binusalan nang malaman ito sa kaniya. Isang hinga nang malalim ang pinakawalan ko saka nag-aalalang sinagot siya.   “Bakit mo ginawa ‘yon? Sana hinayaan mo na ako.”   Umiling siya. “That’s okay. Kaibigan naman kita kaya natural lang na tutulungan kita.”   Magsasalita pa sana ako ngunit tinawag na siya ng ka-teammate niya mula sa main entrance ng court. Tinanguan lamang niya ito saka muling ibinalik ang tuon sa akin.   “Tara na?”   Wala sa sarili akong humakbang nang magsimula na siyang maglakad. Sumunod lang ako sa kaniya habang sukbit ko sa isang balikat ang bag at diretso lang ang tingin sa kaniyang likod. Kahit sa batok pa lang niya ako nakatingin, mahahalata mo nang gwapo ito kapag haharap. Idagdag pa iyong saktong timpla ng pagkamestiso niya sa kulay ng kaniyang pang-itaas. Parang koreano ang dating niya.   S-hit. Talaga bang palala nang palala itong nararamdaman ko para sa kaniya? Hindi na ba ito huhupa? Kailan ko kaya magagawang palayain ang puso nang manahimik naman ito sa kaniya?   Nakakasakal magkagusto sa kapwa lalaki dahil walang kasiguraduhan ang lahat. Hindi ko malalaman kung tatanggapin ba nito kung sino ako o kung sasaktan lang din ako sa oras na malaman niyang mali ang impresyon niya sa akin. At ang masakit? Nararamdaman kong darating din ang panahon na may liligawan siya at papakitaan ng motibo. Doon pa lang, kailangan ko ng tanggapin na kahit kailan, wala na akong pag-asa sa kaniya.   “Bro. Pakipunasan daw,” utos sa akin ng isang sophomore nang makapasok na kami ni Kahlil. Si Papa ay abala ngayon sa isang gilid kasama ang kaniyang assistant coach habang ang mga player naman ngayon ay pumuwesto sa gitna ng court para sa huddle. Inilapag ko naman sa bakanteng bench ang dalang bag saka kumuha ng gamit sa utility upang magawa iyong ipinag-uutos.   Sa ilang saglit pa, hiningi rin ang tulong ko upang tumulong sa pagsasaayos ng hurdles sa court. Inilabas din ang lahat ng bola na posibleng magagamit at ako ang naka-assign na pupulot nito dahil lahat ay kaniya-kaniya sa mga drills.   Hindi ko naiwasang mamangha na naman kahit nagsasaayos lang ako ng mga bola sa rack at paminsan-minsang nanonood sa kanila. Tila ba sanay na sanay na ang kanilang mga katawan sa bigat ng gawaing ito. Hindi ko nga lang alam kung ano ang eksaktong tawag pero parang walang sa kanila iyong multi-tasking sa pag-drible at paghakbang sa hurdles. Nagmamasid pa lang ay ako na ang napapagod para sa kanila, paano pa kaya kung talagang nararanasan ko na?   Buti na lang ay hindi ito pinagawa sa akin ni Papa noong pinahihirapan niya ako at pilit na tinuturuan dito. Sobrang bigat kasi ng disiplina na kailangang taglayin para rito. Bukod pa iyon sa tamang kondisyon ng katawan na ine-rerequire ng Physical Therapist.   Minsan, nagtatama ang mga mata namin ni Kahlil. Ngingiti lang siya kapag natanto iyon samantalang ako ay parang natatae na hindi malaman. Na-o-overwhelm pa rin kasi ako sa mga nangyayari. Pilit ko mang sanayin ang sarili kahit simple lang ang ngiti niyang iyon, Kahlil Guello will always have an impossible impact.   Tatlong oras ang sunod-sunod na lumipas nang walang pahinga ang mga players. Every ten minutes ang water break kaya unti-unti ring nauubos iyong tubig sa jug na sinalinan na raw kanina ni Kahlil. Mula sa maikling break, nang magpatuloy muli sa drills ang mga players ay tinawag ako ng isa sa mga coaching staffs at inutusang i-refill na muli ang water jug. Saglit pa akong lumingon kay Kahlil bago iyon gawin saka lumabas nang hindi man lang niya ako napapansin.   Medyo makulimlim ang paligid nang lumabas ako ng court. Pasado alas diyes na rin ng umaga ngunit medyo maalinsangan ang init. Tahimik kong sinuyod ang daan hanggang sa makarating na ako sa water station na mismong binabantayan ni Mack. Walang pila kaya agad naman akong na-accommodate.   “Ikaw pala. Kumusta? Akala ko wala ka,” ani Mack pagkaabot na pagkaabot ko ng jug. Napakunot-noo ako sa kaniyang sinabi.   “Huh? Bakit mo nasabing wala ako?”   “Nakausap ko kanina si Guello. Ang sabi, wala ka raw sa training nila ngayon.”   Hindi muna ako nakapagsalita nang marinig iyon. Mariin kong inisip kung bakit naman iyon sasabihin ni Kahlil sa kaniya gayong wala naman akong hinabilin. Saka hindi na ako nawawala sa training nila. Ano man ang gawin ko, isasama at isasama ako ni Papa.   Tumalikod na sa akin si Mack upang i-refill na niya mismo ang jug. Tanging tunog ng mga sasakyan na lang sa kalsada ang namumutawi sa pagitan namin at hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa sinabi niya. O baka sadyang hindi lang talaga alam ni Kahlil na magpapakita ako sa training nila ngayon? Tama. Baka ‘yon nga.   Akma na sana akong magsasalita nang biglang may sinabi si Mack na aking ikinagulat. Humarap siya nang bitbit ang napunong jug at ipinatong ito sa gilid ng hambang nakaharang sa amin.   “Masungit pala ‘yon,” puna niya. “Seryosong seryoso. Parang galit sa mundo.”   “Si Kahlil ba? H-hindi ah. Baka lang wala sa mood.”   He shrugged his shoulders. “Dunno. Idol ko pa naman ‘yon. Nagulat lang ako sa inasta niya.”   “Bakit, ano pang ginawa niya?”   “Wala naman. Nagsungit lang. Lalo pa yata siyang nagsungit n’ong itanong kita sa kaniya.”   What the h-ell? Sa totoo lang ay ayaw kong mag-isip ng kung ano-ano. Ayaw ko pang tumalon sa isang kongklusyon lalo’t hindi ko pa rin naman naririnig ang side ng isa. Pero kung iyong pagtanong niya tungkol sa akin ang lalong nagpa-trigger sa kasungitan ng isang iyon, ano ang posibleng dahilan nito?   “Wala lang siguro sa mood ‘yon. Hayaan mo na.”   “Geh. Next time, sana ikaw na ang magre-fill niyan dito,” tugon niya.   Pagkaabot ko ng bayad sa kaniya, saka na ako umalis nang walang sinasabi. Dahil hindi man niya sabihin sa akin nang diretso, batid kong iritado na siya kay Kahlil.   Is it right to ask Kahlil about this? O hayaan na lang silang dalawa na ganoon ang impresyon sa isa’t isa? Pero kung may kakayahan naman akong pag-ayusin ang dalawa dahil sa koneksyon ko sa kanila, bakit hindi ko iyon gamitin?   Nang makabalik na ako sa court, saktong nagpapahinga na ang mga players. Kaniya-kaniya sila ng inom nang ilapag ko sa player’s bench ang jug habang ako naman ay abala na sa paghahanap ngayon kay Kahlil.   Napukaw na lang bigla ang atensyon ko nang makita siyang naka-indian seat lang sa ibaba ng basketball ring, nakayuko sa hawak na cellphone, at mukhang busy sa ka-chat. Kung sakali man, sino kaya iyong ka-chat niyang ‘yon?   “Hinahanap ka niya kanina.”   Napaharap ako bigla sa kanan ko. Muntik pa akong mapatalon sa gulat. Bwisit na Benjamin.   “Hinahanap? Ng team captain niyo?” tanong ko.   “Oo. Ewan ko ba diyan, gustong gusto na yata mag-waterboy. Dapat daw siya na lang ang inutusan, hindi ikaw.”   Saglit na umawang ang bibig ko ngunit kaagad ko ring isinara.   “May sinabi pa siya?” kuryosong tanong ko pa.   Sinimot niya muna ang tubig sa tumbler saka ako sinagot.   “Wala naman. Nahalata lang namin na nawala siya bigla sa sarili niya. Panay na sablay niya sa drills e.”   S-hit. Dahil sa sinabi niya, naramdaman ko bigla na para bang may kakaiba. This is unusual. Parang may mali.   Nagpatuloy pa siya sa kaniyang sinasabi. “Hayaan na natin. Baka palusot niya lang ‘yon sa training. Gusto ata lumabas at gumala saglit kaya siguro gusto niyang siya mag-refill.” Natawa siya. Ngumiwi naman ako. “Sa ngayon, huwag na muna natin ‘yang lapitan. Mainit pa ulo niyan.”   Mula kay Benjamin, inilipat ko ang tingin kay Kahlil. Sa pagkakataong ito’y nakaramdam ako ng bahagyang takot. Lalo na nang ituon ko ang tingin ko sa mga mata niya at nakita kung gaano iyon kaseryoso habang nakatingin sa akin.   Napakagat-labi ako dahil sa lalo pang pamumuo ng kaba sa aking sistema. May kung ano pang sinasabi si Benjamin sa aking gilid ngunit hindi ko na iyon nauunawaan dahil sa mga titig ni Kahlil.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD