Hindi ako makahinga nang maayos. Pabalik-balik ang tingin ko sa kisame at sa cellphone, partikular na sa text message sa akin ni Kahlil. Unti-unti na rin yata akong nawawala sa sarili nang dahil dito. Bakit kasi kailangan pang tumawag kung pwede namang idaan na lang sa text message?
Napakagat-labi ako habang tumatagal ang titig ko sa mensahe. Huminga muna ako nang malalim bago nagtipa ng isasagot.
Ako: Sige.
Sunod akong nagdalawang-isip kung ise-send ko na ba ito. The fact na pagod ako dahil sa ginawang proposal sa coffee shop, walang kasiguraduhan kung magagawa ko ba siyang kausapin nang naaayon sa nais ko. I want to talk like a real man, tipong tigasin at walang mahahalata sa boses. Nagagawa ko naman iyon lalo na kung nasa campus ako pero kapansin-pansin kasi ang panlalambot ko kapag si Kahlil na ang usapan.
Anong gagawin ko kung sakali mang may mahalata siya? Makagagawa kaya ako ng lusot? Makakaya ko kaya?
Sa isang iglap, mabilis kong pinindot ang send button. Bahala na.
Abot-abot ang alburuto ng puso ko, mula sa segundong ipinadala ko ang reply ko hanggang sa dumating agad ang reply niya. Lalo akong ginapangan ng kaba dahil sa bilis nito. Ni hindi pa nga yata umaabot ng isang minuto eh.
Unregistered number: Okay.
Marahan akong pumikit. Sa pagdilat, para akong naubusan ng hangin dahil nakita kong tumatawag na siya sa kabilang linya. Sa takot ko na maghintay pa siya at mainip ay kaagad ko na itong sinagot. Dahan-dahan kong itinapat ang cellphone sa tenga at taimtim na humiling na sana maging maayos ang daloy ng usapan.
“Hello?” Malalim at baritono ang boses na sumalubong. Mas bumilis ang pintig ng pulso ko nang dahil dito.
God. Boses pa lang ay ang gwapo na. Paano pa kaya kung harap-harapan ko na siyang kausap?
Umayos ka nga Yuri. Ilang beses mo na siyang kaharap nang personal pero para kang tangang nawawala sa sarili!
“H-hi.”
“Kumusta? Bakit ngayon ka lang?”
Naningkit ang mga mata ko sa tanong niyang iyon. Hindi ko alam pero labis-labis na ang kilig ko roon. Kung babae lang ako ay baka ipinagyabang ko ng humahaba lalo ang buhok ko.
“Uh, sorry. Kauuwi ko lang.”
“Where have you been?”
Saglit akong napakagat sa aking labi bago iyon sagutin.
“Sa c-coffee shop. May tinapos lang.”
“Oh. Ginabi ka.”
Hindi sa sinasabi kong assuming ako pero dapat bang itinatanong niya pa ito? Dapat bang umaabot siya sa punto na bawat detalye ng lakad ko ay aalamin niya? Wala akong alam kung ito ba ang ibig niyang sabihin sa pagkakaibigan na nais niya. Kasi kung ako ang tatanungin, higit pa ang galaw na ito sa pagiging isang kaibigan.
Come on. Huwag na magplastikan.
“Oo, ang dami kasing ginawa. Bukas pa ang pasahan.”
“Natapos mo naman ba?”
“Yupp.” Tumango ako kahit na hindi niya nakikita. “Natapos naman namin.”
“May kasama ka?”
Kumunot naman ngayon ang noo ko. “Meron naman…”
“Sino?”
Nakapagtataka naman. Hanggang saan kaya aabot ang lalim ng mga tanong niya sa’kin? O baka sadyang ako lang itong nag-iisip ng kung ano-ano?
Mahina akong nagmura. Baka wala lang ito sa kaniya.
“Si Jen, leader ko,” tugon ko.
“Kayo lang?”
“Oo…”
Sa loob ng ilang mga segundo ay wala na akong narinig. Hindi ko alam kung dapat ko ba iyong ikabahala o ipagtaka. Baka kasi may ginagawa siya sa kinalulugaran niya at sadyang sinabay lang itong pagtawag sa akin.
Maya-maya pa’y narinig ko na ang boses niya.
“Kumain ka na? Yuri?”
Ipinatong ko ang palad ko sa aking noo. Makailang ulit akong bumuntong hininga bago tumango at sumagot.
“Kumain na ako sa shop kanina, ikaw?”
“Kakain pa lang.”
“Oh? Anong oras na ah? Malapit na mag-nine.”
“Akala ko kasi makakasama kita ngayon.”
Literal na namilog ang mga mata ko nang marinig iyon. What the f-uck? Kung nilinaw lang niya noong gabing iyon na ngayon pala ang dinner namin, sana ay nakagawa ako ng paraan kanina upang sumulpot sa kung saan man siya naghintay.
Lalo akong nahiya nang maisip iyon. Imagine, pinaghintay ko ang isang Kahlil Guello. Pinaasa ko siya sa wala habang ako ay walang kamuwang-muwang. That was a great chance to know him more pero sinayang ko. Bukod sa hindi na ako haggard dahil wala namang training, masasabing fresh na ako at nasa huwisyo upang makipagkita sa kaniya.
Pinakatitigan ko ang kaharap na bintana. Mas idinikit ko pa ang cellphone sa aking tenga at parang tangang nagsisisi sa wala. Ano man kasi ang isipin ko ay hindi ko na maibabalik pa ang lahat. Kailangan ko na lang bumawi.
“Sorry… hindi kasi ako aware na ngayon pala—”
“No. You don’t have to apologize. Kasalanan ko rin naman. Ayos lang.”
“Bukas, sure na ako. Babawi ako.”
Natahimik siya. At sa gitna ng katahimikang iyon ay pinasadahan ko ng mga daliri ang buhok ko.
“Yeah sure. Bukas.”
Para akong dinala sa paraiso nang marinig iyon. Ang sarap lang kasi sa pakiramdam na may pagkakataon pa rin pala upang mangyari ito. Mabuti na lang dahil mabait siya at maunawain. Kahit papaano, hindi ko na kailangan pang sumuyo lalo’t batid kong sisisihin ko lang nang higit ang sarili ko.
“Sige. Kita na lang tayo sa game bukas. Good night,” pagpapaalam niya. May kung anong lungkot na dumapo sa akin dahil tatapusin na niya ang usapan pero inisip ko na lang na magkikita naman kami bukas. Napangiti ako.
“See you tomorrow too. Good night.”
Pagkababa ng tawag, mula sa pagkaka-indian seat ay para akong tangang humiga sa sahig. Ipinatong ko sa dibdib ko ang cellphone at tumitig sa buwan na makikita sa katapat na bintana. Kahit grabe ang pagod na idinulot sa akin ng araw na ito, sadya namang bumawi ang gabi dahil sa lalaking kinababaliwan ko. Parang hinigop lahat ng antok at ngawit sa katawan ko. Para akong pinunan ng panibagong lakas na sana’y makukuha ko sa pahinga at pagtulog.
Ano kayang mangyayari bukas? Ako kaya ang unang lalapit kay Kahlil o siya ang unang lalapit sa akin? Sa totoo lang ay umaasa ako na ako talaga ang gagawa ng paraan upang mangyari ang lahat ng ito. Pero sa nakikita ko, nang dahil sa pagkakaibigang unti-unti naming binubuo ay tila ba nagkaroon ng dahilan upang mas mapaglapit pa kami at mapagtagpo.
Umaasa lang ako na sana mas magawa kong maitago kung sino ba ako. Sana manatili ako base sa imahe na una niyang napansin para lang mas tumagal pa ang samahang ito. Mahirap man sa parte ko dahil purong pagpapanggap lang ito, batid kong ito lang ang tanging paraan upang tumagal pa ang sayang namumutawi sa puso ko. Dahil para sa akin, sapat na ang tuwang naidudulot ng kaniyang mga ngiti. Makausap ko lang siya kahit minsan sa maghapon, masasabi kong buo na ang araw ko.
Kinaumagahan, kaagad akong bumangon upang maghanda ng almusal. Pasado alas sais ng umaga nang tingnan ko ang orasan at bandang alas siyete ang alis namin ni Papa. Biyernes ngayon kaya walang klase. Sa La Salle kasi, hanggang huwebes lang ang pasok. Ang araw ng biyernes ay inilalaan para sa mga organizations at weekly activites.
Noon, masasabi kong delubyo sa akin ang bawat pagsama ko sa training o tune-up game ng varsity team. Halos araw-araw pa ako noon kung manalangin na sana ay matapos na kaagad ang araw dahil sa malalang pagod na nararanasan ko. Ngayon, nang dahil kay Kahlil, lahat ng iyon ay mukhang hindi ko na mararamdaman. Motibasyon at pagkasabik ang tangi lang na bumabalot sa akin. Wala na rin yatang lugar ang inip sa mga sitwasyong kahaharapin ko. ‘Di ko alam. Ang bilis lang magbago ng lahat.
Nagluto ako ng bacon, hotdogs, at fried rice upang mabilis lang maihain. Naghanda rin ako ng egg sandwich. Saktong paghain ko sa hapag ay saka naman lumabas sa kwarto si Papa. Humihikab pa siya at kinukusot ang mga mata.
“Anong oras ka umuwi?” tanong niya at umupo sa kabisera. Inihanda ko ang mga kubyertos na gagamitin niya at ako na rin mismo ang naglagay ng pagkain gaya ng lagi kong ginagawa. Kabisado ko na rin kasi ang dami ng ilalagay kong kanin at ulam. Hindi man ako pabor dahil nagmumukha akong kasambahay, wala akong magagawa dahil tatay ko siya at malaki ang atraso ko sa kaniya.
“Bandang eight thirty na po.”
Tumango siya at hinawakan na ang kutsara’t tinidor. Pagkatapos kong magsalok ng pagkain para sa kaniya ay umupo naman ako sa bandang kanan ng mesa. Kaunti lamang ang inilagay ko para sa akin dahil parang hindi naman ako tinatamaan ng gana.
“Iyong kuya mo? Anong oras silang natapos kagabi?”
Umiling ako habang nakatingin lang sa pagkain.
“Hindi ko po alam. Nakatulog na rin po kasi ako agad.”
Sa totoo lang ay inaasahan kong pag-iinitan niya ako ng ulo gaya ng araw-araw kong nararanasan sa kaniya. Hindi na rin ako magugulat kung hahanapan niya ng butas ang late na uwi ko hanggang sa umabot na naman sa puntong kukwestyunin niya ang sekswalidad ko. Masakit pero nasanay na kasi ako kalaunan. Katagalan ay masasabi kong namanhid na ako sa lahat ng sakit na idinulot ng pamilyang ito.
Pero bakit ganon? Bakit ngayon ay parang hindi na niya ako sinusungitan? Bakit sa puntong ito ay hindi na niya ako tinatalakan lalo’t pagkukulang para sa kaniya ang late kong pag-uwi kagabi? Baka wala lang siya sa mood upang magalit? Posible kaya iyon?
Tahimik kaming kumain. Tanging tunog lang ng mga sasakyan sa labas ang namumutawi at ang paminsan-minsang katahimikan. Sigurado akong mamaya pang tanghali ang gising ni Kuya. Nakipag-inuman ba naman kasi. Baka nga madaling araw na sila nakatapos.
Pagkatapos kumain, agad na bumalik si Papa sa kwarto niya upang humanda na sa lakad. Ako naman ay nagligpit pa ng pinagkainan at pinag-inuman nila Kuya sa sala. Umabot pa ako ng kahalahating oras bago ito matapos. Tapos nang mag-ayos si Papa habang ako ay maliligo pa lang.
I wore a casual outfit. Iyong sakto lang at kumportale sa pakiramdam dahil batid kong pagpapawisan ako ng sobra. Hindi man ako atleta sa mismong tune-up game na dadaluhan ko, sigurado namang kabi-kabila ang utos na magaganap. Sa tinatagal-tagal kong naging waterboy ng team, para na rin akong nasasanay na ultimo klase ng magiging utos ay malalaman ko na.
Pinakatitigan ko ang sarili sa harap ng salamin. Nang mapansing medyo malaki pa ang eye bag ko at medyo namumutla ang labi ay napakislot ako. Wala akong magagawa sa eye bag pero alam kong magagawan pa ng paraan itong labi. Ang kaso, wala naman akong kahit na ano upang maipahid. Sa takot ko lang na mahuli ako, hindi na ako naglalakas-loob na bumili ng kung ano-ano.
Hindi kaya ma-t-turn off si Kahlil dahil sa itsura ko? Bahala na. Wala naman akong magagawa. Masyado akong napagod kahapon kaya natural lang na magiging ganito ang mukha ko pagkagising.
Suot ang white shirt at black shorts, ibinagay ko sa outfit ang rubber shoes na kulay beige. Dinala ko rin ang shoulder bag ko kung saan nakalagay ang pamalit kong damit para sa magiging dinner namin ni Kahlil mamaya. Mabuti na lang at hindi ko nagawang kalimutan.
Pagkalabas ng kwarto ay sakto ring lumabas sa silid si Papa. Suot suot niya ang official shirt ng La Salle at halata na agad sa kulay ng outfit niya kung anong university ang nire-represent niya. Naka green cap din siya at seryosong nakatitig sa hawak-hawak na cellphone. Saglit niya akong tinapunan ng tingin at dire-diretsong lumabas ng bahay. Sumunod na lang ako at pumasok na rin sa kotse niya.
Kaniya-kaniya kami ng kotse. Lahat kami ay may mga lisensya na kaya option na lang sa akin kung sasakay ako sa kaniya. Pero para makatipid sa gas, kadalasan ay sa kaniya ako sumasabay. Pero kapag alam kong mainit ang kaniyang ulo, iyon ang punto na gagamitin ko na iyong kotse ko dahil sa takot na maibaling iyon sa akin.
He silentely drove the car. Sa passenger’s seat lamang ako nakaupo at nakatitig sa bintana. Wala ibang nasa isip ko kundi ang mga mangyayari mamaya. Lalo na sa dinner. Lalo na sa gabi kung kailan kaming dalawa na lang ni Kahlil ang magkasama.
Pero ang tanong, makakapayag kaya si Papa mamaya kung sakali mang magpapaalam ako? Knowing na hindi ko dala ang kotse ko at nakisakay lang ako sa kaniya, obligadong ipapaalam ko kung saan ako pupunta dahil aasahan niyang sasabay ako sa kaniya pauwi. Anong sasabihin ko? Na may dinner kami ni Kahlil? Sasabihin ko ba talaga kung ano ang totoo?
Alam niya ang lahat sa akin kaya hindi malabong mag-isip siya nang kung ano-ano. Baka dahil dito’y pipigilan niya ako. Baka hindi lang iyon matuloy sa kagustuhan niyang pigilan kung ano ang iisipin niyang namumuo.
But then, I am still hoping that everything will fall into place. Sana lang ay payagan niya kami sa oras na magpaalam akong gabihin. Sana gaya kanina ay hindi na niya ako kukwestyunin.