Chapter 22

2268 Words
Ang ending, walang prof na nagturo sa amin.   Kanina lang din kasi na-announce na may on-site work sila. Iyong iba ay nasa seminar, at ang iba’y nasa meeting. Buong oras ako natahimik habang nakikinig lang ng music, prenteng nakatulala sa bintana at pinagmamasdan lang ang tanawin sa labas.   Hindi ko alam. Sa sobrang sama ng bungad ko sa umagang ito, literal akong nawalan ng gana upang makipag-usap sa kahit na sino. Naiirita ako kapag marinig ko lang iyong mga kagrupo kong demanding at walang ambag. Baka nga mapatulan ko pa ‘yon kapag naputol talaga ang pisi ng pasensya ko. Masyadong mataas ang tingin nila sa sarili. Na para bang akala nila’y kontrolado ng yaman nila ang lahat ng bagay.   Oo, totoo naman ‘yon  ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay makokontrol ng pera ang tao. Humanda lang talaga sila dahil darating din ang oras nila.   “Yow!”   Kahit malakas na ang volume ng tugtog sa earphone ko ay narinig ko pa rin iyon mula sa aking gilid. At dahil bakante naman ang upuan sa harapan ko, may humila doon at umupo.   Si Lexus.   Kunwari ay hindi ko siya napapansin o naririnig. Pinanatili ko lang ang tulala ko sa bintana habang nakapatong ang mga kamay sa arm rest.   “Huy, kunwari pa ‘to, naririnig mo ako eh,” aniya, kumakaway-kaway pa.   Humugot ako ng malalim na hininga saka tumingin sa kaniya. Ano pa ba kasi ang purpose ng pag-iwas ko kung nasa harap ko na talaga siya ngayon at kinukuhang pilit ang atensyon ko? Wala man akong gana makipag-usap sa kahit na sino, mukhang mapipilitan talaga ako sa isang ito.   Ibinaba ko ang suot na earphone saka tumuwid ng pagkakaupo.   “Ano ‘yon? Lexus?”   “Woah! Ano nangyari? Bakit parang wala ka sa mood?”   Kumunot lalo ang noo ko. “Nandito ka ba para itanong ‘yan?”   Ngumuso siya at yumuko. “Sungit naman.”   “Ano nga…”   Muli niyang itinuwid ang tingin sa akin. “Tatanungin ko lang naman kung may balita ka sa try-out.”   “Wala. Wala akong balita. Bakit kasi hindi ka lumapit kay Papa?”   Napakamot siya ng batok. “Nahihiya kasi ako—”   “Sige. Mahiya ka na lang habambuhay para hindi ka maging parte ng team. Ginusto mo ‘yan eh.”   Huli na nang matanto kong masungit pala ang paraan ng pagkakasabi ko nito. Na-guilty na lang ako nang makitang nag-iba ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Mula sa pagiging makulit at inosente ay napalitaan ng dismaya at lungkot. Naglahong parang bula ang nararamdaman ko at nagsisi nang gusto sa tinuran.   S-hit, bakit kasi padalos-dalos, Yuri?   Walang sabi-sabi siyang tumayo at naglakad palabas ng room na ito. May kung ano naman ang tumulak sa akin na tumayo at sumunod sa kaniya. Hindi ko na inalintana pa kung mukha akong tangang tumatakbo at nagmamadali. Ang mahalaga sa akin ngayon ay mahabol siya at humingi ng tawad.   “Lexus,” usal ko habang tinatahak ang daan. Sa ilang hakbang pa, nang maabutan siya ay pumwesto talaga ako sa harap niya.   Mas matangkad siya nang bahagya sa akin kaya tumingala ako nang kaunti. Sunod-sunod akong napalunok nang mapansing may bahid na ng galit ang kaniyang mga mata.   “S-sorry. W-wala lang kasi talaga ako sa mood kaya ko nasabi ‘yon—”   “Padaanin mo ako.”   “Lex…”   “Padaan sabi.”   Akma na sana siyang mag-o-overtake ngunit napilitan na akong higitin ang kaniyang braso. “Sorry na, Lex. Kung gusto mo samahan kita kay Papa ngayon—”   “Huwag na.”   “Lex naman.”   “Ayaw ko na nga ‘di ba? Total ikaw na rin naman ang nagsabi na huwag na akong maglaro, f-uck. Eh ‘di hindi na ako maglalaro!”   Marami-rami rin ang dumadaan sa corridor kung nasaan kami ngayon kaya marami rin ang napapatingin sa amin. Pero bahala na, makaagaw man kami ng eksena rito, wala akong choice kundi i-handle ito.   “Lex… please. Sorry na…”   “Para kang sira. Bakit naman kasi gan’on ang sinabi mo? Alam mo namang gusto ko maging parte ng team, ‘di ba?”   Yumuko. Talaga ngang nasaktan ko siya.   “Nakakapanghina ka,” dagdag pa niya sabay kalas ng kamay kong nakahawak sa braso niya. Pagkatapos nito ay wala na siyang sinabi saka umalis nang walang pag-aatubili. Pero hindi ako nagpatinag. Sumunod pa rin ako kahit parang tanga.   “Huwag mo akong susundan,” matigas niyang sabi habang naglalakad. Ni hindi man lang siya lumingon.   “Hindi. Hindi ako titigil hangga’t hindi mo ako napapatawad.”   Malulutong ang mga mura niya sa bawat hakbang. Dinig na dinig ko kahit na nasa likod ako at parang buntot na sumusunod. Pero kahit na ganoon, kahit na minumura-mura niya ako, naroon pa rin ang pagnanais kong makipag-ayos. Sa lahat kasi ng mga naging kaklase ko, kahit na sabihing makulit siya at mapilit, masasabi kong siya iyong pinaka-close ko. Mukha ngang ngayon lang ako nagkaroon ng ganito kaya hahayaan ko pa bang mawala?   Besides, masakit talaga ang mga salitang binitawan ko. Siguro nga ay mas malala pa ang magiging reaksyon ko kung ako ang nasa posisyon niya. Masyado talaga akong nagpadalos-dalos. Bakit ba kasi ako nagpalamon nang ganoon?   Sa bawat lakad namin ay unti-unti na kaming lumalayo. Hanggang sa namalayan ko na lang na patungo na kaming parking lot—partikular na sa pwesto ng sasakyan niya. Nang huminto siya sa tapat nito ay huminto rin ako. Mabilis siyang pumasok sa loob nito habang ako naman ay lakas-loob na tumayo sa tapat mismo ng head lights upang humarang. Wala naman kasing space masyado sa likuran upang makaatras ang kotse.   Kaya sa halip na paandarin niya ang sasakyan at makapagmaneho, napilitan siyang lumabas at harapin ako.   “Punyemas, hindi ka ba aalis diyan? Tumabi ka nga.”   Umiling ako.   “Sasama ako kung saan ka pupunta.”   “Paano ako makakapag-unwind nito kung kasama ka? Kumukulo ang dugo ko sa galit, Yuri.”   “Kaya nga sasama ako ‘di ba? Tutulungan kitang pagaanin ‘yang loob mo.”   Tila ba hindi makapaniwala ang iling niya. Saglit pa siyang sumandal sa kotse upang hintayin akong mangawit ngunit kalauna’y narinig ko rin ang malalim niyang buntong hininga.   “Siguraduhin mo lang na mapapagaan mo ‘tong loob ko Yuri.”   Unti-unti akong nabuhayan nang marinig iyon. Pinigilan ko na lang na ngumiti dahil baka ma-insulto ko pa siya.   Una siyang pumasok sa driver’s seat. Saka naman ako sumunod at mismong sa front seat din umupo.   “Sorry talaga, Lex—”   “Mamaya na ‘yan, pwede? Ayaw ko na magdrama.”   “O-okay…”   Nang paandarin na niya ang makina ng kotse ay itinuon ko na ang tingin sa harapan. Masasabing medyo hindi ako kumportable rito sa kotse niya kahit hindi ganoon katapang ang pabango. Kung ikukumpara kasi sa akin, sinadya kong walang amoy ‘yon para hindi ako mahilo. Mahihiluhin pa naman ako sa biyahe.   Iyon nga lang, hindi ako sigurado kung matatagalan ko ang bango rito. Dahil the more na may amoy ang sasakyan, mas lalo akong nahihilo. Sana’y huwag naman akong magsuka. S-hit.   “Saan tayo pupunta?” tanong ko nang umusad na ang sasakyan. Palabas na kami ng campus.   “Sa intra.”   “I see.”   Hindi na ako nagulat. Sikat naman kasi talaga ang lugar na ito kapag gusto mag-unwind o magpahangin. Kahit kasi tirik sa init ang araw, hindi iyon maalintana dahil para bang walang tigil doon ang ihip ng hangin. Mararamdaman mo talagang nasa probinsya ka.   Awkward. Iyan ang masasabi ko. At ewan ko na lang talaga kung magagawa ko pang tagalan ang katahimikang ito. Ngayon ko lang kasi nakita ang ganitong side ni Lexus. Hindi ko inasahan na ganito pala siya kabagsik kapag nagagalit— na siyang taliwas sa makulit, maharot, at maingay na tao kapag hindi naman kaalitan.   Maliban sa mga kagrupo kong pabuhat at matataas ang tingin sa sarili, hindi ko kayang indahin iyong katotohanang may galit sa akin. Lalong lalo na kung ako naman ang may kasalanan at ang pasimuno. Kahit paano naman kasi ay naging mabuti rin itong si Lexus. Hindi man tipikal na masasabing mabait pero hindi siya kagaya ng iba na sumusobra sa kakapalan ng mukha.   Pinanatili ko lamang ang tingin sa bintana. Minsan ay lumilipat din sa harapan kapag nangangawit. Laking gulat ko pa dahil himalang hindi naman ganoon kabigat ang traffic.   Sa ilang saglit pa, dahil smooth naman ang usad ng trapiko ay nakarating din kami sa intramuros. Dumaan pa muna siya sa isang convinient store upang bumili ng maiinom saka pumasok sa arko. Sinadya ko talagang tanggihan ang alok niya dahil nakakahiya pa kung ililibre niya ako. Ako na nga itong humihingi ng pabor eh.   “Baluarte de San Diego?” bulong ko nang p-in-ark niya ang sasakyan. Nang tingnan ko siya ay wala siyang ibang reaksyon. Abala lang siya sa pag-aayos ng gamit sa dash board saka lumabas. Kaya gaya niya ay lumabas na rin ako.   “Bakit, ayaw mo?” tanong niya nang tumabi na ako sa kaniya. Sinara niya nang maingay ang pinto habang dala iyong soda na binili niya.   “Hindi ah. Maganda rin naman dito.”   “Exactly.”   Tahimik kaming naglakad papasok sa mini gate nito. Ngunit sa entrance fee pa lang ay kamuntikan na kami magtalo. Paano kasi, gusto niyang siya na ang magbayad sa lahat. Ayaw ko pa naman ng nililibre dahil pakiramdam ko, mas nagiging pabigat lang ako.   Pero wala eh. Ano mang pilit ko, ano mang idahilan ko, siya pa rin ang masusunod.   “Ang brutal mo magalit, Lex,” mahinahon kong sabi habang naglalakad na kami. Sa sobrang tahimik kasi ng paligid dito, pakiramdam ko ay kami lang ang nandito.   Lumiko kami sa isang daan kung saan patungo sa pathway na napapalamutian ng makukulay na bulaklak. Hindi talaga ako nagkamaling isipin na maaliwalas ang lugar na ito sa pakiramdam. Hindi sayang ang entrance fee. Sulit kung sulit.   “Tao rin ako, Yuri, tingin mo hindi ako magagalit sa sinabi mo?’   “Pasensya na.”   “Tss. Kahit magsalita ka pa ng isang milyong pasensya, mahirap ibalik sa dati kung ano ang nilamukos.”   Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko at dahil nga sa sobrang payapa ng paligid ay narinig pa niya iyon.   Huminto siya kaya napahinto din ako. Sabay pa kaming tumingin sa isa’t isa habang iniinom niya ang hawak na soda. Napa-ismid siya at yumuko nang kaunti upang tingnan ako nang diretso sa mata. May kung ano akong nabanaag doon na hindi ko magawang matukoy.   “Talaga ngang nagsisisi ka sa sinabi mo kanina.”   Tumango ako. “Sobra, Lex. Ikaw na nga lang yata ang kaibigan ko sa campus na ‘yon, hahayaan ko pa bang mawala?”   “Really?” Halata ang gulat sa kaniyang boses. Mula sa pagkakasalubong ay nagtaas ang medyo makapal niyang kilay. “Ako lang? Seryoso?”   “Bakit parang nagulat ka? Hindi ba halata na loner ako—”   “F-uck it. Bakit hindi mo sinabi?”   “Sinabing alin?”   “Na ako lang ang kaibigan mo?”   “Bakit? Kailangan bang sabihin ko?”   “At least… para naman malaman kong malungkot ka ‘di ba?” nag-aalala niyang tugon. Hindi ko na nakikita ang galit sa kaniyang ekspresyon, purong concern lang at sinseridad.   May kung anong tumarak sa dibdib ko. Masarap sa pakiramdam na masakit. Alam mo ‘yon? ‘Yong feeling na harap-harapan mong inaamin sa isang tao na sa laki ng populasyon sa mundong ito ay siya lang ang naituring kong kaibigan. At ang malungkot doon, nahihinuha pa niyang wala ng masayang nangyayari sa buhay ko dahil sa pag-iisang ito.   Tama, nag-iisa. Pakiramdam ko’y nag-iisa ako dahil hindi ko ramdam na may susuporta sa kung sino talaga ako. Mismong pamilya ko na ang may ayaw sa akin, paano pa kung ibang tao na hindi ko naman kadugo o kaano-ano? Paano pa kaya sila gayong sa sirkulo ng mga kamag-anak ko ay taliwas na sa ganitong uri ng pagkakakilanlan?   As much as I have the gut to hide this, hinding hindi ko ito bubunyag kahit na kanino man. Dahil natuto na ako. Natuto na ako sa pamilya ko na nag-iba ang turing sa akin nang maibunyag kung sino at ano ba ako.   Nakakalungkot lang.   “Sumobra yata ako, Yuri. Pasensya na sa kaartehen ko.”   Namilog ang mga mata ko. S-hit bakit siya pa itong nagso-sorry?   “Huwag kang humingi ng tawad. Walang mali do’n. Saka kaya nga tayo nandito para pagaanin ‘yang loob mo at makahingi talaga ako ng pasensya.”   “Nasaktan din kita…”   “Mas nasaktan kita, Lex.”   Namutawi ang katahimikan matapos kong sabihin iyon. Kasabay nito, unti-unti ring tumagal ang titig niya kaya ako na ang umiwas. Ibinaling ko ang aking paningin sa bandang entrance ngunit ganoon na lang ang unti-unting pamimilog ng mga mata ko sa nakita. Hala! Bakit sila nandito? Bakit magkasama sila?   “Hmm, si Eira at Kahlil ‘yon ah,” ani Lexus sa gilid ko. “Bakit sila nandito?”   Natulala ako habang pinapanood si Kahlil na nagbabayad ngayon ng entrance fee sa booth. Si Eira naman ay nakangiti at naghihintay lang sa kaniyang likuran. Unti-unti ay nabasag ang puso ko. Para akong pinagtaksilan kahit wala naman akong karapatan.   Iyon din ang tanong ko sa sarili ko gaya ng tinanong ni Lexus. Bakit nga ba sila nandito? Bakit sila magkasama?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD