Iisa lang naman ang intention ni Kahlil noong gabing iyon. Iyon ay walang iba kundi kumustahin ako. Natanto ko rin noong mga oras na iyon na dapat maging maingat ako sa ekspresyong ipinapakita ko, na dapat hindi ako maging transparent kapag nasasaktan ako.
Naroon din ang pagnanais kong itanong sa kaniya kung ano ang ginawa niya sa photo album na ipinaabot ni Eira. Pero naisip ko ring baka masyado ng personal iyon kung aalamin ko pa. Kaya naman, hindi na nagtagal pa ang aming tawag. Nagtapos lang iyon sa pormal niyang “Have a good night” hanggang sa naiwan akong tulala habang tangan lang ang cellphone.
Iyon ang mga nangyari noong Sabado. Pagsapit ng linggo ay parang kabute na sumulpot si Kuya at narinig kong sinabi niya kay Papa na hatinggabi na raw siya nakauwi. As usual, wala namang violent reaction si Papa. Parang wala lang sa kaniya kahit na ilang gabi pang wala rito si Kuya.
Hindi ko naiwasang mainggit habang naririnig silang nagkukwentuhan sa hapag. Tahimik lang akong nakaupo rito sa sala kaharap ang laptop kung saan ko gagawin ang mga pending tasks. Sabay-sabay na ang pasahan nito bukas kaya kinailangan ko na madaliin. Panay din kasi ang habol ng ilang prof sa mga na-miss out na klase kaya ang ending, minamadali na rin nila kami.
I wore my earphone. Sinadya kong itodo ito sa volume na makakayanan ko para lang hindi ko marinig ang kwentuhan nila Papa at Kuya. Akma ko na rin sanang i-a-activate ang airplane mode ng phone ngunit bigla na lang pumasok ang text message ni Kahlil na siyang hindi ko inasahan.
Kahlil: What’s up? Are you busy?
I sighed. Kung pwede lang sana magsinungaling pero kailangan ko na rin kasing mag-focus muna sa school works ko.
Ako: Yupp. Marami-rami pa kasi ‘tong mga kailangang tapusin.
Kahlil: I’m sorry to hear that.
Ako: May kailangan ka?
Matagal bago siya nag-reply. Nasaan kaya siya ngayon at anong ginagawa niya?
Kahlil: Nope.
Kahlil: I just wanted to know if you’re busy.
Kahlil: Pagbutihan
Napalunok ako nang mabasa ang huli niyang mensahe. Isang salita lang naman sana iyon pero bakit ang lakas-lakas ng dating? Sa halip na makaramdam ako ng panghihina dahil sa mga bagay na nais kong maiwasan ngayong umaga, ginanahan na lang ako bigla. Ang sarap lang sa pakiramdam na sa kabila ng mga pagkukulang ko bilang isang anak, at least nararamdaman kong may isang tao na may pakialam sa’kin.
Nagpasalamat ako at hindi na ni-activate pa ang airplane mode. Pangiti-ngiti na ako habang ginagawa ang gawain sa laptop at parang hindi namatayan o binagsakan ng langit at lupa. Mabuti na lang dahil nagawa ko pang maabutan ang text bago ko gawin ang desisyon kanina sa phone. Mabuti na lang dahil may isang gaya niya na handang maglaan ng oras para lang kumustahin ako.
Kinabukasan, maaga akong gumayak. Suot ang uniporme, siniguro kong nakaayos ang hawi ng buhok ko at nagpisik din ng tamang dami ng pabango. Sa araw na ito, wala akong gawain bilang isang water boy. Ang tangi ko lang dapat isipin ay mga problema sa school works, lalo na iyong problema sa groupings na mukhang mamaya na pag-uusapan.
Kagabi ay ch-in-at ako ni Jen tungkol doon. Kahit nababasa ko lang iyon, dama ko ang iritasyon niya sa mga kagrupo naming wala namang naitulong. Sino ba naman kasing leader ang hindi maiinis kung ipinagpipilitan talaga ng mga taong iyon na may nai-ambag daw sila? Kung may nagawa man sila, halatang minadali lang iyon at hindi naman nakatulong nang malaki sa aming proposal.
Nang marating ang campus gamit ang aking kotse, namataan ko kaagad si Jen na halatang kanina pa nag-aabang sa akin. Yakap-yakap niya ang bag ng kaniyang laptop habang nakasandal sa post ng hallway. Nang magtama ang aming mga mata, sumenyas siya na lumapit na ako sa kaniya. Panaka-naka ko namang itinago sa aking bulsa ang susi ng sasakyan saka naglakad nang sukbit din sa balikat ang bag.
“Bwisit,” panimula ni Jen nang makapwesto na ako sa harap niya. Hindi niya alintana ang mga estudyanteng dumadaan sa aming gilid lalo’t hallway itong lugar na tinatayuan namin. “Sila pa ang may ganang magalit sa atin Yuri. Isusumbong daw tayo sa mga magulang nilang abot-langit ang yaman at irereklamo tayo sa Dean!”
Kagabi pa niya sinasabi sa akin ito kaya hindi na ako nagulat. Gayunpaman, kahit hindi ko naipapakita ang tototong ekspresyon ko, halos kumulo na rin ang dugo ko sa inis. We worked hard for this. Hindi biro iyong nagpagabi pa kami sa coffee shop para lang matapos ito. Kung tutuusin ay tama naman ang desisyon naming ilaglag sila sa grupo dahil sarili lang namin ang lolokohin namin kung susundin namin sila.
“Tapos ang sasabihin may ambag naman daw sila. Kesyo nagbigay naman daw sila ng pera para sa ink or such, gross! Kung hinahamon nila tayo sa yaman nila, isasampal ko naman sa kanila kung anong mga pinagpuyatan nating dalawa nang wala man lang tulong nila!”
“Shh, hinaan mo ang boses mo. Naririnig tayo—”
“Paki ko sa kanila?” Umirap siya sa mga nanonood sa kaniya. Kapansin-pansin namang napatakip ng bibig ang tinarayan niya at ilan sa mga kasama nito ay suminghap.
“Tara na.,,” wika ko sabay tulak nang bahagya sa likod niya upang maglakad na rin papalayo rito. Mamaya eh baka makalikha pa siya ng gulo. Besides, hindi ko naman kilala kung sino iyong tinarayan niya. At mukhang hindi rin naman yata niya kilala iyon.
“Ano nang gagawin natin Yuri?” aniya habang tinatahak na namin ang daan. Hindi ko na rin siya kinailangan pang alalayan o itulak nang marahan dahil sumasabay na rin siya ng lakad sa akin. Nang tingnan ko saglit ang ekspresyon niya, napansin ko na para bang naiiyak na siya.
“Ayaw kong mawala ang scholarship ko nang dahil sa kanila,” dagdag niya. Napabuntong hininga ako.
Ngayon lang nag-sink-in sa akin ang lahat. Kaya pala big deal din ito sa kaniya ay dahil baka matanggalan siya ng scholarship sa sumbong ng aming mga kagrupo. Pero ano nga ba? Ano nga ba ang pinaka-praktikal gawin sa sitwasyong ito? Iba ang kapit ng pera. Iba ang kayang gawin ng mga mayayaman.
“Ikaw, kung ano ang desisyon mo,” mahinahon kong wika.
“Totoong galit ako sa kanila at ayaw na ayaw kong idagdag ang mga pangalan nila sa proposal. Pero ang hirap kasi, dream school ko ito. Dream course ko rin ang hawak ko ngayon. Kung hahayaan ko lang na sirain nila ako, paano na ‘tong mga pangarap ko?”
Hindi ako nakapagsalita. Kahit na ngayon ko lang ito narinig sa kaniya, ramdam ko ang pagnanais niyang makatapos sa pamantasang ito. Pero kung ito lang ang tanging solusyon para hindi na ito lumala pa, tingin ko ay mas mabuti nang palampasin muna ito ngayon.
“Naiintindihan kita.”
“Salamat, Yuri…”
“So paano, isasama na natin ang mga pangalan nila?”
She nodded, a bit hesitant but still considered as yes.
Tinapik ko ang balikat niya habang naglalakad. Bahagya pa akong nagulat nang ini-angkla niya ang kanang kamay niya sa aking braso. Hindi ko na lang iyon ipinahalata dahil batid kong kailangan naman niya ito.
Ngunit hindi lang pala dapat iyon ang dahilan kung bakit ako magugulat. Dahil saktong sa pagliko namin, namataan ko sa hindi kalayuan si Kahlil at Benjamin na ngayon ay pormal sa mga suot nilang uniform. Para akong tanga na hindi malaman kung anong gagawin dahil ayaw kong makita ni Benjamin na naka-angkla ang kamay ni Jen sa akin. Mas lalo na kay Kahlil dahil pakiramdam ko ay nagtataksil ako sa kaniya!
What the f-uck? Napaka-isip-bata ko naman para isipin ‘to! Bakit ba ako ma-i-i-stress kung wala lang naman sa kanila ito?
Sa ilan pa naming mga hakbang, unti-unti na ring lumalapit sa amin si Kahlil at Benjamin. May hawak na cup ng Starbucks si Kahlil habang ang kaliwang kamay ay nakapamulsa. Samantala, si Benjamin naman ay nakahalukipkip lang ngunit hindi gaya ni Kahlil na ngayon ay nakayuko, siya naman ay diretso ang tingin sa amin ni Jen. Animo’y may inuusisa o may inoobserbahan.
“Anong pangalan ng kasama ni Kahlil?” mahinang tanong sa akin ni Jen. Sa puntong ito, para bang nakahanap ako ng tiyempo para ipakilala sila ni Benjamin sa isa’t isa. Total mukhang interesado naman siya kaya bakit hindi?
Hindi ko sinagot ang tanong niya dahil sa tatlong hakbang ay ako mismo ang humila sa kaniya sa gitna upang harangan ang daanan ng dalawa. Sabay kaming napahintong apat saka tumingin sa isa’t isa. Si Benjamin ay diretso ang pansin kay Jen habang si Kahlil naman ay sa akin.
I saw how his eyes glistened. Para bang may kumislap doon o baka parte lang ng isang ilusyon. Para akong pinalilibutan ng mga paruparo. Kung ganito lang kagwapo ang bumubungad sa akin tuwing umaga, siguradong hindi ko na kailangan pang maghanap ng paraan para i-motivate ng sarili ko.
Nang mapansin ang pag-iral ng mahabang katahimikan, ako na mismo ang nangahas na magsalita. Nahihiya man pero ako rin naman kasi ang nag-insist na humarang kami ni Jen sa tapat nila.
“G-good morning, uh Benj, si Jen nga pala. Jen, ito naman si Benj.”
Kitang kita ko kung paano namilog ang mga mata ni Jen. Unti-unti namang ngumiti si Benjamin at marahan pang inangat ang kamay para makipag-shake hands kay Jen. Parang na-estatwa ng tuluyan ang katabi ko dahil hindi makapaniwala. Sino ba namang babae ang hindi magugulat sa ginawa ko?
Kaso may alam ako eh. Alam kong interesado talaga itong si Benjamin sa kaniya. Dito na kaya magsisimula ang love story nila? Walang kasiguraduhan pero sana…
Mula sa pagkakaangkla sa’king braso, binaklas niya ang kamay sa akin saka inabot ang nakalahad na palad ni Benjamin. Napangiti tuloy ako nang wala sa oras habang tinitingnan silang nakatitig sa isa’t isa.
Ngunit nang ilipat ko ang masid kay Kahlil, para bang ako naman ngayon ang natunaw. Totoong kinilig ako para sa dalawang ito pero hindi ko inasahan na may itotodo pa ito nang dahil sa kaniya!
Nang kumalas na ang shake hands ng dalawa, saka lang ako natauhan. Mabilis kong tiningnan si Benjamin na ngayon ay nagsasalita na.
“Nice to meet you, Jen. Saan kayo papunta niyan?”
“U-uh sa room na…”
“Yeah, I see,” aniya sabay baling sa akin. “Thanks, pre.”
Literal na umawang ang bibig ko. What? Talagang sinabi niya pa iyon sa harap ni Jen? Eh ‘di mahihinuha ng isang ito na may gusto ang lalaking ‘to sa kaniya!
Pero ewan. Hindi ko rin naman kasi kabisado ang galawan ni Benjamin. Baka isang araw, mababalitaan ko na lang na nanliligaw na iyan.
“Geh, mauna na kami,” si Kahlil naman ngayon sa malamig na boses. Tinanguan lang niya ako saka inanyayahan na si Benj na umalis.
Isang mabilis na kaway ang iginawad ko bago kami tuluyang gumilid ni Jen. At sa tuluyang pag-alis ng dalawa, nanatili pa kami rito sa aming pwesto habang minamasdan silang maglaho.
“Bakit hindi mo ako in-inform? God! Kung alam mo lang ang naging kaba ko, Yuri!” ani Jen nang pinapaypay-paypay pa ang sarili. Natawa na lang ako nang mahina dahil sa reaksyon niya.
“Mukha kasing interesado ka kay Benjamin.”
“Curious lang ako sa pangalan niya pero hindi ako interesado, duh?”
“Ganoon na rin ‘yon.”
“Ewan ko sa’yo. Tara na nga’t baka ma-late pa tayo.”
Nagpatuloy na kami sa paglalakad. Mabuti na rin dahil hindi na niya inangkla pa ang kaniyang kamay sa akin dahil magiging agaw-pansin na rin iyon. Tahimik lang kaming naglakad hanggang sa marating na ang room. Wala pa naman ang prof pero ang unang umagaw sa aming atensyon ay ang lima naming kagrupo na sama-sama sa iisang mesa. Diretso lang ang tingin nila sa amin at hindi inaalintana ang ingay ng iba pa naming mga kaklase.
Dinig ko ang mahinang mura ni Jen. Saglit lang ang paghinto namin dito sa pinto ngunit saka lang nagpatuloy nang siya na mismo ang mag-insist na maglakad. Hindi pa man kami nakakapwesto malapit sa lima pero ramdam ko na agad ang bigat ng tensyon. Nararamdaman kong may-aaway sila pero huwag naman sana…
Sabay kaming huminto nang marating na ang tapat ng mesa nila. Halatang halata ang masasamang tingin nila sa amin, lalo na ng tatlong babae na halos magdugtong na ang mga kilay sa inis.
“So ano, hindi mo talaga kami isasama sa research proposal? Naghihintay na sa labas si Daddy,” sabi ng isa na minsan nang ipinangalandakan na may-ari raw sila ng isang mamahaling resort. Napalunok ako nang gatungan pa ito ng katabi niya.
“Alam niyo naman sigurong hindi kami pwede noong tinatapos niyo ang proposal ‘di ba? May family matters kami—”
“Okay, fine.” Hindi na pinatapos ni Jen ang sinasabi ng isa ngunit sa paraan ng pagkakasabi niya nito, ramdam ko ang pilit at nagpipigil niyang galit. “Para maayos na natin ‘to, isasasama na namin kayo. Happy?”
Sabay-sabay na ngumisi ang lahat. Nang makita ko iyon ay kusa na akong tumalikod at tumungo sa aking upuan. Naisin ko man kasing maging taliwas dito, mas pinili ko na lang manahimik at pagbigyan itong mangyari. Dahil alang-alang kay Jen… alang-alang sa scholarship na inaalagaan niya ay wala akong magagawa.