Chapter 20

2184 Words
Nakatikom lang ang labi ko sa mga sumunod na oras ng training. Tahimik ko lang na ginagawa ang trabaho ko at sinusunod kung ano ang mga ipinag-uutos. Karamihan sa mga ikinilos ko ay nangyari lang dito sa loob ng court. Hindi naman naging problema ang tubig dahil sa hindi ko malamang dahilan, kay bagal nitong maubos.   Nito ko lang napagtanto iyon. Nagulat ako dahil may mga baong tubig ang ibang players na siyang hindi usual sa akin. Nasanay na kasi akong makita na umasa sila sa tubig na nire-refill ko sa water station.   Pasado alas singko na ng hapon. Nagpa-pack up na ang mga manlalaro at hindi pa rin umaalis sina Eira at Jen. Nasa bleachers pa rin sila, nakaupo at tila may hinihintay. Well, sino pa nga bang dapat kong asahan? Hindi ko man tanungin o lapitan, si Kahlil lang naman ang sadya nila.   Nasa shower area ngayon sina Kahlil kasama ang ibang seniors. Samantala, ako naman ay nagsisimula nang maglinis gaya ng madalas kong gawain dito. Para akong tangang nanghihina hindi dahil sa ginagawa kong ito. Para akong tanga dahil kanina pa hindi mawala-wala sa isip ko kung paano tingnan ni Kahlil si Eira at kung gaano siya kaseryoso noong nag-uusap silang dalawa.   “Thirty minutes. Bilisan mo r’yan at nang makauwi na tayo,” rinig kong sabi ni Papa mula sa bench. Mula rito sa gitna ng court kung saan ako naglalampaso, binaling ko ang tingin sa kaniya at nakita siyang nakaupo lang doon, katabi ang mga kasamahang staff na nag-aayos na ng mga dala.   I nodded without saying a word. Dapat ay ipagpasalamat kong ganito siya dahil kung ikukumpara siya sa mga nagdaan, para bang ang layo-layo niya. Noon, wala yatang minutong lumilipas na hindi niya ako nasisigawan. Kung ipahiya niya ako ay mahahalata talaga ang gigil at galit niya sa akin.   Noon, hindi ko rin naiwasang marinig kung ano ang mga iniisip o inaakala ng mga rookies at sophomore players na nakasasaksi sa amin. Ngunit ni isa sa kanila ay hindi man lang naging tama sa hinala. They all think na kaya ako napapagalitan ay dahil hindi ko gusto ang pagbabasketball— which is somehow true but the root cause doesn’t lie there.   Kailanman, hindi ako aaming silahis ako. Maliban na lang kung si Papa na mismo ang magbubunyag at kung siya na mismo ang magpapahiya sa sarili niya.   Nang malapit ko na matapos ang portion ng aking nilalampaso, saktong umingay ang hall kung saan madadaanan ang shower room. Naghahalo ang mga baritonong halakhak, bruskong tawa, at malalalim na boses dulot ng kanilang kwentuhan. Sa puntong ito ay hindi ko na iyon tiningnan pa. Ayaw na ayaw kong tingnan si Kahlil dahil masasaktan lang ako kapag nagtama ang mga mata ko sa mata niya.   S-hit, napakababaw mo, Yuri. Napakabalat-sibuyas mo. Nakita mo lang na nag-usap sila ng ex niya ay nagkaganyan ka na? Paano pa kaya kung malaman mong sila na ulit at nagkakamabutihan na?   Mababaw man ito para sa iba, para sa akin ay sobra talagang hirap. Dahil kahit saang anggulo man ako tumingin, mahihinuhang ako pa rin ang talo dahil ako itong nagpapatianod sa bugso ng loob. Mahirap dahil wala namang kasiguraduhan ang lahat. Kung kaibigan lang pala talaga ang tingin sa akin ni Kahlil, paano naman akong higit pa sa pagkakaibigan ang inaasahan?   “May I help you?”   Pumikit ako nang mariin. Kusa akong huminto sa paglalampaso at hinigpitan ang hawak sa kahoy nitong hawakan. Nasa likod ko na siya ngayon at dinig na dinig ko kung gaano kalalim ang boses niyang iyon. Ultimo pinakamaliit na balahibo ko ay hindi nakatakas sa pagtaas.   Muli akong dumilat saka bumuntong hininga. Kasabay nito ay lalo akong yumuko at ipinagpatuloy ang paglalampaso. S-hit, sana lang talaga'y walang nakatingin sa amin ngayon. Harap-harapan pa naman ito sa mga nasa bench at bleachers ngayon.   “Bumalik ka na ro’n, Kahlil. Huwag mo na ako alalahanin—”   “Are you pissed? May masakit ba sa’yo? What— what happened?”   “Wala, okay lang ako.”   “Mag-uusap tayo pagkatapos nito. Hihintayin kita.”   “Huwag na. Aalis na agad kami ni Papa pagkatapos nito.”   “Kahit saglit?” tanong niya. Umiling pa rin ako na para bang focused ako sa aking ginagawa.   “Umuwi ka na at magpahinga. Sa tawag na lang tayo mag-usap kung gusto mo talaga ako makausap.”   “Okay…”   Kasunod nito ay narinig ko na ang mga hakbang niyang papalayo sa akin. Pinaalalahanan ko na lang ang sarili kong maglakas-loob mamaya na ibigay sa kaniya ang photo album kung sakali mang nandito pa siya pagkatapos ko rito. Bahala na kung ano man ang sakaling mangyari mamaya. Bibilisan ko na lang para makauwi na.   Paglipas ng maraming minuto, halos tagaktak ang pawis ko dahil sa pagod. Pagbalik ko sa bench, napansin kong nakauwi na ang karamihan maliban sa mangilan-ngilang pinili pang tumambay at mag-usap. Nang tingnan ko ang bleachers ay wala na roon sina Jen at Eira. Nang hanapin ko naman si Kahlil ay nakita ko siyang nakaupo lang sa dulo nitong bench, seryosong nakayuko at animo’y malalim ang iniisip.   Si Papa, na ngayon ay may isang manlalarong kinakausap, ay sukbit na sa balikat ang bag na ako ang may dala kanina. Para bang nabigyan pa ako ng pagkakataon ngayon upang iabot ang photo album na hanggang ngayon ay tila ba walang nangahas na pakialamanan. Kahit pagod at medyo hingal, mas pinili kong kunin ito at dalhin sa kaniya. Panay ang hinga ko nang malalim dahil sa nag-aalburuto na namang kaba.   “Kahlil…” mahina kong tawag sa kaniya nang marating ko na mismo ang harap niya. Basa ang medyo magulo niyang buhok at humahalimuyak ang bagong ligo niyang kabuuan. Nanunuot ito sa ilong dahil amoy na amoy ang kaniyang p*********i. Sa maikling sandali ay naglahong parang bula ang pagkabalisa ko at para bang tuluyan akong nilamon ng pagkahumaling sa kaniya.   Marahan niyang inangat ang tingin sa akin. Sa puntong ito ay sunod-sunod akong napalunok at mukhang ewan na ibinalik ang kaba sa aking dibdib. Bakit napakagwapo ng nilalang ng ito? Bakit sa dinami-dami ng mga gwapong natagpuan ko ay sa kaniya lang ako nagkaganito?   “Hmm?”   Inilahad ko ang photo album sa kaniya. Nailipat ang tingin niya rito at nakita ko pa kung paano nagtaas ang isang kilay niya rito.   “What’s this?”   “Photo album…”   Inangat niya ang isa niyang kamay at kinuha ito. Nang mawala na sa kamay ko ang hawak ay hindi na ako nagdalawang isip pang humarap sa gilid at maglakad pabalik sa aking pwesto. Nakutuban ko kasi na hindi ko magugustuhan ang reaksyon niya. At sa halip na mamatyagan kong mapapangiti siya dahil sa album na iyon, bakit hindi ako iiwas?   Umupo lang muli ako upang magpahinga saglit at punasan ang sarili. Maya-maya pa’y inanyayahan na ako ni Papa upang umuwi dahil may kailangan pa raw siyang asikasuhin sa bahay. Kusang nagpaiwan ang mga natira rito dahil hindi pa naman magsasara ang gym. May susunod pa kasing gagamit nito at mukhang hinihintay lang nilang dumating.   Mahirap man para sa akin habang naglalakad palabas kasama si Papa, hinding hindi na ako lumingon kay Kahlil. If he’s happy enough while seeing his photos with her, tingin ko ay hindi ko na iyon kinailangan pang makita. Ayaw ko nang dagdagan pa ang bigat sa puso ko. Sapat na sa akin ang nakita ko noong kausap pa niya si Eira kanina. Ayaw ko ng mahirapan pa.   Hindi lang ako sigurado kung napansin ba ni Papa na wala ako sa sarili. Ipinagpasalamat ko na lang din dahil siya na ang nag-insist na magmaneho hanggang sa makauwi na kami ng bahay.     **   Pagkatapos ng trabaho ko sa halos maghapon, kaysa magmukmok sa kwarto ay inabala ko ang sarili sa mga gawaing bahay. Naglinis ako ng mga dapat linisin, inayos ang mga dapat ayusin, at nagluto na rin ng hapunan. Si Papa naman ay nasa kwarto niya at may kausap sa kaniyang laptop. May kinalaman yata iyon sa basketball base sa narinig ko noong nadaanan ko ang silid niya.   Pagkatapos ng mga gawain, saka ako tumungo sa bathroom at nilinis ang sarili. Para komportable ay nag-sando ako at boxer shorts. Paupo na sana ako ng kama habang iginugulo ang buhok gamit ang towel ngunit natigilan ako sa tapat ng head board nang makita ang umiilaw kong cellphone.   Napalunok ako. Kaagad kong nilapitan iyon at nakitang tumatawag na si Kahlil. Kasabay nito ay pinansin ko rin ang oras na halos tumuntong na ng alas siyete ng gabi. Nakauwi na kaya siya? Nasaan kaya siya ngayon?   Isang buntong hininga ang ginawa ko bago ko ipinatong ang towel sa balikat. Bahagya pang nanginginig ang daliri ko nang pulutin ang cellphone at sinagot ito nang walang pagdadalawang-isip.   “Hello?”   “Yuri,” seryosong salubong ng boses niya sa akin. Napaupo akong bigla sa pinakamalapit na gilid ng kama at ipinatong ang palad sa kobre-kama. God, his voice never failed to captivate every inch I possess.   “Uh, b-bakit?’   “You’re not okay, right?”   Heto. Heto na naman siya. The more na ginagawa niya ito, lalo akong nahuhulog sa kung ano mang inihahain niya sa akin. Kung nakamamatay lang ang pagiging marupok, siguro pinaglalamayan na ako. Pero tama bang hayaan ko ang sariling nagmukhang tanga kung sa huli, ako pa rin itong maiiwang luhaan?   Straight men, based on what I know, will never ever fall like how we feel towards them. Sa aminin ko man o sa hindi, karamihan sa mga gaya ko ay sa kanila talaga nahuhulog. Hindi ko nilalahat dahil may mga pagkakataong sa babae rin talaga nahuhumaling ang iba. At sa isang gaya ko na minsan din namang nagkagusto sa isang babae, sa huli ay alam kong kay Kahlil pa rin uuwi itong puso ko.   “Hindi mo ako kailangang alalahanin, ayos lang ako gaya ng sabi ko kanina—” Hindi ko na naituloy pa ang sinasabi ko.   “What did she do? Tell me.”   S-hit. Hindi ko man tanungin kung sino ang tinutukoy niya, batid ko na kung sino iyon.   Hindi ako makapaniwala. Paano niya napansin iyon?   “H-huh? S-si Eira? Wala naman siyang ginawa o sinabing masama—”   “Kung itatanggi mo, ako mismo ang magtatanong sa kaniya.”   Malutong akong nagmura sa isipan ko. Sa maikling sandali ay nataranta na kaagad ako. Dahil kung gagawin nga niya iyon, siguradong magkakagulo lang. Ayaw na ayaw kong lumala ang lamat sa kanila nang dahil lang sa akin.   “Huwag na Kahlil. Marami lang akong iniisip kanina kaya baka napansin mong wala ako sa sarili ko.”   “Like what?”   “School works.”   “You sure?”   Tumango ako sa aking kinauupuan kahit na hindi naman niya nakikita.  “S-sure…”   Narinig ko sa kabilang linya ang hininga niya. Namutawi ang katahimikan at hinintay kong siya mismo ang bumasag nito. Ayaw ko kasing manguna dahil baka mali ang masabi ko. May kung ano pa namang kumikirot sa puso ko. Hangga’t maaari’y pipigilan kong magsalita lalo’t kabisado ko ang sarili ko kapag nasasaktan.   “Kumain ka na?” he suddenly asked.   “Hindi pa, i-ikaw ba?”   “Tapos na.”   “Does it mean na nakauwi ka na?”   “Kanina pa.”   Marahan kong itinaas-baba ang aking tango. Ngayon ay nangangapa na ako ng sasabihin.   “Yuri, just in case you noticed, I required my teammates to bring their water… para… para hindi ka na mahirapan.”   Namilog ang mga mata ko. Kaya naman pala hindi madaling maubos ang tubig kanina sa jug! Kaya pala nakakapanibago sa aking makakita na may kaniya-kaniya silang dala. Sa pagkakaalam ko ay nasanay silang umasa sa tubig na nire-refill ko pero ako rin pala itong walang muwang na ni-require na niya ito sa mga teammates niya!   Sana hindi ito malaman ni Papa. Dahil ngayon pa lang, sakaling malaman niyang ito ang intensyon ni Kahlil, baka maghinala siya sa amin at lalo akong kamuhian.   “Thank you…”   “You’re always welcome.”   Sa mga salitang iyon, muli na naman akong nahulog. Palagay ko ay tila ba wala na itong katapusan. Habang buhay na yata akong mahuhulog habang lumilipas ang segundong kausap ko siya. At ang malala, baka tuluyan ko pang maiwala ang katinuan ko sakaling mawala siya at hindi ko na ito maranasan pa.   Ito ang nakakatakot na parte ng pag-ibig— ang maiwan na lang bigla mula sa lahat ng pinagsamahan at sa mga oras na halos mga paro-paro’t bahaghari ang naghari. Ngayon, aminado akong nasanay na ako at unti-unting nang umaasa. Sino ba namang hindi mag-iisip ng ganoon kung ganito ang trato sa akin ng taong ayaw kong mawala sa buhay ko?   Pero sa kabila nito, kailangan ko ring tanggapin na walang kasiguraduhan ang lahat. Kailangan kong itatak sa isip ko na walang permanente sa aming pagitan. Dahil kahit saang anggulo ko man tingnan, walang magtatagal kung ako lang naman ang nagmamahal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD