Nanatiling tikom ang bibig ko habang nanonood ng kanilang warm-up. Wala pa ang kalaban nilang team at ang dinig ko kay Papa, on the way na raw ang mga ito. Sa ngayon, kahit na medyo ilang ay pilit kong iniiwas ang tingin kay Kahlil. Sa mga rookies at ibang players ako naka-focus, hindi sa kaniya.
Sa ipinakita niya kanina, ramdam kong nadismaya siya. Kung hindi man, maaaring may hindi siya nagustuhan sa kung ano man ang ipinakita ko o ipinaalam. Bakit ganoon? Batid kong wala naman akong mali o kasalanan pero naroon din ang pagnanais ko na humingi ng tawad sa kaniya.
Gusto ko siya. Gustong gusto. Gusto ko siya’t dumadating sa punto na halos siya na lang ang laman ng isipan ko sa magdamag. Dahil dito, hindi ko rin masisisi ang sarili ko kung bakit naghahalo ang takot at pangamba habang iniisip na may ikinadismaya siya, lalong lalo na’t nagsisimula pa lang ang pagkakaibigan namin at hindi pa ganoon kalalim ang samahan namin.
“Yuri, punasan mo.”
Natauhan ako nang marinig ang ma-awtoridad na boses ni Papa. Hindi na ako nagdalawang-isip pa upang pulutin ang tuyong basahan sa gilid ng deck at tumungo sa sahig kung saan nag-stretching ang players. Kailangan kasing masiguro na hindi madulas iyong sahig dahil sa pawis ng mga manlalaro. Injury ang kinakatakot sa mga ganitong sitwasyon tuwing may laro, lalo na at may laban pa sila sa isang linggo para sa isang university league.
Bawat punas at kilos ko rito sa court, malakas ang pakiramdam kong may nakatitig sa akin. Hindi ko maiwasang mailang dahil si Kahlil na kaagad ang nasa instinct ko. Iisipin ko pa lang na siya nga iyon, nilalamon na kaagad ako ng hiya. Sino ba naman kasi ang magiging proud sa gawaing ito?
I’m not against them— sa mga assistants o waterboys na minsa’y utusan at tagapulot lamang ng bola. Pero iba na kasi kung nasa sitwasyon ka na at batid mong nakikita ka ng all-time crush mo. Wala man dapat akong ikahiya dahil marangal naman ang ginagawa ko, pakiramdam ko ay nilulunod pa rin ako sa kahihiyan.
Nang masigurong tuyo na ang sahig na pinuntirya, tahimik pa rin akong bumalik sa bench at umupo katabi mismo ng water jug. Sa ilang sandali pa’y nagsidatingan na rin ang team Falcons at pumuwesto sa kabilang bench. Gaya ng ginagawa ng aming team, nagkaroon muna sila ng stretching activity at warm-ups. Saka lang ako umiwas ng tingin sa kanila nang tawagin na ang captain at coach ng magkabilang koponan para pag-usapan ang magiging laro.
“Pssst!” dinig ko sa aking likod. Ganoon na lang ang pagbali ng kilay ko nang makitang nakaupo sa bleachers si Lexus, katapat mismo ng bench kung saan ako nakaupo. “Pwedeng umupo diyan?”
Hindi ako nagdalawang isip, tumango ako.
“Yown!” excited niyang turan sabay tayo at takbo patungo rito. Bumuntong hininga ako at ibinalik ang tingin sa harapan kung saan makikita ang magkahiwalay na team. Naghihintay lang sila na matapos na iyong pag-uusap ng captain at coach.
Nang umupo sa tabi ko si Lexus, saka pa lang naiwas ang tingin ko sa kanila at bumaling sa kaniya.
“Bakit hindi mo sinabing may tune-up game pala?” tanong niya. Kumibit-balikat ako.
“Sa pagkakatanda ko eh hindi mo naman tinanong?”
“Kahit na. Alam mo namang fan ako ng team natin, ‘di ba?”
“Tss…”
“By the way, kumusta pagiging waterboy? Sarap siguro ng buhay mo ‘no?”
Umawang ang bibig ko at muntik pang matawa. “Anong masarap do’n? Wala naman akong ibang ginagawa rito kun’di utusan.
“Kahit na. Iba pa rin kasi ‘yang kasama ka sa bawat laban.”
Hindi ako basketball fan at kahit kailan ay hindi magiging fan. Wala akong hilig sa sports dahil hindi naman para roon ang aking katawan. Madali akong mapagod. Mahina rin ang loob ko. Sa mga gaya nitong hindi lang kakayahan at talento ang ipapakita, kailangan mo ng lakas ng loob at tapang.
Saksi ako sa bawat paghihirap ng mga manlalarong ito. Bukod sa kailangan nilang makisama, obligado ring tatagan pa nilang lalo ang sarili sa tuwing nakakatanggap sila ng sermon sa coach. Mas malala kung galing sila sa pagkatalo pagkatapos ng laro. Doon malala ang gigil ni Papa. Hindi lang mabagsik, literal na nakakatakot.
Nakapagtataka na sa kabila ng lahat ng ito ay pursigido pa rin si Lexus upang mapasama sa team roster nito. Batid na niya lahat ng posible mang pagdadaanan ngunit nais pa rin niyang magpursige para rito. Siguro ganoon nga talaga kung gusto mo talaga ang isang bagay. Wala ka ng balak pang umatras. Laban kung laban.
“Alam mo, sayang ka,” biglang sabi ni Lexus na aking ipinagtaka. Pinanatili ko ang tingin sa kaniya, partikular na sa seryoso niyang mga mata.
“Sayang? Bakit naman?”
“Coach ang papa mo. Pasok din ang height mo. Bakit hindi mo subukang mag-try out? Hindi gaya ko, malaki ang tyansa mo na matanggap kaagad.”
Umiling ako. “Hindi ako athletic.”
“Try mo lang.”
“Ilang beses na akong pinilit ni Papa. Walang pag-asa.”
“Okay bahala ka.”
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay saka ako lumingon sa kung nasaan ngayon si Kahlil. Nasa team na siya ngayon at nakapalibot sila ngayon. May kung anong bumalot sa sistema ko nang makitang nakatingin siya sa amin ni Lexus. Seryosong seryoso siya at hindi man lang makikitaan ng ngiti.
He’s so damn serious. Ano bang mali sa ginagawa ko?
Kusa akong yumuko dahil hindi ko kayang tumagal sa tingin niyang iyon. Ewan ko, kahit na may parte sa aking nahuhumaling doon, malakas pa rin ang pakiramdam kong may hindi tama. Ano nang gagawin ko? Dapat bang kausapin ko siya tungkol dito? Paano kung wala lang naman pala iyon? Paano kung normal lang pala sa kaniya ang ganoon?
Kung sa bagay, game face nga naman siya kapag may ganitong klaseng laban. Baka mamaya mag-iiba na ang timpla ng ekspresyon na nakikita ko sa kaniya.
Nang magsimula ang laban, hindi ko roon itinuon ang aking pansin. Hindi ako gaya ni Lexus na napapasigaw pa sa tuwing nakakapuntos ang La Salle. The whole quarter ay nakayuko lamang ako sa screen ng aking phone. Paminsan-minsa’y inuutusan upang punasan ang sahig na nabasa ng pawis. Minsan din ay inuutusang pumulot ng bola.
Sa ganoong klaseng pagkakataon, hindi ko maiwasang tumingin sa pwesto ni Kahlil. May mga pagkakataong nagtatama ang aming mga mata ngunit mas marami iyong naka-focus lang siya sa kaniyang kalaban. Nakakatakot siyang tingnan habang nasa laro. Kahit sino yatang kalaban ay ma-iintimidate lalo na kapag babantayan niya.
“Free ka ba mamaya?” si Lexus nang makabalik ako sa bench. Pinulot ko ang aking cellphone saka umupo sa tabi niya.
“Anong oras?”
“Pagkatapos nitong game.”
Tumango ako. “Free naman. Bakit, anong gagawin?”
“Magpapaturo sana ako, okay lang ba?”
Gusto kong tumanggi. Nakalaan kasi talaga ang araw na ito para sa mga gawaing hindi naman involve ang school works. Tipong hindi ko na kailangang pagurin ang utak ko at iiwas muna sa mga ganoong klaseng aktibidad. Gayunpaman, wala na rin naman akong alam na gagawin pa. Bukod sa maaawa ako kung tatanggihan ko siya, mamayang gabi pa naman iyong dinner kasama si Kahlil.
“Okay.”
“Yun oh! Salamat na agad.”
“Tss. Bakit kasi hindi ka nagtatanong sa teachers natin kapag nasa klase?”
Natawa siya. “Sinong malalakas-loob na gawin ‘yon? Ayaw ko nga.”
Inabot ng ilang oras bago natapos ang laro. Base sa komento ni Lexus, nag-overtime daw dahil nag-tie ang scores. Panay pa nga ang sigaw nito dahil sa intense ng laban. Mangilan-ngilan din ang nanonood sa bleachers at marami rin sa kanila ang gaya halos ng reaksyon ng katabi ko.
Pagkatapos ng laro, hinayaan ko na ang mga players na magsalin ng kani-kanilang tubig. Umalis ako roon upang linisin na kaagad ang court. Sanay na ako at kabisado ko na rin kung paano ito ilalampaso nang mabilisan. Sa tantya ko ay gumugol ako ng kalahating oras bago ito matapos.
Hawak ang mop, lumingon ako sa bench at nakita roon si Kahlil, prenteng nakaupo at naka-topless. Tatlo na lang sila roon dahil ang iba ay nag-lunch na at ang Team Falcons ay umalis na. Si Lexus naman ay nasa bleachers, may kausap sa phone at naghihintay sa akin. Hindi ko na rin makita si Papa, siguro ay kasama ng iba pang nag-lunch.
Tumungo ako sa utility area. Pagkabalik doon ng lampaso ay saka ako bumalik sa court nang pinupunasan ang sariling pawis. Hindi pa naman ako nadudugyutan sa sarili ko, sakto lang.
Habang nalalapit sa bench upang kunin ang shoulder bag, lalong namamayani sa sistema ko ang kaba. Seryosong seryoso pa rin kasi si Kahlil kahit na tapos na ang laban at kahit na sa cellphone pa rin ang tuon ng atensyon niya. Talaga bang may ikinadismaya siya sa akin? Base sa pagkakakilala ko ay hindi naman ganoon kabigat ang ekspresyon niya pagkatapos ng laban.
Tahimik kong pinulot ang shoulder bag ko nang marating na ang bench. Akma na sana akong haharap sa gilid upang tumungo kay Lexus ngunit hindi na natuloy nang bigla akong pigilin ni Kahlil.
“Where are you going?”
Kabado akong lumingon at yumuko sa kaniya. Nanatili pa rin siyang nakaupo at nakababa ang tingin sa hawak na phone.
Bigla akong nagtaka. Lumingon pa ako sa paligid kung ako ba ang tinatanong niya. Iyong dalawa kasi niyang kasama ay kanya-kanya din sa cellphone.
“Ikaw ang kausap ko, Yuri.”
This time, inilapag na niya ang gadget niya at tumingala sa akin. Para akong sinulyapan ng kidlat nang magtama ang aming mga mata.
“Uh, aalis kami ni Lexus.”
“Saan kayo pupunta?”
Kagyat akong lumingon sa kinaroroonan ni Lexus. Tahimik lang siya sa bleachers at may kausap pa rin sa kabilang linya.
Pagkabalik ko ng pansin kay Kahlil, halos wala na akong emosyon na mabasa sa kaniya.
Wala akong maunawaan. Bakit ba siya nagkakaganito?
“Magla-lunch tapos itu-tutor siya.”
“Nang kayong dalawa lang?”
Tumango ako. “O-oo, kami lang.”
“Sama ako,” walang pagdadalawang-isip niyang sabi. Namilog ang mga mata ko nang pulutin niya ang shirt sa bukas niyang duffle bag saka isinuot iyon nang walang kahirap-hirap.
Pagkatayo niya ay wala akong masabi, ni hindi rin ako makagalaw nang maayos. Hindi ko alam kung sa paanong paraan ako makikitungo gayong nararamdaman kong may hindi tama.
“Tara na,” pag-aaya niya. Para akong natauhan at tumango-tango. Nilingon ko na lamang si Lexus sa kinaroroonan niya at sinenyasan siyang bumaba na at tumungo rito.
Kabado ako. Sobra. Wala akong kaalam-alam kung sa paanong paraan ako makikitungo rito kay Kahlil. I knew him better, alam kong hindi siya ganito!
Habang naghihintay kay Lexus, inilipat ko ang paningin kay Kahlil. Saglit kong kinagat ang labi ko bago magsalita. Nakapamulsa kasi siya ngayon at tahimik lang din na naghihintay.
“Okay ka lang?”
“Ano sa tingin mo?” aniya.
“Uh… hindi ko alam pero nakasisiguro kong pagod ka…”
“Hindi ako pagod.”
“Talaga? Sa hinaba-haba ng laro niyo, hindi ka man lang napagod?”
“Sanay na ako, wala namang nakapagtataka ro’n.”
“Sa bagay…”
“So ano, ano sa tingin mo? Okay lang ba ako?”
Hindi. Alam kong hindi siya okay. Alam kong hindi at alam kong ako ang dahilan kung bakit. Ang probema lang ay wala akong ideya kung bakit. Wala akong muwang kung bakit at sa paanong paraan ako naging dahilan.
Kahit nangangamba, sasabihin ko na sana ito sa kaniya nang direkta. Subalit hindi na natuloy nang dumating na si Lexus at pumagitna sa amin. Naiba tuloy ang linyang sinabi ko saka ipinaalam na sasabay si Kahlil upang mag-lunch. Nakitaan ko naman ng tuwa roon si Lexus na para bang higit pa sa excited.
Tahimik. Walang nagsasalita nang magsimula na kaming tatlo sa paglalakad. Kulang na lang ay may sumapaw na gangis o kuliglig dahil sa nakabibinging katahimikan. Nakapagitna ako sa kanilang dalawa habang sukbit ang shoulder bag at nakakapit lamang sa straps nito. Pilit kong pinipiga ang isip ko upang may mabuong usapan pero pinangungunahan lang ako ng takot ko.
Hindi ako kumportable. Hanggang sa bumulong sa akin si Lexus habang nasa labas na at tinatahak ang daan.
“Close ba kayo?”
Umiling ako.
“Weh?” pagdududa niya.
“Hindi nga…”
“Eh bakit sasabay siya sa’tin kung hindi?”
“Baka gutom lang…”
“Sus.”
I know he heard us. Ano kayang iniisip niya? May malalim kayang dahilan kung bakit ganito siya kaseryoso at katahimik?
Nang marating namin ang cafeteria, hinayaan ko na umupo si Lexus upang ma-reserve ang aming pwesto. Sinabi na rin niya kung ano ang i-o-order niya at ako na ang bahala roon. Kaya ngayon, lalo mang kinabahan ay inisip ko na lang na matatapos din ito. Magkatabi at magkasabay kaming naglakad ni Kahlil patungo sa pila.
Dahil sikat, ilan sa mga babaeng nadadaanan namin ay napapalingon sa kaniya. May ibang kinikilig at may ibang napapangiti lang. Bigla tuloy akong nanliit. Sa maikling sandali, hiniling ko na sana kusa na siyang dumistansya nang may kalayuan. Kung gagawin ko kasi iyon, baka lalo lang lumala ang tensyon. Mahirap na.
Nang marating na namin ang dulo ng pila, hinayaan niya akong pumwesto sa gawing unahan niya at siya sa pinakadulo. Just as we stopped walking, I heard his humming whisper behind. Napalunok ako nang marinig ito nang buo.
“I’m not okay, Yuri.”
Hindi ako makatalikod o kahit makalingon. God, wala pa naman siyang ginawa pero bakit parang napaparalisa na ako?
“I’m not okay,” mas mahina niyang ulit sa mas malalim at mas seryosong boses.