Nais ko sanang tanungin si Lexus kung ano ba ang posibleng dahilan ng isang tao kung bakit masasabi niyang hindi siya okay. But knowing na hindi naman siya ganoon kadaling kausap, hindi ko na lamang matuloy-tuloy.
We had lunch. Sabay kaming tatlo sa iisang hapag at ang nangyari, wala ni isa sa amin ang nag-insist na magsalita o mag-open ng topic. Nakapagtataka nga sa parte ni Lexus dahil batid kong madaldal ito. Pero anong nangyari?
The whole time na kumakain kami, sa plato lang at sa pagkain ang pansin ko. Paminsan-minsa’y umaangat ang tingin kay Kahlil at makikita ko siyang focused lang din sa pagkain. Wala akong mabasa-basa sa ekspresyon niya, taliwas sa sinabi niyang hindi siya okay. Gustuhin ko mang itanong iyon sa kaniya sa mga oras na iyon, alam kong lalo lang magiging awkward dahil may isa pa kaming kasama.
“Ang cool no’n,” wika ni Lex nang marating namin ang library. Kaming dalawa na lang ang magkasama ngayon dahil dumiretso na si Kahlil sa gym.
“Ang alin?” Umupo ako sa bakanteng pwesto, malayo sa pinto ngunit halos katapat lang ng bintana. Saka lang siya sumagot nang umupo na rin siya sa aking tapat habang isa-isang inilalabas sa dalang bag ang mga hand-outs na aming pag-aaralan.
“Si Kahlil. Hindi ko inasahan na gano’n pala katahimik iyon.”
“Ano namang cool d’on?”
“Galing niya sa laro e.”
Sa totoo lang, napuna kong wala sa usual self si Kahlil noong nasa laban nila kanina. Nakakapuntos nga pero alam kong higit pa roon ang makakaya niya. Doon pa lang, mapapatunayan nang distracted siya o ‘di kaya’y may bumabagabag sa kaniya. Maaari ko kayang itanong iyon kung sakali mang matuloy ang dinner namin mamaya?
Wala talaga. Wala akong maisip kung bakit. Ang hirap din namang mag-over think na ako ang dahilan dahil baka umasa lang ako sa wala. After all, hindi lang naman ako ang tao sa buhay niya. Maaaring dahil iyon sa family conflict o ‘di kaya’y school-related.
Sana lang ay masagot niya kapag itinanong ko.
Isa-isa kong ni-scan ang mga hand-outs na inilabas ni Lexus. At dahil blockmate naman kami, literal na lahat ng iyon ay na-encounter ko na. May ilan lang hindi pamilyar dahil baka gawa ng iba naming kaklase ang reviewer na ito. Gayunpaman, hindi ko na kailangan pang mag-exert ng effort para mag-research dahil alam ko naman lahat ng ito.
Hindi naman mahirap turuan si Lexus. Nakikinig talaga siya at talagang inintindi lahat ng sinasabi ko. Hindi siya paulit-ulit, isang bagay na hindi nakakapagod sa parte ko.
Halos tatlong oras din ang inilagi namin sa library. Laking gulat ko na lang nang matantong alas tres na ng hapon.
“Saan ka didiretso niyan?” usisa niya habang ibinabalik sa loob ng bag ang mga hand-outs. Tumayo naman ako matapos isukbit sa balikat ang shoulder bag.
“Babalik ako sa court, che-check ko lang kung malinis ba ang bleachers. Ikaw?”
“May lakad pa ako eh. Siguradong gagabihin din.”
Sabay kaming lumabas ng library. Nang humiwalay na kami ng landas ay may kung anong kaba na namutawi kaagad sa akin.
Nakakainis, ito na naman. Kinakabahan ako at dahil na naman sa pag-ooverthink. Paano kung nandoon si Kahlil? The fact na sa akin niya sinabing hindi siya okay, may parte sa akin na nakokonsensya dahil hindi ko na iyon inusisa pa.
Sa ilang minuto kong paglalakad, hindi ko namalayang narating ko na ang court. Sa pagtapak ko patungo sa loob nito, isang nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa akin. Walang dribbles, tunog ng sapatos sa sahig, o kahit anong ingay na likha ng mga manlalaro. Hindi bukas ang ilang ilaw kaya mas madilim ang loob sa usual nitong liwanag kapag may event.
Huminto ako hindi kalayuan sa main entrance at pinasadahan ng tingin ang paligid. Una kong tiningnan ang player’s bench at nakitang walang katao-katao roon. Ngunit napakunot-noo na lang ako dahil may isang pamilyar na duffle bag na makikita roon. Hindi ko pa man nilalapitan ay alam ko na kung sino ang nagmamay-ari nito.
Paulit-ulit akong bumuntong hininga at inisip na posibleng hindi pa siya nakakauwi. Imposible namang kalimutan niya ang bag niyang ito gayong marami siyang gamit dito. Ang tanong, nasaan kaya siya ngayon?
Unti-unti akong humakbang patungo roon. Habang lumalapit, unti-unti ring lumalala itong kabang bumabagabag. Para akong sinisiil kahit na wala pa namang nangyayari. Kahit sarili ko ay hindi ko na halos maunawaan.
Huminto ako sa bench, sa mismong tapat ng bag ni Kahlil. Nakasara naman iyon. Bakit kaya niya naisipang iwan ito rito gayong bukas ang main entrance? Sana lang ay walang nawala sa kahit na anong gamit na nasa loob nito.
Habang tinititigan ang bag, ganoon na lang ang paglukso ng pulso ko nang makarinig ng ingay sa hindi kalayuan. Ganoon na lang ang gulat ko nang lumingon ako sa pinanggalingan nito saka nakita si Kahlil na ngayon ay bagong ligo sa suot na faded jeans at white shirt. Nakapatong din sa balikat niya ang towel at may hawak na kasuotan sa isang kamay. Diretso lang ang seryosong tingin niya sa akin na animo’y nangungusap.
Gaya kanina, walang nagbago. Siya pa rin ang Kahlil na hindi ko mabasa-basa kung ano man ang naka-ukit sa mukha.
Nanatili akong nakatayo habang hinihintay siya. Nagsimula na rin kasi siyang maglakad at sa bawat hakbang ay may nalilikhang ingay. Pinupwersa ko na lamang ang sarili ko na huwag iiwas ang tingin sa kaniya dahil baka isipin niyang naiilang ako sa kaniya. Well, kahit iyon naman ang totoo, ang awkward naman kasi talaga.
Sa ilang sandali pa ay narating na niya ang aking kinaroroonan. Lalo akong binusalan ng kaba dahil malapit lang siya at nagsisimula nang mag-ayos ng gamit. I really want to say something pero hindi ko magawang maibuka ang bibig. May kung anong pumipigil dahil sa takot na baka magkamali ako ng sasabihin.
Umupo siya sa bench at hawak na niya sa isang kamay ang cellphone. Ako naman ay nanatiling nakaupo at nakatingin lamang sa kaniya. Pagkatingala niya sa akin, para akong inilutang sa hangin. Bukod sa nanunuot ang panlalaki niyang bango dahil halos kaliligo lang niya, mas lalo pa yata akong nalunod sa kagwapuhan niya.
I know I have to be resilient, na sa kabila ng pagkahumaling na ito ay dapat wala siyang mahalata. Hindi ko pa siya lubusang kilala. Paano kung homophobic pala siya? Paano kung ayaw pala niya sa mga gaya kong binaluktot ng kapalaran?
“Katatapos niyo lang?” he asked in a manly tone. Kusa akong tumango nang walang sinasabi. “Pahinga ka muna.”
Nagdalawang-isip ako bigla. Paano kaya kung magpalit muna ako? O huwag na? Hindi gaya noong isang araw kung kailan pawis na pawis ako, ngayon ay masasabi kong nasa ayos naman ang kondisyon ng katawan ko kahit medyo napagod dahil sa kabi-kabilang utos at paglalampaso kanina.
Umupo na ako. Sa tantya ko ay nasa isang dipa lang ang layo ko sa kaniya. Prenteng nakapatong sa kandungan ko ang shoulder bag ko nang diretso lang ang tingin sa harapan. Pinakikiramdaman ko na lang siya sa gilid ko dahil nagiging abala na rin siya sa cellphone niya.
Namayani ang katahimikan. Tanging mga ingay na lang sa labas ang nagagawa kong marinig at ang paminsan-minsang kislot ng aming mga paa. Pinaglalaruan ko na lang din ang mga daliri ko upang maibsan ang kaba.
Maya-maya pa’y nagtanong din siya. Kusa akong napalingon nang hindi pinahahalata ang gulat.
“How’s your day?”
“A-ayos lang naman…”
He nodded. “Buti ka pa.”
“Bakit? Bakit hindi ka okay?” Sa wakas ay nasabi ko rin.
“May iniisip lang.”
“Oh…”
Nagtaka ako bigla kung ano iyon pero kaysa naman halungkatin pa iyon ay nanahimik na lang ako. I don’t think it’s a right idea to ask him more. Paano pala kung hindi pa siya handa upang magkwento? Eh ‘di ako lang din ang mapapahiya.
Para akong tanga. Para akong tangang hindi malaman ang gagawin. Kung may isang bagay lang akong nais na mangyari ngayon, nanaisin kong magpalamon muna sa lupa kahit panandalian. Ang hirap sumagap ng katinuan. Sa sobrang blangko ng isipan ko upang makabuo ng panibagong mapag-uusapan, literal na wala akong masabi.
“T-tuloy tayo sa dinner mamaya, ‘di ba?” tanong ko na lang upang mabasag ang nag-aambang paghaba ng katahimikan.
“Oo naman. Bakit, may gagawin ka ba?”
“Wala naman. Sinisiguro ko lang…”
“Alam mo ba…” Hindi niya tinapos ang sinasabi.
“Na?”
Mapait siyang tumawa.
“Na kalahating oras akong naghintay sa tapat ng bahay niyo kagabi?”
Bumagsak ang panga ko nang marinig iyon. Unti-unti na ring namilog ang mga mata ko at lalo pang naghurumentado ang sistema ko. Isipin ko pa lang kung gaano siya katagal naghintay sa tapat ng bahay namin para lang sa wala, nilalamon na ako ng konsensya ko. Sising sisi ako kung bakit hindi ko man lang nagawang i-charge ng cellphone ko. Nagawa ko pa sanang ipaalam sa kaniya kung nasaan ako o baka posible ring nagpaalam ako kay Jen upang sumaglit muna sa amin.
Pero nangyari na. Grabeng perwisyo iyon sa parte niya.
“S-sorry.”
“That’s okay. Like I said, kasalanan ko naman dahil hindi ko ‘yon nilinaw bago tayo naghiwalay ng daan noon.”
Nahahabag ako. Kung maibabalik lang talaga ang oras ay talagang hindi ko siya hahayaang maghintay ng ganoon katagal.
Muli siyang nagsalita. “Nagpaalam ka naman ba kay Coach na gagabihin tayo?”
Sa puntong iyon, bigla akong nag-alala. S-hit, isa pa pala ito sa mga dapat kong problemahin.
Umiling ako.
“Magpapaalam pa lang ako. Alam mo ba kung nasaan siya ngayon?”
“Umuwi na kaninang ala-una.”
“Tatawagan ko na lang. Saglit lang ‘to.”
Tumayo ako at naglakad palayo sa kaniya. Siniguro kong wala siyang maririnig kaya sumadya pa ako sa main entrance, sa labas at sa gilid nito. Habol-habol ko ang hininga ko nang makalabas at makahanap ng magandang pwesto. Saglit kong tinipa ang numero ni Papa, saka ito tinawagan.
Nakakadalawang ring pa lang ay kaagad na niya itong nasagot.
“Nasaan ka?”
“Pa…”
“Kanina pa kita hinahanap. Sinong kasama mo?”
Suminghap ako. Ramdam ko sa boses ang galit niya. Paano ko pa magagawang magpaalam nito? S-hit.
“W-wala po akong kasama,” pagsisinungaling ko.
“Umuwi ka na.”
Napapikit ako. Bakit ba hindi marunong makisama ng pagkakataon? Paano na ako nito mamaya?
“Ngayon na po?”
Suminghal siya. “Ngayon na.”
Napailing na lang ko nang maibaba na niya ang tawag. Gustuhin ko man siyang tawagan at sabihin kung ano ang binabalak mamayang gabi, takot pa rin ang namamayani sa akin. Paano kung lalo lang niya akong pigilan? Eh ‘di lalo ko lang pinaasa si Kahlil.
Labag man sa kalooban, ibinulsa ko na lamang ang cellphone ko. Pumikit ako at sumandal dala ang hirap at bagabag sa sistema ko. Dapat bang umuwi na muna ako ngayon at mamayang gabi na lang magkita ulit? Kung sakali mang hindi papayag, paano kaya kung tumakas ako?
Isang malalim na buga sa hangin ang pinakawala ko bago ko idinilat ang mga mata. Naglakad na rin ako pabalik sa loob nang hindi maipinta ang mukha. Sana lang ay hindi niya mahalatang hindi naging maganda ang takbo ng usapan namin ni Papa.
Hindi siya abala sa cellphone niya nang makabalik na ako sa dati kong pwesto. Para bang hinintay niya akong makabalik at umaasang kukwentuhan ko siya sa naging usapan.
Lumunok ako at lumingon sa kaniya. Kitang kita na ngayon ang sinseridad sa kaniyang ekspresyon habang nakatingin sa akin.
“Kailangan ko na raw munang umuwi…”
“Ngayon na?”
“Oo…”
“I see. May dala ka bang sasakyan?”
“Wala eh, magko-communte na lang mun—”
“No. Sa’kin ka na sumakay. Ihahatid kita.”
“Oh?”
Tumayo siya at pinulot sa bench ang duffle bag. Pagkasukbit niya nito ay saka na rin ako tumayo.
“S-salamat na agad, Kahlil.”
He shrugged his shoulder. “Is he mad? Kumusta ang usapan niyo?”
Nagsimula na kaming maglakad palabas. May gagamit pa naman ng court na ito mamaya kaya hindi ko na kailangan pang i-check ang ilang facilities nito.
“Okay lang naman,” pagsisinungaling ko. “May gagawin lang sa bahay kaya pinapauwi na muna ako.”
“So I guess, matutuloy tayo mamaya?”
Tipid akong ngumiti. “Oo, matutuloy tayo.”
Bahala na lang. Bahala na kung sakali mang hindi talaga ako payagan. Hindi naman ako papayag na hindi ito matuloy at ma-move na naman sa ibang gabi. Baka mawala lang ni Kahlil ang tiwala niya sa’kin. Minsan lang naman itong mangyari kaya bakit hindi na sulitin?
Oo, masakit. At alam kong hindi magiging madali. Sa kabila nito, batid kong magagawan naman ito ng paraan. Doble-ingat na lang.
Saglit naming narating ang parking lot kung saan nakaparada iyong sasakyan niya. Sa passenger’s seat ako, katabi ng uupuan niya.
Habang hinihintay siyang pumasok, sinamantala ko na ang pagkakataon habang wala pa siya. Ngumiti ako nang pagkalawak-lawak habang nakatitig sa dash board at sa manibela ng sasakyan niya. Ang sarap lang sa pakiramdam na nagagawa ko na ring sumakay dito. Dahil kahit papa’no, ang dating nasa pantasya ko lang, ngayon ay nangyayari na.