NAPANGITI si Regina matapos makita ang gulat na gulat ngunit masayang mukha ni Marcela nang maabutan sila nito paglabas ng school. Dahil maluwag ang schedule ni Javier para sa araw na iyon. Naisip nitong sunduin ang anak sa school pagkatapos ay dumiretso na silang tatlo para kumain sa labas. Ayon mismo kay Javier ay hindi na nito matandaan kung kailan ang huling beses na lumabas ito kasama ang anak. “Daddy!” excited na bulalas nito sabay takbo sa ama at yakap dito. Pagkatapos ay yumakap at humalik din ito sa kanya. “Mommy, anong ginagawa n’yo dito?” “Gusto ng Daddy mo na kumain sa labas para maiba naman daw.” “Talaga, Dad?” “Uh-huh, our first family dinner together, how’s that?” “Omg! I like that!”

