Napatungo si Dev habang nakatanaw mula sa kawalan, muntik na syang mapahamak kanina. Hindi nya inaasahang ganoon ang mangyayari, mabuti na lang at naagapan ni Wes ang lalaking aabutan sana ng bata ng mga ninakaw nito sa kanya. Malinaw na utusan ng lalaki ang mga batang naroon. Ginagamit nito ang mga bata sa masamang paraan. Nakakalungkot isipin na totoong marami pa ring nag eexist sa mundo na katulad ng taong iyon. Halang ang bituka at kaluluwa.
Sinulyapan nya si Wes mula sa gilid nya, muli ay blangko lang ang ekspresyon ng mukha nito habang nakatutok sa daan.
Saan nga ba sila pupunta?
Gabi na, naisip nya ang lola nya, kung uuwi sya ay siguradong maaabala pa nya ang tulog nito.
"Saan ba tayo pupunta? Pwede bang isama mo na lang muna ako sa lugar mo?"
Parang medyo nagulat ito sa sinabi nya, may halong pagtataka sa mga mata nito.
"Bakit?"
"Eh kasi kung uuwi ako samin magigising pa si Lola sa pagkakatulog nya. Ayaw kong maabala pa sya, kung pwede lang magpalipas na lang muna ako ng magdamag sa tinutuluyan mo," sabi nya.
Hindi ito kumibo, madalas talaga na tahimik lang ito.
Nanahimik na lang din sya, mahirap maghintay ng sagot sa katulad nito.
Ilang minuto pa ay huminto na ang sasakyan nito sa isang malaking bahay. Pinasok nito ang sasakyan sa loob ng gate.
Dito ba ito nakatira?
Parang masyado naman ata itong malaki para sa katulad nitong nag-iisa lang sa buhay? O baka naman may kasama ito?
Pero sa pagkakaalam nya ay nag-iisa lang ito sa buhay. Crush nya ito syempre kaya alam nya ang ibang detalye tungkol sa buhay nito.
Hindi man lang sya nito pinagbuksan ng pintuan at dire-diretso na itong pumasok sa loob, sumunod na lang sya dito at agad nyang inilinga ang mga mata sa loob ng bahay, maayos ang loob ng bahay ni Wes, masinop at malinis ngunit tahimik iyon.
Wala ba itong balak kausapin man lang sya? Nabibili yata ang bawat letra ng salitang binibitawan nito.
Napatingala sya habang sinusundan ng tingin ang pag panhik nito sa hagdanan.
Nilingon sya nito kaya medyo napaiwas sya ng tingin.
Bakit parang bigla syang napaso sa tingin nito?
Itinabing nya ang buhok sa mukha at bahagyang yumuko. Ayaw nyang makita nito ang peklat na naroon. Nahihiya sya.
Tiningnan nya ang sofa at lumapit roon, dito na lang sya matutulog. Kailangan lang naman nyang magpalipas ng magdamag eh. Bukas ay uuwi din sya.
Naupo na sya at nahiga roon, mukhang wala naman pakealam ang isang 'yon sa kanya, malamang na natutulog na ito at iniwanan na lang sya. Tanggap na nyang totoong suplado ito.
Ilang saglit pa lang nyang pinipikit ang mga mata ay may nagsalita na mula sa gilid nya.
"Sino ang nagsabi sayong dyan ka matulog?"
Mabilis syang napadilat at napabangon dahil sa biglaang pagsulpot nito. Nakatayo ito ngayon at nakatingin sa kanya. Kahit medyo madilim ay kitang-kita nya ang gwapong mukha nito.
"Ah dito na lang ak–"
Hindi pa nya natatapos ang sasabihin ay nagsalita na kaagad ito.
"Nandoon ang isang kwarto sa itaas sa kanan iyon ang gamitin mo,"
"Okay lang naman ako kahit dito na lang ako matulog,"
Matiim na tiningnan lang sya nito, hindi nya alam kung nagkakamali lang sya, para kasing lagi nitong kinakabisado ang mukha nya kapag napapatingin ito sa kanya, di nya tuloy maiwasang kabahan. Baka makita nito ang pilat nya sa mukha. Yumuko sya at nag-iwas ng tingin.
"Ayokong may natutulog sa sofa ko," anito habang seryoso ang mukha.
Napatayo kaagad sya sa kinauupuan.
Daig pa nya ang napaso sa pwet dahil sa sinabi nito.
Napansin nyang tumalikod ito at napahawak sa ibabang labi.
Inaantok na yata sya, ang tingin nya kasi eh parang ngumiti ito. Pero paglingon naman nito sa kanya ay seryosong-seryoso na naman ang mukha nito.
Namamalikmata lang sya. Bakit nga naman ito ngingiti? Wala yata sa bokabularyo nito ang salitang ngiti at tawa, ni sa pakikipag-usap nga ay napakatipid nito.
Dahan-dahan na syang naglakad patungo sa hagdan, baka mamaya ay magbago ang isip nito at paalisin sya, wala na syang matutuluyan.
Nang malapit na sya sa dulong baitang ay patakbong tinungo nya ang silid na sinasabi nito. Agad nyang isinarado iyon at noon lang sya nakahinga ng maluwag.
Hay!
Naupo sya sa kama at napa-tapik sa noo. Pakiramdam nya ay sumikip ang paghinga nya kanina.
Nahiga na sya at ipinikit ang mga mata, pero ilang minuto na ang lumilipas ay gising pa din sya. Bakit ba hindi sya makatulog?
Tumingin sya sa kisame.
Namamahay ba ang katawan nya?
Nakaramdam sya ng uhaw kaya naisip nyang bumaba, siguro naman ay tulog na si Wes.
Nagdarasal sya na sana ay tulog na ito. Pakiramdam nya kasi ay nauubusan sya ng hangin kapag kausap nya ito, lalo na at seryosong seryoso ang mukha nito. Hindi naman sya nakakaramdam ng takot, kinakabahan lang sya. Bumibilis yung pintig ng puso nya. Ewan nya nga ba kung bakit.
Dahan-dahan nyang binuksan ang pintuan at maingat na isinara iyon.
Madilim at patay ang mga ilaw kaya wala syang masyadong maaninag pero nakarinig sya ng tunog ng gitara at boses na kumakanta
IRIS ng Googoo dolls ang kinakanta nito.
Napatigil sya sa kinatatayuan at napahawak sa gilid ng hagdan habang tinatanaw ito at pilit inaaninag.
Si Wes ba iyon?
Tss. Ginagawa nyang tanga ang sarili. Sino pa nga ba? Nag-iisa lang naman ito. Alangan namang multo ang kumakanta.
Malamig ang boses nito at ngayon lang nya nalaman na magaling pala itong kumanta. Ramdam na ramdam nya ang damdamin nito sa bawat pagbigkas nito ng salita.
Namalayan na lang nya ang sariling pinapanood ito at dinadama ang pagkanta nito.
Hinihintay nya pa ang kasunod ng biglang lumiwanag at bumukas ang ilaw.
Nanlalaki ang mga mata nya at mabilis na hinagilap ito ng tingin.
Nakatayo na ito ngayon at nakatingin ito sa kanya mula sa ibaba. Parang bigla syang nabilaukan.
Alam ba nito na pinapanood nya ito kanina pa?
Shit! Kulang na lang mapa-atras sya sa kinatatayuan nya ngayon, kukuha lang naman kasi sana sya ng tubig eh. Tama iyon naman talaga ang dahilan nya.
"Ah k-kukuha lang sana ako ng tubig," nagkanda utal-utal pa sya sa pagsasabi niyon.
Wala naman itong reaksyon sa mukha, ibinaba nito ang gitara sa sofa.
"Nandito sa ibaba ang tubig," sabi nito at pagkatapos ay pumanhik ng hagdanan.
Nang makalapit ito sa kanya ay hindi naman ito tumingin, nagsalita lamang ito matapos dumaan sa gilid nya.
"Ikaw na lang ang pumatay ng ilaw," anito sa malamig na boses.
"S-sige," mabilis na sagot nya at di man lang ito nagawang lingunin. Narinig na lang nya ang pagsarado ng isang pintuan kaya alam nyang pumasok na ito.
Napapikit sya at nakahinga ng maluwag.