Maagang nagising si Dev kinabukasan, bumaba sya ng hagdanan at natanaw si Wes na nakatayo habang nakatanaw sa kawalan. Maaga din pala itong nagigising. Mukhang malalim ang iniisip nito. Di nya maiwasang pagmasdan ang mukha nito. Kahit pa palaging seryoso ito at nakakunot ang noo ay hindi iyon naging kabawasan sa kagwapuhan nitong taglay.
Lumingon ito sa kanya nang maramdaman nito ang prisensya nya, pakiramdam nya ay biglang nanuyo ang lalamunan nya.
Pinilit nyang kalmahin ang sarili, kailangan na nyang magpaalam dahil siguradong nag-aalala na sa kanya ang Lola nya.
"Ah, Wes kailangan ko ng umuwi, salamat sa pagpapatuloy mo sakin dito," sabi nya sa kabila ng pagdagundong ng dibdib nya.
Hindi nya matagalan na titigan ito sa mata, nakakaya lang nyang tingnan ito ng matagal kapag hindi ito nakatingin. Pero ngayong nakatitig ito sa kanya ay tila napapaso sya.
Hindi ito nagsalita, naghintay sya sa sasabihin nito pero wala naman syang natanggap na kahit anong sagot mula dito.
Nagdesisyon syang lagpasan na ito at lumabas na ng bahay. Lilisanin na nya ang lugar nito. Gusto man nyang kausapin pa ito ay di naman nya magawa, ang hirap labanan ng tensyon sa pagitan nilang dalawa. Palagi itong tahimik lang at nananantya pa tuloy sya kung may sasabihin ba ito.
Mukhang wala naman na itong sasabihin kaya aalis na sya.
Pinihit na nya ang seradura ng pintuan at noon ay bigla itong nagsalita, dahilan para matigilan sya.
"Akala ko ba hindi ka takot sakin?"
Nilingon nya ito, ngayon nya nakita ang biglang pag-aliwalas ng mukha nito. Kanina ay dumadagundong ang dibdib nya lalo na at di man lang ito nagsasalita at nakatingin lang sa kanya. Madilim ang ekspresyon ng mukha nito kanina.
"Hindi naman talaga ako natatakot sayo," sagot nya.
Totoong hindi sya natatakot dito, nag-aalangan lang sya palagi dahil sa pagiging misteryoso nito at seryoso.
Dahan-dahan itong lumapit sa kanya.
"Then prove it,"
Hinapit nito ang bewang nya palapit sa katawan nito at ramdam nya ang higpit ng pagkakahawak nito sa kanya. Nakatitig ito sa mga mata nya at hindi nya magawang gumalaw man lang.
Mas lalo pa nitong inilapit ang mukha sa kanya at kaunti na lang ay madidikit na ang ilong nito sa mukha nyang nakatakip pa din ng mask.
Kinabahan sya sa paraan ng pagtingin nito sa buong mukha nya, naka-mask sya pero natatakot pa din syang baka bigla nitong makita ang peklat nya sa mukha.
Pinilit nyang kumawala sa pagkakahapit nito sa kanya, nagtagumpay naman sya doon.
Ilang saglit na katahimikan bago ito nagsalita.
"Ihahatid na kita," sabi nito.
Naroon ang pagtataka sa mga mata nya ngunit hindi na nya nagawa pang magsalita, nagpatiuna na kasi itong maglakad at wala syang nagawa kundi ang sundan ito.
Binuhay nito ang makina ng sasakyan at nilingon sya nito na tila naiinip sa pagsakay nya. Saka lang sya natauhan, sumakay na sya backseat.
"Hindi mo ako driver," sabi nito, naguluhan sya at di nya masyadong naintindihan iyon.
"H-ha?" nagtatakang tanong nya.
Tiningnan lang sya nito sa salamin at tinapik nito ang upuan sa tabi.
"Dito ka," anito.
Saka lang nya naintindihan ang sinabi nito. Mabilis syang pumunta sa tabi nito at doon naupo.
Bahagyang umangat ang isang kilay nito ng tingnan sya sa salamin ng sasakyan, nagkatinginan sila saglit pero agad syang nag-iwas ng tingin. Pinaandar na nito ang sasakyan.
Huminto sila sa itinuro nyang tirahan nya, niyaya nya muna ito sa loob upang ipagtimpla man lang ng juice, akala nya ay tatanggihan sya nito ngunit nagulat sya nang bumaba ito sa sasakyan.
Sumulyap ito sa paligid at pagkatapos ay tumingin sa kanya. Nakatayo pa din sya at nakatanga sa hangin.
"Akala ko ba papapasukin mo ako sa loob?" tanong nito.
Bigla syang natigagal at nagmamadaling sinama ito sa loob ng bahay nila.
Wala roon sa sala ang lola nya kaya agad nyang tinungo ang silid nito, nakita nya itong nakahiga roon, tila matamlay.
"Lola?"
Nilingon sya nito at ramdam nya ang pananamlay sa mukha nito.
"Apo, nariyan ka na pala saan ka ba nanggaling?" pinilit nitong bumangon.
Lumapit sya at nasalat nyang mainit ang Lola nya. Nilalagnat pala ito.
"La, nilalagnat po kayo ah? Ano pong nararamdaman nyo? Pasensya na po kayo kung hindi ako nakauwi kagabi," tumabi sya at sinalat-salat ang katawan nito,
"Ayos lang ako apo kaunting lagnat lang ito," sagot nito sa kanya.
"Sorry Lola iniwan pa kita sorry. Ano pong nararamdaman nyo ngayon? Kumain ka na po ba? Uminom na po ba kayo ng gamot?" sunod-sunod ang tanong nya at naroon ang pag-aalala. Nakaramdam din sya ng kunsensya. Sana ay hindi na lang muna nya ito iniwan. Pinagpaliban na lang sana muna nya ang panonood sa banda.
Nagkasakit ito at wala man lang sya sa tabi nito kagabi.
Natigilan sya nang mapansing nakatingin ang lola nya sa likod nya. Saka lang nya naalalang kasama nya pala si Wes at nakatayo ito ngayon mula sa likuran nya.
"Sino itong kasama mo na ito? Nobyo mo ba itong matangkad na lalaking ito ha Deveraux? Naku salamat naman at may pinakilala ka ng nobyo sa akin, hindi na ako mahihirapang pilitin kang makapag-asawa kung sakaling mawala na ako," anito.
Pinamulahanan sya ng mukha dahil sa sinabi ng Lola nya.
"La naman!" mabilis na agaw nya sa sinasabi nito.
Palagi syang pinipilit nito noon na magnobyo na, natatakot daw itong maiwan syang mag-isa. Matanda na daw ito at kaunti na lang ang nalalabing panahon sa mundo, gusto daw nito na bago sya nito iwan ay may lalaki ng mag-aalaga at magpapasaya sa kanya, kung tutuusin ay bata pa naman sya at hindi naman dapat ito mangamba, pero sadya yatang tumatanda na ang lola nya at ganoon na ito mag-isip, hinahayaan na lang nya ito minsan.
Nahihiya tuloy sya dahil sa sinabi ng Lola nya kay Wes, pakiramdam nya'y nag-init ang mukha nya lalo at ramdam na ramdam nyang nakamasid si Wes mula sa likuran nya.
"Hijo taga saan ka? Alam mo bang hindi ka nagkamali sa pagpili sa apo ko? Mabait yan si Deveraux, napakabuti ng apo ko na yan, minsan ay talagang may pagkamakulit lang at pasaway. Pero mapagmahal na bata yan, salamat naman at mapapanatag na ang loob ko, matagal ko ng hinahanapan ng nobyo ang apo kong yan, masyado kasing pihikan, yung kras na kras lang nyang nag-gigitara ang palaging bukambibig nyan, hindi ko naman iyon kilala dahil ano bang alam ko sa mga banda banda na iyan, hayan nga at punong-puno ang dingding namin ng poster ng lalaki na iyon,"
Bigla syang nataranta ng mapagtantong may mga poster si Wes na nakapakat sa dingding ng silid nilang maglola. Huli na dahil paglingon nya kay Wes ay umiikot na ang mga mata nito sa mga larawang nasa dingding. Kitang-kita nyang tila nakangiti ang mga mata nito habang pinagmamasdan ang sariling larawan sa loob mismo ng silid na iyon.
Siguro ay hindi nakilala ng Lola nya si Wes, matanda na kasi ito malabo na rin ang mga mata. Ngayon ay ramdam na ramdam na talaga nya ang pag-iinit ng mukha lalo na at tuloy tuloy pa ang bibig ng lola nya kanina, ni hindi man lang nya ito nagawang pigilan.
Kulang na lang ay hilingin nyang sana ay kainin na lang sya ng lupa dahil sa sobrang kahihiyan.
"Wag mo na ako intindihin apo, asikasuhin mo na iyang nobyo mo," sabi pa nito.
"Lola hindi ko naman po–"
"Mas mabuti sigurong bilhan natin ng gamot ang lola mo," putol ni Wes sa sasabihin nya.
Napatingin sya dito at muli ay seryoso na ang mukha nito.
"Apo naubos ang gamot natin sa medicine cabinet kagabi kaya hindi ako nakainom," sabi nito.
Hinawakan ni Wes ang balikat nya at kinukumbinsi sya nito sa paraan ng pagtingin nito sa kanya.
"La ako na ho ang bibili ng gamot, hintayin nyo po ako dito," sabi nya at tumango naman ito. Muli itong humiga at nakita nyang pinikit na nito ang mga mata.
Hindi na sya tumutol pa sa sinabi ni Wes, niyaya na nya itong pumunta sa bayan tutal ay ito naman ang nagprisinta sa kanya. Mabuti na rin na mabilan nya ng gamot ang lola nya upang gumaling na ito.