CHAPTER 7

2136 Words
Kinakabahan si Davis habang nakatayo sa harap ng bahay nina Hope. Ngayong araw niya napagdesisyonan na manligaw sa dalaga. Nanginginig ang buo niyang katawan dahil sa kaba. Kahit ilang beses siyang huminga nang malalim at pakalmahin ang sarili ay hindi pa rin mawala ang nginig sa katawan niya.   Kinakabahan siya. Hindi niya alam na ganito pala kakaba kapag nanliligaw ka sa babaeng gusto mo. Sabagay, ito pa lang naman ang unang beses niyang manligaw kay papaano niya malalaman na ganito pala ang nararamadaman ng isang manliligaw. Ito ang unang babaeng liligawan niya at alam niyang hindi ito ang panghuli.   Dahil kapag kinasal at nagkaanak sila ni Hope ng isang babae ay liligawan niya din ito, gaya ng sa ina nito. Ipaparamdam niya sa mag-ina niya na mahal na mahal niya ang mga ito.   Biglang nanlaki ang mga mata niya at napailing-iling dahil sa naisip. Ano ba naman itong naiisip niya. Ni hindi pa nga siya nakapag-umpisa sa panliligaw sa dalaga ay kasal at anak na agad ang naiisip niya. Ni hindi pa nga siya sigurado kung papayag ba itong ligawan niya ito. Napabuga na lang siya nang hangin. Minsan talaga itong iniisip niya, eh.   “Hoy!” Nagulat siya sa sigaw ni Eren at sa malakas nitong tapik sa balikat niya.   “Ano ba, Eren?! Bakit ka ba nanggugulat diyan?” Napanguso siya nang tinawanan lang siya nito.   “Hindi halata na kinakabahan ka, ah,” natatawa nitong sabi habang naiiling-iling.   Napabuga na naman siya nang hangin. “Kinakabahan talaga ako, Dude. Paano kung gaya ng ibang lalaki na nanligaw sa kanya ay palabasin niya din ako?”   “Eh ‘di lumabas ka. Nakakahiya naman kung ipipilit mo pa ang sarili mo, ‘di ba?” Sinamaan niya ito ng tingin. Kinakabahan na nga siya, pero nagagawa pa nitong magbiro.   “Ang supportive mo talagang kaibigan. Yong mga advice mo, eh, nakakapangpahina ng loob. Promise!”   Natawa na naman ito saka tinapik-tapik ang kanyang braso. “Pero seryoso, Dude. Kung saka-sakali na palabasin ka nga niya, alam kong lalabas ka at rerespetuhin mo ang desisyon niya. Yon ka, eh. Masunurin.” Napabuga siya nang hangin dahil totoo ‘yon. “Pero kung talagang mahal mo siya at gusto mo siyang makasama ay huwag kang susuko na alam kong isa din iyon sa mga ugali mo. Ang hindi basta-basta sumusuko.   “Kapag nagkaharap na kayo, sabihin mo lang kung anong tunay na nilalaman nito.” Hinawakan nito ang kanyang bandang dibdib kung saan ang puso niya. “Kasi mas malalaman niya na totoo kung nanggaling mismo sa puso mo. Sabihin mo sa kanya ang tunay mong nararamdaman at huwag magdadalawang-isip. Baka kapag nagdalawang isip ka ay mawala pa siya sa ‘yo,” dagdag pa nito.   Napangiti siya saka ito naman ang tinapik niya sa balikat. “Salamat, Dude. Kahit papaano ay nawala ang kaba ko.”   “Wala ‘yon. Ito na pala ang mga pinakuha mo sa akin.” Ibinigay nito sa kanya ang dalawang paper bag.   “Salamat, Dude.” huminga siya nang malalim. “Wish me luck.”   “Malaking good luck talaga sa ‘yo.” Sinamaan niya ito nang tingin, pero tumawa lang ito. “Pero alam kong mapapa-00 mo din siya. You are a kind man, Davis, kaya alam kong ibibigay niya sa’yo kung ano man ang gusto mo. You deserve someone like Hope.” Ngumiti siya dito. “Sige na. Maghahanap muna ako ng signal at tatawagan ko lang si Ella.” Si Ella ang nobya nito na nasa Maynila.   “Sige.” Tuluyan na itong nagpaalam sa kanya.   Humarap naman siya ulit sa pinto ng bahay nina Hope saka napabuga ng hangin. “Kaya mo ‘to, Davis. Isipin mo na siya na ang hinahanap mo at hindi pwedeng pakawalan mo siya.” Napabuga siya ulit nang hangin.   Hindi na niya alam kung ilang beses na ba siya napabuga nang hangin ngayong araw. Talaga naman kasing kinakabahan siya.   “Ano kayang ginagawa ni Davis sa harap ng bahay ni Hope?” Narinig niyang tanong ng isang babae sa kausap nito.   “Oo nga. At ano ‘yang dala-dala niya?”   “Naku! Baka manliligaw siya kay Hope,” sabi ng isa pang dalaga. Sa tingin niya ay tatlong dalaga ang nag-uusap dahil tatlong uri nang boses ang naririnig niya.   “Ang swerte naman ni Hope. Hindi na nakapagtataka na nagkagusto sa kanya si Davis dahil maganda naman talaga siya.”   “Bagay din sila kasi magkatulad sila ng ugali. Pareho silang mabait at matulungin.”   “Sinabi mo pa.” Napabuntong-hininga ito. “Sana may manligaw din sa akin na katulad ni Davis. Kung meron talaga sasagutin ko kaagad.”   “Wala nang manliligaw sa ‘yo na katulad niya. Doon ka na lang kasi kay Berting.” Nagtawanan ang dalawang dalaga.   Napanguso naman ang isa. “Ayoko nga sa kanya. Sa ‘yo na lang siya kung gusto mo.”   Napapailing na lang siya sa mga naririnig saka bahagyang kinalma ang sarili. It’s now or never, Davis!   Nagsimula na siyang maglakad papunta sa harap ng pinto nina Hope saka kumatok. Sa ika-tatlo niyang katok ay bumukas ito at ang lola ni Hope ang nakita niya. Nakilala na niya ito nang minsan nanghingi ito ng gamot.   “Magandang umaga, Lola Belya,” nakangiti niyang bati dito.   Napatitig ito sa kanya ng mabuti. Medyo malabo na ang mga mata nito kaya minsan matagal bago nito makilala ang kausap.   Ngumiti ito nang makilala siya. “Davis! Ikaw pala. Magandang umaga din sa ‘yo.” Mas nilakihan nito ang pinto para papasukin siya. “Pasok ka, Hijo.”   “Maraming salamat po, Lola Belya.” Pinaupo siya nito sa upuan na gawa sa kahoy.   “Bakit napadalaw ka?” Tiningnan siya nito na para bang alam na nito kung anong pinunta niya dito. Hindi niya tuloy maiwasan na mahiya at mapakamot sa batok.   “Para po pala sa inyo.” Binigay niya ang isang paper bag. “May mga masasarap po na pagkain diyan at may kasama na po ‘yang mga gamot at vitamins niyo para hindi na po kayo pumunta sa bahay-pagamutan.”   “Naku! Maraming salamat, Hijo.” Kinuha nito ang paper bag saka binuksan. Nakita niya ang mga ngiti nito sa labi at napangiti siya dahil mukhang nagustohan nito ang bigay niya. “Pero alam kung hindi ako ang pinunta mo dito.”   Napakamot na naman siya sa kanyang batok. “Gusto ko po sanang magpaalam sa inyo kung pwede ko bang ligawan ang nag-iisang apo ninyo.”   “Bakit ka sa akin nagpapaalam? Hindi naman ako si Hope.”   Bahagya siyang natawa. “Pero kayo po ang lola niya. Mas maganda pong manligaw sa kanya kapag may basbas niyo po.”   Ngumiti ito sa kanya. “Wala naman akong tutol sa mga manliligaw sa kanya. Ang totoo ay gusto kita para sa kanya.” Nagkaroon siya ng pag-asa sa sinabi nito. “Mabait ka, matulungin, at may busilak na puso. Alam kong magiging mabuti ka sa apo ko, at aalagaan mo siya. Matanda na ako at gusto ko din naman na may makasama na ang apo ko kung mawawala na ako.”   Bahagya siyang nabalisa sa sinabi nito. “Hindi, Lola Belya. Hindi pa kayo mawawala. Mabubuhay pa kayo ng matagal. Makikita niyo pa kami ni Hope na ikakasal at makikita niyo pa ang apo niyo sa tuhod—” Napatakip siya sa kanyang bibig nang tumawa ito.   Shete! Nakakahiya ang mga pinagsasabi niya. Hindi pa nga siya sinasagot ni Hope ay kung anu-ano na ang pinagsasabi niya sa harap ng lola nito. Baka kung anong isipin nito tungkol sa kanya at bawiin na nito ang basbas sa kanya.   Tumatawa pa rin ito. “Natutuwa talaga ako sa ‘yo, Hijo. Hindi ko alam na palabiro ka pala.” He smiled awkwardly. Napabuntong-hininga ito. “Nasa kay Hope pa rin ang desisyon. Pero kung sasagutin ka man niya, iisa lang ang hiling ko.”   “Ano po ‘yon, Lola Belya?”   “Ang huwag mong saktan ang apo ko. Huwag mo sanang gawin ang ginawa ng ama niya sa anak ko noon.” Bigla siyang natahimik nang makita niya ang lungkot sa mga mata nito. “Kahit gusto kita para sa apo ko ay hindi ko pa rin maiwasan na matakot para sa kanya. Hindi ka kasi taga-rito at alam kong uuwi ka din sa inyo. Baka sa pag-uwi mo ay hindi ka na din bumalik gaya ng sa ama niya.”   Hinawakan niya ang kamay nito. “Alam ko pong natatakot kayo na baka maulit iyon sa apo niyo. Pero magkaiba po kami ng ama niya. Uuwi din po ako sa amin, pero babalikan ko po siya. Siya pa lang po ang babae na nakapagpatibok nang mabilis sa puso ko at nararamdaman ko na siya na ang babaeng gusto kong makasama habang buhay.”   “Hope.” Bigla siyang napatingin sa likod niya nang marinig niya ang pagtawag ng lola nito sa pangalan ng dalaga.   Nakita niya itong nakatayo hindi kalayuan sa kanila. Napakunot-noo ito. “Davis?” Mas kumunot ang noo nito saka napailing-iling. “Masyado ng matanda ang lola ko para ligawan mo.”   Napanganga siya sa sinabi nito at napatingin sa kamay nila ni Lola Belya na magkahawak. Napalabi siya dahil sa iniisip ng dalaga. Napatingin siya kay Lola Belya nang tinapik-tapik nito ang kamay niya.   “Kaya mo ‘yan,” bulong nito sa kanya saka ngumiti. Napangiti na din siya dahil pinapalakas nito ang kanyang loob. Inalalayan niya ito nang tumayo ito. “Maiwaan ko na muna kayo at ako’y magpapahinga na muna.”   “Tutulungan na po kita, Lola.”   “Hindi na.” Pigil nito sa kanya. “Kaya ko pa ito. Malakas pa ako.”   Sinundan na lang niya ito nang tingin hanggang sa makapasok ito sa kwarto nito. Isang kurtina lang ang nagsisilbing pinto sa kwarto nito.   “Nanliligaw ka ba sa lola ko, Davis?” Bigla siyang napalingon dahil sa tanong ng dalaga.   “Hindi no. Maganda ang lola mo, pero mas maganda ka.” Nakita niyang nagulat ito. Kinuha niya ang paper bag na para dito. May laman itong mga tsokolate. “Para sa ‘yo.”   “Bakit?”   “Mahal kita, Hope.” Nanlaki ang mga mata nito sa biglang pagsabi niya no’n. Napahinga siya nang malalim. “Alam ko, ilang araw pa lang tayong nagkakilala at alam kong imposible na mahalin kita agad. But when I first saw you—”   “Sandali, sandali.” Pagpapatigil nito sa sinasabi niya. Napalunok siya dahil pakiramdam niya ay busted na agad siya. “Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo.”   Natawa na lang siya saka napasapo sa noo. Nakalimutan niya. “I’m sorry—” Napakunot-noo na naman ito. “Ang ibig kong sabihin, pasensya na.” Napakagat-labi siya saka huminga ng malalim.   Nagulat na naman ito nang hawakan niya ang dalawa nitong kamay. Wala na siyang pakialam kung bawal iyon, basta ang gusto niya lang ay iparamdam dito ang tunay niyang nararamdaman.   “Mahal na mahal kita, Hope. Mahirap man paniwalaan, pero iyon ang totoo. Kahit kailan hindi pa ako nakakaramdam ng kakaiba sa mga babae na nakilala ko noon, sa ‘yo lang. Sa ‘yo lang tumibok nang mabilis ang puso ko. Noong una kitang makita ay bumilis agad ang t***k ng puso ko. Halos lahat ng senyales na hiningi ko ay nasa sa ‘yo na. Hindi ka lang maganda sa panlabas na anyo kung hindi pati ang kalooban mo, ang paborito mong tulips na paborito ko din.   “Alam kong natatakot ka na baka mangyari din sa ‘yo ang nangyari sa ina mo. Pero, Hope, magkaiba kami. Sana bigyan mo ako nang pagkakataon na iparamdam sa ‘yo ang pagmamahal ko. Ipakita sa ‘yo na seryoso ako, na hindi ako nagbibiro.” May kinuha siya sa kanyang likod saka binigay sa dalaga. “Ito ang bulaklak na Dock, ibig sabihin ay maghihintay ako. Maghihintay ako kung kailan ka magiging handa.” May kinuha na naman siyang bulaklak saka inilagay sa kamay ng dalaga. “Ito naman ang Astrantia, ibig sabihin ay katapangan. Maging matapang ka na harapin ang takot sa puso mo.   “Hindi kita minamadali, Hope. Hindi ko minamadali ang sagot mo. Bukas, maghihintay ako sa tambayan mo. Kapag dumating ka ibig sabihin pinapayagan mo na akong ligawan ka, pero kapag hindi ka dumating ay alam ko na ang sagot mo. Pero ito ang tandaan mo, Hope.” Napasinghap ito nang hawakan niya ang pisngi nito. “Kung hindi ka man dumating ay hindi ibig sabihin na susuko na agad ako sa ‘yo. Ako iyong tipo ng tao na hindi basta-basta sumusuko at hindi kita susukuan, Hope.”   Muli niyang hinawakan ang kamay nito saka hinalikan.   “Hihintayin kita bukas.”      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD